THE GRIEF OF A FATHER

1713 Words
GRIEF OF A LOVING FATHER Sa loob ng silid ni Delailah, maingat na tinapos ni Argus ang paglapat ng mga dahon panggamot sa sugat ng dalaga. Nais takpan ng matanda ang kaniyang magkabilaang tainga nang sa gayon ay hindi niya marinig pa ang nahihirapang pag-ungol ni Delailah na kahit sa pagtulog ay patuloy pa rin na humihikbi sa sandaling iyon. Gayon pa man, pilit na nilalabanan ni Argus ang matinding awa na nararamdan niya para kay Delailah. Akala niya ay manhid na ang kaniyang pakiramdam, ngunit mali siya. Ang kaninang matatag na ama ay tila kandilang nauupos sa sandaling iyon. Sadiyang hindi na mapigil pa ni Argus ang bugso ng kaniyang damdamin. Kasabay ng pagpatak ng malaking butil na luha sa kaniyang mata, kusa ring umangat ang kaniyang kaliwang kamay upang haplusin ang mukha ng anak. Pagod na siyang magpanggap. Pagod na siyang umaktong walang pakialam. Pagod na siya sa lahat! Pagod na siyang masaktan. Akala niya bato na ang kaniyang puso. Akala niya ay hindi na siya muling luluha pa. Ngunit bigo siya nang mula sa kaniyang mga mata, hindi niya namalayan ang sunod sunod na pagbagsak ng malaking butil na luha. Kasabay ng pagsilip ng hikbi sa kaniyang labi ay ang unti-unti ring pagyugyog ng kaniyang balikat. Nagpupuyos ang kaniyang damdamin. Nagtatangis ang kaniyang pusong unti-unti na namang mabasag pagkatapos ng mahabang panahong pinaghirapan niyang paghilumin ang mga sugat nito. Sabay sabay na nanghina ang kaniyang mga tuhod dahilan para padausdos siyang malugmok paupo sa kawayang sahig. Bakit? Anong nangyari sa kaniya? Anong nangyari sa isang ama na minsan ng nangangakong kailan man ay hindi na muling luluha pa pagkatapos ng kamatayan ng kaniyang asawang si Helena? Anong nangyari sa isang ama na pilit na tinatalikuran ang sariling anak nang sa gayon maihanda niya ang kaniyang sarili na hindi na muling magdusa kung darating man ang panahong mawala rin ito sa kaniya? Marahil ay hindi totoong wala siyang pakiramdam. Marahil ay hindi totoong wala na siyang pakialam pa sa nag-iisa niyang anak. Nang tuluyang malapat ang kaniyang pang-upo sa papag, doon na hinayaang ni Argus na anurin ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pag-iyak. Lumalabas ang matinding panaghoy sa nanginginig niyang mga labi. Naninikip ang kaniyang dibdib. Nais niyang sumabog. Akala niya ay hindi na masakit pa. Bakit dinaramdam niya ng labis ang sinapit ni Delailah? Sa tingin niya ay wala siyang kwenta! Muli, wala na naman siyang nagawa! Duwag siya! Paano niya nagawang talikuran ang anak na nagnanais mamalimos ng kaniyang presensiya doon sa poste kung saan ito tila hayop na nilalatigo?Nauulit na naman siya sa dati kung saan tinitingnan na lang niya ang kaniyang mahal sa buhay na nawawala sa kaniya. Wala siyang ginawa! Wala siyang nagawa! Kasabay ng kaniyang pagdadalamhati ay ang pagbabalik tanaw rin niya sa nakaraan. Ang nakaraan na iyon na siyang naging punot dulo ng kaniyang pagdurusa, na kahit ang sariling dugo at laman ay pinili niyang talikuran. "Helena!" ang pukaw ni Argus sa natutulog na asawa na naroon sa loob ng seldang pinagkulungan nito. "Argus! Hindi ka na dapat nandito!" ang nahihintakutang wika ni Helena nang matanaw ang asawa sa labas ng piitan na iyon. Lalo pang nahindik si Helena nang matanaw ang binalabal na kumot na bitbit ng asawa. Alam niyang pagkain ang laman niyon. Talagang malalagot si Argus kapag maaktuhan ito ng mga kawal na nagpupuslit ng pagkain para sa kaniya. Mahigpit na ipinagbabawal ng palasyo ang pagbibigay ng pagkain para sa mga bilanggong hinahatulan ng kamatayan. Ngunit gayon pa man, walang nakakapigil sa bugso ng damdamin ng dalawa. Pilit mang pinaghihiwalay ng rehas na bakal, ngunit nang magpang-abot, mahigpit na yakap ang sinalubong nila sa isa't isa. "Ilalabas kita rito, Helena! Pangako iyan," puno ng kasiguraduhang wika ni Argus sa asawa. "Makakalaya ka Helena. Makikiusap ako sa hari. Wala kang kasalanan. Isang malaking pagbibintang lang ang lahat. Wala silang pruweba na ikaw nga ang salarin sa pagtangkang paglason ng hari. Alam kong hindi mo kayang gawin ang bagay na ipinaratang nila sa iyo. Mananaig ang kabutihan, Helena. Kaunting panahon pa. Ilalabas kita rito." Sa araw araw na lumipas habang palapit rin nang palapit ang paghatol na kamatayan ni Helena, desperado mang mailigtas ang asawa ngunit walang ibang nagawang paraan si Argus. Wala siyang makakapitan. Walang sino man ang tumulong sa kaniya. Dahil sa kawalan ng pag-asa, ang tanging nagagawa lang niya ay ang iyakan ang nalalabing sandali ng asawang nakakulong sa selda na iyon. Bigo siya. Pilit mang ipaglaban ang buhay ng kabiyak, ngunit nauuwi rin sa wala ang lahat. Hanggang sa dumating ang mapait na sandaling iyon. Bitbit ang mga pagkain at mga basahang panlinis sa asawa, muling binaybay ni Argus ang madilim na piitan patungo sa selda ni Helena. Ngunit nadatnan niyang wala na ang kaniyang asawa sa bilangguan nito. Sinubukan niyang tawagin ang pangalan ni Helena ngunit katahimikan lang ang tumambad sa kaniya. Doon lang naalala ni Argus na sa araw na iyon nakatakdang hatulan ng kamatayan ang mga bilanggo ng palasyo. Pilit man itinatanggi, ngunit kasama sa mga bilanggong iyon ang kaniyang asawang si Helena. Kinakabahang nabitawan ni Argus ang mga dala saka mabilis na tumakbo palabas sa kulungan nang marinig niya ang nakabinging sigaw ng mga mamamayan doon sa labas ng tarangkahan ng palasyo. "Hindi!!!" nahihindik na usal niya. "Padaan ako! Pakiusap, padaan ako! Ang asawa ko! Ililigtas ko ang asawa ko!" Buong lakas na hinawi nang hinawi ni Argus ang gabahang mga mamayan na humaharang sa kaniyang dinaraanan dahil sa kagustuhan niyang makaabot sa unahan ng tarangkahan. Habang papalapit nang papalapit, patindi rin nang patindi ang amoy ng masangsang na dugo na bumabalot sa kaniyang ilong. Kasabay ng pagsara ng mga bintana sa tore kung saan nakadungaw ang mga dugong bughaw, ang tuluyang pag-abot rin ni Argus sa unahan kung saan agad na tumambad sa kaniya ang ang limang bilanggo na nahatulan ng kamatayan sa sandaling iyon. Puno ng pangambang hinanap niya si Helena. Sa wakas ay nakita niya. Nakita niya ang kaniyang asawa. Nakatayo si Helena habang nababalot ng kadena ang katawang nakatali sa bakal na 'pole'. Hindi gumagalaw! Wala itong malay na naliligo sa sariling dugo, habang ang ulo ay pugot na, na nakapatong sa paanang lupa na pinagbagsakan nito. Nginig na bumagsak ang mga tuhod ni Argus sa mabatong lupa. Dilat na dilat ang kaniyang gulat na mga matang unti-unting tinatabingan ng luha. Hindi siya makahinga! Pakiramdam niya ay may malaking bikig ang nakaharang sa kaniyang lalamunan, ni kahit ang pagsagap man lang ng hangin sa kaniyang baga ay hindi niya magawa. Nakakabingi ang pagsigaw na kumawala sa nanginginig na mga labi ni Argus. Ang sigaw niyang puno ng pait ay umalingawngaw mula sa tarangkahan ng palasyo patungo sa saan saan mang sulok ng siyudad. "Helena!!!" ang samo niya sa pangalan nito. Durog na durog siya sa sandaling iyon. Hindi niya matanggap na ganoon lang kadali para mawala ang sinisinta. Alam ng langit kung gaano niya kamahal ang asawa. Nang pumayag itong maging kabiyak niya, iyon ang pinakamasayang araw na nangyari sa kaniyang buhay. Pero, bakit? Bakit agad din itong mawawala sa kaniya? Si Helena ang kaniyang natatanging kaligayahan. Bakit ipagdamot pa iyon ng mundo sa kaniya? Sa mundo na iyon na puno ng pait, hanggang kailan siya magdusa at malunod sa tindi ng pighati? "Helena..." puno ng pagtatangis na sambit muli ni Argus. Pinipilit niyang itayo ang kaniyang mga tuhod upang makalapit sa asawa ngunit bigo siya. Tuluyang nawala sa kaniya ang kaniyang lakas sa sandaling iyon. Ngunit gayon pa man, puno ng pagmamahal na gumapang si Argus sa ibabaw ng mabatong lupa. Nagdurugo ang kaniyang mga tuhod ngunit wala siyang pakialam. Ang tanging naroon sa kaniyang isipan ay gisingin ang nakapikit na mga mata ng minamahal kahit alam naman niyang malabo nang mangyari pa iyon. Pagkatapos ng ilang sandaling paghila niya sa kaniyang katawan palapit, buong pagsamong inabot ni Argus ang pugot na ulo ng asawa. Iyon na lang ang natatanging mayroon siya. Nasusuka man ang lahat ng nakatunghay sa kaniyang ginawa ngunit wala siyang pakialam. Ipinatong niya sa ibabaw ng kaniyang hita ang ulo ni Helena at walang pakundangang pinatuluan niya ng kaniyang mga luha. Walang tigil na nagdadalamhati siya, habang sinusuklay ng kaniyang mga daliri ang brown na buhok ng asawa. "Patawarin mo ako Helena!" ang wika ni Argus sa nanaghoy nitong tinig. "Hindi man lang kita nailigtas gayong nangangako akong protektahan ka. Alam mong handa akong itaya ang buhay ko sa iyo, pero anong magagawa ko laban sa kanila? Ang pagmamahal ko sa iyo, kailan man ay hindi mawawala. Dadalhin ko ito hanggang sa aking libingan. Magpahinga ka nang tuluyan. Lumaya ka na Helena. Hayaan mo na lang akong mag-isa. Kung sa pagpikit mong ito ay katumbas rin ng iyong paglaya sa mapait na kaharian na ito, malumbay man ako at magdusa... Ipapangako ko na lang sa iyo na ito na ang huling sandaling papatak ang aking mga luha." ****** Ang mga alaalang iyon ay mas lalo lang na nagpapasidhi sa damdamin ni Argus. Hilam sa luha ang kaniyang mga mata ngunit hindi na siya nag-abalang pahiran pa iyon. Sa paglipas ng mga taon ay pinanindigan ni Argus ang huling pangako niya kay Helena. Ginawa niya. Isang patunay ang katotohanan sa kung paano niya tinalikuran ang nag-iisa niyang anak na si Delailah. Binago niya ang kaniyang pananaw sa buhay at binalot ng matinding kadiliman ang kaniyang puso. Bakit? Dahil ayaw niyang maramdaman muli ang sakit nang mamatay noon ang asawa. Natatakot lang siya na baka isang araw, mauulit na naman ang pait na pumapaligo sa kaniya na halos ikamamatay niya araw araw. Ayaw niyang mapalapit ng husto kay Delailah dahil lahat ng mga taong minamahal niya ay sapilitang kinuha sa kaniya. Baka sa paraang ganoon ay hindi mawala sa kaniya ang anak. Hindi niya alam kung ano ang bukas na naghihintay para sa kanilang dalawa. Ang mundong kanilang ginagalawan ay kapit sa patalim na puno ng lupit, at puno ng paghihirap. Isang saglit, magigising ka na lang na nawawalan ka na ng mahal sa buhay. Sino ang nakakaalam na baka bukas pagising niya bigla na rin kuhanin palayo sa kaniya si Delailah? Kaya mainam na sanayin na niya ang kaniyang sarili sa ganoong paraan, nang sa gayon kapag dumating man ang araw na mawala si Delailah sa kaniya, hindi na siya masasaktan pa. End of Chapter 3
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD