Nakasusulasok na amoy ang pumapailanlang sa buong kapaligiran. Mistula itong asupri na pilit umaangkin sa buong lugar. Kita ang mga marka na inukit ng nakaraan at nararamdaman pa rin ang sakit hanggang sa kasalukuyan. Mga markang hindi lang tumatak sa mga nawasak na pader, maging sa kaluluwa ng mga nawala. Isang lugar kung saan ay payapa at ligtas noon. Hindi naman gano’n ka sagana pero masaya at may pagmamahalan. Isang pinagpalang lugar hanggang sa dumami ang masama at naging talamak ang mga makasarili. Hanggang Dumating ang kaparusahan. Sumulpot ang isang isinumpa na bato. Kayamanan na higit pa sa maaabot ng isipan ang ganti nito. Ngunit, kaakibat ng hindi pagiging kuntento ay pagkawasak ang na buo. Ang dating payapa at sapat na pamumuhay ay napalitan ng kasakiman at paramihan ng yaman.

