Habang naghuhugas ng hugasin si Amelia ay may narinig siyang kaluskos sa kanilang sala kaya naman dali-dali ay pumunta siya doon upang tignan dahil baka mamaya ay bumalik na pala ang kanyang ina. Ang hindi nila alam ay nakalimutan ni Susana na isara ang gate nila dahil may kumausap sa kanya na dati ay naging estudyante nilang mag-asawa na papunta rin ng bayan. Nagkwekwentuhan sila ng mga oras na iyon kaya naman hindi na niya namalayan na hindi niya pala nalock ang gate ng kanilang bahay.
“Ina?” tawag ni Amelia dahil wala naman siyang makitang tao sa sala pero sigurado siya sa kanyang narinig na may pumasok sa sala nila. Nanlaki naman ang mata ni Amelia nang sa paglingon niya ay may nakita siyang bulto ng isang lalake na nakatalikod at nakahawak sa seradura ng kanilang pintuan. Nanigas ang kanyang katawan dahil sa taranta at kaba.
“Sir Tom? Pasensya na pumasok na ako dahil pagsilip ko ay nakabukas ang gate niyo maging ang pintuan,” sabi ng lalake habang nakatalikod pa rin ito at hinuhubad ang kanyang sapatos.
Saktong pag-angat ng tingin ni Gerardo ng may nahagip ang kanyang mata na mabilis na tumakbo. Alam niya na hindi siya namamalikmata dahil malinaw niyang nakita ang disenyo ng damit nito. Iyon ang damit na nahulog ni Tom noong isang araw.
“Akala ko ba silang dalawa lang ng asawa niya ang nakatira dito kaya naman sino iyon?”