Ang tunog ng katok sa pintuan ay parang isang malamig na tubig na ibinuhos sa aming dalawa. Doon ako nagising sa kahibangan ko, doon ako natauhan na nagawa ni Death na pasunurin ako.
Huminto si Death. Ang kanyang katawan ay nanigas sa ibabaw ko. Ang kanyang paghinga ay mabigat at mabilis din dahil marahil sa pagpipigil. Ramdam na ramdam ko rin ang matigas at mahabang bagay na ‘yon sa hita ko, hindi ko napigilan na hindi pamulahan ng mukha. “Sir Death?” ang boses ni Yaya Celia ay nanginginig mula sa labas. “Pasensya na po sa pag-istorbo, pero... may bisita po kayo sa ibaba. Napaka-importante raw po. Ang mga kasosyo niyo mula sa Singapore, kararating lang.”
Mariing nagmura si Death, ang kanyang ulo ay isinubsob niya sa aking leeg habang pilit na kinakalma ang kanyang sarili. Ang kanyang mga kamay, na kanina ay mapangahas, ay mariing nakakapit na ngayon sa mga unan sa gilid ng aking ulo.
Huminga siya nang malalim. Dahan-dahan siyang lumayo sa akin, ngunit bago siya tuluyang tumayo, tinitigan niya muli ako. Ang kanyang mga mata ay tila pinagtatawanan ako dahil nakuha nito ang gusto niyang gawin ko.
“This is not over, Lyara,”
“Stay here. Don’t even think about moving. Kapag nalaman kong tinangka mong kalasin ang lubid na iyan, itutuloy ko ang nasimulan ko sa paraang hinding-hindi mo makakalimutan.”
Inayos niya ang kanyang polo nang hindi inaalis ang tingin sa akin. Kinuha niya ang kanyang coat at lumakad patungo sa pinto. Bago siya lumabas, nilingon niya muli ang nakahandusay at gulo-gulong itsura ko sa kanyang kama. Isang mapait na ngisi ang gumuhit sa kanyang labi bago niya tuluyang isara at i-lock ang pinto mula sa labas.
Naiwan akong mag-isa sa dilim, hingal na hingal, ang aking puso ay tila sasabog na sa kaba, dahil muntik na, muntik ko ng maisuko kay Death ang katawan ko!
Isang oras at animnapung-minuto ang lumipas at nanatili akong nakahiga sa gitna ng malawak na kama ni Death, gulo-gulo ang damit, at ang aking mga pulso ay nagsisimula nang mamanhid dahil sa higpit ng lubid. Nagsisimula na rin ako masaktan dahil panigurado nagasgasan na ang pulso ko sa taling ito. Ipinaikot ko ang paningin ko sa silid ni Death, walang kakaiba, ang buong silid ay iisa lamang ang kulay nito—itim. Bagay na bagay sa pagkatao niya.
Nang marinig ko ang dahan-dahang pag-ikot ng susi sa labas, binalot ako ng panibagong takot. Akala ko ay si Death na ang bumalik upang ituloy ang kanyang banta. Ngunit nang bumukas ang pinto, ang maliit at bahagyang kuba na bulto ni Yaya Celia ang iniluwa nito. May dala siyang tray ng pagkain at isang baso ng tubig, ngunit ang kanyang mga mata ay hindi makatingin nang diretso sa akin.
Mabilis siyang lumapit at ibinaba ang tray sa bedside table. Nang makita niya ang kalagayan ko—ang aking namumulang mga pulso at ang gulo-gulong hoodie—ay napasinghap siya at mabilis na kinuha ang isang maliit na gunting mula sa kanyang bulsa.
“Diyos ko, Lyara...” bulong niya habang dahan-dahang ginugupit ang lubid.
Nang makawala ang aking mga kamay, hindi ko agad ito maigalaw. Nanatili akong nakahiga, nakatingala sa kisame, habang ang emosyon ko ay unti-unting kumakawala. “Bakit ngayon lang, Yaya?” ang boses ko ay paos at basag na dahil sa pagpipigil ng luha ko. Alam kong alam niya ang ibig kong sabihin sa tanong ko.
“Pasensya na, anak... kailangan ko munang hintayin na makaalis sila sa garden pavilion para makakuha ng pagkakataon,” sagot niya habang hinahaplos ang aking mga kamay upang maibsan ang sakit gawa ng pamumula at pasa na naroon.
Bigla akong bumangon at marahas na binawi ang aking kamay. Tiningnan ko siya nang may halong galit. “Bakit hindi mo ako tinulungan kanina sa hallway? Sumisigaw ako, Yaya! Nagmamakaawa ako sa iyo na tawagan ang pulis, pero tinalikuran mo ako! Hinayaan mo akong kaladkarin ng halimaw na iyon sa silid na ito!”
Napayuko si Yaya Celia, ang kanyang mga balikat ay nanginig sa paghikbi. “Natatakot ako, Lyara... Hindi mo kilala ang lalaking kinakalaban mo. Si Death... hindi siya basta-basta tao. Ang kapangyarihan niya sa mansyong ito, sa bayang ito... pati ang batas ay nasa ilalim ng kanyang mga daliri. Kung sinubukan kitang tulungan, hindi lang ako ang mapapahamak, baka mas lalo ka lang niyang saktan.”
“Kaya hinayaan mo na lang?” bulyaw ko, “Yaya, itinuring kitang pangalawang ina! Pero parang ipinapakain niyo ako sa leon!”
“Hindi sa ganoon, Lyara!” humarap siya sa akin, ang kanyang mukha ay puno ng mga luha. “Ginagawa ko lang ang huling bilin ng iyong ina. Alam ni Elena na darating ang araw na ito. Alam niya ang tungkol sa obsesyon ni Death sa iyo simula pa noong bata ka pa.”
Napatigil ako. “Anong huling bilin? Yaya, sabihin mo sa akin ang totoo. Kaninang umaga, sinabi ni Death na hindi sila totoong kasal ni Mommy. Na isang ‘contract of convenience’ lang ang lahat. Na ginamit lang niya ang pangalan ni Death para takpan ang iskandalo ng tunay kong ama. Totoo ba iyon?”
Huminga nang malalim si Yaya Celia at naupo sa gilid ng kama. Tumingin siya sa bintana, tila ba tinitingnan ang mga alaala ng nakalipas na labinlimang taon.
“Totoo ang sinabi niya, Lyara. Walang legal na basehan ang pagsasama nila. Si Elena... ang mommy mo... ay nasa bingit ng pagkakalugmok noong iniwan kayo ng iyong ama. Baon sa utang ang pamilya Castellano, at ang tanging paraan para maisalba ang inyong pangalan at ang buhay mo ay ang kumapit sa isang patalim. At ang patalim na iyon ay si Death Roosevelt.”
“Pero bakit?” tanong ko, ang boses ko ay puno ng kalituhan. “Bakit papayag si Mommy sa ganoong kasunduan? Na maging asawa-asawahan ng isang lalaking mas bata sa kanya?”
“Dahil wala siyang pagpipilian,” mabilis na sagot ni Yaya. “Noong una, akala ni Elena ay proteksyon lang ang habol ni Death. Pero habang lumilipas ang mga taon, habang nasa London ka, unti-unting lumabas ang totoong kulay ni Death. Hindi siya asawa ni Elena, Lyara. Ikaw ang nais niya simula pa noon. Ikaw ang sinadya niya para makuha ka niya.”
Nanlamig ang aking buong katawan dahil sa sinabi ni Yaya Celia. “Anong ibig mong sabihin?”
“Ang mga huling taon ni Elena ay hindi naging madali,” pagpapatuloy ni Yaya Celia, “Habang pinapadalhan ka niya ng mga liham na nagsasabing masaya siya, ang totoo ay unti-unti siyang kinakain ng lungkot at pagsisisi. Ibinenta niya ang kalayaan mo para sa iyong kinabukasan, at ang pasakit na iyon ang pumatay sa kanya. Hindi sakit overdosed sa droga ang ikinamatay ni Elena, Lyara. Ikinamatay niya ang takot na darating ang araw na babalik ka rito at kukunin ka na ni Death bilang kabayaran.”
Napahawak ako sa aking dibdib. Ang bawat salita ni Yaya ay tila isang kutsilyong sumasaksak sa akin. Ang labinlimang taon na akala ko ay marangyang buhay ni Mommy ay isang pagdurusa pala. At ang lahat ng iyon... ay dahil sa akin. Akala ko, nakalimutan na ako ni mommy. Ang akala ko ay tuluyan niya na akong inabandona.
“Bakit hindi niya ako pinigilan na umalis?” tanong ko sa pagitan ng mga hikbi. “Dahil hawak ni Death ang lahat. Ang bawat galaw mo sa London, ang bawat taong kinakausap mo, ay monitored niya. Sinubukan ni Elena na gumawa ng paraan para itakas ka, para huwag ka nang bumalik dito sa Pilipinas, pero nalaman iyon ni Death.”
Biglang tumigil si Yaya Celia at humawak nang mahigpit sa aking braso. Ang kanyang mga mata ay nanlaki sa takot.
“May sasabihin ako sa iyo, Lyara. Isang bagay na hindi dapat malaman ni Death. Ang aksidenteng pumatay sa daddy mo... hindi iyon aksidente.”
Mas lalong tumigil ang mundo ko sa sinabi ni Yaya Celia. Pakiramdam ko may bumara sa lalamunan ko sa mga oras na ito. “Ano?”
“Nakita ko sila, Lyara. Isang gabi bago ang aksidente. Nag-aaway sila sa garden. Sinabi ni Elena na mas pipiliin niyang mamatay kaysa ibigay ka kay Death. Sinabi niya na gagawa siya ng paraan para ipawalang-bisa ang testamentong iyon. At kinabukasan...” lumingon si Yaya Celia sa pinto, tinitiyak na walang nakikinig. “Kinabukasan, nawalan ng preno ang sasakyan ng daddy mo.”
“H-Hindi namatay si daddy dahil sa sakit? Totoo ba ito, Ya?” hindi makapaniwalang tanong ko. Gulong-gulo ako, bata pa ako noong mamatay si daddy dahil sa sakit nito. Dahil bata pa ako noon ay wala akong kaalam-alam sa mga bagay-bagay kaya napakasakit sa akin na malaman ito.
“Wala na tayong oras!” aligaga niyang sabi.
“Kailangan mong makaalis dito, Lyara. Ngayon din,” sabi ni Yaya habang pilit akong pinapatayo. “May susi ako sa likurang gate ng estate na hindi alam ni Death. Iyon ang ginagamit ng mga supplier ng pagkain. Ito na ang tanging pagkakataon mo habang abala siya sa kanyang mga bisita.”
Inabot niya sa akin ang isang lumang susi. Nanginginig ang aking kamay habang kinukuha ito. Ngunit bago pa ako makahakbang patungo sa pinto, isang malamig na tawa ang narinig namin mula sa intercom ng silid.
Isang static na tunog ang pumailanlang, at pagkatapos ay ang boses ni Death—na sobrang lamig at nagbibigay ng matinding babala sa amin ni Yaya Celia.
“Did you really think I’d leave you alone with a woman who has too many stories to tell, Lyara?”
Napatingin kami ni Yaya Celia sa isang maliit na camera na nakatago sa gilid ng chandelier. Hindi ko napansin iyon kanina dahil sa dilim.
“Celia, Celia... your loyalty is touching, but your mouth is dangerous. And you, Lyara... I told you to stay put. I told you that disobedience has a price.”
Biglang bumukas ang pinto ng silid. Hindi si Death ang pumasok, kundi dalawang lalaking naka-suit na may hawak na baril. Ngunit sa likod nila, naroon si Death, hawak ang isang baso ng alak, ang kanyang mga mata ay nag-aapoy sa galit.
“Dalhin si Celia sa bodega. At huwag niyo siyang sasaktan... hangga’t hindi ko sinasabi,” utos ni Death habang nakatingin nang diretso sa akin.
“Huwag! Death, pakiusap! Wala siyang kasalanan!” sigaw ko habang kinakaladkad ng mga lalaki si Yaya Celia palabas.
Naiwan kaming dalawa muli sa silid. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang aking mukha. Ang kanyang hinlalaki ay dumampi sa aking pisngi na basang-basa ng luha, tila binubura ang mga luha ko.
“Ngayon, Lyara... dahil nalaman mo na ang mga sikretong pilit na itinatago ni Elena,” bulong niya, ang kanyang mukha ay ilang pulgada na lang mula sa akin. “Dahil nalaman mo na kung gaano kadugo ang mga kamay ko para lang mapunta ka sa akin... sa tingin mo ba ay hahayaan pa kitang makalabas ng buhay sa mansyong ito?”
Inilapit niya ang kanyang labi sa aking tainga.
“Mamili ka. Ang maging asawako... o ang maging isang bangkay na itatabi ko sa nanay mo sa ilalim ng mga pula na rosas sa garden.”