Hindi muna nila pinaalam kay Amelia na humingi sila ng tulong sa kanyang Tiya Carmen, napagkasunduan nila na saka na lamang nila sasabihin sa kanilang anak kapag sigurado na talaga na tutulungan sila ni Carmen. Ayaw na nila kasi na masaktan pa muli si Amelia kapag nalaman niya na nagalit noon sa kanya ang Tiya Carmen niya dahil sa pagiging kakaiba niya. Masaya silang sabay-sabay na kumain ng agahan sa hapagkainan na para bang walang nakakita kay Amelia kagabi sa bayan noong idinadaos na ang pailaw dahil nga piesta sa kanilang bayan.
Samantala ay kalat na kalat na nga sa Molvania na may isang albinos ang nakita sa bayan kagabi. Para iyong apoy na mabilis na kumalat kaya naman nabuhay muli ang usapin na naibaon na sana noong dalawang dekada na ang nakakalipas. May mga hindi naniniwala at baka lasing lang daw ang nakakita at imahinasyon niya lang iyon pero marami ang naniniwala doon lalo na ang mga matatanda at nabanggit pa nga nila ang kulto ng Albions na kumukuha sa mga albinos. Sa paningin nila ay isang bayani ang kulto ng Albions dahil sila ang nag-aalis ng pinagmulan ng sakuna dahil iyon ang ipinilit at ipinaniwala ng mga Albions sa mga tao upang hindi sila paghinalaan at makuha nila ang nais nila.
“Totoo man o hindi ay kinakailangan pa rin natin mag-ingat sa nilalang na iyon. Baka malingat lang tayo saglit ay malasin na ang ating bayan dahil sa kanya.”