Bumalik ulit ako sa aking sasakyan ngunit hindi ko na sinarado ang pintuan. Lumapit ulit sa akin si Jude na may dalang isang box ng pizza. Hindi ako makatingin ng maayos sa kanya, nanatili ang mga mata kong sa aking paa na nakaapak sa kalsada habang pinaglalaruan ko ang aking mga daliri.
"Here," mataman niyang sabi, dama ko ang presensya niya sa aking harapan.
"I'm not hungry," that's a lie. Ang totoo'y kanina pa ako nagugutom ngunit ayoko lang tumanggap ng kahit na ano mula sa kanya.
Yumuko siya ng bahagya. Lumebel ang ulo niya sa akin kaya naman hindi ko na nagawa pang iwasan ang kanyang tingin. Gamit ang isang kamay, nilahad niyang muli sa aking harapan ang box ng pizza.
"Here," ulit niya na para bang kapag hindi ako sumunod ay isang malaking kasalanan.
"I said, I'm not hungry," giit ko, matalim ko siyang tiningnan upang malaman niyang naiirita na ako sa pagiging makulit niya. "Umalis ka na lang kasi, pwede ba? Kaya ko naman ang sarili ko dito! Hindi kita kailangan!"
"Diba, ang sabi ko naman sa 'yo ay hindi ako marunong mang-iwan?" bakas sa kanyang tono ang pagiging seryoso at batid kong may ibang hugot pa ang kanyang sinabi.
Hinawi ko ang aking buhok patungo sa magkabila kong tainga. Matalim pa rin ang tingin ko sa kanya ngunit mukhang hindi man lang siya natitinag.
"Fine," padabog kong hintak ang box ng pizza mula sa kanya. Kumuha ako ng isang slice at ibinalik muli sa kanya ang box. Kita ko pa ang pagsilay ng kaonting ngiti sa kanyang labi. Umirap ako at kinagat na lang ang pizza.
Hindi ako makakain ng maayos dahil nanatili si Jude na naka-upo sa aking harapan. Kahit na ngumuya ng maayos ay hindi ko magawa. Kaya naman napagpasyahan kong isara ang pintuan ng aking sasakyan, mabilis siyang tumayo para hindi matamaan. Ni-lock ko ang lahat ng pintuan para siguradong hindi siya makakapasok sa loob.
"Kellie…" katok na naman ni Jude mula sa bintana.
Hindi ko siya pinansin. Inubos ko na lang iyong pizza dahil sobrang gutom na talaga ako.
"Open the door, Kellie. Gusto mo bang ma-suffocate sa loob ng sasakyan?" kahit na mahina ang kanyang boses, bakas pa rin ang galit sa tono ng kanyang pananalita.
Ang kulit talaga ng lalaking ito. Binuksan ko ang pintuan, agad na hinila ni Jude ang aking braso na siyang ikinagulat ko. Nagkatinginan kami, may kakaiba sa kanyang mga mata na kahit alam kong galit siya ay alam kong hindi niya ako sasaktan.
Mali...
Pinalis ko kaagad ang bagay na iyon sa aking isip. Kailangan kong tandaan na siya ang pangalawang taong kinamumuhian ko dito sa mundo. Marahas kong binawi ang aking braso pagkatapos ay binigyan siya ng malakas na sampal. Napahawak siya sa kanyang pisngi at gulat na gulat dahil sa aking ginawa.
"Bakit ba ang kulit mo, ha?" galit na tanong ko. "Kung kanina ka pa umalis, eh ‘di sana ay tahimik ang buhay ko sa mga oras na ito!"
"Eh ako, sa tingin mo ba matatahimik pag alam kong mag-isa ka lang pagkatapos ay umalis ako?" muling bumalik ang galit sa kanyang mga mata.
Marahan niyang sinara ang pintuan ng aking sasakyan at maingat akong isinandal doon. Kinulong niya ako sa magkabila niyang mga kamay. Sinubukan ko siyang itulak ngunit hindi ako nagtagumpay. Naipit sa pagitan namin ang mga kamay kong tutulak sana sa kanya dahil nilapit niya ang kanyang katawan sa akin.
"A… a-ano ba… lumayo ka nga!" ang mga salita ko ay hindi ko na magawang ayusin. Hindi ko maidirekta ang mga mata ko sa kanya dahil natatakot akong magkalapit ang aming mga mukha.
Ayoko.
"Kahit ngayon gabi lang, huwag nang matigas ang ulo mo, Kellie…" malambing niyang sabi. "Kahit ngayong gabi lang, hayaan mo akong bumawi sa nagawa kong pagkakamali sa 'yo."
Hindi ako kumibo. Pino-proseso pa ng aking isip ang kanyang mga sinabi. Hindi ko alam kung papayag ba ako o ano...
"Please, Kellie," ang mainit niyang hininga ay dumadampi sa aking balat. Maging ang pabango niya'y sa tingin ko'y lumipat na rin sa akin dahil sa sobrang lapit namin sa isa't-isa. "Kahit ngayong gabi lang, pagbigyan mo naman ako."
Just like that, I'm under his spell. Unti-unti akong tumango. Lumayo naman siya sa akin nang makuha ang aking sagot. Hindi ko alam kung maiinis ba ako dahil lumayo siya o maiinis ako dahil pumayag ako sa kagustuhan niya! Damn it! Ngayong gabi lang naman, 'di ba? Hindi na siguro niya ako guguluhin pagkatapos ng gabing ito.
"Come on, then," kinuha niya ang box ng pizza sa ibabaw ng sasakyan pagkatapos ay hinawakan ang isang kamay ko para tumungo kami sa kanyang sasakyan.
Pumunta kami sa likod ng pick-up. Binuksan niya iyon at nilapag ang box ng pizza, pagkatapos ay walang paalam niya akong inangat upang makaayat. Mabilis rin siyang sumampa at umupo sa aking tabi.
"Pasensya ka na kung makulit ako," ngayon ay ramdam kong wala na ang galit sa kanyang tono.
Hindi ko siya sinagot. Nag-angat ako ng tingin sa langit at pinagmasdan ang maraming butuin na nakapalibot dito. Ngumiti ako ng mapait, sana'y abot kamay ko lang ang mga ito gaya ng mga importanteng tao na nawala sa buhay ko.
Ang sabi ni Papa sa akin noon, kapag namatay ang isang tao ay nagiging bituin ito. Ang kislap daw ay siyang nagsisilbing mata para bantayan ang mga mahal nila na naiwan dito sa mundo.
"Bakit hindi ka na sumasama sa mga kaibigan mo kapag lumalabas sila?" biglang tanong ni Jude.
Nagbaba ako ng tingin at lumingon na lang sa tahimik na kalsada. "Marami kasi akong ginagawa. Alam naman nila 'yun," kibit balikat ko.
"Hindi ka naman umiiwas sa akin?"
"Huwag ka ngang assuming!" sinamaan ko siya ng tingin. But yes, he's actually the reason why. Pero hindi ko 'yun aaminin sa kanya.
Humalakhak siya pero mabilis iyong napawi nang muli siyang nagsalita. "Na-inlove ka na ba, Kellie?"
Natigilan ako sa kanyang tanong.
"Naramdaman mo na ba kung paano masaktan nang dahil sa pag-ibig?"
"Hindi," tipid na sagot ko lang pagkatapos ay yumuko. "Kung kakambal ng sakit ang pag-ibig, mas mabuti pang hindi na lang ako magmahal para hindi rin ako masaktan."
"Pero malalaman mo lang na marunong kang magmahal kapag nasaktan ka," aniya.
Lahat ng minamahal ko ay iniiwan ako at umaalis sila ng pemanente sa buhay ko. Sa lahat ng minahal ko, si Mama na lang ang natitira kaya ayokong pati siya ay mawala pa sa akin.
"Ako, kahit ilang beses akong masaktan ay magmamahal pa rin ako," ani Jude. Hindi ko alam. Hindi ko rin naman alam kung ano nga ba ang pinaglalaban niya.
"Bakit ba hinahanap ng ibang tao ang pagmamahal galing sa iba? Pwede naman iyong pagmamahal galing sa sarili at pamilya. Hindi naman dapat hanapin ang pagmamahal sa ibang tao lalo na kung alam mong hindi permanente ang pagmamahal na iyon."
Muli kaming nagkatinginan ni Jude, tila ba hindi siya makapaniwala sa aking sinabi.
"Magmamahal ka para lang masuklian ng sakit," gaya ng ginawa ni Nanay. "Magmamahal ka pero alam mong may kapalit."
Gaya na lang...
"Magmamahal ka dahil iyon ang bubuo ulit sa 'yo."
Halos matawa ako sa idinugtong niya. Gasgas na ang salitang 'yan. Ilang beses ko nang narinig ‘yan, ngunit ano? Kapag buo na ulit ay muli ka na naman mababasag.
"Ako, una kong minahal iyong kaibigan ko. Kahit na may boyfriend siya noon ay minahal ko pa rin siya ng palihim, hindi ko 'yun sinabi sa kanya. Nagparaya ako dahil may dalawang lalaki na ang may gusto sa kanya. Alam ko naman kasi na kahit kailan ay hindi niya ako mapapansin, hanggang kaibigan lang ang tingin niya sa akin. Tsaka sa tingin ko naman ay para sa isa't-isa talaga sila ng boyfriend niya, na naging ex niya, na ngayon ay asawa na niya."
Pinagmasdan ko siya habang nagkukwento. Kahit na nakangiti ay alam kong may tinatago siyang lungkot sa kanyang mga mata.
"Tsaka nang pinakawalan ko siya, doon ko nahanap si Aina. Naramdaman ko na sobra pala talaga ang saya kapag may nag-aalaga at nagmamahal sa 'yo. Ang sarap pala sa pakiramdam kapag mag bumabati sa 'yo ng good morning o kaya naman ay may taong magtatanong kung kumusta na ba ang naging araw mo."
"Pero... naghiwalay pa rin kayo," putol ko. "Naghiwalay kayo nang alukin mo siya ng kasal, 'di ba?"
Well, nalaman ko lang naman ang mga bagay na ito dahil kay Caryl.
Yumuko siya, bumaba ang kanyang balikat na para bang may malaking bagay siyang pinagsisisihan. "Kasalanan ko rin naman kung bakit…"
"Bakit?" hindi ko na maiwasan pang magtanong dala na rin ng kuryosidad.
"Noong dalawang taon pa lang kami bilang magkasintahan ay gusto na niyang magpakasal kami kaso ay ako naman ang hindi handa noon. Ayoko lang, dahil na rin sa hindi pa ganoon katatag ang pangalan na ipinundar ko. Gusto ko may maipagmalaki na ako sa mga magulang niya, gusto ko pag ikinasal kami ay may sarili na kaming bahay, iyong wala na siyang po-problemahin pa kahit na hindi na siya magtrabaho dahil kaya ko nang gawin ang lahat. Nang handa na ako, siya naman ang umayaw. Ayaw niya dahil sa tingin niya'y mas naka-angat na ako kaysa sa kanya."
That's it? That's the reason why she refused his proposal?
"Siguro… sa tingin niya ay nasa kumpetisyon kayong dalawa kaya ayaw niyang mas naka-angat ka. Siguro, nang malaman niyang mas may kaya ka nang ibigay sa magiging pamilya niyo, naisip niya na mamaliitin mo na siya," sabi ko. "Hindi naman kasi dapat gano’n, dapat hinayaan mo siya sa gusto niya. O... baka naman ay may iba pa siyang dahilan, hindi lang niya iyon masabi nang diretka sa'yo kaya naman ibang rason na lang ang ginawa niya."
"Ano naman ang magiging rason niya?" tanong ni Jude sabay kunot ng kanyang noon.
"Ewan," binalik ko ang tingin sa langit.
"Ikaw, magkwento ka naman," pag-iiba niya sa usapan. "Ang sabi ng mga kaibigan mo ay magaling ka raw kumanta."
"Oh, pinag-uusapan niyo pala ako kapag hindi ako kasama sa mga lakad?" masungit na tanong ko ngunit may bahid ng ngiti sa aking labi.
"Minsan lang naman," napahawak siya sa kanyang batok. "Nahihiya akong magtanong sa kanila tungkol sa 'yo. Tsaka gusto ko, kung may gusto man akong malaman, sa'yo ko na mismo iyon tatanungin."
"So… ano bang gusto mong itanong sa akin ngayon?"
"Nakikita mo ba ang sarili mo na magkaroon ng sariling pamilya sa hinaharap?"
Bakit ba ganito ang mga tanong niya? Hindi ko maintindihan!
"Hmm... hindi, eh. Pero gusto kong magkaroon ng anak. Gustong-gusto ko kasi ng mga bata. Siguro pagdating ng araw pwede akong mag-adopt," sagot ko.
"Okay," tango niya. "Ayaw mong mag-asawa? O kaya'y kahit mag-boyfriend man lang?"
"Gaya ng sabi ko sa'yo kanina, hindi dapat hinahanap ang pagmamahal sa ibang tao."
"You're really mysterious and kind of confusing, huh?" magaan na tawa ni Jude. "Ayaw mong mag-asawa, tapos ay gusto mo ng anak, kahit na hindi galing sa 'yo ay ayos lang. Hindi ba't parang pareho rin iyon? Hindi galing sa iyo ang bata, ibig sabihin ay ibang tao siya, eh ‘di kailangan mo pa rin ng pagmamahal galing sa ibang tao."
Natawa ako sa kanyang sinabi. He has a point, though. "Hay, ewan ko ba. Basta yun ang gusto ko."
"Hindi ka naman pala gaya ng iniisip ko," sambit ulit ni Jude pagkatapos ng mahabang katahimikan. "Pasensya ka na kung hinusgahan kita noong unang beses kitang nakita. Ayoko lang kasi nakakakita ng babae na…"
Mukhang nagdadalawang isip pa siyang ituloy ang sasabihin niya. Kaya bago pa man niya magawa iyon, nagsalita na ako.
"Okay lang," nagkibit balikat ako at nilipat ang tingin sa aking mga paa. "Ganoon naman talaga ang tingin ng ibang tao sa akin. Sanay na ako. Tsaka para sa akin, wala akong pakealam sa mga iniisip ng iba. Kung hindi naman totoo, bakit ako masasaktan 'di ba? At kung totoo man, bakit ko naman iyon ikakahiya…"
"Pero sa tingin ko ay hindi ka naman talaga gano’n... maybe there's a story behind it."
Here we go again. Ayokong napupunta ang usapan dito.
Tumingin ako sa kanya at ngumiti ng matamis. "Pahingi naman ulit ng pizza. Nagutom ako sa kwentuhan natin."
Kinuha naman niya ang box na nasa kabilang gilid niya. Siya na mismo ang kumuha ng slice para sa akin. Kumain kaagad ako para lituhin siya at hindi na ulit balikan ang tanong na iyon.
"Do you still hate me, Kellie?"
Ang tanong niya ang siyang nagpatigil sa akin. Binaba ko ang hawak kong pizza. Tumingin ako sa kanyang mapupungay na mga mata. Ang mga matang alam kong puno ng katotohanan ngunit dahil sa mapait kong nakaraan ay hindi ko kayang pagkatiwalaan.
"Galit ka pa rin ba sa akin dahil sa ginawa ko? Kinamumuhian mo pa rin ako?"
I'm sorry, Jude. Hindi pa rin sapat ang mga ginawa mo ngayong gabi at ang kaonti nating pag-uusap para tanggalin ang galit dito sa puso ko. Hindi pa rin sapat para ituring kitang isang 'kaibigan' dahil naging dahilan ka kung bakit bumalik ulit sa akin ang mapait kong nakaraan.
Ang nakraan na binaon ko na, ngunit muli mong hinukay sa isip ko nang dahil sa ginawa mo.
"Yes…" walang alinlangan kong sagot sa kanya.