PAGLAPIT niya sa makapal na pinto ng bahay, napansin niyang bahagyang nakabukas ito.
Marahan niyang itinulak, at tumambad sa kanya ang loob ng tahanan. Ang mga haliging marmol, ang hagdang narra na minsan ay pinaglalaruan ni Omar noong bata pa, at ang lumang chandelier na ngayo’y bakas na ang kalumaan.
Sarado ang main door pero sa kusina ay bakas ang liwanag. Dahan-dahan siyang lumakad papunta roon.
At doon niya nakita ang isang matandang babae, payat, may buhok na puting-puti, at baluktot ang likod. Nakaupo ito sa bangkong kahoy, hawak ang tasa ng kape, at tila nagmumuni-muni habang nakatingin sa kawalan.
“Manang…?” mahinang tawag ni Lander.
“Manang kumusta na ho kayo…” ulit niya. Saka lang napalingon ang matanda, kumunot ang noo, at tila nagtataka.
“Sino ka?” tinig nito ay mahinang nanginginig.
“Si… Philander po, Manang. Si Lander.”
Parang dahan-dahang nagbukas ang mga mata ng matanda, tila hindi makapaniwala sa narinig.
“Diyos ko…” mahinang usal nito, sabay takip ng kamay sa bibig.
“Ang batang Lander…?”
Tumango siya, bahagyang ngumiti.
“Ang laki na ng pinagbago mo,” wika ni Manang Corazon, sabay tayo kahit nanginginig ang tuhod.
“Akala ko… hindi ka na babalik.”
Lumapit siya at inalalayan ang matanda. Ramdam niya ang panginginig ng kamay nito.
“Pasensya na, Manang. Ang tagal kong nawala.”
Tumango lang ito, bakas sa mata ang luhang hindi maikubli.
“Hindi ko alam kung matutuwa ako o magagalit. Ang tagal mong pinaghintay si Omar. Halos gabi-gabi siyang naghihintay dito noon… baka sakaling bumalik ka.”
Hindi siya nakasagot. Ang mga salitang iyon ay parang kutsilyong marahang tumusok sa dibdib niya.
“Nasaan siya ngayon?” tanong niya.
“Naroon sa kabilang Isla,” sagot ni Manang Corazon.
“Bumisita sila sa biyenan niya. Pero madalas gabi na umuuwi. Mabait ang asawa niya, si Shiela, pero parang may… bigat sa pagitan nila nitong mga nakaraang linggo.”
Tumango lang siya at tumingin siya sa paligid, sa bawat sulok ng bahay, at sa mga pagbabago na tila nagkukwento ng mga panahong hindi niya nasilayan.
“Kumusta na ho kayo?” niyakap niya ito. Halos hindi matahan ang matanda. Ito ang nag-alaga sa kanya noon hanggang nagbinata siya at nag-asawa nanatiling narito sa rancho ang katiwala.
“Heto… tumatanda na ako, iho. Marami na akong dinaramdam sa katawan.”
“Bukas pa checkup tayo para mabigyan ka ng mga gamot at bitaminsa.” Saad niya na ikinatuwa naman ng matanda.
“Maayos pa ba ang kwarto ko?”
“Maayos pa, hijo. Palagi ‘yan malinis.”
“Salamat, Manang. Hindi ninyo pinapabayaan itong rancho.”
Lumapit si Manang Corazon at hinaplos ang braso niya.
“Hindi nakakalimot ang bahay, hijo. Ang mga tao lang ang umaalis.”
Malungkot siyang napangiti dahil totoo ang sinabi nito. Marami na ang tumira dito pero umalis lang din katulad ng mga magulang niya na ngayon ay naroon sa New York.
Tahimik silang umakyat ni Manang Corazon sa lumang hagdanan.
“Pasensya ka na, hijo,” mahina ang boses ni Manang habang bitbit ang maliit na lampara.
“Madalas dito brownout at ngayon nagkataon pa sa pagbalik mo. Pero ‘di bali mamaya niyan babalik na ang kuryente.”
Nakapasok na sila sa dati niyang kuwarto at si Manang Corazon ang unang pumasok at sumunod siya habang bitbit ang trolley niya at isang bag.
“Hindi ko na rin masyadong napapalinisan ang taas. Pero itong silid mo... pinapalinis pa rin ni Shiela. Minsan, kapag nag-aaway silang mag-asawa, dito siya tumutuloy.”
Natigilan si Lander.
“Dito?” agad nagsalubong ang kilay niya.
“Oo,” sagot ng matanda, walang kamalay-malay sa pag-igting ng panga ng doktor.
“Mabait naman siya, hijo. Madaldal lang pero magugustuhan mo siya.”
Hindi lang siya kumibo. Pagdating nila sa harap ng pamilyar na pintuan, agad niyang nakita ang maliit na plorera sa mesa, may mga bulaklak na puti, at isang scarf na nakasabit sa likod ng upuan— bagay na hindi niya inalis mula nang mamatay si Marielle.
Binuksan ni Lander ang pinto nang malawak. At nang bumungad sa kanya ang loob ng silid, tila sumabog ang lahat ng pinipigilan niyang damdamin.
Ang kuwarto ay halatang inalagaan — ngunit may mga detalye na hindi kanya. Napakaraming mga larawan sa wall. Iba’t ibang pose na halos sinakop na ang buong wall hindi niya pa maaninag ang mukha ni Shiela sa larawan at hindi rin siya interesado. Nadagdagan pa ang inis niya dahil sa kurtinang kulay rosas na hindi kailanman pinili ni Marielle. Violet ang paboritong kulay ng asawa pero kulay pink ang nakikita niya at ang sakit sa mata.
Ilang segundo bago siya nagsalita pero pinigilan niyang mababa lang ang tono.
“Manang… ipalinis n’yo itong kuwarto sa ibang maid.” Saad niya.
Nagtaka ang matanda. “Alin, hijo?”
“Lahat. Ang mga gamit ng babaeng ’yon. Ang kurtina, ang mga larawan—lahat.”
“Pero hijo malinis nga at ang ganda kasi buhay na buhay kaysa noon eh ginawang bodega lang ni Omar. Pero mula nang mag-asawa siya at tumira dito si Shiela ay muling nanumbalik ang tingkad nitong rancho.” Paliwanag ng matanda.
“Ang kwartong ito ay kuwarto namin ni Marielle. Walang sinuman ang dapat matulog dito. Walang ibang babae!”
Hindi malaman ni Manang Corazon ang gagawin pero nang makita ang pamumuo ng luha sa mata ng dating alaga, agad itong yumuko at tumango.
“Maiintindihan ko, hijo. Sige. Masusunod.” Sabay tawag niya sa mga kasambahay sa ibaba.
“Liza! Anton! Halika kayo rito, tulungan niyo akong ayusin ito!”
Ilang minuto lang, nagdatingan ang tatlong katulong at isang hardinero.
Tahimik silang kumilos, nag-aalis ng mga kurtina, mga larawan sa dingding pinagbabaklas pati ang mga personal na gamit ni Shiela. Tahimik lang na ginagawa ng mga trabahador kung may nagsasalita man halos pabulong pa. Kita nila ang hindi maipintang mukha ng totoong may-ari ng rancho.
Nang matapos, nanatiling nakatayo si Lander sa gitna ng kuwarto ngayon ay payak na at parang nakahinga ng maluwag. Ipinalit ng mga katulong ang kurtinang kulay ube, magmula sa kurtina hanggang sa punda, kumot at bedsheet. Tapos ang larawan nila ni Marielle ay nakasabit sa dingding alinsunod sa utos niya.
Sa dulo ng silid, nakaupo si Manang Corazon, tahimik lang na nag-uutos sa mga katulong.
“Mas mabuti na, hijo?” tanong niyang mahinahon.
Hindi agad sumagot si Lander. Tumingin siya sa bintana kung saan sumasayaw ang liwanag ng araw sa mga dahon ng puno.
Parang saglit niyang nakita ang ngiti ni Marielle ngayong naibalik na ang dati nilang kuwarto.
“Mas mabuti,” mahina niyang sagot.
Matapos linisin ng mga kasambahay ang silid, muling naging tahimik ang buong bahay.
“Hijo uutusan ko ang mga katulong na mamalengke. Ipagluluto ka namin ng paborito mong kare-kare, ha?”
“Salamat, Manang.”
Iniwan siya ng matanda, at siya naman ay pumasok sa banyo.
Nang lumabas siya, mainit na ang sikat ng araw. Ang mga sinag nito ay dumaraan sa lumang bintana pero presko pa rin. Isa sa mga nakakamiss dito sa Isla.
Habang pinupunasan niya ang mukha, napansin niyang may nakasabit sa ibabaw ng tokador—isang malaking larawan.
Lumapit siya, at saglit na natigilan.
Dalawang tao ang nasa frame: si Omar at isang babaeng hindi niya pa nakikita nang personal. Magkayakap, naka-barong at bestidaIsang wedding portrait.
Napakunot ang noo niya.
“Bakit ito ang nandito? Nasaan ang larawan namin ni Marielle?”
“Ah, hijo… ’yan po ang ipinalit ni Shiela. Pinatanggal niya ’yung luma ninyongg wedding picture. Sabi niya… gusto raw niyang maglagay ng bago para makalimot na rin si Omar.”
Napatigil si Lander.
Saglit siyang nakatingin lang sa larawan bago dahan-dahang tumigas ang panga niya.
Ang kamay niyang kanina ay kalmado, ngayo’y bahagyang nakasara sa kamao.
“Pinatanggal…?”
Tahimik si Manang Corazon at hindi malaman ang isasagot.
Dahan-dahang lumapit si Lander sa dingding.
“Una, kuwarto namin ni Marielle,” mahina ngunit mariing sabi niya.
“Ngayon, pati larawan namin… pinatanggal ng babaeng ’yon.”
Huminga siya nang malalim, pilit na pinapakalma ang sarili.
“Alam ba ng babaeng ’yon,” patuloy niya…
“Ako ang may-ari ng bahay na ’to? Na lahat ng naririto… ay sa asawa kong si Marielle at hindi sa kanya?”
Tumikhim si Manang Corazon, tila ayaw makialam ngunit halatang nag-aalala.
“Hijo… baka naman gusto lang ni Shiela ipakita kay Omar na bago na… na alam mo ‘yon para sa bagong buhay. Alam mo kasi hindi rin basta-basta ang pinagdaanan no’ng bata.”
Ngunit hindi siya nakinig.
Tinitigan pa rin niya ang larawan ang ngiti ng anak niyang si Omar, ang babae sa tabi nito na halos punong-puno ng make-up ang mukha.
Hindi na kumibo si Lander dahil pansin niyang na stress rin ang matanda.
Bumaba siya patungong kusina. Naroon ang dalawang kasambahay at naghahanda ng almusal. Mabilis siyang binati ng dalawa na kinatango niya lang.
Kumuha siya ng baso pero tumama sa paningin niya ang mga larawan sa dingding.
Mga larawan ng isang babae—nakangiti, nakasando, minsan ay naka-sumbrerong pang-bakasyon. Puro pa-cute pose. Iba na naman ang hitsura kumpara doon sa wedding portrait.
“’Yan ba si Shiela, Manang?” tanong niya, sabay turo sa mga litrato.
“Oho, sir,” sagot ng kusinera, hindi alintana ang malamig niyang boses.
“’Yan po si Ma’am Shiela… naku, napakabibo n’yang bata! Parang walang problema sa buhay, saka napakaganda pa sa personal, sir.”
Napailing na lang si Lander.
“Tsss.”
Wala siyang sinabi pa. Lumapit siya sa ref pero bago niya mabuksan ay muling umigting ang panga niya.
Pati sa ref, may mga litrato pa rin ni Shiela naka-magnet, may pa-heart, may pa-quote na “Love always wins” tas nakanguso, may nakadila, nakaduling, nakanga-nga, kung anu-anong anggulo na lang.
Sandali siyang natigilan, pero pinili niyang huwag na lang magsalita. Kinuha niya ang malamig na tubig, uminom, at tahimik na nagtungo sa sala.
Ngunit pagdating doon, lalo siyang nainis.
Sa gilid ng TV—may larawan ulit ni Shiela, naka-frame pa.
Sa aparador, sa tabi ng telepono, sa ibabaw ng piano puro mukha ng parehong babae.
Tumigil siya sa gitna ng sala, at tinawag ang isa sa mga kasambahay.
“Sir, may kailangan po ba kayo?”
“Sigurado ka bang ‘yan ang asawa ni Omar? Bakit parang hindi normal? Kahit saan ako tumingin, mukha niya ang nakikita ko.”
Tahimik ang buong sala. Naroon si Manang Corazon lumapit at pinakuha niya ang mga larawan ni Shiela sa mga kasambahay.
“Pasensya kana, iho. Pagpasensyahan mo na ang manugang mo bata pa kasi.”
Napangisi si Lander. “Ilang taon na po ba ang asawa ni Omar? Saka wala ba siyang pinagkaka-abalahan sa buhay at itong rancho ang pinagdidiskitahan niya?”
“Eh kasi kakagraduate pa lang niya sa kolehiyo. Dese nueybe pa lang magkasing edad sila ni Omar.” Sagot ng matanda.
“Hindi normal sa katulad niya ang magpuno ng mga larawan sa buong sulok ng bahay. Bilang doctor Manang may deperensya siya sa pag-iisip.”
Biglang napatawa si Manang Corazon sa huling sinabi niya.