chapter 1
"Pangit!" malakas na sigaw ni Misty sa'kin.
Siya ang tinaguriang pinakamaganda sa lugar namin kaya kung lait-laitin ako ay parang tumulong sa mga magulang ko para pakainin ako. Bulag yata mga tao rito sa'min, kita namang maputi lang ang gaga kaya akala nila ay maganda na! Nasa isla kami kaya kalimitan dito sa'min ay sunog ang balat sa kabibilad sa araw at kaliligo sa dagat. Itong si Misty ay maputi kumpara sa karamihan kaya gandang-ganda na sa kanya iyong iba.
"Maputi ka lang, pero mabaho ang bunganga mo!" hindi nagpapatalo kong sigaw. "Hindi pa pantay ang kulay ng kili-kili at leeg mo!"
Ako kaya si Yummie Baruc, hindi pa isinilang ang aapi sa'kin. Kahit sinong mukhang diyosa ay hindi ko mapapalampas kapag sinaling ang sinuman sa pamilya ko o kaibigan, ito pa kayang si Misty na parang white lady sa tanghaling tapat?
"Yummie, tama na," pigil sa'kin ng kaibigan kong si Dianne. "Umuwi na lang tayo."
"Ay, hindi pwede!" matapang kong tanggi. "Narinig mo naman, 'di ba? Tinawag akong pangit ng puting sigbin na iyan!" Dinuro ko pa ang direksiyon ni Misty.
"Totoo naman, ah!" sigaw ni Misty. "Pangit na nga ang mukha mo! Pangit pa ugali mo!"
"Dumoble ka na sa'kin, sigbin ka ha!" ganting-sigaw ko. "Terno tawag diyan, bobo!"
Kahit pigil-pigil ni Dianne ang braso ko ay sinugod ko si Misty. Bumadha sa mukha ng sigbin iyong takot nang makitang papalapit na ako.
"Tulungan ni'yo ako!" hintakot nitong paghingi ng saklolo. "Papatayin ako ng pangit!" tili pa nito.
"Ay gaga! Papatayin agad?" sarkastiko kong sigaw. "Hindi, kakalbuhin muna kitang, hinayupak ka!" palaban kong dugtong.
Bago pa siya makaiwas ay nahablot ko na ang mahaba niyang buhok.
"Ganda ka? Daming split ends nitong buhok mo!" sarkastiko kong pahayag habang marahas na hinila ang buhok niya.
Bata pa lang ay lagi na akong nasasangkot sa gulo kaya sisiw sa'kin ang pakikipagsabunutan kahit sa katirikan ng araw.
Malakas na napatili si Misty dahil sa sakit. Pilit itong kumakawala mula sa pagkakahawak ko pero hindi naman kaya ang lakas ko.
"Sa susunod kasi huwag kang pabida-bida," gigil kong sabi habang inalog-alog ang ulo niya na may kasamang pagwasiwas habang mahigpit ang pagkakahawak sa kanyang buhok. "Ilugar mo iyang kalandian mo! Alam mo namang boyfriend ni Dianne si Aron, pero singit ka pa rin nang singit!"
"Aray! Binitiwan mo ako!" nasasaktan nitong hiyaw. Iyong mga kasama nito ay hindi makalapit at nagsipag-atrasan, halatang takot madamay.
"Maganda ka naman, 'di ba?" nagngangalit ang bagang kong pagpapatuloy at hindi pinansin ang mga hiyaw niya. "Humanap ka ng lalaking walang jowa! Marami riyan! Huwag kang mang-agaw."
"Yummie, tama na," muli ay pigil sa'kin ni Dianne.
Noong nakaraan ko pa balak sugurin si Misty nang malaman kong nakansela ang pamamanhikan ni Aron kay Dianne dahil may namagitan pala sa dalawa. Ilang araw na iniyakan iyon ng kaibigan ko kaya galit na galit ako.
"Sige na, Yummie, hayaan mo na," patuloy na pangungumbinsi sa'kin ni Dianne at hinila pa ang kamay kong nakahawak sa buhok ni Misty.
Kapansin-pansin pa rin ang pamamaga ng mga mata ni Dianne , para tuloy may kumirot sa puso ko, awang-awa ako sa kaibigan ko. Alam kong pinilit lang niyang magpakatatag, pero kasalukuyang wasak ang puso niya, lalo tuloy sumidhi ang galit ko. Kanina ay balak ko lang sanang kalbuhin itong si Misty, pero ngayon ay gusto ko na itong balatan nang buhay!
"Ang dami ng nakatingin, Yummie, baka magreklamo kay Kapitan iyan," nag-alalang bulong sa'kin ni Dianne.
Tsaka ko pa lang napansing nagkukumpulan na ang mga tsismosa naming mga kapitbahay. Sinadya ko kasing abangan sa kanto si Misty upang komprontahin. Hindi naman sana mauuwi sa pananabunot, pero nilait-lait ako ng gaga.
"Baka maaapektuhan pa ang pag-a-apply natin ng trabaho sa resort nina Mrs. Galvez," dugtong ni Dianne.
Agad akong natigilan, at napilitang bitiwan ang buhok ni Misty.
Inambaan ko pa ito ng sapak kaya nagkukumahog na lumayo habang gulong-gulo ang buhok.
"Takot naman pala, eh," maangas kong pahayag habang nakatanaw sa papalayong babae.
Iyong mga kasama nito kanina ay mabilis ding sumunod dito.
"Halika na nga rito, umalis na tayo." Hinila na ako ni Dianne palayo sa paningin ng mga nakikiusyuso.
Nagpaubaya na lang ako sa kaibigan ko. Ang totoo ay wala naman akong pakialam kung nag-eeskandalo na ako. Sanay na naman ang mga tsismosa rito sa'min sa eskandalosa kong ugali kaya wala na akong dapat na ikahiya.
Ito lang yata si Dianne ang hanggang ngayon hindi pa sanay sa temper ko. O sadyang mabait lang talaga ito, kaya naagawan ng jowa.
"Huwag mo ng iyakan ang lalaking iyon," sabi ko kay Dianne habang papasok kami sa bahay nila. "Hindi deserve ng lalaking walang paninindigan ang mga luha mo," patuloy kong tungayaw.
"Oo na," sagot niya. "Sa ating dalawa ay ikaw yata itong mas matagal pang makalimot, eh," pumapalatak niyang dugtong.
"Tsk! Huwag kang magkunwaring okay ka na," salubong ang kilay kong wika. "Naku! Kapag iyong Aron talaga ang makita ko, makakatikim talaga sa'kin iyon!" nanggigigil kong pahayag.
"Hayaan mo na kasi at baka isipin pa ng lalaking iyon na naghahabol ako sa kanya," tugon ni Dianne.
Kahit nagtapang-tapangan ay halata pa rin ang lungkot sa kanyang mga mata.
"Basta, mangako ka, Yummie, hindi mo na kukumprontahin si Aron," nakikiusap niyang pagpapatuloy. "Please..."
Pinigilan ko na lang ang sariling magkomento bilang respeto sa nararamdaman ng kaibigan ko. Tumango ako bilang sagot habang nagpipigil ng galit.
"Basta, kapag may problema ka ay nandito lang ako," malumanay kong saad.
"Oo naman," nakangiti niyang sagot. "Thank you, Yummie."
"Ano pa't naging magkaibigan tayo?" nakangisi kong tugon. "Ang importante ay matanggap tayo sa resort," dugtong ko pa. Sinadya kong ibahin ang usapan.
Mukhang tama naman ang ginawa ko dahil nagliwanag ang mukha ni Dianne dahil sa sinabi ko.
"Sana nga," aniya.
"Ito na iyong chance kong umahon sa kahirapan," saad ko pa, tuluyang nawala ang pagka-bad trip ko.
"Buo pa rin ang plano mong mag-Afam hunting sa resort?" natatawang tanong ni Dianne.
Pabagsak akong naupo sa luma nilang sofa sa sala bago ako sumagot, "Oo naman! Iyong ganda ko ay hindi para sa mga hampaslupang feeling gwapo riyan sa tabi-tabi. Para 'to sa mga blue eyed fafabols." Mayabang ko pang tinaas ang baba ko at inilagay sa ilalim nito ang likod ng palad ko.
Alam kong hindi ako kaputian at lalong hindi kagandahan, pero alam kong ang beauty ko ang gusto-gusto ng mga foreigner.
Hindi ko naman masabing pangit talaga ako, iyon lang ang tingin no'ng iba pero wala akong pakialam doon. Hindi kayang tibagin ng kahit na sino ang kumpyansa sa sarili na meron ako.
Hindi man katangusan ang ilong ko, at least cute ito. Hindi rin ako iyong tsinita na 'pag ngumiti ay nawawala ang mga mata... ang mahalaga ay malinaw na nakakakita ang bilog kong mga mata. Sinasabi man nilang malaki ito, pero ang totoo ay mas maliit lang iyong mata nila.
Hindi rin manipis ang labi ko, dahil pouty lips ako at kahit papaano ay mapuputi at maganda ang mga ngipin ko. Mataray ang tabas ng mukha ko kaya hindi ito maituturing na maamo.
Marami lang talaga ang hindi na-appreciate ang beauty ko, lalo na ang mga kalugar namin.
"Paano kung wala kang makikilalang Afam dun?" tanong ni Dianne na naupo sa harapan ko.
"Imposible naman yata iyon," saad ko. "Kita mo namang tourist destination iyong resort at halos foreigner lahat ng mga pumupunta roon."
"Pero hindi ibig sabihin niyon ay may mahanap ka agad," sagot ni Dianne.
"Nakahanap nga si Aling Inday na may edad na at tatlong anak, ako pa kaya na fresh na fresh!" over-confident kong pahayag.
"Matanda na iyong nahanap ni Aling Inday," nakangiwing sabi ni Dianne.
"Mas maganda nga iyon, matanda para madaling..." Sinadya kong ibitin ang sinsabi at iminuwestra na lang ang gusto kong idugtong gamit ang hinlalaki kong iginilit sa sarili kong leeg. "Handa naman akong maging mayamang biyuda," kumindat ko pang dugtong.
"Ang lala mo, friend," naiiling na usal ni Dianne.
"Suportahan mo na lang kaya ako," nandidilat kong sabi sa kanya. "Maliban sa pamilya ko ay kasama ka sa pag-ahon ko sa kahirapan kung sakali. Ikaw iyong iimbitahan kong tulungan akong magbilang ng dollars kapag namatay na iyong Afam ko."
"Huy, baliw ka! Bunganga nito, masyadong advance," tila naeeskandalo bulalas ni Dianne. "Kawawa naman iyong magiging Afam mo. Hindi pa nga kayo nagkakilala ay nakaplano na funeral niya."
"At least napaghandaan ko na, 'di ba?" nakabungisngis kong wika. "Alalahanin ko na lang ay kung paano umiyak sa lamay gayong marami na akong pera. Sure kasi ako na mahihirapan ako sa part na iyon."
"Wala ka na talagang pag-asa," tila sumusukong palatak ni Dianne. "Puro na lang pera ang nasa utak mo."
"Practical lang ako," pangangatwiran ko. "Sa hirap ba naman ng buhay ngayon ay uunahin ko pa iyong ibang bagay kaysa pera."
"Tama ka naman," tumango-tango niyang sabi. "Pero pwede mo namang pagtrabahon iyon, hindi na kailang kumapit sa patalim."
"Ay gaga ka talaga!" dismayado kong tugon. "Makuba na ako kakatrabaho ay hindi pa rin ako yayaman. Tsaka sinong may sabi na sa patalim ako kakapit? Sa Afam ko balak kumapit, 'no! Wala namang masama roon hangga't hindi ako magiging kabit."
Umirap pa ako matapos magsalita.
Mahihirapang unasenso itong kaibigan ko kapag patuloy na paiiralin ang pagiging mabait at matuwid. Sa panahon ngayon, kung hindi ka makipagsabayan ay tiyak na mapag-iwanan ka.
Wala naman akong aapakang ibang tao sa binabalak kong pagyaman, kaya masasabi ko pa ring malinis ang konsensya ko.
Kung sakaling matanda na ang magiging Afam ko ay wala naman siyang dapat na alalahanin. Hindi ako magtataksil at mananatiling tapat sa pera niya! Tsaka hahanapan ko pa siya ng personal na tagapag-alaga kaya hayaan na niyang ako ang mamomroblema sa laman ng bank account niya.
Parang excited na ako! Gusto ko nang magsimula agad magtrabaho sa resort para naman makilala ko na iyong magiging target ko!
Sana nga lang ay matanggap kami ni Dianne. Kahit anong trabaho, basta makakapasok lang ako sa resort.