16

714 Words
“NATE?!” gulat na gulat si Hannah nang ito ang mapagbuksan niya nang tumunog ang kanyang doorbell. Bigla ang ginawa niyang pagkipkip ng walis tambo sa kanyang kilikili at sinuklay ng isa niyang kamay ang kanyang buhok sa pamamagitan ng mga daliri. Kulang na lang ay ipunas niya ang leeg ng suot na T-shirt sa kanyang mukha. Kanina pa niya nararamdamang malagkit iyon at naglalangis. Maghapon na siyang abala sa gawaing-bahay. Ilang araw nang wala siyang katulong. Nagpaalam si Michelle na dadalaw sa inang nasa probinsya at hindi pa bumabalik. At sa ilang araw na iyon ay halos hindi na siya lumalabas ng bahay. Tama si Marga, kay Maggie pa lang ay okupado na ang kanyang oras. Isinisingit lang niya ang ibang gawain kapag tulog ito o dili naman kaya ay kuntento itong naglalaro lang. Malaking oras ang nabawas niya para sa sarili. At dahil hindi niya ngayon priority ang magpaganda, ni hindi pa rin siya naliligo. Buhat kaninang nagising siya, madaliang hilamos at pagsesepilyo lang ang nagawa niya. Ni hindi na siya nag-abalang maglagay pa ng pulbos sa kanyang mukha. Katwiran niya ay nasa bahay lang naman siya at walang inaasahang bisita. Kahit nga ang suot niyang pambahay ay matino lang nang bahagya sa mga lumang damit na ginagawang basahan. Pero kung naisip lang niya ang posibilidad ng pagdating ng isang di-inaasahang bisita—lalo at si Nate, tiyak na sisingit siya ng oras upang magsalamin, magpulbos ng kaunti at magsuklay nang matino. Ngayon ay parang gusto niyang magtatakbo patungo sa banyo at gumawa ng madaliang paliligo. Susme, losyang na losyang ang itsura niya! “Para ka namang nakakita ng multo,” nakangiting sabi sa kanya ng binata. “C-come in.” Ibinukas niya nang maluwang ang pinto. “Gulat na gulat talaga ako. Maupo ka. Naku! Mabuti na lang at nakapagligpit na ako dito. Balak ko kanina ay unahin ang paglalaba pero nasimulan ko nang magwalis dito kaya eto na ang nauna kong matapos,” hindi magkandatuto sa pagpapaliwanag na sabi niya. “Relax, Hannah. Hindi mo naman kailangang mag-explain.” “Actually, hindi ako sanay na may bisita. Si Marga lang ang madalas na nandito saka ang parents ko. Besides, lately lang ako napirmi sa bahay. Dahil kay Maggie, obviously. May maliit akong business. Paglaki nang kaunti ni Maggie, baka iwan ko na lang muna siya sa parents ko sa araw habang nag-iikot ako sa mga kliyente ko.” “Kumusta si Maggie?” “Nasa kuwarto, tulog. Mabuti nga at nakatulog kaya nakakagawa ako dito sa bahay. Kapag gising siya, minsan gusto puro karga. Medyo sinasanay ko na nga na doon na lang siya sa crib. Paano mo nalamang ito ang bahay ko?” Nako-conscious siya sa pagtitig sa kanya ni Nathaniel. Siguro ay iniisip nitong hindi naman pala siya kagandahan. At malamang turned off na rin ito sa itsura niya ngayon. Hindi na nga kagandahan ay hindi pa preskong tingnan, insecured na naisip niya. “Sinabi ni Marga. Matagal din kaming magkakuwentuhan sa reception ng binyag ni Maggie last week. Ang dami nga niyang kuwento, eh. Very close pala kayong talaga. No wonder isinunod mo sa pangalan niya si Maggie.” “Para na rin kaming magkapatid. Pasensya ka na kung daig mo pa ang in-interview ng taong iyon. Maurirat kasi iyon.” “Okay lang. Marami din naman kasi akong gustong malaman. At hindi ko na nga kinailangan pang magtanong sa kanya.” Bigla siyang naumid. “A-ano nga pala ang maihahain ko sa iyo?” aniya pagkuwan. “Gusto mong kape?” “Yes, please. Black.” “Okay. Sandali lang.” Pagtungo niya sa kusina ay pasimple siyang humarap sa munting salamin niya doon. At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya sa nakita niyang anyo. Higit pa sa iniisip niya ang itsura niya. May dungis ang noo niya at may kung anong nakakulapol sa kanyang buhok. Mabilis niyang pinalis ang dumi. Hinagip niya ang suklay at mabilisang sinuklay ang buhok. Naghilamos na rin siya. Matapos tuyuin ang kanyang mukha ay saka niya hinarap ang pagtitimpla ng kape. Gusto sana niyang magpulbos subalit ayaw naman niyang lumabas kay Nate na labis ang effort niyang maging maganda sa paningin nito. Pansamantala ay tama na munang mapalis niya ang dumi at pangingintab ng kanyang mukha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD