CHAPTER 1

3104 Words
Tumigil muna sa pagpupunas ng lamesa si Theo Endrinal, bente-syete anyos nang makarinig ng mga yabag pababa ng hagdanan. Mabilis niyang binitawan sa ibabaw ng lamesa ang hawak na basahan saka dali-dali siyang pumunta sa dulo ng hagdanan para salubungin ang asawang si Sofia, bente-singko anyos. Nakahanda at nakasuot na ito ng kulay black na ladies suit na sexy ang hubog sa kanyang katawan at papasok na sa opisina. Tinaasan ng kanang kilay ni Sofia si Theo nang makita niya itong nasa dulo ng hagdanan at nakatayo doon. Huminto at tumayo sa ikatlong baitang ng hagdanan si Sofia. Hinawakan niya ang hawakan nito. “Bakit ka nandiyan? Ano’ng kailangan mo?” mataray na tanong niya habang nakataas pa rin ang kanan niyang kilay. Tipid na ningitian ni Theo si Sofia. Hindi na lamang niya pinansin ang pagtataray ng kanyang asawa. “Sixth wedding anniversary natin ngayong araw,” pagpapaalala ni Theo kay Sofia. Tumingin siya sa kanang kamay ni Sofia at hinanap ang wedding ring na suot nito ngunit nakaramdam siya ng pagkabigo nang hindi niya nakita iyon sa palasingsingang daliri ng asawa niya. Kumurba ng pilit na ngiti ang labi niya. “So? Ano naman ngayon?” mataray at sarcastic na tanong ni Sofia. Binitawan niya ang hawakan ng hagdanan saka namaywang. Wala naman kasi siyang pakiealam. Hindi nga niya iyon naalala at para sa kanya ay sayang lang sa oras para alalahanin pa niya. Tiningnan ulit ni Theo sa mukha si Sofia. “Anong oras ka uuwi mamaya? Maghahanda kasi ako para sa celebration nating dalawa-” “Hindi ako uuwi mamaya,” sagot kaagad ni Sofia na ikinahinto ni Theo sa pagsasalita. Tiningnan niya ng diretso si Theo na mababakas ang pagkagulat sa kanyang mukha. “May date ako after work kaya huwag mo na rin akong hintayin pa,” dugtong pa niya. “And pwede ba, wala naman akong pakiealam sa wedding anniversary ek-ek natin na ‘yan kaya huwag mo nang ipilit pa sa’kin na maki-celebrate sa’yo,” aniya pa saka muling naglakad pababa ng hagdanan. Nilagpasan niya si Theo na napahinga na lamang ng malalim. Naalala ni Theo, noong una lang sila nag-celebrate ng wedding anniversary nila, ang araw na iyon ang pinakamasaya para sa kanya dahil punong-puno ng pagmamahal pero ilang araw pa lang ang lumilipas sa ikalawang taon nila, nagbago na ang lahat. ‘Yun ang una at huli na nag-celebrate sila ng kanilang wedding anniversary na magkasama. Walang araw na hindi hiniling ni Theo na sana ay bumalik na sila sa dati ni Sofia. Palagi niyang hinihiling na sana ay magbalik ang dating Sofia na minamahal niya. Hindi niya itatanggi na miss na miss na niya si Sofia. “Siya na naman ba ang kasama mo mamayang gabi?” seryosong tanong ni Theo na hinabol nang tingin si Sofia. Huminto ulit sa paglalakad si Sofia saka nilingon ang kanyang mister. Ningitian niya ito ng matamis. “Yeah,” pagmamalaki ni Sofia. “Siya nga ang makakasama ko magdamag mamayang gabi,” sabi pa niya. “Marami kaming gagawin kaya naman kulang pa ang magdamag. So para magawa namin ang lahat ng ‘yon, hindi na lang ako uuwi,” aniya pa. Bumakas ang pagkadismaya sa mukha ni Theo. Palagi na lang siyang nadidismaya ngunit wala naman siyang magawa. “Hanggang kailan mo ba siya gagawing kabit mo?” tanong niya ng diretsahan. Tinaasan ulit ng kilay ni Sofia si Theo. “Corrected by, he’s my boyfriend at hindi ko siya kabit-” “At ako ang asawa mo,” mabilis na wika ni Theo saka hinarap niya ang asawa na si Sofia. “Asawa mo pa rin ako, damdamin mo lang ang nagbago,” sabi pa nito. “Please naman, kahit bilang asawa mo lang, respetuhin mo naman ako,” nagmamakaawang pakiusap niya habang nakatitig kay Sofia. Tinawanan ni Sofia ang sinabi ni Theo. Hinarap niya ito. “Kung gusto mo ng respect, hiwalayan mo na kasi ako,” malamig na wika niya. “Alam mo naman na simula pa noon, sa papel na lang tayo mag-asawa. Nakikipaghiwalay na ako sa’yo pero palagi mo sa aking pinipilit na ayaw mo, na palagi kang nagmamakaawa para huwag ka lang iwan tapos ngayon kung umasta ka ay parang aping-api ka,” saad pa niya. Mababakas sa tono niya ang pagkadisgusto. “Sa totoo lang, sarili mo ang nananakit sa’yo at hindi ako,” paninisi niya pa. “Mahal na mahal kita Sofia-” “At hindi na kita mahal,” hindi kumukurap na sagot ni Sofia na dumagdag sa sakit na nararamdaman ni Theo. Gumuhit iyon sa kanyang mga mata. “Hindi na kita mahal. Filipino dubbed na ‘yon kaya sana naman maintindihan mo na,” sarcastic na sambit niya pa. Pinilit ngumiti ni Theo. “Mahal mo ako... alam ko mahal mo ako-” “Hindi na nga kita mahal. Bakit ba ang kulit mo?” diin ni Sofia. Napairap siya sa sobrang inis. “Sige aaminin ko, noong una mahal nga kita... kasi na-excite ako sa’yo. Inisip ko kung ano nga ba ang feeling na may matalinong boyfriend at asawa. Noong una masaya naman ako pero habang tumatagal, nagsisisi ako na pinakasalan kita kasi ang boring mo pala. Sobrang boring mo.” Natawa pa siya. “Kaya ‘yung pagmamahal ko, naging sawa na. Nagsawa na ako sa’yo. Sawang-sawa na ako sa’yo to the point na nasusuka na ako,” masasakit na sabi pa nito habang titig na titig pa sa mukha ng mister niya na kita niyang nasasaktan sa mga pinagsasabi niya. Ningitian niya pa ito. “Nagtataka nga ako, naturingang may pinag-aralan ka at matalino ka naman pero ang tanga-tanga mo dahil imbes na iwan mo na ako dahil puro pasakit lang naman ang dala ko sa’yo, ito ka at nananatili ka pa rin sa tabi ko,” litanya pa niya. Hindi na nakaimik si Theo at bahagya siyang napayuko. Napahinga na lamang siya ng malalim. Masakit pero pinapakinggan niya ang lahat ng sinasabi ng misis niya. ‘Siguro nga, sobrang tanga ko na pero mahal na mahal ko kasi siya kaya kahit ang pagiging tanga, handa akong maging para lang sa kanya. Handa akong maging tanga huwag niya lang akong iwan,’ isip-isip niya. “Kaya bago pa lumala ng todo ang katangahan mo, hiwalayan mo na ako,” ani pa ni Sofia. “O baka naman hindi na ‘yan katangahan, obsession na ‘yan.” Muli siyang natawa. Muling tiningnan ni Theo si Sofia. “Alam mo naman na hindi ko kayang makipaghiwalay sayo, respeto lang naman ang hinihingi ko-” “Then magtiis ka. Parusa ‘yan sa pagkulong mo sa akin sa kasal na wala ng kwenta para sa’kin. Parusa ‘yan dahil kinukulong mo ako sa mga bisig mo kahit ayoko na ng yakap mo. Parusa ‘yan sa kalayaang pilit mong ipinagkakait sa akin. Parusa ‘yan sa pagiging makasarili mo,” mabilis na wika ni Sofia at inirapan pa ang mister na si Theo bago ito muling talikuran at parang model na naglakad palabas ng bahay. Inayos niya ang pagkakasukbit ng dala niyang red shoulder bag sa kanyang balikat. “Bwisit! Ang hilig niyang manira ng umaga,” pasinghal niya pang sabi. Nakasunod na lamang ang tingin ni Theo kay Sofia. Sumilay ang malungkot na ngiti sa kanyang labi. “Ano bang nakita mo sa kanya? Dahil ba sa mayaman at may malaki siyang kumpanya? Dahil ba sa gwapo siya? Dahil ba sa mas malaki ‘yung kanya?” Ibinuntong-hininga na lamang ni Theo ang kanyang mga mapait na sinabi. Hindi naman pinili ni Theo na maykaya lang ang estado niya sa buhay. Hindi naman niya pinili na ganito lang siya, isang home-based English teacher ng mga estudyanteng Chinese. Hindi niya pinili na maging kulang para kay Sofia. Aminado si Theo na may mga pagkukulang siya pagdating sa pagbibigay ng mga nais nito ngunit palagi niyang sinisiguro na hindi siya nagkukulang pagdating sa pagmamahal sa asawa. Sobra niya itong mahal na kahit ang lahat ng meron siya, kahit ang wala ay pinipilit niyang ibigay para lamang dito pero palagi na lang nitong binabalewala. Malakas na nagbuga nang hininga si Theo. Pinipigilan niya ang kanyang sarili na magalit, na magwala, na manakit kahit na ang totoo, may bahagi sa kanya na gusto na niya iyong gawin, hindi kay Sofia kundi sa lalaki nito. Ang lalaki nitong laging inuuwi ng asawa sa bahay nila. Ang lalaki nitong mas gusto pang kasama ng misis niya kaysa sa kanya. Ang lalaki nitong mas pinapahalagahan pa ng kanyang misis kaysa sa kanya na mismong mister niya. --- “Hoy! Hinay-hinay lang sa pag-inom diyan at baka malunod ka na,” pagsaway ni Paulo, bente-otso anyos sa kaibigang si Theo na patuloy naman sa pag-inom ng alak. Sunod-sunod ang pag-inom nito na tila mauubusan. “Hindi ka naman namin uubusan ng beer kaya dahan-dahan lang,” aniya pa. Nasa sala sila ngayon ng bahay ng huli kasama pa ang isang kaibigan na si Ruru, bente-syete anyos at mas matanda lang ng isang buwan kay Theo. Mga binata sila at madali ring makabingwit ng mga kababaihan dahil sa may angkin rin namang kagwapuhan. Pinapunta ni Theo ang mga ito sa bahay para may makasamang uminom at makausap na rin dahil hindi naman uuwi si Sofia. Sa halip na ang asawa niya ang kasama niya ngayong wedding anniversary nila, mga kaibigan niya ang kasama niyang nagce-celebrate. “Hulaan ko problema niyan,” sabat ni Ruru na nakadekwatro sa pag-upo. Tiningnan ni Paulo si Ruru na nakaupo sa single sofa. “Huwag mo nang hulaan. Alam ko rin naman ang sagot,” aniya na ikinangiti saka iling ni Ruru. “Sabagay, wala pa rin namang nagbabago,” wika ni Ruru. “Asawa pa rin ang problema,” sabi pa nito. Napatingin sa kanila si Theo na medyo namumula na ang balat dahil sa pag-inom. “Tama naman kami, ‘di ba?” tanong ni Paulo sa katabing si Theo habang sinasalubong niya ang pagtingin nito. Parehas sila ng inuupuan na mahabang sofa. Nagbaba nang tingin si Theo at patuloy na uminom ng alak. Nanatili lang siyang tahimik. Huminga nang malalim si Ruru. “Ikaw naman kasi, hinahayaan mo lang na iniiputan ka sa ulo at sinasalo mo pa,” salita niya kay Theo. “Hinahayaan mo lang na patuloy kang ginag*g*,” dugtong pa niya. “Ewan ko ba diyan. Masyadong martir na wala na sa lugar,” naiinis na sabi naman ni Paulo. “Hindi pa nakikinig. Para siyang bingi kapag sinasabihan natin siya,” dismayadong dagdag niya pa. “Hiwalayan mo na kasi siya. Alam mo naman na sirang-sira na kayo at wala ng pag-asa,” diretsahang payo ni Ruru. Hindi naman sa dino-down nila ang kaibigan, nagsasabi lang sila ng totoo at nililigtas pa nga nila ito sa lalong pagkalubog. “Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang sinabi ito sa’yo pero sana naman... sana naman makinig ka na,” aniya pa sa madiin na tono. Muling napatingin si Theo sa mga kaibigan. “Alam niyo naman na hindi ko siya kayang hiwalayan. Masyado ko siyang mahal-” “Mahal mo nga siya, mahal ka pa rin ba?” tanong kaagad ni Paulo. Minsan ay naiinis na rin siya sa kaibigan. Siya kasi ‘yung tipo ng tao na diretsahan, halos parehas sila ni Ruru kaya nga laging nakakatikim ng sermon si Theo mula sa kanilang dalawa. Para itong bata na palagi nilang pinagsasabihang mag-ingat kapag nagkakasugat sa tuhod. Noong una ay tinutulungan pa nina Ruru at Paulo si Theo na ayusin ang pagsasama nila ng misis nito ngunit nang tumagal na ang panggag*go ni Sofia sa kanilang kaibigan, pinili na nilang payuhan nang paulit-ulit si Theo na hiwalayan na lang niya ang misis dahil sa kanilang palagay ay wala ng pag-asa pa na maging maayos ang pagsasama ng dalawa. “Pare, marami namang iba diyan. Malay natin sa iba mo matagpuan ‘yung gusto mong pagmamahal at pagpapahalaga na gusto mong maramdaman. Baka kapag pinalaya mo ang sarili mo, doon ka pa mas maging masaya,” ani Ruru kay Theo. “Huwag kang magtiis sa so-so lang, gwapo ka naman kaya sure akong makakakita ka ng iba na totoong magmamahal at magpapahalaga sa’yo,” wika pa niya. “Mahirap lang sa umpisa pero ganoon naman palagi, ‘di ba? Palaging mahirap sa una pero eventually, mamamalayan mo na lang na sobrang masaya ka na at hindi ka nagsisisi na pinili mo ang dapat,” aniya pa. “Hindi sila si Sofia,” saad ni Theo na tila hindi pinakinggan ang mga sinabi ni Ruru. Nagbuntong-hininga siya. “At hindi ko rin kayang ipagpalit siya sa iba. Pagmamahal at pagpapahalaga lang niya ang gusto kong maramdaman at mas magiging masaya ako kapag siya ang nagparamdam nun sa’kin,” sabi pa nito. Muling uminom ng alak. “Sinasabi mo lang ‘yan kasi hindi mo sinusubukan,” wika pa ni Ruru. “Kaya mo naman na maghanap ng iba pero ayaw mo lang,” kanya pang saad. “Hindi dahil mahirap para sa’yo kundi dahil ayaw mo lang tumingin sa paligid mo at mas pinipili mong magdusa,” aniya pa habang nakatitig kay Theo. “Sa totoo lang, hindi na nga yata pagmamahal ‘yang nararamdaman mo, obession na yata ‘yan,” dugtong pa niya. Bahagyang iniling ni Theo ang kanyang ulo. “Pagmamahal ‘to. Pagmamahal itong nararamdaman ko,” bulong niya. Nagbuga naman ng hininga si Paulo. “Malala ka na. Magtira ka naman para sa sarili mo. Kaya siguro pati utak mo naaapektuhan na kasi pati pride, nilunok mo na nang nilunok hanggang sa malason ka na,” aniya. Awang-awa naman si Ruru sa kalagayan ng kaibigan. Kung pwede lang sana talaga nila ito bugbugin, iuntog ang ulo sa pader para lang bumalik sa katinuan, ginawa na nila kaso baka naman makasuhan pa sila ng physical injury. “Pare, please lang, nagmamakaawa na ako sa’yo, hiwalayan mo na ang asawa mo,” mariing pakiusap pa ni Paulo. “Gusto mo bang lumuhod pa ako sa harapan mo para lang sumunod sa akin?” tanong niya pa. “Hindi na kasi okay. Bukod sa hindi na niya pinapahalagahan pa ang kasal ninyong dalawa, hindi ka na rin niya pinapahalagahan pa. Ang saklap lang kasi hindi ka na nga niya mahal, wala pa siyang pagpapahalaga pagdating sa’yo,” litanya niya pa. “Mahalaga ako sa kanya,” paniniwala ni Theo. Iyon pa rin ang pinaniniwalaan niya kahit na hindi naman na niya iyon nararamdaman sa misis niya. “Huwag kang ngang bulag. Kung mahalaga ka pa rin sa kanya, bakit niya nagagawang g*guhin ka? Bakit niya nagagawang paulit-ulit kang saktan?” sabat ni Ruru. Huminga siya ng malalim. “Lagi mong tandaan, magkasama ang pagmamahal at pagpapahalaga pero sa kaso niya, kahit isa sa mga ‘yan ay hindi na namin nakikitang ibinibigay niya sa’yo,” aniya pa. Salitang tiningnan ni Theo sina Paulo at Ruru. “Mga kaibigan ko ba talaga kayo? Bakit ba kayo ganyan sa akin? Imbes na suportahan niya ko, lalo niyo lang akong ibinabagsak eh,” aniya sa galit na tono. Ngumisi si Paulo. “‘Yan ka na naman.” Ilang beses na niyang narinig kay Theo ang mga salitang sinabi nito na sinisisi pa sila ni Ruru kung bakit palagi nila itong pinagsasabihan at pinagagalitan. “Palagi na lang kasing ulo mo ang pinapatigas mo,” sermon niya pa. “Puso mo naman ang patigasin mo ngayon para hindi ka nasasaktan ng ganito,” sabi pa niya. “Nag-aalala lang naman kami sa’yo. Kaibigan mo kami kaya natural lang na mag-aalala kami kapag nakikita naming lugmok at nasasaktan ang kaibigan namin,” pagsabat ni Ruru. Nagbuga pa siya ng hininga. “Mas lalo pa kaming nag-aalala kapag matigas ang ulo niya at hindi kami pinapakinggan kahit hindi na mabilang sa daliri kung ilang beses na namin siyang pinagsabihan,” pagpaparinig niya pa kay Theo. “Tama, ang tigas-tigas nga ng ulo niya.” Huminga nang malalim si Paulo. “Kaibigan mo kami at tunay na tunay pa nga kaya nga kami nandito sa tabi mo at dinadamayan ka sa pag-inom mo. May mga oras na sumusuporta kami sa’yo pero huwag mo kaming aasahan na susuporta pagdating sa pangit ng relasyon ninyo ng asawa mo,” aniya pa. Nilagok niya ang alak na nasa hawak niyang baso. “Para kang bumubuo ng isang basong nalaglag sa sahig at nabasag na. Kahit anong effort mo na idikit ang bawat piraso ng bubog at kahit na ang pinakamaganda pang pandikit ang gamitin mo, hindi na ito magiging baso pa na gaya ng dati, hindi na nga naibalik sa pagiging baso na pwedeng lagyan ulit ng tubig, nasugatan ka pa,” sabi pa nito. “Palagi lang kaming nandito para sa’yo, Theo. Handa kaming damayan ka sa oras na bagsak na bagsak ka na, at sinasabi namin ang lahat ng dapat mong marinig para umangat ka kasi sa totoo lang, awang-awa na kami sayo. May kakayanan ka naman para itaas ang sarili mo kahit wala ang tulong namin pero hindi mo ginagawa kaya kami na ang gumagawa,” salita naman ni Ruru. “Please lang, tulungan mo ang sarili mo,” pakiusap niya pa habang nakatitig kay Theo. Napabuntong-hininga naman si Paulo. “Pero kung palaging matigas ang ulo niya, sa tingin ko, wala na rin tayong magagawa para sa kanya, Ruru.” Huminga ulit siya ng malalim habang nakatingin kay Theo na nagpatuloy lang sa pag-inom, parang wala na naman itong naririnig. Kahit sila, nawawalan na ng pag-asa para sa kaibigan. “Lahat na ng payo ay sinabi na natin sa kanya pero wala... wala lang sa kanya,” dismayadong sabi pa niya. “Tama ka, ilang taon na rin nating inaangat si Theo pero wala, walang nangyayaring pagbabago sa kanya. Patuloy pa rin niyang ibinababa ang kanyang sarili at hinahayaang g*guhin siya ng paulit-ulit,” sabi naman ni Ruru na napailing-iling pa ang ulo. Ininom niya ulit ang alak na nasa baso sabay kain ng pulutan. “Tigas ng ulo,” bulong niya pa. Tahimik at patuloy na umiinom ng beer si Theo. Ipinikit niya ang kanyang namumungay na mga mata. Naririnig niya ang mga sinasabi ng kaibigan ngunit gaya ng dati, ipinapasok lang niya ito sa kanang tenga niya tapos ilalabas din niya sa kaliwa. Tunay na kapag labis na nagmamahal, nagiging bulag, bingi at pipe ang tao, na kahit anong pangit na ng sitwasyon, mas pinipili pa ring manatili sa halip na palayain na ang sarili sa sakit na dulot nito sa pag-aakalang katapusan na ng lahat kapag pinili ang magpalaya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD