Chapter 3

1134 Words
“D-Danny, parang awa mo na... Ayusin natin ’to. Ano ba ang problema? Bakit mo kami iiwan?” Bahagya kong itinulak ang pinto upang sumilip sa loob ng kwarto nila Mama. “Pasensiya na, Belen. Tigilan na natin ’to. Umuwi lang ako dito para magpaalam sa ’yo,” ani ni Papa kay Mama na nakaluhod sa harap niya. Hilam sa luha ang kaniyang mga mata. “P-Pero, paano si Dhanna? Paano na ang anak natin? Hahanapin ka niya. Malulungkot siya at masasaktan kapag nalaman niyang umalis ka para sa ibang babae.” Ipinulupot ni Mama ang mga braso sa balakang ni Papa. “Ikaw na ang bahalang magpaliwanag. Malaki na siya, maiintindihan na niya ang sitwasyon,” walang emosyong sambit ni Papa. “B-Babalik ka pa naman, ’di ba? Kahit twice a month or kahit isang beses lang sa isang buwan. Basta makita ka lang namin kahit papaano, masaya na ako do’n.” Rumehistro ang galit sa mga mata ni Papa at pilit niyang itinayo si Mama mula sa pagkakaluhod sa harapan niya. “Ano ba ang hindi mo maintindihan, Belen!? Kaya nga kita kinakausap para ipaintindi sa ’yo ang desisyon ko. Ayaw kong masaktan ang anak namin ni Marissa kapag nalaman niya ang tungkol sa inyo. Birthday na niya sa susunod na buwan. Magmula ng magdalawang taong gulang siya, lagi niyang hinihiling na sana hindi na ako umalis lagi sa bahay. Gusto ko namang pagbigyan ang kahilingan niya ngayong ika-sampung kaarawan niya.” Galit na paliwanag ni Papa. “M-Minahal mo ba talaga ako, Danny? Si Mariel ba, kailan mo pa siya natutunang mahalin?” Hinaplos ni Mama ang pisngi ni Papa. “Maniwala ka, minahal kita kahit papaano. Salamat dahil nandiyan ka noong mga panahong hindi kami okay ni Mariel. Lumalaki na si Diana. Mas matanda si Dhanna kaya mas maiintindihan niya na ang mga bagay-bagay.” “Ano ang sabi mo? Minahal mo ako kahit papaano? Ginawa mo lang ba akong panakip-butas, ha? Pagkatapos kong ibigay sa ’yo ang lahat! Buong buhay ko sa ’yo ko lang inilaan, Danny! Tapos ngayon siya ang mas pipiliin mo kaysa sa amin?” Sumbat ni Mama. “Patawad ulit, Belen. Pero sila na ngayon ang mas mahal ko. Hindi ko kayang saktan ang damdamin ng anak namin. Masiyado pa siyang bata.” Muli na namang pumatak ang mga luha sa pisngi ko. Dinig ko ang mga yabag na papalapit sa pinto pero hindi ko magawang ihakbang ang mga paa ko paalis. Walang kasing sakit para sa akin ang mga pinagsasabi ni Papa para kay Mama. “Danny, please lang! Huwag mong gawin ’to!” Muling pagmamakaawa ni Mama. Bumukas ng malaki ang pinto. Nanlaki ang mga mata ni Papa pagkakita niya sa akin. “D-Dhanna, anak,” sambit ni Papa. Napatingin ako sa maletang hawak niya. “H-Hindi n’yo na po pala kami mahal ni Mama? May ibang babae po pala kayo. B-Bakit po, Papa?” Tumingala ako sa kaniya. “P-Pasensiya ka na, anak.” Yumuko siya at niyakap lang ako ng mahigpit. Hindi man lang kababakasan ng lungkot ang mga mata niya. Wala akong nagawa kung ’di ang ihatid lang siya ng tanaw habang papalabas siya ng pinto ng bahay. Habang si Mama naman ay panay ang pigil sa kaniyang umalis. Nanikip ang dibdib ko at napaluha nang muling maalala ang ginawang pag-abandona sa amin ni Papa. Gabi-gabi akong umiiyak magmula nang umalis siya. Dahil doon, unti-unti akong nakaramdam ng galit at inggit para sa naging anak nila ng babae niya. Sobrang sakit ng ginawa ni Papa. Mas pinili niyang iwanan kami dahil ayaw niyang masaktan ang damdamin ng anak niya sa iba. Hindi man lang niya naisip kung ano ang mararamdaman ko. Pinunasan ko ang aking pisngi at binilisan ang kain. Hangga’t maaari ay ayaw ko nang maalala ang ginawa sa amin ni Papa. Siguro nga ay hindi niya talaga kami mahal ni Mama. Hindi ko ipagpipilitan ang sarili kung hindi niya na talaga kami mahal. Kung ayaw na niya sa amin, puwes ayaw ko din sa kaniya. “Mama, mahiga na po muna kayo dito sa papag. Mamaya naman po ulit kayo maupo diyan,” ani ko kay Mama pagkatapos kong hugasan ang mga pinagkainan namin. Napangiti ako nang tumayo siya at lumapit sa papag. Inalalayan ko siyang mahiga. Binuksan ko ang maliit na bentilador na bigay sa amin ni Tito Vicente. Nagbubukas lang ako ng electric fan tuwing matutulog lang kami ni Mama dahil baka mag-over heat at tuluyang masira. Lumang-luma na kasi at sobrang hina na ng hangin. Ayaw pa nga sana kaming pahiramin ni Tita Jocy mabuti na lang at napakiusapan ko si Tito Vicente. Ang dahilan niya, dagdag pa daw sa bayarin sa kuryente. “Mama, mahiga po muna kayo dito dahil mananakit po ang likod ninyo.” Inayos ko ang unan na ginagamit ni Mama. “A-Anak, pasensiya ka na, ha? Napapabayaan na kita,” malat ang boses na sambit ni Mama. Hindi makapaniwalang tumingin ako sa kaniya. Ngayon na lang ulit siya nagsalita. Halos dalawang buwan ko siyang hindi nakakausap dahil lagi siyang tulala. “M-Mama... na-miss ko po ang boses mo. Huwag mo po akong alalahanin, ayos lang po ako.” Nag-unahang pumatak ang mga luha sa pisngi ko. Mapait siyang ngumiti sa akin at saka napaluha. “P-Patawarin mo sana si Mama kung naging pabaya ako sa ’yo.” “Mama, ayos lang po talaga ako. Kayo po ang inaalala ko. Sana bumalik na po kayo sa dati–’yung masigla at laging nakapostura. Huwag po nating panghinayangan ang pang-iiwang ginawa sa atin ni Papa. Siya ang nawalan, hindi tayo.” “Huwag kang mag-alala, Anak. Bigyan mo lang ako ng kaonting panahon, babawi ako sa ’yo.” “Hihintayin ko po ’yan, Mama. Magpaganda po ulit tayo kagaya ng dati. Sigurado taob sa inyo ’yung mga chismosa nating kapitbahay na lagi tayong pinag-uusapan.” Nahiga ako at tumabi sa kaniya. “Huwag mo na lang silang pansinin, Anak. Hindi naman sila mga importanteng tao. Mga wala lang silang magawa sa buhay kaya pati buhay ng iba pinag-uusapan pa.” “Opo, Mama.” May isang bagay na bumabagabag sa akin dahil sa lantarang pag-uusap ng mga kapitbahay tungkol kay Mama pero hindi ko na inungkat sa kaniya. Ayaw kong paniwalaan ang mga gano’ng klaseng bagay lalo na at nanggaling lang sa mga chismosa. “Mahal na mahal kita, Dhanna anak.” “I Love you too, Mama.” Yumakap siya sa akin kaya nagsumiksik ako sa katawan niya. Ipinikit ko ang mga mata. Ang sarap sa pakiramdam, ngayon na lang ulit ako nayakap ni Mama. Kahit anong paninira nila sa kaniya ay hindi ko paniniwalaan. Hindi siya gano’ng klaseng babae. Mas kilala ko si Mama kaysa sa kanila. At alam kong mabait siyang tao. Hindi niya gugustuhing makapanakit siya ng kapwa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD