Halos katatapos ko pa lang magluto nang dumating si Tito Vicente galing sa pamamasada ng tricycle. Kaya nagmadali akong maghanda ng kanilang makakain.
Pagkatapos maghain ay pumunta ako sa kwarto nila. Kumatok muna ako ng tatlong beses bago nagsalita. “Tita Jocy, Tito Vic, handa na po ang tanghallian.” Imporma ko sa kanila.
“Tawagin mo na din si Jovy.” Utos niya paglabas ng kwarto.
“Sige po, Tita,” tugon ko sa kaniya na dire-diretso lang sa kusina.
“Jovy, kakain na tayo! Pinapatawag ka na ng Mama mo!” Pasigaw na tawag ko sa kaniya.
Madalas siyang nakasuot ng earphones kaya nilalakasan ko ang boses sa tuwing tatawagin ko siya lalo na kapag kakain.
Maya-maya ay lumabas na siya. Umirap muna siya bago dumiretso sa kusina. Sa tuwing nagkakasalubong kami lagi niya akong iniirapan. Hindi ko alam kung ano ba ang nagawa ko sa kaniya. Kahit sa school ay parang hindi niya ako kakilala kung tratuhin.
“Tubig nga!” Nahinto ako sa paghakbang papunta sa likod ng bahay nang magsalita si Jovy.
“Anak, ikaw na kumuha sa ref. Ang lapit lang naman,” ani Tito Vicente kay Jovy.
“Tsk! Bakit ako? Nakaupo na ko dito tapos tatayo pa? Maghahain na nga lang kasi kulang-kulang pa!”
Para walang gulo ay bumalik na lang ako. Sa pagmamadali ko kanina ay hindi na ako nakakuha ng tubig.
Tahimik kong sinalinan ang baso niya. Sunod naman ay ang baso nila Tita Jocy. “May kailangan pa po kayo, Tita?”
“Wala na, Iha. Sige na. Kami na ang bahala dito. Kain na din kayo ng Mama mo,” si Tito Vicente.
“M-Mamaya na po, kakakain lang po ni Mama.” Pagsisinungaling ko.
Nahuhuli kaming kumain ni Mama dahil hinihintay ko silang matapos para sa matitira nilang ulam. Marami-rami naman ang iniluluto ko pero halos wala nang natitira kapag natatapos na silang kumain.
“Gano’n ba? Sige. Kain na lang kayo mamaya.”
Bumalik ako sa kusina tatlumpong minuto matapos kong umalis kanina. Naiwan doon ang mga pinagkainan nilang tatlo. Kagaya ng dati, kakarampot na lang ang natirang ulam. Isang pakpak at isang pirasong leeg at halos puro patatas na.
Huminga ako ng malalim upang pigilang mapaluha. Nitong nakaraang buwan madalas akong nagtatabi ng extra na ulam para kay Mama dahil halos walang natitira sa amin. Pero nahuli ako ni Tita Jocy kaya s*mpal at s*b*not ang inabot ko sa kaniya. Nanggalaiti siya sa akin dahil ninanakawan ko daw sila matapos nila kaming kupkupin.
Mabilis kong inil*gpit ang mga kalat at hugasin sa lamesa. Kanina pa kumakalam ang sikmura ko. Kailangan ko muna na maglinis bago kumain para hindi magalit si Tita.
“Mama, kain ka na po. Adobong manok po ang ulam. Subuan ko po kayo, ha? Isipin mo na lang na ako si Papa. Hindi po ba lagi ka niyang sinusubuan noon sa tuwing nagtatampo ka sa kaniya?”
Naluluhang itinapat ko ang kutsara sa bibig ni Mama. Ngunit kagaya ng dati, tulala lang siyang nakatingin sa labas ng bintana. Pagkatapos ko siyang paliguan sa umaga, itinuturo niya lagi ang upuan na nakapuwesto sa may bintana kaya inaakay ko siya doon.
“Mama, kain ka na po..Huwag n’yo na pong masiyadong isipin si Papa. Nasa trabaho lang po ’yon kaya hindi siya nakakauwi sa ’tin. Huwag ka pong mag-alala, tatawagan ko po siya tapos magkakasama na tayong muli.”
Hindi ko na napigilang mapaluha. Pinagmasdan ko ang impis na mukha ni Mama. Ang dating mga mata niya na laging kumikinang sa tuwa ngayon ay nangangalumata na. Noon kahit nasa bahay lang laging maayos ang itsura niya. Lagi siyang naka-make up.
Alagang-alaga niya noon ang katawan niya. Dahil katwiran niya, gusto niya na presentable siyang tingnan tuwing kasama si Papa. Maging ako ay lagi niyang inaayusan kahit nasa bahay lang din. Ayaw daw niyang makita ng ibang tao lalo na si Papa na madungis ako.
“Mama, kain na po. Please?” Ipinatong ko ang plato sa lamesita. Hinaplos ko ang pisngi niya. Maging ang mga labi noon ni Mama na laging may lipstick ngayon ay dry na.
Nabuhayan ako nang humarap siya sa akin at ikinurap niya ng isang beses ang kaniyang mga mata. “Kain ka na po, Mama.”
Dali-dali kong kinuha ang kutsara. Tumalon sa tuwa ang puso ko nang ibuka niya ang bibig. Kaya walang pagdadalawang isip na isinubo ko ang kutsara sa bibig niya na agad naman niyang tinanggap.
“Masarap po, ’di ba? Ako po ang nagluto niyan. Marami na akong natutunang lutuin na ulam. Magpalakas po kayo lagi, ha? Para sipagan akong magluto parati.”
Sunod-sunod niyang tinanggap ang bawat kutsara na isinusubo ko sa bibig niya. Hindi ko napigilang pumalakpak nang maubos niya ang isinandok kong pagkain. Wala pa din siyang imik pero masaya ako dahil naubos niya ang pagkain. Noon ay halos tatlong subo lang ng kutsara umaayaw na agad siya.
“Inom po kayo ng tubig, Mama. Ako naman po ang kakain pagkatapos mo.”
Pinunasan ko muna ang kaonting tubig na natapon sa bibig niya saka ako nagsimulang kumain. Nakatalikod ako sa kaniya dahil ayaw kong makita niya na sunog na kanin ang kinakain ko. Napatingin ako sa kalendaryo na nakasabit sa dingding habang kumakain.
Isang taon na pala sa susunod na buwan magmula nang umuwi kami dito. Huling pagkikita namin ni Papa ay noong recognition ko. Kaya pala parang wala siya sa sarili noon at hindi makatingin sa akin ng diretso dahil balak na niya kaming iwanan.
Naghintay pa si Mama ng dalawang buwan para sa pagbabalik ni Papa. Pero ni anino niya ay hindi na nagparamdam. Narinig ko pa nga ang pagtatalo nila noon habang nasa kwarto sila.
“Bakit ka aalis? Dahil ba sa babaeng ’yon? Akala ko ba hindi mo siya mahal? Ang sabi mo kami ni Dhanna ang mahal mo, Danny! Bakit ngayon aalis ka na lang bigla dahil gusto mo nang ayusin ang pamilya ninyo? Pinaniwala mo lang ba ako na wala kang pagmamahal sa kaniya? Ako ang unang nagbigay sa ’yo ng anak. Hindi ang babaeng ’yon! Hindi mo pwedeng gawin sa amin ’to! Paano na lang kami? Ipagpapalit mo na lang ba kami nang gano’n na lang, ha?” galit at puno ng sakit na sabi ni Mama.
Hindi ako nakadala ng inumin sa kwarto. Naglaro muna ako sa cellphone kaya hindi pa ako natulog. Nakaramdam ako ng uhaw kaya lumabas ako. Hindi ko akalaing ito pa ang maririnig ko.
Napasinghap ako sa mga narinig. Nag-unahang pumatak ang mga luha sa pisngi ko. Hindi ko akalaing may ibang pamilya pala si Papa. Ang saya-saya niya lagi tuwing naririto siya sa amin. Pero bakit nagawa pa niyang maghanap ng iba? At may balak pa siyang iwanan kami dahil sa babae niya?