THE UNWANTED DAUGHTER
“Why are you trying so hard to fit in when you were born to stand out?”
“It is better to be hated for what you are, than to be loved for what you are not.”
Pero hindi ang katulad ko na isang sunod-sunuran sa utos ng magulang ko. Hindi ko nga alam kung pamilya nga ba ang tingin nila sa'kin.
Lumaki kasi akong takot at hindi marunong lumaban sa mga taong mapang-abuso katulad nila. Dahil kahit anong pilit ko sa sarili ko na labanan sila ay nauuwi pa rin sa p*******t nila sa'kin.
"Venus, halika nga ritong babae ka! Kanina ka pa tinatawag hindi ka agad bumababa. Talo mo pang bingi ah!" pasigaw na tawag ni mama sa akin habang naririnig ko ang mabibigat na yabag ng kanyang paa papunta sa maliit na kuwarto kung saan ako naroon. Alam kong dito siya pupunta dahil ito lang ang tanging kuwarto na mayroon sa ikalawang palapag ng bahay namin.
Mabilis akong nagtago sa loob ng aking aparador habang nanginginig sa takot dahil sa kanya. Tuwing naririnig ko pa lang ang boses niya at ng aking papa ay takot na takot na ako.
Bata pa lang kasi ako ay maraming hirap na ang napagdaanan ko kina mama’t papa. Tuwing hindi agad ako nakakasunod sa utos nila ay kung ano-anong masasakit na salita at p*******t ang inaabot ko sa kanila.
Tahimik lang akong nakikiramdam sa loob ng aparador habang hinihintay na makapasok siya sa kuwarto ko.
"Saan ka na naman nagtatagong bata ka? Humanda ka sa'kin kapag nakita kita!" nanggigigil na sabi niya habang naririnig ko ang mga lagabog na gawa ng paghahanap niya sa’kin. Dahil doon ay mas lalo pa akong sumiksik sa sulok ng aparador.
Sumilip ako sa siwang ng aparador kaya kitang-kita ko na sinisipat niya ako sa ilalim ng aking kama. Makikita mo ang bahid ng pagkainis dahil sa pagsimangot ng kanyang mukha habang pilit niya akong hinahanap.
Pag-angat niya ng mukha ay nakita kong napatingin siya aparador kung nasaan ako. Pinigil ko ang aking hininga at tinakpan ko ang aking bibig sa sobrang kaba. Pakiramdam ko ngayon isa akong daga na nagtatago sa isang pusa na puwedeng kumain sa akin kapag nakita niya ako.
May konting liwanag na nanggagaling sa labas ng aking bintana. Kaya kitang-kita ko kung paano siya naglakad papunta sa kinaroroonan ko. Pakiramdam ko ngayon ay gabi na dahil sa takot na nararamdaman ko ngayon at talo ko pang nakakita ng multo.
Pumikit na lang ako at taimtim na nagdasal na sana huwag na siya pumunta rito sa kinalalagyan ko. Dahil alam ko na kapag nakita niya ako ay bugbog na naman ang aabutin ko.
"Nandiyan ka lang palang babae ka! Ano't nagtatago ka pa riyan sa sulok. Akala mo siguro makakapagtago ka pa," inis na sabi ni mama sa'kin.
Naramdaman ko na lang ang paghila niya nang marahas sa buhok ko palabas ng aking aparador.
"Kapag tinatawag kita pumunta ka na agad sa baba! Hindi 'yong bubuwisitin mo pa ako kahahanap sa'yo. Wala ka na ngang pakinabang dito sa bahay tapos ganyan ka pa kapag tinatawag ka," gigil na sabi niya sa'kin habang ramdam ko ang sakit ng pagsampal niya sa kaliwa't kanang mukha ko.
"Bakit ba kasi ako nagkaroon ng isang anak na walang silbi? Bukod sa hindi ka na nga kagandahan ay hindi ka pa nakakapagsalita. Ano na lang ang gagawin ko sa'yo?" tuloy-tuloy niya lang akong pinaghahampas ng mga bagay na mahawakan niya na nandito sa kuwarto ko.
Manhid na ako sa lahat ng mga natatamo kong mga hampas, palo at sabunot. Mabuti at nakakaya ng katawan ko ang mga ginagawa nila sa'king p*******t. Ipinikit ko na lang ang aking mata at tinanggap ang lahat ng kanyang p*******t.
Hanggang kailan kaya nila ako gaganituhin? Para ba sa kanila wala na akong kuwentang anak? Dahil ba sa pisikal na anyo ko ay wala na akong karapatang mahalin ng kahit na sino o kahit ng sariling pamilya ko? Hindi na ba ako puwedeng respetuhin dahil sa nakikita nilang kapintasan ko? Mabuti na lang kahit malupit ang magulang ko sa akin ay may kakampi pa rin ako rito sa bahay 'yon ang nakababata kong kapatid. Kaya kahit ganoon ang ginagawa nila sa akin ay ayos lang dahil kahit paano ay may nagmamahal pa rin sa akin na katulad niya.
May narinig akong nagmamadaling yabag papasok sa kuwarto ko.
"Ma, tama na po 'yan. Pakiusap po maawa naman po kayo kay ate," nagmamakaawang sabi ng kapatid kong si Vannessa habang nakikita kong hawak niya ang braso ni mama para awatin ito sa patuloy na paghampas sa'kin.
"Tama lang 'yan sa kanya dahil hindi siya marunong makinig kapag tinatawag siya!" galit na saad pa nito bago nito hinila palabas ang kanyang pinakamamahal na anak.
Malungkot namang sumulyap sa'kin si Vanessa bago lumabas ng kuwarto ko.
Pinilit kong itayo ang sarili kong katawan pahiga sa aking kama. Pagkahiga ko ay itinaas ko ang aking mga braso upang makita ito. Nakita ko ang mga pasa at gasgas buhat sa ginawa ni mama sa akin kanina. Masakit din ang anit at ulo ko dahil sa ginawa niyang pagsabunot.
Mabuti na lang ay wala si papa dahil alam kong pagtutulungan lang nila ako bugbugin. Simula kasi ng magtrabaho ito sa Maynila ay hindi pa ulit ito nakakauwi rito sa bahay.
Hindi ko rin alam ang dahilan kung bakit nila ginagawa sa'kin 'to. Pero pagod na pagod na rin ako. Hindi ko alam na ang inaasam ko na pamilyang magmamahal sa'kin ay isa pa sa mga gagawa ng p*******t na ito sa'kin.
Nagising ako na punong-puno ng pawis ang aking buong katawan mula sa bangungot ng aking nakaraan.
Pinatay ko ang munting ingay na nanggaling sa alarm ng cellphone ko. Paminsan-minsan ay dinadalaw pa rin ako ng masamang panaginip. Tuwing gigising ako sa umaga ay palagi akong ganito parang nakapag-jogging dahil sa punong-puno ng pawis ang buong katawan ko.
Dalawampu't limang taon na rin ako at mahigit limang taon na rin simula nang maranasan ko ang kalupitan ni papa. Lalong-lalo na ni mama na walang ginawa kung hindi ang pasakitan at saktan ako.
Mabuti na lang ay kinuha ako ng tiyahin ko pagkatapos magpadala ng video at mensahe ang kapatid ko. Muntik pa sanang makulong si mama dahil sa pang-aabuso at pagmamalupit niya pero hindi ko na ginawa. Ayaw ko kasing mawalan ng magulang ang kapatid ko na mas bata sa'kin noon ng limang taon.
Kaya nagdesisyon si Tita Marga na kunin na lang ako at ilayo sa mama't papa ko para ituring na anak. Dahil na rin sa wala itong kakayahang magkaanak at hindi na rin nito ginustong magkaasawa pa ay inampon niya na ako. Bunsong kapatid ni Mama Marie si Tita Marga. Ipinaubaya na rin ng DSWD ang pangangalaga sa akin noon sa akin tita dahil nakita nilang may kakayahan itong ibigay sa'kin ang mga pangangailangan ko.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano bang naging kasalanan ko kung bakit nila ako sinasaktan.
Lumipas ang ilang taon ang kapatid kong si Vanessa ay malapit ng magtapos ng kolehiyo sa kursong B.S-Psychology. Kasama niya ang mama namin sa bahay pati si papa. Hindi na rin kinuha ng DSWD si Vanessa dahil nangako naman ang mga ito na hindi na gagawin ang maling ginawa sa akin ng aking magulang.
Paminsan-minsan ay nakikibalita pa rin ako sa kanila tuwing tumatawag ako kay Vanessa para mangamusta sa kanya. Dahil kahit papaano ay magulang ko pa rin naman sila. Saka kahit kailan ay hindi ako nagtanim ng sama nang loob sa mga ginawa nilang mali sa'kin. Hindi ko alam kung bakit pero wala akong makapa na galit para sa kanila.
Pinag-homeschool naman ako ni tita para kahit papaano raw ay mabawi ko ang mga panahong hindi ako nakapasok sa paaralan. In-enroll niya rin ako ng isang taon sa speech therapy para turuang maiaayos ang aking pagsasalita dahil na rin sa ilang taon rin akong nakarinig at nakapagsalita. Maraming nagbago mula ng mapunta ako sa poder ng tita ko dahil pinaglaanan niya ako ng panahon para lang maging normal na ang takbo ng buhay ko. Tinatawag ko na rin siyang mama dahil siya na ang pumuno sa mga pagkukulang ng magulang ko sa'kin noon.
"Hi ma! Ang aga niyo pong umuwi ngayong araw?" nakangiti ko siyang sinalubong pagkatapos kong magsalita.
"Wala naman Valerie, na-miss lang kita agad. Kumain ka na ba? Wala ka bang lakad ngayon? Hindi ka ba pupunta sa mall para maggala?" nakangiting sabi ni mama sa'kin sabay halik sa'king pisngi.
"Hindi na po, kuntento na akong nandito na lang sa bahay para gumawa ng mga kuwentong ipu-published ko sa w*****d. Na-inspired po akong isulat ang kuwento ng buhay ko para kahit papaano ay may mapulot na aral ang mga tulad kong hindi pinalad na magkaroon ng mapagmahal na magulang. Akala ko po talaga noon ay hindi ko na maririnig ang boses ko. Pero heto ako ngayon nakakapagsalita na sa tulong ng hearing aid. Ilang taon akong nagtiis nang hindi nasasabi ang mga bagay-bagay na nasa isip ko. At nagpapasalamat ako dahil may tita akong kagaya ninyo na kaya akong mahalin at alagaan higit pa sa pagmamahal ng isang magulang. Kung hindi po dahil sa malasakit ninyo ng kapatid ko siguro ay patay na ako ngayon,"naluluhang sabi ko sa kanya.
"Wala 'yon anak. Nang dahil din sa'yo naranasan ko ang maging ina. Hindi ka mahirap mahalin at masuwerte ako na naging anak kita. Kahit hindi ka nanggaling sa'kin ay parang anak na rin kita dahil kadugo kita. At sana makalimutan mo na rin ang masamang nangyari noon sa kamay nila. Gusto kong maging masaya at magkaroon ng masayang pamilya. Dalaga ka na anak at gusto ko lumabas ka para naman makapaglibang at makahanap ng lalaking magmamahal sa'yo," nakangiting sabi ni mama sa'kin habang masuyong pinunasan ang luha sa aking pisngi.
Mayamaya ay hinahaplos na niya ang mahaba kong buhok.
"Huwag po kayong mag-alala mama gagawin ko ang gusto ninyo. Kung may magkamali mang lalaki na magmamahal sa tulad kong may kapansanan sa pandinig ay ako na siguro ang pinakamasayang babae sa mundo. Pero hangga't wala pa po ay gagawin ko po muna ang hilig ko sa pagsusulat," nakangiting sabi ko sa kanya.
Ang bangungot ng aking nakaraan mula sa aking magulang ay napalitan ng saya dahil sa isang taong nagmalasakit at nagpakita ng pagmamahal sa'kin. Alam ko kailanma'y hindi na mawawala sa isip ko ang masamang nangyari sa'kin noon pero alam ko na darating din ang panahon na makakalimutan ko rin ang masamang pangyayaring 'yon sa buhay ko.
Sa malalim na pag-iisip ko ay namalayan ko na lang na biglang kumalam ang aking tiyan. Kaya nagkatinginan kami ni mama at sabay na nagkatawanan.
"Kumain na lang tayo anak sa labas. Tinatamad na kasi akong magluto ng almusal natin ngayong umaga," nakangiting yaya niya sa'kin.
"Sige po ma," sagot ko sa kanya pagkatapos ay sabay na kaming tumayo para maglakad papunta sa kanyang kotse.
Sa paglalakad namin papunta sa kotse ay nakita kong may nakalagay na puting papel sa mailbox kaya napagpasyahan ko itong puntahan. Mabilis kong kinuha ito pagkatapos ay naglakad na ako pabalik sa kotse ni mama.
“O anak, ano ‘yang papel na ‘yan?” sumulyap sa akin si mama sandali pagkatapos ay tumingin ulit sa kalsada habang patuloy na nagmamaneho.
“Hindi ko po alam pero bubuklatin ko po muna para basahin dahil baka importante,” nakaramdam ako ng kaba noong binuklat ko ang papel.
Ilang minuto ring hindi ako gumalaw at nagsalita dahil sa nabasa ko.
“Anak, bakit para kang nalugi riyan? Tungkol saan ba kasi ‘yan?”
Umiling-iling lang ako bilang sagot at naramdaman ko na lamang ang silakbo ng aking damdamin. Umiyak lang ako nang umiyak habang ako ay nakaupo sa tabi ni mama.
“Teka, ano ba kasing nangyayari?” hinablot niya sa akin ang papel pagkatapos ay naramdaman ko na lang na inihinto niya ang kotse.
Setyembre 23, 2018
Mahal kong Valerie Sanchez,
Kung nababasa mo itong sulat siguro ay wala na ako. Patawarin mo sana ako anak, kung hindi ko ipinaramdam sa’yo ang pagmamahal ko bilang isang ina. Siguro ay nilamon lang ako ng galit dahil noon ay nakaramdam din ako noon nang hindi pagtanggap ng kinilala kong magulang. Hindi ko alam na nagiging malupit na pala ako sa’yo dahi sal nakikita ko sa’yo ang mukha ng mga kinilala kong magulang. Nagtanim ako ng poot at galit dahil pakiramdam ko laging may kulang sa’kin. Alam mo bang simula nang mawala ka sa bahay ay hindi na ako pinatulog ng konsensiya ko kaya iyon na rin ang naging dahilan kung bakit ako nagkasakit. Alam ko anak hindi mo ako mapapatawad sa nagawa kong malaking kasalanan sa’yo. Masaya ako dahil alam kong mas maaalagaan at mamahalin ka ni Marga na parang totoong anak. Mahal na mahal ko kayo ni Vanessa.
Nagmamahal,
Marie
Pagkatapos naming ibuhos ni Mama Marga sa pag-iyak noong mabasa namin ang sulat na ginawa ni mama ilang linggo bago siya namatay ay ipinasya na lang namin na maging masaya. Pinunasan namin ang luha sa aming mga mata't pisngi pagkatapos ay binuhay niya na ang makina ng sasakyan.
Alam namin na kahit papaano ay nakapagpahinga na rin si mama mula sa poot at galit na mayroon sa puso niya.
“Tara na po nagugutom na po ako. Baka malipasan na tayo ng gutom,” pinaandar niya na ang sasakyan at umalis kami ng may ngiti sa aming mga labi.
Mamaya ay pupunta kami sa lugar kung saan nilibing si mama upang madalaw naming dalawa. Nakakapagtaka lang kasi kung sino ang naglagay ng sulat ni mama sa mailbox ng bahay namin.
Kapag naintindihan mo na ang buhay ay isang pagsubok, mauunawaan mo na ang lahat ng nangyayari sa’yo ay may kabuluhan.
Wakas...