“SIGURADO KA BANG kumain ka na?” tanong ni Hannah kay Nathaniel nang magsisimula na siyang kumain. Tumawag na siya kay Marga. Ipinahiram nito ang cellphone nito at lumabas pa ng silid upang bigyan siya ng privacy sa pakikipag-usap. Nagulat at nagalit si Marga dahil sa ibinalita niya pero ang nangibabaw sa babae ay ang pagmamalasakit sa kanilang mag-ina. Sinabi nitong pupuntahan na sila sa oras na iyon.
“Kumain na akong talaga,” sabi ni Nate. “Kumain na ako habang hinihintay kong maluto iyang munggo. Pinadamihan ko nga ng malunggay dahil sabi ko’y kailangan mong magkagatas.”
“Mabuti at napakiusapan mo ang binilhan mo ng pagkain.”
“Mababait ang tao dito. Diyan ka sa pagkain mag-concentrate. Magpakabusog ka nang husto,” malumanay na utos nito. Lumapit ito sa baby at tinitigan iyon. “Mahimbing na mahimbing pa rin.”
“Natural naman daw sa mga sanggol ang matulog lang nang matulog. Nag-a-adjust pa sila sa bagong environment.”
Tumango ito. “Lalabas na muna ako para makakain ka nang husto.”
Itinuon nga ni Hannah sa pagkain ang kanyang atensyon. Kay laki ng mga subo niya at panay din ang higop ng sabaw. Bukod sa gutom siya ay talagang masarap ang luto. Ang dami niya agad nakain gayong wala pang sampung minuto ang nagdaan.
Ilang minuto na ring tapos na siyang kumain nang bumalik si Nathaniel.
“Iyong tinawagan mo ba, pupuntahan ka dito?”
Tumango siya. “On the way na si Marga. Tiyak na hindi iyon mag-aaksaya ng oras at pupunta na dito. As expected, gulat na gulat.”
“Okay lang ba na iwan na kita?”
Bigla ang pagbaha ng pagtutol sa dibdib niya. “Aalis ka na?” tanong niya na ang tono ay tila baga sa batang ayaw magpaiwan sa ina.
“Iyong kotse ko kasi, babalikan ko pa sa sabana.”
Natanto niya kung gaano na kalaki ang pang-aabala niya sa lalaki. “Oo nga pala. Pasensya ka na. I know, magagalit ka na pero maraming salamat uli.”
Ngumiti ang lalaki. “Congratulations uli sa iyo. Maka-recover ka sana agad at maging malusog si Maggie.”
Napasulyap siya sa bulaklak sa bedside table. “Ito nga palang mga bulaklak, dati na ba ito dito?”
Tila mas lumuwang ang ngiti ni Nathaniel. “Sa akin galing iyan. Kaninang tulog ka, binili ko sa labas.”
Tila kikiligin siya na kung paano. “Bakit?” halos pigil ang hininga na tanong niya.
“Hindi ko alam kung maipapaliwanag ko nang mabuti. Ang paniwala ko kasi ay nakakapagpasaya sa isang babae ang bulaklak. At hindi biro ang pinagdaanan mo kaya naisip kong makagaan man lang sa pakiramdam mo ang mga bulaklak. Pasensya ka na kung pangkaraniwan. Iyan lang kasi ang available.”
“Thank you so much, Nate.”
Isang mahinang tawa ang pinakawalan nito. “Kung may tally board siguro ako dito, baka puno na sa dami ng pagpapasalamat mo.”
Napatawa din siya. “At siguro, puno na rin iyon ng kapipigil mo sa akin na magpasalamat.”
They shared a light laugh. At ang pumalit doon pagkuwa ay isang maikling katahimikan. And Hannah hated it. Tila ba natetensyon siya kapag bigla silang natatahimik ng lalaki.
“I have to go,” untag ni Nate sa kanya.
And she hated it too. Pero wala siyang karapatang pigilan ito.nananatili silang estranghero sa isa’t isa.
Tumango na lang siya. Nasa dulo ng dila niya ang pagpapasalamat na naman pero baka ikapikon na ni Nathaniel.
“Nice meeting you, Hannah.”
“Same here.”
At nang inaakala niyang tatalikod na si Nate, yumukod ito sa kanya at isang magaang halik sa pisngi ang iginawad nito sa kanya.