bc

La Casa de Amor - Nathaniel

book_age16+
470
FOLLOW
1.2K
READ
fated
pregnant
confident
single mother
drama
sweet
bxg
brilliant
small town
slice of life
like
intro-logo
Blurb

"Hindi ako mahilig mag-aksaya ng panahon. Gusto kong sabihin ko na sa iyo ang talagang pakay ko. I want to marry you, Hannah..."

Ilang araw na siya sa bahay na iyon sa San Miguel. Dati-rati, ang mga alaala nila ng taong nag-ampon sa kanya ang naiisp niya pero ngayon, okupadong-okupado ni Hannah ang buong isip niya.

Nagkatagpo sila si Hannah sa isang sitwasyong hindi niya inaasahan. Pero ang sitwasyong ding iyon ang nagbigay sa kanya ng isang karanasang titimo sa kanyang isip sa habang panahon.

Hindi iilang beses na naisip niyang balikan ito. Ayaw din niyang matukso na tawagan si Hannah. Napakadali kung gusto niya itong kumustahin kahit sa telepono man lang. Pero hindi nga niya ginawa.

Hangga't maaari ay umiiwas siya sa mga kumplikadong bagay. At alam niya, si Hannah sa simula pa lang ay isa nang malaking kumplikasyon.

chap-preview
Free preview
1
“NATE, tigilan mo na iyan. Baka mahuli ka ni Miss Vergel, malalagot ka,” saway sa kanya ni Hector. “Sandali lang!” pagigil na sabi niya at ni hindi bumitaw ang mata sa binabasang komiks. Ang totoo ay pahina lang naman iyon ng komiks. Nakuha niya sa basket ng itlog na donasyon ng isang pilantropo sa La Casa De Amor, ang bahay-ampunan na kinagisnan niya. “Malalagot ka,” pananakot sa kanya ni Hector. “Itago mo na iyan.” “Kontrabida ka,” paungol na sagot ni Nathaniel dito at ipinagpatuloy ang pagbabasa. “Hoy! Ano iyan?” pasigaw at pagalit na sita sa kanila ni Miss Vergel, ang taga-pangasiwa ng ampunan. Kungsabagay ay hindi na iyon nakakagulat pa. Mabibilang yata sa daliri na nagsalita ito nang malumanay. Kasingnatural ng pagiging malupit nito ang palaging pagalit na tinig nito. Mas madalas ay ganoon ang tono nito na may kasama pang pandidilat ng mga mata. “Komiks!” mas mataas ang naging timbre ng tinig nito sabay kumpiska sa iisang pahina ng komiks. “Kayong dalawa, wala kayong kadala-dala. Hala, bartolina kayo!” Hinila sila nito sa kanilang T-shirt at halos pakaladkad na ipinasok sila sa kabahayan. Kahit nakapikit sila ay alam na nila kung saan sila dadalhin. Hindi naman iyon ang unang beses na dinala sila doon. Ang tinutukoy nitong bartolina ay isang lumang kubeta na ubod nang dilim. “Diyan kayo hangga’t hindi ko sinasabing lumabas kayo,” sabi ni Miss Vergel bago sila pasalyang itinulak. “Ang titigas ng ulo ninyo,” dagdag pa nito habang naririnig nilang ikinakandado ang pinto ng madilim na kubeta. Hindi kumibo si Nathaniel. Sanay na siya sa dilim ng lugar na iyon. Pakapang naglakad siya patungo sa dulo at sumiksik sa sulok na iyon. Naramdaman niyang sumunod sa kanya si Hector. Nahawakan pa nito ang binti niya habang pakapa ding naghahanap ng mapupuwestuhan. “Nadamay na naman ako,” sabi ni Hector. “Pasensya ka na,” wika naman niya kahit na hindi niya tiyak sa tono ni Hector na sinisisi siya nito. Humalukipkip siya. Bagaman madilim iyon ay ang natural na lamig ng lumang tiles ang tila naghahatid ng ginaw sa balat niya. “Sa susunod, kahit makakita ka ng komiks, huwag mo nang papansinin,” tila pangaral nito sa kanya. “Alam naman natin pareho na ganito ang mangyayari. Ang dilim-dilim dito, ang hirap huminga tapos, hindi pa tayo pakakainin ng isang beses.” Palaging ganoon ang nangyayari. Sinumang bata ang ikulong ni Miss Vergel doon ay tiyak na sasala sa pagkain. Palibhasa, pinakamaigsi nang pagkakakulong doon ay isang maghapon. Kapag mabigat ang kasalanan o dahil lamang trip ni Miss Vergel na patagalin ang parusa, inaabot din ng ilang araw ang batang minalas na makulong doon. Pero gaano man katagal na makulong doon, isang beses lang naman hindi magpapakain si Miss Vergel. Sa susunod, halimbawa ng hapunan ay magpapadala ito ng pagkain. Sabi sa kanila ni Claudio, takot din daw siguro si Miss Vergel na mamatay sila sa gutom doon dahil ito rin ang mananagot. “Hayaan mo, iyong pagkain na ibibigay sa akin, ibibigay ko na rin sa iyo,” aniya. “Hindi iyon ang ibig kong sabihin,” malumanay na sabi nito. “Gusto mo bang palaging nangyayari ito? Gusto mo bang nakakulong dito? Ako, kahit sumasakit ang likod ko at braso sa kapipiko ng lupa para gumawa ng kama ng petsay, mas gusto ko iyon kaysa nakakulong dito.” “Kapag nakita mo akong nagbabasa ng komiks, pabayaan mo na lang ako para hindi ka madamay,” parebeldeng sagot niya. “Gago ka pala, eh. Nagmamalasakit nga ako sa iyo kaya kita pinagsasabihan,” pagalit na sabi sa kanya ni Hector.  Napatiim-bagang siya. “Gustong-gusto ko nang makaalis sa ampunan na ito.” Sa La Casa De Amor na siya nagkaisip. Sabi ni Miss Vergel noon, isa siya sa iilang bata na iniwan sa may gate ng ampunan noong sanggol pa lang. Walang nakakaalam kung sino ang nag-iwan sa kanya sa may gate. At mas lalong walang nakakaalam kung sino ang kanyang mga magulang. Noon ay nagtanong siya tungkol doon. At bukod sa malabong sagot sa kanya ni Miss Vergel kung sino ang mga magulang niya, ang ipinakita nito sa kanya ay isang nagungutim na lampin na may nakaburdang N. Riego. At sinabi nito kaagad sa kanya na hindi basehan iyon na iyon nga ang pagkatao. Karaniwan naman daw na ang lampin ay naipapahiram sa iba. Pero ganoon pa man ay ibinase daw ni Miss Vergel ang pagbibigay ng pangalan sa kanya sa unang letra ng nakaburda sa lampin. Letrang N kaya Nathaniel ang ibinigay nitong pangalan sa kanya. Mahirap ang buhay sa ampunan kaya nang matanto ng bata niyang isip ang hirap na iyon ay nagnais siyang makaalis doon. Natikman niya ang ginhawa ng mabuhay sa labas ng ampunan sa ialng pagkakataon na ipahiram sila sa iba kapag panahon ng Kapaskuhan. Isa o dalawang linggo silang ipinapahiram sa ibang pamilya at doon ay nararanasan nilang mabuhay na tila mayroong isang pamilya. At suwerte siya dahil ang pamilyang kumukuha sa kanya ay pawang mababait. Iyon nga lang, masakit sa loob niya ang pagdating ng araw na isinosoli na sila sa ampunan. Palagi ay nananalangin siyang sana ay mayroon nang umampon sa kanya. Subalit hanggang sa ngayon ay hindi iyon nangyayari. Bawat araw na gumigising siya ay iyon palagi ang hinihiling niya. Pero bawat araw din, ang nangyayari ay naglilinis sila sa loob at labas ng La Casa de Amor. At may katapat na parusa ang kahit na maliit na pagkakamali. “Kung gustong-gusto mong makaalis sa ampunang ito, mas lalo naman ako,” mahinagpis na sabi ni Hector. “May mga magulang ako. May mga kapatid ako. Alam kong hinahanap nila ako.” At umiyak ito. Dalawang taon na ang nakakaraan nang matagpuan niya si Hector sa labas ng bakuran ng ampunan. Nakahandusay ito sa bangketa at mataas na mataas ang lagnat. Tinawag niya si Miss Vergel. Kinalingan naman nito si Hector. Isang linggo na may sakit ito at hindi makausap nang maayos. Nang umige ang kalagayan ni Hector ay sinabi nitong biktima ito ng kidnap. Kinuha daw ito ng mga mamang may takip ang mukha habang naglalaro ng holen sa tapat ng bahay ng mga ito at isinakay sa kotse. Hindi magawang idetalye ni Hector ang lahat. Palagi na ay sa pag-iyak nauuwi ang pagkukuwento nito. At hanggang ngayon, tila may diprensya ang memorya ni Hector sapagkat hindi nito magawang sabihin ang mga bagay na inaasahan nitong natatandaan dapat nito. Pinipilit nitong isipin ang pangalan ng mga magulang o kahit ng mga kaptid subalit hindi nito maalala iyon. Kahit apelyido nito ay hindi nito maalala. Tanging ang pangalang Hector ang nagawa nitong tandaan. Hindi niya alam kung dapat siyang mainggit kay Hector. Ito, alam nitong may mga magulang ito. Pero siya, wala siyang alam kung saan siya nanggaling. “Tumahan ka na, Hector,” alo niya dito. “Pangako ko sa iyo, ito na ang huling pagkakataon na makukulong tayo dito. Hindi na ako magbabasa ng komiks para hindi ka na rin madamay.” Naputol ang pag-uusap nila nang makarinig sila ng mga yabag. Sandaling bumukas ang pinto. Subalit bago sila makapagtanong kung palalabasin na sila doon ay mayroong ipinasok na isang binatilyo si Miss Vergel. Hindi nila ito kilala. Bagong pasok marahil sa ampunan. “Palabasin n’yo `ko rito!” sigaw agad ng lalaki habang ikinakandado pa lang ang pinto. “Palabasin n’yo `ko rito!” At patuloy nitong binayo ang pinto. Kinalabit niya si Hector.  “Nagsasayang ka lang ng pagod. Hindi ka palalabasin dito ni Miss Vergel hangga’t ayaw niya.” Nagsalita si Hector. “Sino ka?” tanong nito. “Nasaan ka?” “Nandito kami sa dulo. Ako si Hector. Itong kasama ko, si Nathaniel. Nagalit din sa amin si Miss Vergel. Huwag kang mag-alala, masasanay ka rin sa kanya.” Tumahimik naman ang lalaki. “Sino ka? Bago ka ba dito? Ako si Nathaniel,” sabi niya mayamaya. “Joaquin ang pangalan ko. Dinala ako dito ng social worker pero hindi ako magtatagal dito. May tatay ako. Hahanapin ako noon.” Nagkalabitan silang muli ni Hector. Ilang oras silang nakakulong doon pero hindi sila kinausap ni Joaquin. Patuloy ito sa pagwawala sa may pintuan. Nang sa wakas ay bumukas ang pinto, akala marahil ni Joaquin ay palalayain na ito subalit silang dalawa ni Hector ang pinalabas ni Miss Vergel. “Maiwan ka riyan!” asik nito kay Joaquin. “Kabago-bago mo dito, nagmamatapang ka na.” Bumaling ito sa kanilang dalawa. “O kayong dalawa, doon kayo sa likod. Tapusin ninyo ang mga kama ng petsay nang makapagtanim na. Huwag kayong tatamad-tamad. Kayo din naman ang kakain ng mga itatanim ninyong petsay!” sermon nito sa kanila habang halos itulak sila. Napadaan sila sa komedor. Naroroon ang iba pang ulila. Magkabukod ng mesa ang mga batang babae at lalaki. Nakatingin ang mga ito sa kanila pero wala ni isa ang nag-alok sa kanila ng pagkain. Napalunok si Nathaniel. Kanina pa siya nagugutom palibhasa ay tig-iisang pandesal lang ang ipinakain sa kanila sa almusal. “Doon sa likod!” singhal ni Miss Vergel at itinulak sila. “Mamaya kayo kakain. Gawin ninyo muna ang pinagagawa ko.” Inabutan nila sa likuran sina Pedro at isang matangkad na batang lalaki na nagbubungkal ng lupa. Papalapit naman dito si Claudio na may dalang timba ng tubig. “Dio,” tawag ni Miss Vergel kay Claudio. “Hindi ka lang iigib ng tubig. Magtatanim ka rin.” Nang umalis si Miss Vergel, nagkatinginan silang lima. “Ito si Isagani, bagong dating siya,” pakilala ni Pedro nang mapansin nitong nakatingin sila ni Hector sa katabi nito. “Isagani, iyan si Nathaniel. Si Hector naman iyang isa.” Tinanguan nila ito. “Nahuli ka na naman sigurong nagbabasa ng komiks,” sabi sa kanya ni Dio. “Ano pa nga ba? Sinasaway ko lang siya, pati ako, eh, nadamay,” pahimutok na sabi ni Hector. “Sa susunod, huwag mo siyang sawayin. Hayaan mo siyang mahuli ni Miss Vergel na nagbabasa ng komiks. Kapag natikman niyang makulong sa lumang kubeta na mag-isa lang siya doon, magtatanda din iyan.” Bumaling si Caludio sa kanya. “Ano, Nate, gusto mong makulong doon na mag-isa ka lang?” tila hamon pa nito sa kanya. Tumingin siya kay Claudio at sasagot na sana nang magsalita si Pedro. “Itanim na natin ang mga ito,” sabi ni Pedro at inabot sa kanila ang mga buto. “Kanina pa ko gutom na gutom.” “Oo nga,” sabi uli ni Claudio. “Walanghiyang Miss Vergel iyan, palagi na lang tayong ginugutom. O dali, itanim ninyo na ang mga petsay.” “Itanim natin,” may diing sabi niya at tumingin kay Claudio. “Sabi ni Miss Vergel, magtatanim ka rin kahit ikaw ang umigib ng pandilig.” Ngumisi lang sa kanya si Claudio. Hindi tuminag. “May naiwan pang nakakulong doon sa lumang kubeta,” sabi ni Hector habang apura na ang pagkilos nitong maibaon sa lupa ang mga buto. “Ah, bago iyon,” ani Claudio. “Nagwawala. Mukhang tigasin.” “May mas titigas pa ba kay Miss Vergel?” ani Claudio. Diniligan na nito ang mga kama ng petsay na natamnan nila ng buto. Ilang sandali pa at tapos na sila. Halos mag-unahan silang bumalik sa malaking bahay. Gutom na silang lahat. “Puwede na ba kaming kumain?” tanong ni Isagani. Nauna ito sa kanila dahil na rin siguro sa matangkad ay mahahaba ang biyas kaya malalaki rin kung humakbang. Halata sa itsura nito na gutom na. “Sabi ni Miss Vergel, hugasan ninyo muna ang mga pinagkainan ng ibang bata,” sagot nito. Ito lang yata ang tauhan ni Miss Vergel na mabait sa kanila, ang ibang tauhan ni Miss Vergel, kasingbagsik ng tagapangasiwa kaya Miss Vergel Junior ang bansag nila. “Ate Bebe, pakainin mo muna kami. Wala na kaming lakas para maghugas ng pinggan,” sabi ni Claudio. “Pinagpiko kami, pinag-igib ng tubig, nagtanim at naglinis ng buong bakuran. Nanghihina na kami,” sabi pa nitong tila ito ang pinaka-nahirapan sa kanilang lahat. “Naku, baka mapagalitan ako. Huwag daw kayong pakainin hangga’t hindi ninyo ito hinuhugasan.” “Tara, hugasan na natin,” barumbadong sabi ni Claudio. Ito ang unang lumapit sa isang talaksang hugasing pinggang plastic. Inilubog nito ang mga iyon sa tubig at saka itinaob na. “Gayahin ninyo ako,” utos ni Dio sa kanilang apat. “Marumi pa iyan. Iipisin iyan,” hilakbot ni Bebe. “Uulitin na lang namin mamaya tutal magsisiyesta na si Miss Vergel. Pakainin mo muna kami,” tila naghahamon ang tinig ni Dio habang ipinagpapatuloy nito ang pagtataob sa binanlawan lang na mga pinggan. Dalawang minuto lang ay nakataob na ang mga pinggan. Dalawang minuto ring iiling-iling si Bebe pero ipinagsandok na rin sila nito ng pagkain. “Huwag mo nang takalin. Maawa ka na sa amin,” sabi uli ni Claudio na tila spokesman nila. Hindi kumibo si Bebe pero ibinigay nito sa kanila ang lahat ng tirang pagkain. Pati tutong inihain nito sa kanila. Patapos na silang kumain nang makita nilang papalapit si Miss Vergel. Bitbit nito sa leeg ng T-shirt si Joaquin, ang bagong pasok na naiwan kanina sa “kulungan” nila. “Isalo ninyo sa pagkain,” sabi nito at tumalikod na. Nagkatinginan silang lima. Sa gutom nila, kahit ang tutong ay pag-aagawan na nila. Unang kumilos si Hector. Binawasan nito ng tatlong kutsarang kanin ang nasa plato nito at inilagay sa isa pang plato. Sumunod sila hanggang sa tila magiging sapat na rin kay Joaquin ang pagkain sa plato nito. “Pasensya na, sabaw na lang ang ulam,” sabi ni Pedro. “Kahit naman nagkasabay-sabay tayong kumain, sabaw lang talaga ang ulam,” sabi naman ni Claudio. “Aalis ako dito. Tatakas ako,” mahina subalit mariing sabi ni Joaquin. Nasa mukha ang galit. “Lahat tayo gustong tumakas dito. Pero hangga’t hindi nangyayari iyon, dapat magkakakampi tayo dito. Iisa lang ang kaaway natin. Si Miss Vergel at ang mga kampon niya,” ani Claudio. “Anim na tayong magkakaibigan ngayon,” sabi ni Isagani. “Oo nga, Joaquin, ituring mo kaming mga kaibigan mo,” ayon naman ni Pedro. Malamig itong tumango. “Salamat sa inyong lahat.” “All for one…” simula ni Nathaniel. “One for all!” sagot nilang tatlo. Nakamata lang sa kanila sina Isagani at Joaquin. “Iyan ang sumpa namin palagi sa isa’t isa. Kasali na rin kayo ngayon,” sabi niya sa dalawa. Tumango si Isagani, nakangiti pa. Tumango din si Joaquin. At sa kauna-unahang pagkakataon, bagaman tipid ay nakita niyang may sumilay na ngiti sa mga labi nito. Ipinagpatuloy na ni Nathaniel ang pagkain. Hindi niya alam kung bakit siya masaya. Siguro, dahil pakiramdam niya ay nadagdagan siya ng kaibigan kundi man kapatid. Mula’t sapul ay ganoon ang pakiramdam niya kapag may bagong pasok sa ampunan. 

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

His Obsession

read
104.0K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
96.0K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
175.8K
bc

The Ballerina's Downfall

read
81.4K
bc

MAGDALENA (SPG)

read
29.9K
bc

The naive Secretary

read
69.6K
bc

TEMPTED CRUISE XI: A NIGHT OF LUST

read
29.1K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook