REMMY
Kasalukuyan akong nakatingin sa labas ng bintana ng sinasakyan kong bus. Unti-unti nang nilalamon ng maitim na ulap ang buong kalangitan, ilang sandali na lamang ay babagsak na ang malakas na ulan sa buong paligid. Umaasa ako na sana'y ligtas si Yuri sa kaniyang daan pauwi lalo na't may kalayuan pa ang bahay nito mula sa bayan.
Pasado ala una ng hapon nang maghiwalay kami ni Yuri. Halos lahat yata ng pook pasyalan at restaurant sa bayan ay pinuntuhan namin. Nakakapagod ngunit masaya ako dahil kitang-kita ko na nag-enjoy si Yuri.
Nagpresenta si Yuri na ihatid ako pauwi ngunit tumanggi ako at mas pinili na lamang na mag-commute. Ramdam ko kung gaano siya kabuting tao dahil sa mga ipinakita nito sa akin na kabutihan kahit sa kaunting panahon na nagkasama kami ngunit hindi pa rin maiwasan ng aking sarili na makaramdam nang labis na pagkaasiwa lalo na kapag tinititigan nito ang aking mga mata. Baka kung nagtagal pa ako roon ay baka tuluyan na akong napasailalim sa malakas na hipnotismo na dulot ng mga tingin at ngiti nito sa akin.
Napasapo ako sa aking dibdib. Hanggang sa mga sandaling ito ay umaalingawngaw pa rin sa isipan ko ang mga katagang sinabi sa akin ni Yuri. Gusto niya raw ako na makilala nang lubos at mapalapit sa akin. Para akong nawala sa aking sarili nang marinig ang bagay na iyon. Wala ni isang salita ang lumabas sa aking bibig at tanging tango lamang ang naging tugon ko sa kaniya sapagkat hindi ko batid kung ano ang nararapat kong na itugon.
Ngayon lamang ako nakulong sa ganoong sitwasyon. Ganoon pala kahirap kapag biglaan ang naging tanong sa 'yo dahil hindi ka handa sa maaaring mangyari lalo na't wala ka ka ni anumang isasagot.
Maging sa mga sandaling ito ay nararamdaman ko pa rin ang malakas na pagkabog ng aking dibdib. Kanina ko pa ito nararamdaman ngunit ang hindi ko maintindihan ay bakit hindi pa rin ito matigil. Mas lalo pa itong lumalakas sa tuwing naaalala ko ang bawat ngiti na naka-ukit sa mga labi ni Yuri. Kung may sakit ako sa puso marahil ay kanina pa ako inatake.
Humugot ako nang malalim na hininga matapos ay pinakawalan sa hangin. Dahan-dahan kong ibinaba ang aking kamay at ipinatong sa ibabaw ng aking kandungan matapos ay isinandal ko ang aking ulo sa sandalan at mariing ipinikit ang aking mga mata.
Kailangan kong pakalmahin ang aking sarili. Ngunit paano? Wala akong ka ide-ideya kung ano ang dapat kong gawin.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at muling ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. Tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang buong kapaligiram dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Hindi na rin naman lingid sa akin kung ano ang sitwasyon ni Yuri ngayon. Dagdag pa rito ang sinabi sa akin ni Kate na 'di umano'y matagal na itong may lihim pagtingin sa akin simula noong unang magkrus ang aming landas. Mahirap paniwalaan ang bagay na ito lalo na't batid ko na malayo ang agwat namin ni Yuri sa isa't isa.
Marami kaming pagkakaiba ni Yuri. Hindi lamang sa pisikal na itsura maging sa estado ng aming pamumuhay ngunit mas pinili ko pa rin ang sa tingin ko ay nararapat. At iyon ang maisakatuparan ang munting kahilingan ng matalik kong kaibigan.
Hindi naging madali para sa akin na panindigan ang lahat ngunit ginawa ko pa rin ang lahat sa abot ng aking makakaya para maging masaya si Yuri habang kami ay magkasama. Wala akong sinayang na oras at siniguro ko na bawat sandali ay hindi malilimutan ni Yuri.
Masayang-masaya ako dahil sa kabila ng lahat ng mga kapalpakan ko ay nakagawa ako ng kabutihan para sa aking kapwa.
Masayang-masaya ako dahil sa pinaka-unang pagkakataon ay nagkaroon ako ng silbi sa iba. At ito ang maituturing ko na pinakamagandang bagay na nangyari sa buong buhay ko.
Ngunit, bakit ganito?
Bakit ganito ang nararamdaman ko?
Hindi ko namalayan ang mga butil ng luha na bigla na lamang pumatak mula sa aking mga mata. Hindi ko batid kung bakit at ano ang naging dahilan ng mga luhang ito.
Dali-dali kong pinunas ang aking mga luha gamit ang aking kamay. Baka may makakita pa sa akin at kung ano pa ang isipin. Muli kong sinapo ang aking dibdib. Tumigil na ang malakas na pagkabog nito ngunit bakit ganito?
Bakit may bahagi sa puso ko ang ngayo'y nakakaramdam nang labis na kalungkutan at kirot?
Bakit pakiramdam ko'y gusto ko pa siyang makita?
Bakit pakiramdam ko'y gusto ko pa siyang makasama nang mas matagal?
Bakit?
Pasado alas singko na ng hapon nang makarating ako sa bahay. Dumaan muna ako sa department store para bumili ng mga kakailanganin ko para sa project namin. Kailangan ko itong magawa nang maayos para dagdag puntos lalo na't papalapit na ang finals namin.
Nadatnan ko si mama na abala sa paglilinis ng salas. Tumatagaktak ang pawis nito sa noo. Sigurado ako na kararating lamang nito galing sa trabaho. Sa halip na ipagpahinga ang katawan mula sa maghapon na labada ay heto't walis na naman ang hawak-hawak.
"Mano po, mah." Inabot ko ang kamay ni mama matapos ay tinungo ko ang center table at ipinatong sa ibabaw nito ang aking mga pinamili.
"Ako na lamang po ang magpapatuloy sa paglilinis, mama. Kailangan n'yo rin po ng pahinga dahil baka magkasakit kayo sa ginagawa ninyong 'yan," nag-aalala kong saad.
"Pero, anak..."
"Mah, huwag na pong matigas ang ulo. Sige na po, magpahinga na po muna kayo at ako na ang bahala rito."
"Sigurado ka ba, anak?"
"Opo, wala naman po akong gagawin ngayon."
"Sige, anak. Ikaw na ang bahala pero bago mo ipagpatuloy ang paglilinis, magmiryenda ka muna. Nagluto ako ng masarap na miryenda." Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni mama. Panandaliang napawi ang damdamin na bumabalot ngayon sa aking dibdib.
"Opo, mama," nakangiting tugon ko.
Nakasunod ang paningin ko kay mama habang patungo ito sa kanilang silid. Napakapalad ko dahil pinagkalooban ako ng Poong Maykapal ng isang napakabuti at mapagmahal na ina. Simula pa sa pagkabata ay walang ibang ipinaramdam si mama sa amin ni kuya kung hindi ang pagmamahal at pagkalinga ng isang ina. Ganoon din kay papa na bukod tanging itinatangi ni mama.
Hindi lamang isang mapagmahal na ina si mama. Hindi rin matatawaran ang kasipagan at pagpupursige nito na makatulong kay papa para makaahon sa buhay. Hindi naging madali ang buhay para kina mama at papa kaya naman nagtutulungan sila para magkaroon kami ni kuya ng magandang kinabukasan.
Kaya naman, pinangako ko sa aking sarili na kahit anong mangyari ay magtatapos ako ng aking pag-aaral para masuklian ang lahat ng hirap at sakripisyo nina mama at papa. Batid ko na hindi magiging madali ang lahat para sa akin ngunit sa sipag at tiyaga ay sigurado ako na makakamtan ko ang minimithi kong pangarap.
Pagkatapos kong kumain ng miryenda ay nilinis ko kaagad ang salas. At nang matapos na ako sa paglilinis ay dumiretso na ako sa kusina para maghanda ng pagkain para sa hapunan. Sigurado ako na pauwi na sina papa at kuya galing sa kanilang trabaho kaya naman sisiguraduhin ko na masarap ang ihahanda kong pagkain para sa gabing ito.
Masaya kong sinalubong sina papa at kuya sa may pintuan. Kadarating lamang nila galing sa trabaho. Eksakto ang dating nila dahil katatapos ko lamang na ipaghanda ang aming hapunan.
Dumiretso na sina papa at kuya sa kusina. Pinuntahan ko muna si mama para tawagin. Sigurado ako na gising na siya sa mga oras na ito dahil pasado alas sais na ng gabi.
"Nakahanda na po ang hapunan, mama. Nasa kusina na po sina papa at kuya," saad ko sa may pintuan.
"Sige, anak. Mauna ka na. Susunod na lamang ako," mahinang tugon sa akin ni mama.
"Sige po, mama."
Tumungo na ako sa kusina. Nadatnan ko sina papa at kuya na masayang nagkukuwentuhan. Sigurado ako na tungkol na naman sa kanilang trabaho ang pinag-uusapan nila.
Lihim akong napangiti mula sa aking kinatatayuan habang pinagmamasdan sina papa at kuya. Walang anumang halaga sa mundong ito ang makakatumbas sa matatamis na ngiti na naka-ukit sa kanilang mga labi.
Masaya ako dahil sa kabila ng estado namin sa buhay ay mapayapa at masaya kaming namumuhay. Hikahos man ay masaya pa rin kami basta't magkakasama. Hindi ako nawawalan ng pag-asa na balang araw ay makakaraos din kami. Kailangan lang naming magsumikap sa buhay. Batid ko na hinding-hindi kami pababayaan ng Poong-Maykapal.
"Ang mama mo, Remmy?" tanong ni papa nang mabaling sa akin ang tingin.
"Susunod na lamang daw po siya, papa," tugon ko kay papa.
Humakbang na ako patungo sa mesa. Naupo ako sa kaliwang bahagi katabi ni Kuya Tristan. Simula pa noong mga bata pa kami ni kuya ay palagi kaming magkatabi sa hapag-kainan. Kahit na nga ngayon na malaki na kami ay magkatabi pa rin kami sa upuan.
"Ikaw ba ang nagluto ng lahat ng ito, Remmy?" tanong ni kuya habang panay ang subo.
"Oo, kuya. Pagod si mama galing sa trabaho kaya ako muna ang naghanda ng hapunan," tugon ko kay kuya habang bahagyang nakakiling ang aking ulo.
Kinakabahan ako sa naging resulta ng luto ko dahil ito ang unang pagkakataon na ipinagluto ko sila dahil si mama ang palaging naghahanda ng pagkain namin simula agahan hanggang hapunan.
Wala akong kaide-ideya sa pagluluto dahil paglilinis ng buong bahay, paghuhugas ng pinggan at paglalaba lamang ang alam kong gawain sa loob ng buhay.
"Aba, hindi na rin masama ang lasa para sa isang first timer na tulad mo, Remmy!"
Hindi ko inaasahan ang naging komento sa akin ni kuya. Buong akala ko ay pagtatawanan niya lamang ako dahil madalas niya akong tuksuhin.
"Ngayon pa lamang, sinasabi ko na sa 'yo Remmy na puwede ka ng mag-asawa," tudyo ni kuya.
Biglang nag-init ang aking mga pisngi dahil sa sinabi ni kuya.
"Iyon nga lamang, ang dapat mong mapangasawa ay iyong kayang kainin ang pagkain na inihanda mo sa mesa," pahabol ni kuya
Sinasabi ko na nga ba. Isa na naman ito sa panunudyo ni kuya. Muntik na sana akong maniwala sa mga papuri niya. Talagang hindi ito titigil hangga't hindi nito nakikita ang aking mukha na namumula sa sobrang pagkainis.
Ito na ang libangan ni kuya simula pa noong mga bata pa kami, ang inisin ako dahil tuwang-tuwa ito sa tuwing nakikita ang reaksyon sa aking mukha. Kahit talaga kailan panira itong si Kuya Tristan.
"Si kuya talaga! Sa susunod na maghahanda ako ng pagkain. Isang garapon nang dinikdik na labuyo ang ilalagay ko sa pagkain mo!" bwelta ko kay kuya ngunit hindi ito nagpatinag sa pang-iinis sa akin.
"Baka nakakalimutan mo, Remmy. Paborito ko ang maaanghang na pagkain. Kahit ilang garapon pa nang dinikdik na labuyo ang ilagay mo sa pagkain ko ay kayang-kaya kong ubusin kahit walang panulak na tubig," nakangising sabi ni kuya habang nakatingin sa akin.
Halata sa mukha nito na walang balak na tumigil sa pang-iinis sa akin.
"Ang yabang mo, mabulunan ka sana!" inis na saad ko kay kuya.
"Oh, siya, tumigil na kayong dalawa at baka magkapikunan na naman kayo," saway ni papa na kanina pa sa amin ni kuya nagmamasid.
Hindi ko na lamang papansinin si kuya dahil kapag pinatulan ko pa ang pang-iinis niya sa akin, sigurado na sa huli ay ako na naman ang kawawa dahil wala akong kalaban-laban sa kanya.
Kukuha na sana ako ng kanin nang bigla na lamang na ipinatong ni kuya ang kamay niya sa ibabaw ng aking uluhan matapos ay bahagyang ginulo ang aking buhok.
"Masaya ako dahil may bagong bagay ka naman na natutunan sa araw na ito, Remmy."
Natigilan ako sa sinabi sa akin ni kuya. Hindi ako sigurado kung isa na naman ito sa mga paraan niya para inisin ako. Ayaw ko nang paniwalaan ang lahat ng mga sinasabi niya dahil halos lahat ng mga ito ay pawang panunudyo lamang. Ngunit, nang tingalain ko si kuya ay sumalubong sa akin ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Wala akong nakikita ni anumang bakas ng panunudyo sa mukha nito.
Bahagya kong ipinilig ang aking ulo. Hindi pa rin ako sigurado kung bukal nga sa loob ni Kuya ang mga sinabi nito sa akin ngunit nais ko pa rin siyang pasalamatan dahil sa kabila ng palagi niyang pang-iinis sa akin, kailanma'y hindi niya ako pinabayaan.
Matanda sa akin si Kuya Tristan ng limang taon. Maraming nagsasabi na guwapo si kuya. Kamukhang-kamukha raw niya ang yumao naming lolo na si Lolo Fidel. Ang ama ni papa. Kuhang-kuha raw ni kuya ang hugis ng mukha nito pati na rin ang mga mata.
Habulin ng mga babae si Kuya Tristan hindi dahil sa pisikal nitong itsura kundi dahil sa taglay na kabutihan ng puso niya. Marami nang babae ang nagtapat ng lihim nilang pag-ibig kay kuya ngunit, hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagkakaroon ng girlfriend.
Mabait, malambing at higit sa lahat ay mapagmahal na anak si Kuya Tristan. Naaalala ko pa noong mga bata pa kami. Madalas lumiban si kuya sa klase para pumasok bilang boy sa isang grocery store malapit sa paaralan kung saan kami nag-aaral nang hindi alam nina mama at papa. Kung minsan pa nga'y nagtatrabaho pa si kuya sa bukid noon para lamang makatulong. Kaya bata pa lamang noon si kuya ay sobrang batak na sa trabaho ang kaniyang katawan.
Kitang-kita ko kung gaano nagpupursige noon ni kuya para lamang makatulong sa aming mga magulang. Kahit na nga ngayon na nasa wastong edad na siya sa pag-aasawa ay hindi pa rin niya iniiwan sina mama at papa.
Hindi lamang ako mapalad dahil sa pagkakaroon ng mabubuting mga magulang kundi mapalad rin ako dahil nagkaroon ako ng isang mabuting kapatid tulad ni kuya. Wala akong ibang hinihiling kundi ang matagpuan na rin ni kuya ang tunay na kaligayahan sa piling ng tamang babae na karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal.
"Maraming salamat, kuya," mataimtim kong sabi kay kuya.
"Aba, anong meron at mukhang nagkakatuwaan ang mag-aama ko? Mukhang nahuli na naman ako nang dating."
Narinig namin na sabi ni mama. Dahan-dahan na inilayo ni kuya ang kaniyang kamay na nakapatong sa aking uluhan matapos ay muling itinuwid ang upo. Ibinalik ko na rin ang tingin sa harap at nagpatuloy na sa pagkuha ng pagkain.
"Wala po, mama. Binibiro ko lamang po si Remmy," tugon ni kuya.
"Nariyan ka na pala, mahal. Halika't saluhan mo na kami ng mga bata," masayang saad ni papa kay mama.
Hinawi ni papa ang bakanteng upuan sa kanyang tabi. Nakangiti si mama nang maupo habang nakatingin sa amin ni kuya.
"Katatapos ko lamang kasing magligpit ng mga damit mo. Daig pa kasi ang nilimas ng magnanakaw."
"Hindi ka na sa akin nasanay, mahal."
"Ako pa ba, Guillermo?" Sabay-sabay kaming nagtawanan.
"Oh, siya, kumain na tayo bago pa lumamig ang pagkain na hinanda ni Remmy."
Pinaghain na ni papa si mama ng makakain. Masarap pagmasdan sina mama at papa dahil hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang sweetness nila sa isa't isa.
Mahal na mahal ni papa si mama. Sa loob ng dalawampu't limang taon na pagsasama nila, hindi ko pa nakita na nag-aaway sina mama at papa. Siguro ay may mga pagkakataon din naman na hindi sila magkasundo ngunit mas minamubuti nila na huwag na sa amin ipakita ni kuya at mas pinili na lamang nila na ayusin bago pa man lumala ang problema.
Mabait, masipag at higit sa lahat ay isang mapagmahal na ama at asawa si papa. Tulad ni mama, isa ring magandang huwaran si papa.
Mahal na mahal namin si papa dahil ni minsan ay hindi niya kami pinabayaan. Palagi niya kaming inuuna kesa sa anumang bagay. Mapalad kami dahil ipinagkaloob sa amin ng langit ang isang napakabuti dakilang ama.
Kaya naman, wala na akong ibang mahihiling pa kung hindi ang manatili ang kaligayahan, respeto, tiwala at pagmamahalan namin sa bawat isa. Mahal na mahal ko sina mama, papa at kuya. Sila ang tanging yaman na meron ako kaya naman lubos ko silang pinapahalagahan.
YURI
Pasado alas siete na ng gabi nang maka-uwi ako. Isang tawag ang natanggap ko kanina habang nasa daan ako pauwi. Inimbita ako ng kaibigan kong si Jurex na dumalo sa birthday party ng girlfriend niya na nag-aaral sa isa ring sikat na eskwelahan dito sa lugar namin. Ayaw ko sanang dumalo dahil alam ko kung anong klaseng party ang sinasabi ng kaibigan ko ngunit sadyang mapilit ito. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang pumayag na lamang.
Napabuntong hininga ako sa may pintuan. Tama nga ang kasabihan na nasa huli ang pagsisisi. Mabilis kong hinubad ang suot kong polo shirt dahil umaalingasaw ang amoy ng mga babae na nakatabi ko kanina.
Napasapo ako sa aking noo nang maalala ko kung paano nila ako akitin. Hindi ko maintindihan kung bakit may ganoong klase ng babae sa mundong ito.
Hindi na ako magtataka kung bakit ganoong tipo ng babae ang gusto ng mga kaibigan ko. Iyong tipong isang kindat lamang ay bibigay na.
"How's your date with Remmy, kuya?"
Nag-angat ako ng mukha nang marinig ko ang boses ni Kate sa may hagdanan. Bumungad agad sa akin ang matamis nitong ngiti.
"Nag-enjoy ka ba?" pahabol na tanong ni Kate sa akin.
"Yes, i did," tipid kong sagot.
Nagmamadaling bumaba si Kate sa hagdan para salubungin ako. Napalis ang excitement nito sa mukha nang makalapit na sa akin.
"You did? Bakit parang iba ang sinasabi ng reaksyon sa mukha mo?" usisa nito.
"May nangyari ba sa inyo ni Remmy? Tell me," pangungulit nito.
"What do you mean by that?" Ramdam ko ang biglang pag-init ng aking mukha dahil sa sinabi ng kapatid ko.
"Ang alin?"
"There's no way na may mangyari sa amin ni Remmy. Besides, its not a date, Kate."
"Ano bang pinagsasabi mo, kuya?" Inilapit sa akin ni Kate ang kanyang mukha matapos ay pinagmasdang maigi ang aking reaksyon.
"Bakit ganiyan ka sa akin makatingin?" Dahan-dahan akong napaatras mula sa aking kinatatayuan. Hindi ko gusto ang mga tingin nito sa akin.
Maya-maya pa ay nakita ko ang pagsilay ng mapanudyong ngiti sa mga labi nito.
"Bakit ka namumula? Huwag mong sabihing..." Hindi na naipagpatuloy pa ni Kate ang kaniyang sasabihin at malakas na humalaklak na para bang kontribada sa isang pelikula.
"You get the wrong idea, kuya. Talagang walang mangyayari sa inyo ni Remmy." Halos mangiyak-ngiyak na si Kate sa katatawa.
Hindi ko batid kung ano ba ang dapat kong maramdaman sa sinabing iyon sa akin ni Kate. Batid ko na nagbibiro lamang siya ngunit may lugar sa puso ko na nakakaramdam ngayon ng kirot.
"Yeah, you're right," tugon ko sabay talikod.