3

1953 Words
KATE Sa bawat araw na dumarating ay siya namang unti-unting pagtangay sa buhay ng aking kapatid. Mabait si kuya at alam ng Diyos kung gaano namin siya kamahal, kaya naman lahat ng paraan ay ginagawa ng aking mga magulang madugtungan lamang ang buhay niya. Ngunit, sadya 'atang hanggang dito na lang ang itatagal ni kuya. Isang masaklap na katotohan na pilit pumapatay sa amin sa bawat araw na nakikita namin si kuya na naghihirap. Ayaw kong mawalan ng isang mabuting kapatid at gagawin ko ang lahat maging masaya lamang si kuya hanggang sa mga huling araw na magkasama pa kaming dalawa, kaya ganoon na lamang ang naramdaman kong tuwa nang malaman kong matagal na siyang may lihim na pagtingin kay Remmy. Alam ko na hindi basta-basta ang pabor na hinihingi ko kay Remmy lalo na at hindi pa siya nagkaroon ng pagkakataon na makilala ang kapatid ko. Ni kahit nga mukha ni kuya ay wala siyang ideya. Hindi ko naman siya masisisi kung sakali na hindi siya pumayag sa hinihiling kong pabor. Masakit man para sa akin ay kinakailangan ko iyong tanggapin kahit kapalit man nito ang kaunting liwanag ng pag-asa na magdadala ng kasiyahan kay kuya. "Aba, mukhang masaya ng araw natin ngayon, kuya!" bungad ko nang madatnan si kuya sa loob ng kanyang kwarto. Abot tenga ang ngiti nito habang nakatingin sa kanyang cellphone. Lihim akong napangiti. Ngayon ko lamang kasi nakita na may matamis na ngiti sa mga labi niya, kaya naman na intriga ako kung anong bagay ang nagdulot sa kanya ng ganoong klaseng kaligayahan. Agad kong isinira ang pinto saka nagmadaling pumunta sa labas upang patuyuin ang mga damit na kanina ko pa nilabhan, bigla kasing bumuhos ang malakas na ulan kanina. Pagkatapos kong maisampay ang lahat ng aking mga nilabhan ay pumanhik na ako sa itaas at muling pumasok sa loob ng silid ni kuya. Nakaupo pa rin ito sa ibabaw ng kama habang nakahawak sa kanyang cellphone. Naupo ako sa kanyang tabi upang maki-usyoso. "Pwede ko bang makita kung ano 'yan, kuya?" Inilapit ko ang aking mukha na halos pumantay na sa balikat niya . Namilog ang aking mga mata nang bumungad sa akin ang isang pamilyar na mukha. Swinipe pa ni Kuya ang mga kuhang litrato. Hindi maaaring magkamali ang mga mata ko, kilala ko ang taong iyon. Napaisip ako kung paanong nagkaroon si kuya ng mga litratong iyon gayong wala naman itong hilig sa social media. Simula sa araw na na-confine siya sa ospital ay bahay at eskwelahan na lamang ang kanyang inaatupag. "S-Saan mo naman nakuha ang mga litratong 'yan, kuya?" usisa ko na hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa rin ako makapaniwala.Kapagkuwa'y itinapon ni kuya ang kanyang sarili sa ibabaw ng kama. "Nakita ko lang siya kung saan. Naaliw kasi ako nung makita ko ang kanyang mukha–sobrang cute, kaya palihim ko siyang kinunan ng litrato," aniya at nakita ko si kuya na pinamulahan ng pisngi, halatang kinikilig Muling sumilay ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Ngayon lamang ako nakakita ng lalaki na kinikilig. Buong akala ko ay babae lamang ang marunong kiligin, ngunit mukhang nagkamali ako dahil sa ikinikilos ni kuya. "Huh? Malabo na nga talaga ang mga mata mo. Paano naging cute ang babaeng yan," nguso ko at tinawanan lamang ako ni kuya. "Hahaha! Ikaw talaga, Kate! Mas cute ka naman kesa sa kaniya kung yan ang gusto mong marinig mula sa akin," nakangising tugon ni kuya at muling pinagmasdan ang kuhang litrato sa kaniyang cellphone. Kapagkuwa'y ipinatong niya ito sa tapat ng kanyang dibdib at isang buntong hininga ang pinakawalan niya sa hangin. "Sa parehong unibersidad rin natin siya nag-aaral, at sa pagkakatantsya ko ay halos kasing edad mo lamang siya," aniya. Nakikinig lamang ako sa bawat sabihin niya. Alam kong masaya siya kaya walang rason para kumontra. "Nakakahiya mang aminin, ngunit sa simula pa lamang nang masilayan ko ang kanyang mukha ay muli akong nagkaroon ng rason upang mas kumapit pa ng matagal, ang maging masaya kahit sa paraan na patago lamang." Narinig kong sabi niya. Natigilan ako. Bahagya kong iniyuko ang aking ulo nang maramdaman ko ang unti-unting pangingilid ng aking mga luha. Hangga't maaari ay magpipigil ako dahil ayaw kong umiyak sa mismong harapan niya. Ayaw kong maging dahilan ito upang panghinaan siya ng loob. "Ang kanyang mga mata ay punong-puno ng pag-asa, maging ang kanyang mga ngiti ay nakapagbibigay ng lakas ng loob. Natatakot ako na magpakita at magpakilala sa kanya, kaya sapat na sa akin na makita siya mula sa isang sulok at ang mahalin siya sa sikretong paraan na alam ko," mapait na wika niya na halos dumurog sa aking puso. Tumayo ako at tumalikod. Ayaw ko ng marinig ang mga susunod niyang sasabihin sa pangamba na baka hindi ko na makayanan at tuluyan na akong bumigay sa kanyang harapan. "Kate, aalis ka na kaagad?" Hindi ko na liningon si juya at humakbang na lamang ako patungo sa may pintuan. "Magiging okay lang ang lahat, kuya, pangako," sambit ko saka isinara ang pinto. Napasandal ako sa likod ng pinto kasabay ang pagbuhos ng aking mga luha. Buo na ang aking pasya. Wala na akong pakialam kung anuman ang kahihinatnan ng aking gagawin. Kung tanging ito lamang ang makapagbibigay ng kaligayahan kay kuya ay walang sandali na dapat kong sayangin. REMMY Nanlambot ang aking mga tuhod pagkatapos kong marinig ang mga sinabi ni Kate. Ayaw ko munang buksan ang aking bibig. Natatakot ako na baka kung ano naman ang masabi ko. Ayaw ko ng magkamali ulit at makapanakit pa ng damdamin ng dahil lamang sa kakatihan ng dila ko. Paano ko nagawang pagtawanan at gawing isang malaking biro ang buhay ng nag-iisang kapatid ni Kate, lalo na't may taning na pala ang buhay nito? Ni hindi ko man lamang binigyan ng pagkakataon si Kate na sabihin ang lahat sa akin. Mas nauna pa ang bibig ko at puro insulto lamang ang inabot ng kanyang kapatid. Napakasama ko! Tumingin ako kay Kate. Patuloy pa rin sa pagbuhos ang masasaganang luha sa kanyang mga mata. Ramdam ko ang bawat sakit na namutawi sa kanyang bibig. Para iyong libo-libong karayom na pilit bumabaon sa aking dibdib. Nilamon na ng matinding konsensya ang aking buong katawan dahil ako mismo ang naging dahilan ng mga luhang iyon sa mga mata niya. Hanggang sa mga sandaling ito ay hindi ko pa rin lubos akalain na mismong sarili niyang kapatid ang tinutukoy niya. Alam ko ang ganoong klaseng pakiramdam dahil minsan ng nagkasakit si mama. Kung pu-pwede lang na ikaw ang umako sa lahat upang maibsan lamang ang labis na sakit na kanilang pinapanasan. Hindi ko na naipagpatuloy pa ang aking ginagawa. Na-out of focus na ako sa mga nangyari sa pagitan namin ni Kate. Hindi ko alam kung papaano ako sa kanya hihingi ng tawad. Tumayo ako mula aking kinauupuan. Hindi ko man matiyak kung ano ang kalalabasan ay walang rason para hindi ako humingi sa kaniya ng kapatawaran. Ayaw kong magdulot ito ng hindi pagkaka-unawaan na maaring mauwi sa malaking tampuhan, bagay na ayaw kong mangyari sa amin. Humakbang ako patungo sa kanya. Nakatakip ang magkabila niyang mga kamay sa kanyang mukha, pilit na itinatago ang kanyang mga luha na walang humpay sa pagbuhos. "Patawad Kate," paghingi ko sa kanya ng kapatawaran na punong-puno ng sinseredad natapos ay niyakap ko si Kate ng sobrang higpit. Alam kong hindi sapat ang paghingi ko ng kapatawaran maging ang mahigpit kong yakap. Ngunit sa ganitong paraan man lamang ay maibsan ang sakit na kanyang nararamdaman. Ibinaon ni Kate ang kanyang mukha sa aking dibdib at doon humagulhol ng napakalakas. "Please, Remmy. Ilang araw na lamang ang itatagal ni kuya," pagmamakaawa pa sa akin ni Kate na halos mapunit ang aking dibdib. Mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya. Ipinatong ko ang aking kamay sa ibabaw ng kanyang ulo, saka marahang hinaplos ang kanyang buhok na parang isang batang paslit "Tahan na. Hindi mo na kailangang lumuhod at magmakaawa para lang pumayag ako," sabi ko. "Anong oras bukas?" Pagkarinig ni Kate ay agad itong nag-angat ng mukha. Kitang-kita ko ang biglang pagliwanag ng kanyang mukha at ang pagkinang ng kanyang mga mata. Bigla iyong nagbago na kani-kani lamang ay punong-puno ng labis na sakit at paghihinagpis na kulang na lamang ay matakpan ang magandang mukha ni Kate. "Oh, Remmy!" Walang mapagsidlan ang labis na kaligayahan na nararamdaman nito. Bahala na kung ano ang kahihinatnan ng pagkikita namin ng kapatid niya. Ang tanging mahalaga lamang sa akin sa mga sandaling ito ay ang mabigyan ng katuparan ang hininging pabor ng matalik kong kaibigan. KULANG pa ang salitang kabado nang tumigil na ang sinasakyan kong taxi sa tapat Colonial Grill Restaurant. Ang lugar kung saan kami magkikita ng kapatid nitong si Kate. Suot ang pulang dress na abot tuhod ang laylayan ay nagmadali na akong pumasok sa loob. Ang tanging bagay lamang na sinabi sa akin ni Kate kahapon ay maghintay lang daw ako at kusang lalapit sa akin ang kapatid niya. Daig ko pa ang pasmado dahil labis-labis ang pagpapawis ng mga palad ko. Sino ba namang tao ang hindi kakabahan sa ganitong eksena? Kulang na lamang na pati singit ko ay pagpawisan. Nilinga-linga ko ang lugar sa paghahanap ng bakanteng mauupuan. Tinungo ko ang mesa sa may gawing kanan, malapit mismo sa may AC. Itinuwid ko ang aking upo at hindi nagpahalata na abot talampakan na ang aking kaba. Maya-maya pa ay lumapit sa akin ang waiter at inabot ang menu. "T-tubig na lang," sabi ko rito na ni hindi ko man lang tiningnan ang laman ng menu. "Okay po, ma'am," anito at nginitian ako matapos ay tumalikod na. Hindi man sabihin ay halata sa ngiti nito na ang tumatakbo sa kaniyang isip– na marahil ay wala akong pera kaya tubig lamang ang hiningi ko sa kaniya. Wala akong ibang gustong kainin kundi ang uminom lamang ng malamig na tubig, baka sakaling mahimasmasan ako. Ito kasi ang pinakaunang pagkakataon na makikipagkita ako sa isang lalaki. Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang kapatid ni Kate na may lihim di umanong pagtingin sa akin. Ngayon lamang ako naging concious sa aking pananamit maging sa aking itsura, na dati ay okay lang sa akin na lumabas ng bahay na naka-pony tail at plain na t-shirt lamang. Ngunit ngayon ay nag-effort pa talaga akong mag-ayos ng mukha at pumili ng damit na siyang babagay sa akin. Ayaw ko naman kasing magmukhang katawa-tawa. Sigurado ako na pagtatawanan ako ni Kate kapag nakita niya ako sa ganitong ayos. Hindi pa rin ako mapakali sa aking kinauupuan. Halos mamatay-matay na ako sa kaiisip kung ano ang kahihinatnan ng pagtatagpong ito. Ganito pala ang pakiramdam kapag makikipagkita ka sa isang lalaki. Maya-maya lamang ay biglang umilaw ang aking cellphone. Agad ko itong binuksan at bumungad sa akin ang text galing kay Kate. Any minute nariyan na si juya. Please, make sure you behave, make every moment memorable for kuya, Remmy. Ipinagkakatiwala ko na saiyo ang lahat." Bigla akong kinabahan sa dating ng message na iyon ni Kate. Mas lalo tuloy tumindi ang kaba sa aking dibdib. Humugot na lamang ako ng malalim na hininga bago isinilid ang cellphone sa loob ng bitbit kong bag. Ibinaling ko ang aking tingin sa labas ng bintana at hinayaan na lamang na libangin ang aking sarili. Walang magagawa ang kaba sa aking dibdib upang bigyan ng katuparan ang tanging bagay na hinihiling sa akin ni Kate. "Remmy, right?" Narinig kong sambit ng boses sa aking pangalan. Bigla akong natigilan. Napalingon agad ako. Gulat na nanlalaki ang aking mga mata nang makita ko ang isang pamilyar na mukha sa akin. Naramdaman kong bigla ang malakas na pagkalabog sa aking dibdib nang magtama ang aming mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD