4

3570 Words
REMMY Nanlaki ang aking mga mata sa sobrang pagkabigla. Nagmistula akong isang rebulto mula sa aking kinauupuan habang nakatitig sa mukha ng lalaki na nasa aking harapan. Sinubukan kong gumalaw ngunit may kung anong malakas na pwersa mula sa aking kaloob-kalooban ang pumipigil sa aking buong katawan. Ang kaba na kanina ko pa nararamdaman ay mas lalo pang tumindi. Ramdam ko ang malakas na pagtibok ng aking puso. Para bang may mga kabayo na nagkakarerahan sa aking dibdbib habang nakatitig sa mukha nito. Hindi ako maaaring magkamali. Sigurado ako na ang lalaking ito mismo ang aking nakatabi sa bus noong papunta ako eskwelahan. Malinaw na malinaw pa sa aking memorya ang itsura nito kaya hindi ako maaaring magkamali. Ang mapupungay at mabibilog nitong mga mata na napapaligirin ng matitikwas na pilik. Kumikislap-kislap ang mga mata nito habang nasisinagan ng liwanag na nagmumula sa sikat ng araw na tumatama sa babasaging bintana. Medyo may kahabaan na ang pino at kulay mais nitong buhok na bahagyang nakatabing sa kaniyang noo. Bumagay ang kulay ng buhok sa balat nito. Mas lalong lumitaw ang angkin nitong kakisigan dahil sa suot niyang hapit na kulay rosas na polo shirt na itinerno sa chino pants na kulay tsokolate. Simple lamang ang suot nito ngunit malakas ang dating dahil bumagay ito sa kanyang awra. He is a definition of God's perfect creation. Gwapo, perpekto ang hulma ng katawan at sigurado akong may abs na natatakpan ang suot nitong polo shirt. Sigurado din ako na sa mga sandaling ito sa kaniya nakatuon ang mga mata ng lahat ng mga kababaihan na nasa loob ng restaurant na ito. Sino ba naman kasing babae ang hindi mapapalingon at mapapatingin sa lalaking ito? Aakalain mo itong isang sikat na artista dahil sa taglay nitong karisma. Mas lalong bumilis ang t***k ng aking puso nang gumawi ang aking paningin sa mapupula nitong mga labi. Para bang tinutukso ako na hagkan ang mga ito. Napalunok ako nang bigla kong maalala ang mainit at mabango nitong hininga noong nagkalapit ang aming mga mukha. "Umayos ka nga, Remmy!" usal ko sa aking sarili habang nakatitig pa rin sa mukha ng lalaking ito. Nababaliw na yata ako o sadyang epekto lamang nang malakas na pagkaka-untog ko kanina dahil sa sobrang pagmamadali. Para akong napasailalim sa isang malakas na hipnotismo. Kahit anong subok at pilit ang aking gawin ay hindi ako makawala. Gusto kong damputin ang baso na nasa ibabaw ng mesa at ibuhos ang laman nitong malamig na tubig sa aking mukha para magising na ako. Gusto kong kumawala ngunit the more na pinipilit ko ang aking sarili ay mas lalo lamang na lumalakas ang mahika na bumabalot sa aking buong pagkatao. At kapag nagtagal pa ako sa ganitong sitwasyon ay baka hindi na kayanin ng aking sarili. Ayaw ko na magmukha ulit na katawa-tawa sa harapan ng lalaking ito ngunit hindi kayang labanan ng aking katawan ang idinidikta ng aking isip. "Ganyan na ganyan din ang reaksyon ng mukha mo noong una tayong nagkita. Naaalala mo pa ba, Remmy?" Bahagya nitong ibinaluktot ang katawan habang nakapamulsa matapos ay walang anu-ano'y inilapit sa akin ang kaniyang mukha at pinagmasdan ako na wari ba'y libang na libang sa reaksyon na nakaguhit sa aking mukha. "Tissue?" anito habang nakatitig sa aking mga mata matapos ay sumingaw sa mga labi nito ang isang ngiti na punong-puno ng pununudyo. Napadilat lalo ang aking mga mata pagkarinig sa sinabi nito. Saka lamang ako bumalik sa aking wisyo nang bigla kong maalala–ganitong-ganito.roj ang eksena na nangyari sa amin noon. Muntik nang mawala sa isip ko ang kahihiyan na sinapit ko sa harap ng lalaking ito. Mabilis kong ikiniling ang aking ulo sa gawing kanan upang iwasan ang kaniyang mga mata na hanggang sa mga sandaling ito ay nakatitig pa rin sa akin. Ramdam ko ang biglang pag-init ng aking mga pisngi pati na rin ng aking dibdib. Hindi ko batid kung dahil ba ito sa kahihiyan na nagawa ko o dahil sa pangalawang pagkakataon ay muling nagkalapit ang aming mukha. Mariin akong napapikit. Para bang sasabog na ang aking dibdib dahil palakas na nang palakas ang pagkabog nito. Nagsimula na akong mataranta nang muli kong maramdaman ang mainit nitong hininga na tumatama sa aking pisngi. Amoy na amoy ko rin ang pabango na gamit nito. Ito rin ang pabango na ginamit nito noong araw na iyon. Humigpit ang pagkakahawak ko sa aking bag na nasa ibabaw ng aking kandungan. Hindi ko batid kung paano ko haharapin ang lalaking ito dahil sa pangalawang pagkakataon ay nagmukha ulit akong katawa-katawa sa kanyang paningin. Sigurado ako pinagtatawanan ako nito ngayon. Nakakahiya! "Mas lalo ka pang gumanda, Remmy. Bagay na bagay sa 'yo ang suot mo." Napamulat ang aking mga mata sa aking narinig. Hindi ko batid kung ito ba'y isang papuri o isa namang paraan ng panunudyo nito sa akin. Ibinalik ko ang aking tingin sa harap matapos ay muling iniyuko ang aking ulo. Hindi ko batid kung ano ang nararapat kong itugon at maramdaman sa mga kataga na namutawi sa kaniyang bibig. Masarap sanang pakinggan, ngunit may lugar sa aking puso na biglang nakaramdam ng lungkot. Gusto ko sana siyang pasalamatan dahil sa unang pagkakataon ay may lalaking nakapag-appreciate sa aking itsura at sa paraan ng aking pananamit. Ngunit, kung magpapasalamat ako sa lalaking ito para ko na ring tinanggap sa aking sarili na totoo ang mga papuri nito kahit batid ko na hindi naman totoo. Naniniwala ako na pinaglalaruan niya lamang ako. Natatakot ako na kapag nagpasalamat ako sa kanya baka mas lalo lamang akong magmukhang katawa-tawa at iyon ang hindi ko kayang tanggapin. Hindi ako katulad ng ibang babae na pinapangarap ng sinumang lalaki na may magandang mukha at kaakit-akit na katawan. Sa madaling sabi wala ako ng mga katangian na ito para magustuhan ng isang lalaki. Isa lamang akong ordinaryong babae na may ordinaryong itsura at pamumuhay. Paano kung pinaglalaruan lamang ako nito para mas lalo akong magmukhang katawa-katawa hindi lamang sa kanyang paningin kundi pati na rin sa mga tao na nakapaligid sa akin? Paano kung ginagawa niya lamang ito para basagin ang aking pananahimik nang sa ganitong paraan ay harapin ko siya? Maraming tanong ang pilit na nagsusumiksik sa aking isipan nang dahil lamang sa mga sinabi nito sa akin. Hindi ko lubos akalain na magiging ganito ang kalalabasan ng pagkikita namin. Marahil ay natural ang damdamin na nararamdaman ko ngayon. Gusto kong ngumiti kahit katiting ngunit hindi ko magawa. Kahit pakitang tao man lang sana ay bigo pa rin ako dahil deep inside alam ko kung ano ang totoo. Hindi ko kayang itago ang aking sarili mula sa ibang tao. Hindi ko kayang pekeen ang aking ngiti para lamang itago ang tunay na nararamdaman ng aking puso. Hindi ako magaling sa larong tagu-taguan at iyan ang gusto kong matutunan. Nakakalungkot mang pakinggan ngunit iyon ang totoo dahil walang ibang tao na nakaka-appreciate sa akin kung hindi sina mama't papa pati na rin ang matalik kong kaibigan na si Kate na palaging naka-full support sa akin. Manang man akong pumorma para sa kanila maganda ako. Hindi ko nga lang daw nakikita dahil hinahayaan ko ang aking sarili na kainin ng insecurities. Insecurities na hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin at mas lalo lamang itong lumalaki sa bawat paglipas ng araw na nabubuhay ako sa mundong ito. "May nasabi ba akong masama? I'm sorry kung may nasabi man ako na hindi mo nagustuhan," paghingi nito sa akin ng paumanhin. Marahil ay napansin nito na kanina pa ako sa kanya umiiwas.Ramdam ko ang pagiging sinsero nito ngunit nakikipagtalo ang loob ko. Pilit pa rin nitong pinapanindigan na ang lahat ng mga sinasabi niya ay pawang laro lamang. "Ngunit, hinding-hindi ko babawaiin ang sinabi ko kung gaano ka ngayon kaganda, Remmy." Sa muli ay natigilan ako. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang naging epekto sa akin ng mga sinabi nito dahil sa pangalawang pagkakataon ay muli niya akong pinuri. Bawat katagang kumawala mula sa kanyang bibig ay nagmistulang magandang musika sa aking pandinig. Ramdam ko rin ang kakaibang init na humahaplos sa aking dibdib na unti-unting tumatagos sa aking puso. Sa buong tanang-buhay buhay ko ay ngayon lamang ako nakaramdam ng ganito. Ang malakas na pagtibok ng aking puso ay mas lalo pang bumilis ngunit sa pagkakataong ito ay may kung anong damdamin ang bigla na lamang umusbong. Ano kaya itong nararamdaman ko? Anong misteryosong damdamin ang bigla na lamang umusbong sa aking puso? Para bang isang magandang bulaklak na unti-unting umuusbong sa ilalim ng liwanag ng bilog na buwan sa kalangitan. Wala na akong pakialam kahit ilang beses pa niya akong pagtawanan sa itsura kong ito. Wala na akong pakialam anuman ang isipin nito sa akin. Wala na akong pakialam sa kahihiyan na maaari kong sapitin sa harapan nito maging sa harap ng ibang tao. Sa pagkakataong ito ay kakalimutan ko muna ang aking sarili para isakatuparan ang munting kahilingan ng matalik kong kaibigan na muntik ko na sanang makalimutan dahil hinayaan kong lamunin ako nang matinding kaba. Itatanim ko na lamang sa aking isip na ginagawa ko ito para kay Kate at hindi para sa aking sarili. Mapapasaan ba't matatapos din ang araw na ito. Ang gagawin ko lamang ay samahan ang lalaking ito at gawing memorable ang lahat ng sandali habang magkasama kami. Pagkatapos nito ay babalik na ang normal sa dati. Iyon lang at wala ng iba. Wala na. "S-salamat," napilitan kong sagot sa kaniya. Matapos kong magpasalamat ay dahan-dahan akong nag-angat ng mukha. Hindi ko pa rin batid kung tama ba ang aking itinugon ko rito. Ano man ang maging reaksyon niya ay nakahanda na akong tanggapin. Ngunit, hindi ko inaasahan ang reaksyon na sasalubong sa akin. Kitang-kita ko kung gaano kaliwanag ang mukha nito habang naka-ukit ang ubod tamis na ngiti sa kanyang mga labi. Isang katanungan ang biglang pumasok sa aking isip habang mataimtim na nakatitig sa kanyang mukha. Paano nagagawang ngumiti ng isang taong tulad niya na malapit nang mamaalam sa mundong ito? Paano niya nagagawang maging malakas at matibay sa harap ng ibang tao sa kabila ng takot at pagdurusa na kanyang pinagdadaan? "Mas lalo ka pang gaganda kapag ngumiti ka," sambit nito matapos ay muling ngumiti nang ubod tamis. Punong-puno ng liwanag ang kanyang mga mata, punong-puno ng pag-asa. Wala akong nakikitang bakas ng anumang kirot at kalungkutan o sadyang itinatago lamang nito sa likod ng matamis niyang mga ngiti. Unti-unti na nitong inilayo sa akin ang kanyang mukha matapos ay itinuwid ang tayo at komportableng naupo sa bakanteng upuan na nasa aking harapan. Ibinaling nito ang tingin sa waiter na nasa kabilang mesa. "Waiter please," nakangiting tawag nito sa waiter. Huling-huli ko ang mga mata ng mga babaeng costumers na nasa puwestong iyon na nakatitig sa kaniya. Kulang na lamang na pati panga ng mga babaeng ito ay malaglag dahil sa sobrang pagkamangha. Para bang ngayon lamang ang mga ito nakakita ng ganito kagandang lalaki. Matapos kunin ng waiter ang order sa kabilang mesa ay lumapit na ito sa aming puwesto at inabot ang menu. Tahimik lamang ako habang lihim itong pinagmamasdan. "Anong gusto mong kainin, Remmy?" Dali-dali kong inilihis ang aking paningin sa takot na baka mahuli ako nito na nakatitig sa kanya. "K-kahit ano. Ikaw na ang bahala," tugon ko. Naaasiwa pa rin ako at hindi ko batid kung paano ako kikilos ng normal sa harapan nito. "Beef Tenderloin, Delmonico and New Orleans Bouillabaisse." Ibinaling ko ang aking tingin sa labas ng bintana. Saka ko lamang naalala na nasa mamahaling restaurant nga pala ako ngayon. Nagmula sa prominente at mayamang pamilya si Kate kaya naman hindi na ako magtataka kung bakit sa ganitong klaseng lugar ang napili ng kapatid niya. YURI Matapos kong ibalik ang menu sa waiter ay ibinalik ko ang tingin kay Remmy na tahimik lamang na nakaupo habang nakatingin sa labas ng bintana. Halata sa mukha nito na malalim ang kanyang iniisip at sigurado na ako dahilan nito. Ang totoo ay labis-labis ang kaba na nararamdaman ko ngayon dahil nasa aking harapan ang babae na unang nagpatibok sa aking puso. Hindi ko inaasahan na matalik palang magkaibigan sina Remmy at ang nakababata kong kapatid na si Kate. Iisang unibersidad lamang ang pinapasukan namin ngunit hindi ko man lamang nalaman na magkasama pala sila sa iisang klase. Kaya naman noong araw na ipinagtapat sa akin ni Kate ang tungkol kay Remmy ay ganoon na lamang ang labis na kaligayahan na naramdaman ng aking puso lalo ng sabihin ni Kate na tutulungan niya ako na makausap si Remmy para pormal akong magpakilala sa kaniya. Ayaw kong sayangin ang magandang pagkakataon na ibinigay sa akin ng langit na makilala at makasama si Remmy. Nakakatawa mang pakinggan ngunit ito ang unang pagkakataon na nakipagkita ako sa isang babae. Sabi nila, date daw ang tawag dito. Iyong iniimbitahan ng lalaki ang kasintahan o 'di kaya nama'y babae na nagugustuhan nito na kumain sa labas at the same time ay para magkaroon ng panahon para sa isa't isa. Maraming babae ang nagpapakita sa akin ng interes at nagtapat ng lihim nilang nararamdaman sa akin ngunit lahat sila'y nabigo na makuha ang aking atensyon. Ewan ko ba kung bakit. Magaganda, sexy at halos lahat sa kanila ay nagmula sa mayaman at prominenteng pamilya. Walang patapon sa mga babaeng ito kaya madalas akong pinagsasabihan ng mga kaibigan ko na ako raw ay isang dakilang bulag dahil hindi makita ng aking mga mata ang tinatawag nilang tunay na biyaya mula sa langit. Palibhasa'y mga pilyo ang mga kaibigan ko kaya pagdating sa usapang babae ang lahat ay updated. Sa aming magkakaibigan ay ako na lang ang walang nobya. Lahat sila'y nagpapakasawa na sa babae anumang oras na gustuhin nila. Para sa mga kaibigan ko ay minsan lamang daw tayo na mabuhay sa mundong ibabaw kaya kailangan nating enjoy-in ang bawat sandali ng ating buhay. Siguro nga'y tama sila ngunit hindi nangangahulugan na kailangan nilang paglaruan ang bawat damdamin ng mga babae na nakakasiping nila sa kama, bagay na hindi ko kayang gawin at hinding-hindi ko gagawin. Tama, minsan lang tayo mabuhay sa mundong ito kaya habang tayo'y nabubuhay pa, iparamdam natin sa mga taong mahalaga sa buhay natin kung gaano natin sila kamahal. Let's make every moment memorable para hindi tayo magsisi sa huli. At iyon ang nais kong gawin sa mga huling araw ko sa daigdig. Gusto kong makilala si Remmy nang lubos. Gusto kong malaman ang maraming bagay tungkol sa kaniya. Gusto kong malaman kung ano ang mga bagay na gusto niya, mga bagay na nagpapasaya sa kanya. Tulad ng paborito niyang kulay, asignatura, pagkain, libangan, pook na palagi niyang pinupuntahan para maglibang. Iilan lamang ang mga ito sa mga bagay na gusto kong malaman kay Remmy. Mababaw lamang kung iisipin ngunit ang lahat ng ito ay magdudulot sa akin ng labis na kasiyahan. Gusto kong pasukin ang mundo kung saan nakatayo si Remmy. At higit sa lahat ay nais ko na maging bahagi ng kaniyang buhay kahit sa maikling panahon man lang. Makasarili na kung makasarili ngunit ito ang bukod tanging hiling ko bago pa man ako lumisan. Hindi ganoon kadali ngunit gagawin ko ang lahat para magkaroon ng puwang sa buhay niya. "Masaya ako dahil muli tayong nagkita, Remmy," mataimtim kong sambit habang nakatingin kay Remmy. Hindi ako umaasa na tutugon siya sa akin dahil sigurado ko na hanggang sa mga sandaling ito ay iniisip pa rin nito ang lahat ng mga bagay tungkol sa akin. Base sa naging reaksyon nito kanina ay hindi niya inaasahan na ako ang tinutukoy ni Kate na kapatid. Dahan-dahan na humarap si Remmy sa akin ngunit halata pa rin ang labis na pagkaasiwa sa kanyang mukha dahil hindi pa rin niya ako magawang tingnan nito sa aking mga mata. Panay pa rin ang pag-iwas nito sa akin ng tingin. At kapag nagpatuloy pa ang bagay na ito ay malabo na maging maayos ang pagkikita naming ito kaya naman kinakailangan kong makapag-isip ng magandang paraan para maging komportable ang lahat ng bagay para sa kanya. "Sinabi sa akin ni Kate na matagal na kayong magkaibigan. Masaya ako dahil magkasundo kayo ng kapatid ko," sabi ko pa ngunit nanatili pa ring tahimik si Remmy mula sa kinauupan nito. "Mabait si Kate kaya walang dahilan para hindi kami magkasundo. Isa pa, parang magkapatid na rin ang turingan namin sa isa't isa," mahina nitong tugon sa akin. "Masaya ako na marinig ang bagay na iyan mula sa 'yo. Labis akong nagpapasalamat sa Poong Maykapal dahil nagkaroon si Kate ng isang mabuting kaibigan na tulad mo, Remmy." "H-hindi, nagkakamali ka." Natigilan akong bigla sa kanyang sinabi. Napatingin sa akin si Remmy. "Ako ang dapat na magpasalamat dahil ipinagkaloob sa akin ng Diyos si Kate. Mabait, maalalahanin si Kate sa lahat ng bagay at higit sa lahat ay full support siya sa akin lalong-lalo na sa tuwing pinanghihinaan ako ng loob. Palagi siyang nasa aking tabi at walang sawang sumusuporta sa akin," ani Remmy. Ramdam ko ang bawat salitang binitiwan ni Remmy na unti-unting tumatagos sa aking dibdib. Ang lahat ng ito ay nagmula sa kaibutaran ng kanyang puso. Ngayon ay masasabi ko na tunay nga silang magkaibigan ng kapatid ko dahil ganito rin ang eksaktong mga sinabi sa akin noon ni Kate nang tanungin ko siya tungkol kay Remmy. "Ganoon din naman ang nararamdaman ni Kate, Remmy. Mapalad kayong dalawa dahil magkaramay kayo sa lahat ng bagay. Natutuwa ako dahil natagpuan ninyo ang isa't isa," nakangiting saad ko. Sobrang moody ng nakababata kong kapatid na si Kate. Maliit na bagay lamang ay mabilis nang uminit ang ulo niya. Kung minsan nga'y dinaig pa nito ang bibig ni mama sa panenermon. Buong akala ko nga noon ay mahihirapan itong magkaroon ng kaibigan dahil sobrang napakamitikulosa nitong tao. Kaya naman noong sabihin sa akin ni Kate na mayroon siyang matalik na kaibigan ay ganoon na lamang ang labis na kaligayahan na aking naramdaman dahil sa wakas ay mayroon na ring ibang tao na nakakapag-appreciate at nakakaintindi sa kaniya maliban sa akin. Mas lalo pa akong natuwa nang malaman ko na si Remmy pala ang tinutukoy ni Kate na matalik niyang kaibigan. Para bang pinagtatagpo uli kami ng tadhana. REMMY "Maraming salamat, Remmy." Narinig kong sabi nito sa akin. Dahan-dahan akong nag-angat ng aking mukha at muling sumalubong sa akin ang matamis nitong ngiti. Bigla akong napasapo sa aking dibdib. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganito na lamang ang nararamdaman ko sa tuwing nakatitig sa kanyang mukha. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganito na lamang ang nagiging epekto sa akin ng mga ngiti nito. Tuluyan nang sinakop ang aking dibdib ng kakaibang init na kanina ko pa nararamdaman. Sa pagkakataong ito ay tila malabo na makawala pa ako sa misteryosong damdamin na tuluyan nang bumalot sa aking puso. "Remmy," sambit nito sa pangalan ko. "P-pasensya na may biglang sumagi sa isip ko," paghingi ko ng tawad. Ilang beses pa kaya plano ng sarili ko na magmukhang katawa-tawa sa harapan ng lalaking ito? "It's okay, Remmy. Alam ko na hanggang ngayon ay nabibigla ka pa rin sa lahat ng mga nangyayari." "H-hindi naman sa ganoon, sorry," muli kong paghingi ng tawad. Hindi ko na batid kung ano ang nararapat kong sabihin sa pagkakataong ito dahil mas lalo lamang na tumitindi ang kaba na aking nararamdaman. Kanina ko pa pinipilit na pakalmahin ang aking sarili ngunit hanggang sa mga sandaling ito ay hindi ko pa rin magawa. "Wala ka namang dapat ihingi ng tawad dahil wala ka namang ginawang masama. Ako nga itong dapat na humingi sa 'yo nang kapatawaran dahil sa mga inasal ko lalong-lalo na noong una tayong nagkita. Wala akong intensyon na paglaruan ang damdamin mo, Remmy," mataimtim nitong sabi habang nakatitig sa mga mata ko matapos ay binawi nito at ibinaling sa labas ng bintana. Biglang nag-iba ang reaksyon sa mukha nito. Ang kaninang maaaliwalas nitong mukha ay biglang nangulimlim. Ang matamis na ngiti sa mga labi nito ay biglang napalis at biglang napalitan ng kalungkutan. Hindi ko tuloy maiwasan na makaramdam ng guilt dahil batid ko na ako ang naging dahilan kung bakit bigla na lamang na binalot ng kalungkutan ang mukha nito. Kung kumilos lang sana ako ng natural marahil ay maiiwasan na mangyari ang bagay na ito. Nangako ako kay Kate na gagawin ko ang lahat ngunit nabigo ako. Hindi ko batid kung anong klaseng mukha ang ihaharap ko kay Kaye matapos ang araw na ito dahil ang dapat sanang masasayang alaala na gagawin namin ngayon ng kapatid niya ay mukhang mauuwi lamang sa kalungkutan dahil sa aking kagagawan. Muli kong iniyuko ang aking ulo. Unti-unti ko nang nararamdaman ang pangingilid ng aking mga luha. Isang simpleng kahilingan ng matalik kong kaibigan ngunit malabo na maisakatuparan ko. Ganito pala kahirap na magpanggap sa harap ng ibang tao. Mahirap dayain ang tunay mong damdamin. Madaling sabihin ngunit mahirap gawin. Madaling bumitaw ng pangako ngunit mahirap panindigan. Kumuyom ang aking mga kamay. Ano ang gagawin ko? Dito na ba magtatapos ang ipinangako ko sa matalik kong kaibigan? "Remmy," Dahan-dahan akong nag-angat ng mukha. Nakatingin pa rin siya sa labas ng bintana. Gusto kong samantalahin ang pagkakataon na ito para magsalita ngunit hindi ko magawang buksan ang aking bibig dahil sa labis na pangamba na aking nararamdaman. Matapos nitong sambitin ang aking pangalan ay ibinalik nito sa akin ang kaniyang tingin at mataimtim na pinagmasdan ang aking mukha. "Gusto kitang makilala nang lubos, Remmy. Gusto kong mapalapit sa 'yo," sambit nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD