CHAPTER 4

2413 Words
Tahimik sa loob ng kwarto si Theo na nagsisilbing opisina niya dito sa bahay. Nakaupo siya sa isang upuan habang nakatingin sa kawalan. Hawak-hawak at nakapatong sa ibabaw ng mga hita niya ang isang gitara na lagi niyang ginagamit kapag tumutugtog. Tinitipa-tipa niya ito at kahit hindi siya nakatingin sa ginagawa ay nakakalikha pa rin siya ng kaaya-aya sa pandinig na tunog. Wala man siyang eksaktong tunog at awiting sinusundan ay tila may sariling isip ang mga daliri niya na kusang gumagawa ng melody na maihahalintulad sa melodiya ng isang awiting kakantahin rin nito kinalaunan. Pamaya-maya ay nagbuntong-hininga si Theo na hanggang ngayon ay iniisip ang naging usapan nila ni Ronnie kanina. “Sinong mag-aakala na makakapag-usap kami ng ganoon? Kahit ako ay hindi ko ‘yon inakala dahil sa palagian niyang pagpunta dito sa bahay kasama si Sofia, hanggang tingin lang ang nagiging ugnayan naming dalawa dahil ayaw ko rin naman siyang kausapin. Hindi ko maikakaila na nadala ako sa usapan namin,” bulong ni Theo. Masasabi ni Theo na may sense namang kausap si Ronnie, ‘yun nga lang, para sa kanya ay masyadong matalas at diretsahan ang dila nito kung magsalita. Hindi man lang nito iniisip na pwedeng nakakasakit na ang bawat salitang lumalabas sa bibig nito. Aminado siya na may bahagi sa kanya na nasaktan sa mga sinabi nito lalo na at patungkol sa pagmamahal niya para kay Sofia. Sa kabilang banda, hindi rin naman itatanggi ni Theo na may mga punto rin naman ang mga sinabi ni Ronnie sa kanya. Huminga ulit ng malalim si Theo. “Sabi nga, ang pinakamasakit na salitang maririnig ng isang tao sa buong buhay niya ay ang katotohanan na pilit mong itinatanggi sa sarili kahit na kitang-kita naman,” aniya. Kumurba ng maliit na ngiti ang labi ni Theo. Ilang sandali pa ay naputol ang kanyang pagkakatulala at napalingon sa pintuan ng kwarto dahil narinig niya langitngit nito. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Ronnie na ningitian naman siya ng siya’y makita. “A-Anong ginagawa mo rito?” nautal na tanong ni Theo. ‘Bakit ba ako nauutal kapag kaharap at kausap ko siya? Bwisit!’ naiinis na wika niya pa sa kanyang isipan. “Ang boring sa baba kapag walang kausap,” sagot ni Ronnie na tuluyang pumasok at isinara ang pintuan. Naglakad siya ng dahan-dahan palapit kay Theo. “Iwanan ba ako sa baba ng nag-iisa lang?” sabi pa nito saka umismid. “Eh ‘di sana umuwi ka na lang,” ani Theo. “Ayoko pang umuwi,” wika ni Ronnie saka umismid pa. Hindi na nagsalita si Theo at tinitingnan lang niya si Ronnie. Huminto sa paglalakad si Ronnie. Tumayo siya sa harapan at malapit kay Theo. Napansin niya ang hawak at kandong-kandong nito na gitara. “Wala pa ba siya?” tanong ni Theo matapos ang ilang minutong tahimik siya. “Wala pa,” pagsagot ulit ni Ronnie. Pamaya-maya ay ningitian niya ulit si Theo. “You know what? Bukod sa pagiging tanga ay isa ka ring malaking sorpresa para sa’kin,” dugtong niya pa habang tinitingnan ng diretso si Theo. Kumunot ang noo at medyo nagsalubong ang pares ng kilay ni Theo. “Ako? Malaking sopresa?” nagtatakang tanong niya at itinuro pa ang kanyang sarili. Tumango-tango si Ronnie. Muli siyang naglakad at nilapitan niya ang lamesa na nagsisilbing office desk ni Theo at doon sinandal ang kanyang pwetan at hinalukipkip ang kanyang mga braso sa harapan ng kanyang dibdib. “Tarantado ka kasi,” natatawang sabi ni Ronnie na ikinalukot ng mukha ni Theo. “I mean... talentado pala,” natatawang paglilinaw niya. Nananatiling lukot ang mukha at nagtataka si Theo. Inismiran naman siya ni Ronnie. “Magaling at masarap kang magluto. Mukhang magaling ka ring tumugtog ng gitara dahil hindi mo naman hahawakan ‘yan para paglaruan lang at hindi rin malayong magaling ka ding kumanta,” sunod-sunod na salita ni Ronnie. Hindi niya maitatanggi na may paghanga siya na nararamdaman. “Hindi malayong magugulat muli ako kung may iba pa akong matutuklasan pagdating sa’yo,” sabi pa nito. Napaiwas nang tingin si Theo. Binitawan niya ang hawak na gitara at sinandal iyon sa inuupuan niya. “Ang dami mong sinasabi,” bulong niya. “Hindi ko na tuloy maintindihan si Sofia kung bakit ka niya niloloko at sinasaktan,” sabi pa ni Ronnie. ‘Hindi ka dapat niya sinasaktan,’ isip-isip niya pa. Tipid na lang siyang ngumiti. Hindi nagsalita si Theo. Nanatili lamang itong nakaiwas nang tingin kay Ronnie. “Pwede mo ba akong tugtugan?” request ni Ronnie na muling ikinatingin ni Theo sa kanya. Mababakas ang pagkagulat sa kanyang mukha. “At bakit naman kita tutugtugan?” takang-tanong ni Theo. Nag-smirk si Ronnie. “Gusto kong makita at marinig kung magaling ka nga sa gitara at kung maganda ang boses mo,” sagot niya. “Malay mo, kunin kita bilang isa sa mga musician sa mga event na io-organize ng kumpanya ko. Malaki rin ang kikitain mo per performance,” sabi nito. “Babayaran mo ako ng pera?” takang-tanong na naman ni Theo. Mulutong na tawa ang pinakawalan ni Ronnie. “Malamang. Bakit? May iba ka bang gusto na kabayaran bukod sa pera?” makahuluhang tanong niya. “Name it at ibibigay ko ‘yan,” nangingiting sabi niya pa. Nagtatakang nakatingin lang si Theo kay Ronnie. ‘Anong ibig niyang sabihin?’ tanong nito sa isipan. Matalino siya pero minsan, slow. Muling natawa si Ronnie saka iniling din ang kanyang ulo. “Sige na at tugtugan saka kantahan mo na ako,” utos niya. “Kailangan mo munang dumaan sa matalas at mapanuri kong tenga bago kita kunin bilang musician,” kanya pang dugtong. “Ayoko nga,” pagtanggi ni Theo sabay iwas nang tingin. “Bakit ko siya tutugtugan? Sino ba siya?” magkasunod na tanong niya pa ng pabulong. “Fifty thousand pesos,” ani Ronnie na muling ikinatingin sa kanya ni Theo. “Fifty thousand pesos?” nagtatakang tanong ni Theo. Tumango-tango si Ronnie. “‘Yan ang ibabayad sayo sa oras na kunin kitang musician sa bawat event na gagawin ng kumpanya,” aniya. “Take note... bawat event,” diin niya pa. Nagbaba nang tingin si Theo. Iniling niya ang kanyang ulo. “Ayoko,” pagtanggi niya ulit. Kaya niya iyong kitain sa loob lamang ng isang buwan. Umismid si Ronnie. “Pakipot,” bulong niya pa. “One hundred thousand,” aniya. Muling napatingin sa kanya si Theo na nanlalaki pa ang mga mata. “One hundred thousand per event. Name your currency,” aniya pa. “Seryoso? Magbabayad ka ng malaki para lang sa pagkanta?” hindi makapaniwalang tanong ni Theo. “Marami akong pera,” pagyayabang ni Ronnie. “Kaya kong bumili ng isla... hindi lang isa kundi maraming isla ang kaya kong bilhin,” sabi pa niya. “Yabang,” bulong ni Theo. Huminga siya ng malalim. “Hindi naman ako professional para bayaran mo ng malaki,” wika niya pa. “So?” tanong ni Ronnie na bahagyang magkasalubong ang pares ng kilay. “Kailangan ba professional o licensed ka para magbayad ako ng malaki para sa pagkanta at pagtugtog mo?” tanong pa niya. “Isa pa, sa tingin ko naman magaling ka,” aniya pa. “Paano ka naman nakakasiguro na magaling nga ako?” pagtatanong pa ni Theo. “‘Yun ang tingin ko,” sagot ni Ronnie. “‘Yun ang tingin mo?” patanong na sabi ni Theo. Ngumiti si Ronnie. “Bigyan mo na lang ako ng sample. Ang dami mo pang sinasabi,” may pagkainip na saad niya. “Asawa ko lang ang tinutugtugan at kinakantahan ko-” “One hundred fifty thousand... dollars,” pagsabat ni Ronnie na muling ikinatingin ni Theo sa kanya. Dilat na dilat ang mga mata niya sa sobrang pagkagulat at hindi pagkapaniwala. “Take it or leave it,” dugtong pa ni Ronnie. ‘One hundred fifty thousand dollars? Totoo? Magbabayad siya ng ganoon kalaki? Tapos dollars pa? Sobrang laki nun!’ Napaisip si Theo. Lumunok siya. Hindi naman siya mukhang pera pero kung babayaran siya ng ganoon kalaking halaga, madadagdagan na ang pera niya sa bangko tapos mabibili niya pa ang mga gusto ni Sofia. Tahimik naman na nakatingin si Ronnie kay Theo. Nangingiti ang labi niya habang pinapanuod niya ito mag-isip. ‘Bakit ang cute ng lalaking ‘to kapag nag-iisip?’ isip-isip ni Ronnie. Mahina na lang siyang natawa. Kinagat niya pa ang kanyang ibabang labi para mapigilan ang lalong pagngiti nito. Patuloy naman na nag-iisip si Theo. Nagdadalawang-isip siya kung tatanggapin niya ba ang offer o hindi. “Pero hindi ko kayang humarap ng personal sa maraming tao,” naisatinig ni Theo ang dapat sana ay sa utak lang niya sinabi kaya narinig iyon ni Ronnie. “Eh ‘di kayanin mo,” ani Ronnie na muling ikinatingin sa kanya ni Theo. ‘Narinig niya ang sinabi ko sa utak ko?’ nagtatakang tanong niya pa sa kanyang isipan. Ngumisi si Ronnie. “Lahat na lang hindi mo kaya. Hindi mo kayang makipaghiwalay sa manloloko mong asawa tapos pati ba naman ang humarap sa maraming tao,” sarcastic na sabi pa niya. Nagbaba nang tingin si Theo. Nagbuga siya ng hininga. Napailing-iling naman si Ronnie. “Kung kanina ay hindi ko maintindihan si Sofia kung bakit ka niya niloloko ng harap-harapan, ngayon ay naiintindihan ko na. Bukod sa tanga ka, ang hina pa ng loob mo,” diretsahang sabi ni Ronnie na muling ikinatingin sa kanya ni Theo ng masama. “G*go ka,” pagmumura ni Theo kay Ronnie. “Bakit? Hindi ba totoo?” maangas na tanong ni Ronnie habang nakatitig sa mga mata ni Theo. Muling nagbaba nang tingin si Theo. Tiningnan niya ang kanyang gitara. Bumuga ulit siya ng hininga at pamaya-maya pa ay hinawakan niya ang handle ng gitara at muli itong kinandong sa mga hita niya. Napangiti naman si Ronnie na nakasulyap lamang kay Theo. “Effective ang pang-iinsulto ko sa kanya,” bulong niya. “Bumigay din siya,” dugtong pa niya. “Sige na at simulan mo na para ma-judge na kita,” utos ni Ronnie. Sandaling tiningnan ni Theo si Ronnie. Ilang sandali pa ay umiwas rin siya ng tingin dito saka muling huminga siya ng malalim. Hindi nagtagal ay tinono niya ang gitara. Lumipas pa ang sandali ay tinitipa-tipa na nito ang strings ng gitara na lumilikha na ng tunog. Napangiti si Ronnie na nakikinig naman sa pagtugtog ni Theo. ‘Para sa one hundred fifty thousand,’ wika ni Theo sa kanyang utak. Nagsimula si Theo na tugtugin ang tono ng kantang aawitin niya. Tumingin siya kay Ronnie na nasa kanya pa rin ang tingin ng mga mata nito. Muli na lamang niyang tiningnan ang hawak niyang gitara. Pamaya-maya ay nagsimulang kumanta si Theo habang patuloy sa pagtugtog sa kanyang gitara. Pinapakinggan namang mabuti ni Ronnie ang pag-awit ni Theo. Hindi niya maikakaila na magaling nga tumugtog at maganda ang boses nito. Nakakalma ang pakiramdam niya sa boses nito. Nakatingin lamang si Theo sa kanyang gitara habang kumakanta. Ramdam na ramdam niya sa kanyang kalooban ang lungkot. Hindi naman niya ikakaila na para kay Sofia ang kinakanta niya na malungkot na kanta ng pag-ibig. Ang babaeng una at sa tingin niya ay huling niyang mamahalin sa buong buhay niya. Hindi naman naalis ang tingin ni Ronnie kay Theo. Naramdaman niya ang lungkot sa boses nito. Napailing na lang siya. Patuloy lamang sa pagtugtog at pagkanta si Theo na dalang-dala na sa ginagawa niya. Sa pagtugtog niya inilalabas ang tunay na nararamdaman niya at sa pagkanta naman niya inilalabas ang mga gusto niyang sabihin. Nagbaba nang tingin si Ronnie. Ilang sandali lang ay ipinikit niya ang kanyang mga mata habang pinapakinggan ang pag-awit ni Theo. Pinipipigilan ni Theo na maluha. Damang-dama niya ang pagkanta pero hindi niya hahayaang tumulo ang luha niya sa harapan ng kabit ng asawa niya. Hindi niya hahayaang pati ang pagluha niya ay makita ni Ronnie. Ayaw niyang makita nito ang pagiging talunan niya. Muling idinilat ni Ronnie ang kanyang mga mata at tumingin kay Theo. Huminga siya ng malalim. ‘Bakit kung sino pa ‘yung mga totoong nagmamahal ay sila pa ang sinasaktan?’ sa isip-isip na tanong ni Ronnie. ‘Tsk! Pati ako ay nahahawa sa kalungkutan niya,’ aniya pa. Nagpapatuloy pa rin si Theo kahit na sobrang sakit na ng nararamdaman niya. Kung ito lang ang paraan para mailabas niya kahit na sa pagkanta lang ang nararamdaman niya ay gagawin niya para kahit papaano ay gumaan ang kanyang dinadala. Natapos sa pagtutog at pagkanta si Theo. Tumingin siya kay Ronnie na umismid naman ang labi nang tapunan siya nito ng tingin. “Maganda ang boses mo,” pagpuri ni Ronnie kay Theo. “Okay ka ding tumugtog,” aniya pa. “Ibig bang sabihin ay kukunin mo ko?” tanong ni Theo. Ningitian ni Ronnie si Theo. Tinitigan niya pa ito. “Bakit? Magpapakuha ka ba?” makahulugang tanong nito. Kumunot ang noo at nagsalubong naman ang mga kilay ni Theo. Napangiti na lamang si Ronnie sa nakitang reaksyon ng huli. “I will contact you once na maayos na ang mga event schedules kaya maghanda ka na rin para sa contract signing,” ani Ronnie. Tinango ni Theo ang kanyang ulo. Hindi na lamang niya pinansin ang mga naunang sinabi ni Ronnie at ngumiti siya. Hindi naman maikakaila ni Ronnie na mas lalong gumagwapo ang mister ni Sofia kapag ngumingiti. “‘Yung pangako mong one hundred fifty thousand,” sabi ni Theo. Ngayon pa lang, nae-excite na siya sa magiging sweldo niya kahit hindi pa siya nagpe-perform. “Hindi ako bumabali ng salita,” ani Ronnie saka nag-smirk. “Dollars ba o Euro? Pwede ding Yen o Won o kahit na anong currency pa ‘yan,” dugtong niya pa. Ngumiti nang maliit si Theo. “Pesos na lang,” sagot niya. Nahihiya din kasi siya dahil para sa kanya ay hindi naman pang-dolyar o euro ang talento niya. “Pero, bigla kong naisip si Sofia. Hindi pa ako nagpapaalam sa kanya. Baka hindi niya ako payagan,” sabi pa nito. “Akong bahala sa kanya,” saad ni Ronnie. “Nakikinig siya sa’kin,” may himig ng kayabangan na sabi pa niya. Kumurba nang pilit na ngiti ang labi ni Theo. ‘Mabuti pa siya at pinapakinggan ni Sofia,’ sa isip-isip niya. Nananatili namang nakatingin si Ronnie kay Theo na nagbaba nang tingin mula sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD