“WHAT’S up, ’La!” Mabilis akong humalik sa pisngi ni Lola pagkarating ko ng bahay.
Matapos humalik ay sinalubong ako ng tingin niyang nangungusap. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Bahagya pa niyang ibinaba ang suot niyang antipara, saka pinaningkit ang mga mata habang hawak-hawak ang kaliwang bahagi ng gilid ng kaniyang salamin.
“O, bakit ganiyan ka makatingin, ’La? Sobrang ganda ko ba? Kayo naman, hindi na kayo nasanay.”
Binuntutan ko pa iyon ng mahinang tawa pero mas lalong naningkit ang mga mata ni Lola. Napaayos tuloy ako ng tayo at mabilis na nawala ang ngiti sa labi ko.
Tumingin ako sa aking kanan at nagsimulang sumipol-sipol habang minamasahe ang aking batok. Baka kasi nakapagsumbong na si Manong Dastan kay Lola kaya kung makatingin siya sa akin ngayon ay parang gusto na akong paluin ng hanger.
Giliw na giliw pa naman siya sa mga kaibigan ni Kuya Magnus. Paano, e, ini-spoil ng magkakaibigan na iyon si Lola, lalo na si Manong Dastan. Simula kasi nang lumayas si ate Alexa dahil sa naging away nila ni Kuya Magnus, parating narito na ang mga sinto-sintong mga kaibigan ng Bayaw ko kapag hindi sila busy sa mga kumpanya nila, lalo pa’t may ipinapatayong bahay si Kuya riyan lang sa mismong tapat ng bahay.
“Anong what’s up? Ako’y tigil-tigilan mo sa pag-i-ingglis mo, Siri, at baka mabambo kita ng walis. Bakit kay aga mong umuwi ngayon? Dapat ay mamayang alas-sais pa ang uwi mo, ah. Ay, alas-kuwatro pa lang. Pumasok ka ba o hindi?” Napakamot ako ng ulo sa dami ng sinabi ni Lola.
Pumasok naman, ’La . . . pero sa cr niya, singit ng utak ko. Pero baka mahampas nga talaga ako nitong si Lola kapag nagkataon.
“Sobrang sakit po kasi ng ulo ko, ’La, kaya nagpaalam ako kay Manong Dastan na magha-half day. Pinayagan naman po ako kaya umuwi ako agad,” pagsisinungaling ko kahit gusto kong makonsensiya. Hindi kasi ako sanay na magsinungaling kay Lola.
“Uminom ka na ba ng gamot?” Biglang lumambot ang ekspresiyon ni Lola. Sinalat pa niya ang noo at leeg ko para damahin kung mainit ako. Mas nakonsensya tuloy ako sa pagsisinungaling ko sa kaniya. Ganiyan lang naman si Lola, eh. Mabunganga kung minsan pero mahal na mahal kami niyan ng Ate ko.
“Opo, ’La. Ipapahinga ko lang po ’to magiging okay na ako.”
“Oh siya sige, pumasok ka na sa kuwarto mo kung gano’n at nang ika’y makapagpahinga.” Tumango lang ako bilang sagot at kunwaring humawak sa noo habang medyo nakabusangot ang mukha ko para mas effective ang pagkukunwari ko.
Nang makapasok sa loob ng aking kuwarto ay pabagsak akong humiga sa aking kama. Hindi pa rin ako tinatawagan ni Manong Dastan. Matigas din talaga ang lalaking iyon. Kasingtigas ng kaniyang—
Mariin akong napapikit saka ilang beses na ipiniling-piling ang aking ulo nang maalala ang mga nangyari kanina.
“Bwisit!” wala sa sariling sigaw ko. Para akong batang nagpabaling-baling sa kama. Nagkakasala na ako nito sa boyfriend ko, eh. Kung hindi lang kasi talaga dahil sa internship ko, nunkang gawin ko ang bagay na iyon.
Natigilan ako. Speaking of boyfriend. Hindi pa nagpaparamdam ang mokong na ’yon, ah. Dali-dali akong bumangon at umupo sa gilid ng kama.
Mula sa aking bulsa ay inilabas ko ang aking cell phone para tawagan siya. Ngunit nakailang dial na ako sa numero niya ay hindi pa rin niya sinasagot. Napatitig na lang ako sa screen ng aking cell phone. Ngayon ko lang napagtanto na madalang na pala kaming mag-usap at magkita simula nang magsimula ang kaniya-kaniya naming internship.
“I-surprise ko kaya?”
Napangiti ako sa naisip at agad na tumayo para maghanap ng maisusuot sa cabinet. Nang makapili ay agad akong naligo at nag-ayos.
“Saan ka pupunta? Akala ko ba’y masakit ang ulo mo?” sunod-sunod na tanong ni Lola. Napakamot ako ng patilya para umapuhap ng irarason.
“Ano po kasi, ’La . . . may aayusin lang po kami nina Jaifel at Niña. Kailangan na raw po kasi sa school iyon.” Nakagat ko ang pang-ibabang labi dahil sa pagtatahi ko ng kasinungalingan. Ilang segundong hindi umimik si Lola kaya kinabahan ako bigla.
“O siya, huwag kang masiyadong magpagabi kung gano’n,” bilin ni Lola. Nakahinga ako nang maluwag. Ngumiti ako at humalik sa kaniyang pisngi bago lumabas ng bahay.
Nakarating ako sa apartment ni Eric after forty-five minutes. Sigurado akong wala pa siya ngayon dito. Mamayang six pa ang out niya sa hotel kung saan siya nag-O-OJT so I still have an hour to prepare. Wala namang kaso dahil may ibinigay siya sa akin noon na spare key kaya malaya akong makakapasok sa loob ng apartment niya.
Pangiti-ngiti ako habang umaakyat sa hagdan patungo sa second floor. Iniisip ko na agad at pinaplano sa isip ko kung paano ko siya isusurpresa. Magpa-deliver na lang kaya ako ng pagkain? O mas maganda kung ako na lang ang magluto para sa kaniya?
Habang naglalakad dito sa hallway patungo sa kuwartong ino-okupa ni Eric ay may mga nakakasalubong akong mga pamilyar ang mukha. Mga tenant din dito. Pero parang kakaiba ang tingin nila sa akin ngayon. Magbubulungan pa pagkatapos ay iiling.
Ipinagkibit ko na lang ng balikat at tuloy-tuloy na tinalunton ang daan patungo sa kuwartong okupado ni Eric. Nasa tapat na ako ng pinto nang matigilan ako dahil bahagyang nakaawang ang pinto.
“Hindi ba siya pumasok?” mahinang usal ko.
May nauulinigan akong mga boses mula sa loob na sinundan ng mahinang kalabog. Iyong tipong parang may itinutulak sa dingding. Nilukob tuloy ako ng nerbiyos. Nag-alala ako at baka napasukan ng magnanakaw ang loob.
Pero kung magnanakaw, imposibleng walang makapansin dahil sa may hagdan pa lang ay marami nang nakatambay na mga taga rito kaya imposible.
Maingat kong itinulak ang pinto at mas niluwangan ang pagkakabukas. Dahan-dahan kong inihakbang ang aking mga paa pero natigil din nang makarinig ako ng impit na pag-ungol mula sa loob. Hindi ungol ng nahihirapan ngunit ungol ng . . . nasasarapan. Mahina lang iyon pero sapat na para marinig ng magkabila kong tainga.
Huminga ako nang malalim pagkatapos ay nilunok ko ang parang mga batong nakabara sa aking lalamunan. Baka mali lang ako. Hindi si Eric ang nasa loob. Hindi niya ako kayang pagtaksilan. Mahal ako ng boyfriend ko.
Dahan-dahan kong sinundan ang pinanggagalingan ng mga impit na ungol at kalabog hanggang sa tumigil ako sa tapat ng banyo. Katulad ng main door ay bahagyang nakaawang din ang pinto nito kaya medyo nasisilip ang loob.
Kung kanina ay pinipilit ko pang paniwalain ang sarili ko na hindi si Eric ang nasa loob, ngayon ay nakumpirma ko na. Napakagago ng walang hiya! I am the one who is surprised.
Nag-init ang magkabilang sulok ng aking mga mata. Pinipilit kong huwag umiyak pero ang sakit, e. Parang ilang beses na tinarakan ng punyal ang dibdib ko lalo na nang makita ang mukha ni Eric na nakaupo sa bowl. Sarap na sarap ang hitsura niya habang umiindayog sa kandungan niya ang hubo’t hubad na babae na kaparehas niya’y halatang katatapos lang din maligo.
Nagbagting ang aking panga. Kumuyom ang aking mga kamao. Gustong-gusto ko na silang sugurin pero pinakalma ko muna ang sarili ko. Ayokong makita nila kung gaano ako nasasaktan. I will not give them the satisfaction to see me suffer. Never.
Pinunasan ko ang aking mga mata at pisnging basa ng luha, saka huminga nang malalim bago malakas na niluwangan ang pagkakabukas ng pinto. Natigilan sila sa nakaririmarim at nakasusukang ginagawa at gulat na tumingin sa akin.
“Babe!” Parang tinuklaw ng ahas si Eric sa gulat at basta na lamang itinulak ang babae na kanina’y para nagdedeliryo na sa sarap. Napasalampak ang babae sa tiles at napaigik sa sakit.
“Gago! Bakit mo ako itinulak?!” reklamo ng babae sa kaniya ngunit hindi ito pinansin ni Eric. Namumukhaan ko siya. Isa siya sa mga frontdesk officer sa hotel.
“O, bakit kayo tumigil? Nag-e-enjoy pa akong manood ng live p-orn. Grabe, ang intense!”
Unti-unting tumayo ang babae habang hinihimas ang kaniyang tagiliran, saka siya tumayo sa tabi ni Eric. Tinaasan niya ako ng kilay at pinagkrus pa ang mga kamay sa tapat ng kaniyang dibdib. Hindi man lang nahiya sa kabila ng kawalan niya ng saplot sa katawan. Gusto kong tumawa dahil sa kakapalan niya ng mukha. Akala mo naman kung kagandahan ang hubog ng katawan.
“Sino siya?” tanong ng babae sa kaniya ngunit hindi pa rin siya pinansin ni Eric bagkus ay pilit nitong inaabot ang aking kamay na kanina pa nangangating suntukin silang dalawa ng babae niya sa mukha.
“Babe, I will explain,” turan ni Eric at nagsimula nang humakbang sa kinatatayuan ko. Nakahubo pa rin ang animal. Napansin yata niya kung saan ako nakatingin kaya napamura siya nang mahina at mabilis na inabot ang tuwalya para itakip sa nakalantad niyang pag-aari.
“Huwag mo nang takpan. Maliit din naman,” nang-uuyam kong wika. Ngumisi ako nang matigilan siya at pamulahan ng mukha.
“Wala ka nang dapat ipaliwanag. What I saw explains everything so don’t bother to talk. Sayang lang ang laway mo,” pagpapatuloy ko, saka hinarap ang babaeng makapal ang mukha.
“At ikaw, babaeng pasas ang dede,” I smirked looking at her flat chest. Nakita ko ang pagdaan ng inis sa kaniyang mukha.
“Tinatanong mo kung sino ako? Ako lang naman ang girlfriend ng lalaking bumebembang sa ’yo!” Isang malakas na sampal ang ipinadapo ko sa pisngi niya. Halatang hindi niya napaghandaan ang gagawin ko kaya nagulat siya’t napahawak na lang sa kaniyang pisngi.
“F*ck you!” tili niya at babawi rin sana ng sampal pero nahawakan ko ang kamay niya at bahagyang pinilipit.
“F*ck you too, ulol!”
Dadalawahin ko sana ang pagsampal sa kaniya pero mabilis akong hinila ni Eric palayo sa babae niya. Iwinasiwas ko ang aking kamay para maalis ang pagkakahawak niya. Nang hindi siya bumibitaw ay pinanlisikan ko siya ng mata at mabilis na pinagsasampal. Ilang beses hanggang sa tila mamanhid ang palad ko.
“Ang kapal ng mukha mong hawakan ako. Nakakadiri ka!” bulyaw ko sa kaniya, saka mabilis na itinulak sa tabi ng babae niya.
“Babe, I’m sorry. Hindi ko sinasadya,” mahinang wika ni Eric pero malakas akong tumawa.
“Oo naman. Hindi mo talaga sinasadyang tumira ng iba. Hindi mo kasi makuha sa akin ang gusto mo kaya iyang pangangati ng maliit mong . . .” Ngumisi ako at tumingin sa pagitan ng kaniyang mga hita.
“. . .never mind. Buti na lang pala nalaman ko agad na maliit ’yan. Hindi pala ako mag-e-enjoy kung nagkataon,” pang-uuyam ko. Namula ang mukha niya. Parang napahiya.
Pinilit ko pa rin ang sarili kong maging kalmado sa kabila ng nakita kanina kahit gustong-gusto ko na silang pagbuhulin at ipagtulakan para ibalandra sa labas. Wala naman akong mapapala kung sakaling gawin ko iyon. Hahatakin lang ako sa kahihiyan kaya pipiliin ko na lang ang umalis nang tahimik dito. Hindi naman pagiging duwag at talunan ang pananahimik. Ipinapakita lang no’n na hindi ko ibababa ang sarili ko sa lebel nila. Ang mahalaga, nakasampal na ako. Sapat na ’yon.
Agad kong nilisan ang apartment ni Eric. Sinubukan pa niya akong habulin pero wala akong pakialam sa kaniya. Hindi siya kawalan dahil siya ang nawalan. Magsama sila ng babaeng pasas ang dede.
***
NASUMPUNGAN ko na lang ang sarili ko sa isang bar, umiinom kasama sina Jaifel at Niña na agad pumunta nang mag-text ako sa kanila.
“Bakit sampal lang? Ang hina mo naman, powkie! Dapat inilublob mo ang mukha ng babaeng iyon sa inidoro!” malakas na sabi ni Jaifel sabay tungga ng pilsen.
“Tama! Korek na korek! Diyos ko, iharap mo sa akin ’yon, nanggigigil ako. Bukas pumunta tayo doon sa hotel ha? Huhubuan ko ’yon para sa ’yo! Ang kati-kati ng animal!” segunda ni Niña.
Patuloy lang ako sa pag-inom habang sila ay patuloy din sa kangangawa. Mas malala pa ang dalawang ito sa akin, e. Akala mo sila ang niloko ng jowa kung magngitngit sa galit. At iyon ang ipinagpapasalamat ko dahil may mga kaibigan akong handa akong ipagtanggol.
Tumingin ako sa cell phone ko para i-check kung may text si Lola. Medyo malalim na rin kasi ang gabi. Pero surprisingly, wala siyang text o missed call maski isa. May mga text messages ako at missed calls pero galing ang lahat ng iyon kay Eric.
Ilang sandali pa’y naubos na namin ang isang bucket ng pilsen. Nag-order ulit sila ng isa pa hanggang sa nasundan ng isa at ng isa pa. Feeling ko tuloy ay umiikot na ang mundo ko.
“Ang sabi niya, ako lang ang mahal niya,” umiiyak kong wika habang sumisinga sa tissue na ibinigay ni Jaifel. Pagkatapos suminga ay basta ko na lang iyon itinapon. Panay lang ang tapik niya sa likod ko habang nagpapakawala ng malulutong na mura para kay Eric.
Ang sabi nila panandalian kang makakalimot sa sakit kapag nasa ilalim ka na ng espiritu ng alak. Pero bakit gano’n? Bakit mas dama ko ngayon ang sakit ng ginawa ni Eric?
“Isang bucket pa?” tanong ni Jaifel na parang hindi tinatamaan. Mataas talaga ang alcohol tolerance ng isang ’to. Puwedeng iharap sa mga lasenggo sa kanto. Si Niña naman ay nagpaalam na magbabanyo lang pero mukhang nakatulog na yata roon.
“Ayoko na, Powkie. Ikaw na lang kung gusto mo. Gusto kong sumayaw,” turan ko saka tumayo at tinungo ang dance floor.
Nakipagsiksikan ako sa dagat ng taong wild na wild sa pagsasayaw. Iyong iba ay naghahalikan lang at nagkakapahan sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Gosh! They’re making out in public. Pero normal na lang iyon dito. Walang pakialamanan lalo’t lahat naman ay nasa impluwensiya ng alak.
Sumayaw ako. Gumiling. Umindayog ang balakang. Natigilan lang ako nang maramdaman ko ang paghawak ng kung sino sa puwet ko. Kaya kahit nahihilo ako ay bumaling ako sa manyak na iyon.
“Gago ka, a! Ba’t ka nanghahawak?!” singhal ko sa kaniya ngunit nginisihan niya lang ako at hinapit pa sa bewang.
Nagpumiglas ako sa hawak niya pero tila wala siyang naririnig. Inilapit pa nito ang bibig sa aking tenga tapos bumulong. “Huwag ka nang magpakipot. I know a place kung saan mas mag-e-enjoy tayong dalawa,” aniya tapos ngumisi pa.
“Ulol ka pala, e! Ano’ng akala mo sa akin? p****k? At kahit ikaw na lang ang natitirang lalaki sa mundo, hindi kita papatulan! Ang pangit mo!” sigaw ko sabay patama ng sampal sa kaniyang mukha.
Nainsulto yata siya sa sinabi ko. Umangat ang kamay niya at akmang sasampalin ako nang mula sa likuran niya ay may humawak sa kaniyang kamay at pinilipit iyon. Napasigaw sa sakit ang lalaking manyak ngunit nang makabawi ay agad na inundayan ng suntok ang lalaking dumating. Nanlalabo na ang paningin ko dahil sa sobrang kalasingan kaya hindi ko masiyadong maaninag kung sino siya.
Nakailag siya sa suntok. Sinipa niya sa tagiliran ang lalaki kaya napasalampak ito sa sahig pagkatapos ay binangon at sinuntok na lang bigla. Biglang tumigil ang malakas na musika at ngayo’y nasa kanila na ang atensyon.
Dala ng sobrang hilo dahil sa kalasingan ay bigla na lang akong nahilo. Naipikit ko ang aking mga mata habang nakahawak sa aking sentido.
“Are you okay, Siri?” dinig kong tanong ng lalaking dumating kanina. Pinilit kong imulat ang aking mga mata. Bago ako mawalan ng ulirat ay naaaninag ko ang kaniyang mukha.
“Manong Dastan . . .”