Adventure 1
“Aji! Maggie! Ang babagal niyo naman! Bakit ba kasi ang tagal niyong kumilos? Nayayamot pa si Melissa sa kanyang mga kaibigan. Sa kanila kasing apat na magkakaibigan ay si Melissa ang parang ate sa kanila, at ang tatlo naman ang nakababatang kapatid na kailangan niya pa na paalalahan sa araw-araw kahit pa paulit-ulit lang naman ang kanilang routine na buhay. Siya palagi ang kailangan mambulabog sa mga ito sa pagpasok sa paaralan.
Habang tahimik ang paligid ay may isang Melissa na aligaga na sa buhay dahil sa kanyang mga kaibigan. Maging ang mga manok na nakalimlim sa taas ng puno ay tulog pa ngunit sa ingay ni Melissa ay napilitan silang magsigising. Araw-araw silang inaabala ng magkakaibigan sa kanilang pagtulog!
“Melissa, daig mo pa si inay ko kung manermon, tsk. Aba!” puna ni Aji sa kanya habang busy sa notebook nito sa pagbubuklat. At pilit inaaninaw ng konting liwanag mula sa papaliwanag na paligid.
Sa kanilang apat kasi ay si Aji ang pinaka matalino at masipag mag-aral kung kaya naman siya ang pambato nila kung sa katalinuhan ang usapan.
“Ikaw naman, Aji, daig mo pa ang pagong sa kakupadan mo! Sa susunod ay iiwan ka na namin ni Maggie.” Paingos na banta ni Melissa. At saka nililis ang kanyang palda.
Tahimik nilang binagtas ang daan sa gitna ng palayan papunta naman kay Patricia na kilala rin nila sa kabagalan kung gumayak. Kaya hindi pa man sila nakakarating ay hindi na maipinta ang mukha ni Melissa. Pero ganunpaman ay hindi nila iniiwan ang isat' isa mula pa man noon ay silang apat na ang magkakasama.
“Pustahan tayo, tulog pa si Patricia! Alam na alam ko na yan!” sambit ni Maggie nang matanaw na nila ang bahay ni Patricia sa di kalayuan. Unti-unti na rin kumalat ang liwanag Sa buong paligid hudyat na malapit nang masilayan ang araw.
Wala pa man sa mismong bahay sila ay nalukot na ang mukha ni Melissa dahil sa pagkadismaya.
“Ano pa nga ba ang inaasahan natin? Ano ba talaga ang role ko sa pagkakaibigan natin? Manok? Taga tilaok?” Sabay pang natawa sina Aji at Maggie dahil sa tinuran ni Melissa.
“Patriciaaaaaaaa!” Malakas na sigaw mula sa ibaba ang nakapaggising kay Patricia mula sa kanyang pgakakatulog nang mahimbing at sa lakas ng mga boses ng mga nasigaw ay impossible na hindi siya magising. Dali-dali siyang bumangon at mabilisan niligpit ang kanyang higaan, saka bumaba sa kanilang kusina. “Patricia, buksan mo ang pinto at kanina ka pa tinatawagan ng mga kaibigan mo, kayo talagang mga bata kayo, oo, nga naman.” Napapailing pa ang nanay ni Patricia saka umubo na parang huling ubo na niya, syempre ganon talaga kapag mahirap ang bida, ubo lagi ang sakit ng magulang, charot!
“Ang tagal mo naman! Aba! Tinubuan na kami ng sampung libong ugat dito sa labas ng bahay niyo!” eksaheradang reklamo ni Melissa na pinaka O.A sa lahat ng kaibigan niya. Tuloy-tuloy naman pumasok ang tatlo sa loob ng kabahayan nila. “Magandang umaga po, Tiya Pasing!” masiglang bati nila sa nanay ni Patricia, gumanti naman ito ng bati sa tatlo at nag alok pa ng mag-agahan sila bago umalis patungo ng paaralan. At dahil malayo sa paaralan ay kailangan talaga nilang umalis nang mas maaga upang umabot sila sa tamang oras.
“Patricia, ano bang pwedeng almusahlin dito sa bahay niyo, bukod sa kamote na meron din kami?” reklamo ni Maggie habang tinatali nito ang mahabang buhok. Kaagad naman hinarap ni Melissa ang kaibigan. At pinanlakihan ng mga mata. “Malamang ay wala rin! Alam mo Maggie hanggang pangarap na lang na makatikim tayo ng ham, bacon at kung anu-ano pang masarap na ulam! Kaya kailangan magkaroon tayo ng magandang trabaho sa future! Hindi na tayo babalik sa kahirapan!” determinado pang sambit ni Melissa habang naka-angat ang braso at nakayumom ang kamao. Maging si Maggie, Aji at Patricia ay nakigaya na rin sa ginagawa ni Melissa. “Magandang trabaho! Magandang trabaho!” paulit-ulit nilang sambit at tila ba ang layo na ng narating ng imahinasyon nila.
“A-ah… maliligo muna ako,” singit ni Patricia na kinabalik sa kasalukuyan ng mga kaibigan niya. At bago pa mag-react ang mga ito ay mabilis siyang tumakbo palabas upang maligo sa kanilang banyo sa labas ng bahay. Dahil alam niyang malilintikan siya sa mga ito.
“Patriciaaaaaaaaaaa!” narinig niya pang sigaw ng kanyang mga kaibigan.
Habang naglalakad patungo sa eskwelahan ay hindi pa rin matapos ang kanilang kwentuhan at tila ba hindi sila nauubusan ng kwento sa isat' isa.
“Grabe no, ang bilis ng panahon, imagine, highschool na tayo. Hays, sana makapag- aral tayo sa kolehiyo,” malungkot na saad ni Aji. At maging silang tatlo ay tila nakaramdam din ng lungkot dahil sa sitwasyon nila ngayon ay napakalaking himala na magpatuloy sila sa pag-aaral.
“Gusto ko ngang maging isang magaling na guro. Pero naririnig ko sina Nanay at Tatay kanina na nag-uusap, halos wala na raw kitain ang palayan namin,” Puno pa ng panghihinayang ang boses ni Melissa dahil bata pa sila ay ito na talaga ang kanyang pangarap. Napabuntong hininga na lang ang huli. “Ako, gusto kong maging architect, pero alam naman natin na impossible yon. Alam niyo naman nakikisaka lang ang mga magulang ko at hindi sapat ang kakarampot na kita nila para sa aming tatlong magkakapatid,” hinaing naman ni Maggie. Lahat sila ay nakaramdam ng lungkot at labis na panghihinayang sa mga pangarap na walang katiyakan kung mangyayari ba o mananatiling pangarap na lang?
“Ikaw, Patricia? Anong gusto mo pala?” tanong ni Aji na kanina pang tahimik na si Patricia. Ngumiti naman ito at para bang sigurado siya na mangyayari ang kanyang mga pinapangarap.
“Simple lang, makaipon lang para sa pampagamot ni Nanay. Saka gusto kong ibili ng kalabaw si Tatay. Para naman hindi na siya mag-aalaga ng kalabaw ng iba,” punong-puno ng pag-asa si Patricia na lahat ng iyon ay magkakaroon ng katuparan. “Hindi ba, gusto mong maging dentist? Bakit nagbago na yata?” takang tanong ni Maggie habang patuloy sila sa paglalakad. Nagulat pa sila nang biglang tumawa si Patricia habang napapailing. “Impossible naman kasi yon. Ang mahal mag-aral sa kolehiyo di ba? Dito na lang muna ako sa madali. Pero kung mag- aaral naman kayo sa bayan, ayos lang sa akin at masaya ako para sa inyo.” Ngumiti pa siya at inakbayan si Aji.
Lahat sila ay nagpakawala ng malalim na buntong-hininga sa kawalan.
“Tara na nga! Bilisan niyo na dyan maglakad! Basta yon pangako natin, magtutulungan tayo kahit ano pang mangyari. Kung hindi natin kayang sabay-sabay mag-aral, kahit isa muna sa atin ang makatapos sa pag-aaral. Tapos yon isa naman, hanggang sa lahat tayo ay maabot na ang mga pangarap natin.” Sabay-sabay pa silang tumango at ngumiti sa isa't isa.
Hindi man sila makatapos ng sabay ay ayos lang, naniniwala naman sila na walang huli sa pag-abot ng pangarap. Masaya silang nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa makarating na sila sa gate ng paaralan na kanilang pinapasukan.
“Patricia,” masiglang bati ng isa sa kaklase niya. May inabot itong sulat sa kanya at kung kaya naman kinantayawan siya ng tatlo niyang kaibigan.
“Patricia, alam mo na. Hindi pwedeng ma-late, okay?” parang bulate naman inasinan si Maggie sa tabi. Hanggang sa makaalis si Miguel ay patuloy sa pang-aasar si Maggie at Aji maliban kay Melissa na parang nagmamatyag.
“Bakit naman kayo ganyan maka-asar, mali naman kayo ng iniisip,” saway pa ni Patricia sa dalawa. “Sus, palagi ko kayong napapansin ni Miguel, ha! Ano yan?
Pabasa nga!” Hihilahin pa sana ni Maggie ngunit mabilis na naitago ni Patricia sa loob ng kanyang bag. “W-wala yon. Tara na!” Sabay hila sa kanilang tatlo. “Hoy, Patricia! Hindi pwede ang boyfriend okay? Magtatapos tayo ng pilit,” munting paalala ni Melissa sa kanya. Ngumiti naman siya at saka nagpatuloy sa paglalakad.
“Good morning, baby que!” halos magpantay naman ang kilay ni Melissa nang marinig ang pamilyar na bati sa kanya ng isa sa mga batchmate nila na mukhang paniki. Sabay-sabay pa silang napalingon at palihim silang natawa nang makita ang suitor ni Melissa.
Sino ba naman ang hindi makakakilala sa kanya? Eh, siya na yata ang pinaka-baduy na nilalang na kilala nila. Sa suot nito na jacket na kulay ube, idagdag mo pa ang sumbero nitong kulay kahel! Kulang na lang ay star sa ulo nito at pwede na siyang gawin christmas tree!
“Wala ng good morning sa umaga ko, nang makita ko yan buhok mong panaksak sa butiki, Raymond! Pwede ba, lumipad ka na palayo! Saka nagsama ka pa ng mga kulto!” Pinandilatan niya pa ito ng mga mata ngunit ngumiti naman ito ng ubod nang tamis at muling kinagat ang hawak nitong isang piraso ng rosas na ninakaw pa yata sa may bahay ng may bahay.
Halos kilabutan naman si Melissa nang maglakad ito palapit sa kanya.
Nang makalapit ito ay kaagad inabot kay Melissa ang bulaklak. “Roses are red, Violets are blue, Sugar is sweet, my love, But not as sweet as you,” madamdamin pa nitong sambit saka kinindatan si Melissa. At nagkaingay naman ang mga kasama pa nitong mga lalaki na pinaglihi sa saranggola.
“Paano naging blue ang violet?” singit ni Patricia.
“Basag!” Hiyaw ng kaibigan ni Raymond at sinabayan pa ng malakas na tawa.
“Tara na nga. Ikaw Raymond, kung anong masamang espiritu sa utak mo, patawas ka, tapos damay mo na rin yan kili-kili mo!” Saka niya nilagpasan ito at mabilis na humakbang. Samantalang naiwan naman si Raymond na wasak ang puso habang inaalo ng kanyang mga kaibigan.
“Mahal queeeeee! Melissa, my darling…” narinig pa nila.
Nang makarating sa loob ng classroom ay hindi pa rin matapos ang pagtawa ng tatlong kaibigan ni Melissa dahil sa eksena sa pagitan nila ni Raymond.
Maisip pa lang ni Melissa ang pormahan nito ay para bang kinikilabutan siya.
Bukod sa suot niya na member ng rainbow fashion association (RFA)
Ay nagbigay isipin din ang suot nitong polo na tatlong butones lang ang nakasara. Idagdag mo pa ang salamin nitong pula na nakalagay sa batok!
Naglagay pa ng hikaw lalo tuloy nagmukhang paniki!
“Melissa at Raymond, hmmm…MERAY!” biglang bulalas ni Patricia at maging sina Aji at Maggie, naki-tukso na rin sa loveteam na nabuo ni Patricia. Habang halos hindi naman naipinta ang mukha ni Melissa. Isa-isang niyang kinurot ang mga ito at pinameywangan ang mga kaibigan na walang ginawa kundi tumawa. “Hindi ko pangarap maging bahaghari! Kita niyo si Raymond? Tapos tingnan niyo ako sa mukha, ang ganda ko di ba? Kaya tumigil kayo dyan!” hihirit pa sana si Aji nang pagbantaan ito ni Melissa na hindi siya dadaanan bukas pagpasok. Pansamantalang natigil ang kanilang tawanan ng nagsimula na ang kanilang klase.
“John Mark, can you tell us, sino ang Ama ng Himagsikan? Since sobrang ingay mo dyan,”
tanong ng guro sa katabi ni Patricia. Kaagad naman itong tumayo. “Ma'am, yon ama ko nga po ay hindi ko nakilala, Ama pa kaya ng Himagsikan!” Kaagad umugong ang malakas na tawanan sa kaklase dahil sa naging sagot ng kanilang kaklase. “Enough! Namimilosopo ka ba, John Mark?” halata pa ang inis ng guro.
“Patricia?” baling ng guro. Kaagad naman siyang tumayo at mabilis na sinagot ang tanong ng guro. “Andres Bonifacio, Ma'am,” tipid niyang sagot. Tumango naman ito at saka muling nagtanong.
“Sino naman ang Utak ng Himagsikan? Anyone? Okay, Jefferson?”
“Ma'am, siya nga po ay walang utak!”
“Sana all, may utak!” hirit pa ng isa.
Naghiyawan pa ang mga estudyante sa likuran kaya naman pati ang iba ay nakitawa na rin. “Class! Class! Enough! Bakit ba ako napunta sa section na ito!” Sigaw ng guro.
“Boys at the back! Quite! Ginagawa niyong laro ang lesson ko! Get out!” bigla naman na tahimik ang lahat ng nagsimula ng manermon ang guro.
Nakatinginan naman ang magkakaibigan at pilit kinikubli ng kanilang tawa dahil sa mga kaklase nilang maloko.
“Lumipat na kaya ako ng section, feeling ko magiging bobo na rin ako dahil sa mga classmates natin parang mga monggo ang utak!” himutok ni Aji habang kumakain sila ng tanghalian sa ilalim ng magabong puno ng acacia kung saan sila madalas kumain kesa sa kanilang canteen dahil hindi naman nila kayang bumili ng paninda roon dahil sa may kamahalan ang pagkain na itinitinda roon. “Kahit kailan talaga ang mga ugok na yon, walang tino,” patuloy ni Maggie.
Tahimik naman kumakain si Melissa at Patricia habang nakikinig sa dalawa.
“Ikaw, Melissa, anong masasabi mo?” usisa ni Aji. Tiningnan naman siya ni Melissa at umiling-iling saka nagpatuloy sa pagkain.
“Hayaan mo silang mga unggoy sila, ang importante sa akin ngayon ay malapit na tayong makatapos. Kasi alam niyo?” Sabay-sabay pa silang umiling. “Sawang-sawa na ako sa kamote! Isipin niyo, kung hindi saging ay kamote naman ang baon natin buong school year!” himutok ni Melissa. “Anong masama naman? Ang sarap nga nito, paborito ko,” sansala ni Patricia. “Walang masama pero gusto ko naman iba naman sana, katulad ng tinda sa canteen.” Tumago-tango naman sina Aji at Maggie. Isa rin kasi ito sa pangarap nilang apat, yon nakapasok man lang sa canteen at maranasan kumain doon. Isang bagay na kung tutuusin ay maliit na bagay pero hindi nila makuha. “Wag kang mag-alala, Melissa, bukas ay kakain tayo sa canteen! Bibili tayo ng spaghetti, fried chicken, hamburger, french fries!” Kanya-kanyang arko naman ng kilay ang tatlo dahil sa sinabi ni Aji. Para sa kanila ay impossible ‘yon. “Syempre, joke lang!” Sinabayan niya pa nang malakas na tawa at muling sumubo ng nilagang saging na may sawsawan na bagoong isda.
Dahil ngayon araw ay nakatokang cleaner si Patricia kung kaya naman kailangan maghintay ng kanyang mga kaibigan.
“Patricia, hintayin ka namin sa tambayan,” sabi pa ni Aji. Tumango naman si Patricia.
Habang naglalakad ay biglang nagyaya si Maggie na dumaan muna sila sa silid-aklatan upang magbasa saglit sa naging lesson nila.
“Alam niyo mabuti na lang talaga kahit nasa sulok tayo ng probinsya ay may library tayong maliit dito sa school.” Nakangiti pa Maggie habang hawak ang libro pero sa iba nakatingin, nakatingin sa isang lalaki na busy rin sa pagbabasa. Sinundan pa ng tingin ng dalawa ang kaibigan.
“Aray!” Napalakas pa ang boses ni Maggie kaya naman umagaw ito ng atensyon sa iba pang tao sa loob ng library.
“Kaya naman pala gusto mong pumunta rito dahil sa crush mo!” Muling kinurot ni Melissa si Maggie.
“H-hindi ko crush yan ha! Hindi ko nga alam na sa star section ‘yan, varsity player, top 1 sa klase, at Joseph John Verroya ang pangalan niya—aray naman!”
“Hindi nga halata, Maggie! Kaya naman pala, alam mo bang may chismis dyan…” hindi na natuloy ni Aji ang sasabihin nang may marinig sila sa kabilang lamesa.
“May inaaway na naman ang grupo nina Cindy, ang bully talaga nila, kainis.”
“Sana nga mapaalis na sila dito,”
“Sinabi mo pa. Kaya ako naiwas na lang sa kanila kesa ako ang pag-initan,”
“Sinong inaaway nila?” biglang tanong ni Melissa sa dalawang nag-uusap.
“Di ba, kaibigan niyo si Patricia?” balik tanong nito.
“Oo, bakit— Patriciaaaaaa!” sabay-sabay nilang sambit at mabilis na tumakbo palabas ng library upang saklolohan ang kaibigan sa kamay ng mangkukulam.