EVERYTHING in Mabel’s life had been simple and perfect. Masaya siya sa buhay niyang walang masyadong ganap. Walang gaanong conflict. Walang gaanong drama. Hindi siya nakaranas ng hirap dahil ibinigay ng kanyang ina ang halos lahat ng kailangan niya. Hindi masasabing mayaman sila ngunit hindi rin naman maituturing na mahirap. Hindi naman siya ang tipo na naghahangad nang labis-labis.
She had been perfectly happy with her life.
Until cancer came to ruin the perfectness of it all. Her mother was diagnosed with stage three ovarian cancer. Hindi kaagad na-detect ng mga doktor dahil madalas na bale-walain ng kanyang ina ang ilang mahahalagang sintomas. Sa kasalukuyan ay sumasailalim ang kanyang ina sa operasyon.
At wala na siyang nadama kundi takot at pag-aalala.
Paubos na ang ipon ng kanyang ina. Mabel never bothered to check their savings before. Unang-una, dahil hindi naman kanya iyon. Ang kanyang ina ang nagtatrabaho kaya pera nito iyon. Second, she always assumed they had enough. Isang executive assistant ang kanyang ina ng isang mayamang negosyante sa Tarlac. Lahat ng pangangailangan niya ay naibibigay ng kanyang ina. Tuwing sinasabi niya sa ina na gusto niya ng ganito at ganyan, kaagad nitong ibinibigay sa kanya. Hindi siya kailanman nag-alala sa pera dahil hindi siya hinayaang mag-alala ng kanyang ina. Palaging may pagkain sa ref, sobra-sobra ang baon niya noong nag-aaral pa siya, may yaya siya mula pagkabata, at hindi niya naranasang mag-promisory note tuwing may exam.
Nang sabihin ni Mabel sa ina na nais niyang magbago ng kurso pagkatapos ng dalawang taon sa nursing school ay hinayaan siya nito. Hindi sinabi na sayang naman ang ginastos nila. Hinayaan siya ng kanyang ina na magsimula ng five-year course. Nang matapos siya sa kolehiyo ay hindi siya nagtrabaho kaya hindi talaga niya alam ang kahalagahan niyon upang mabuhay.
Kaya naman ngayon ay halos mabaliw-baliw si Mabel sa pag-aalala tungkol sa pera na tila hindi pa sapat ang kanyang pag-aalala sa kalagayan ng ina upang baliwin siya. Nang una niyang makita ang savings ng ina, labis siyang nagulat. It was only seventy thousand pesos. Malaki na marahil para sa pamantayan ng iba, ngunit napakaliit kung may cancer ang isang tao. Malaki na ang nabawas nila roon dahil sa pagpapagamot ng kanyang ina at sa pang-araw-araw na pangangailangan. Maraming treatments pa ang pagdaraanan ng ina at hindi niya alam kung saan kukunin ang mga panggastos. PhilHealth lang ang mayroon ang ina. Wala nang ibang health insurance. Lahat ng insurance na hinulugan nito sa nakalipas na dalawang dekada ay nakapangalan sa kanya. Lahat ng pera ay palabas, walang pumapasok. Ang tanging naipundar ng ina ay ang bahay nila. Hindi niya ma-imagine ang sarili na ibinebenta ang bahay nila.
Buong buhay ni Mabel, iniasa niya ang lahat sa kanyang ina. Wala siyang ibang alam gawin kung wala ito. Alam niyang kailangang may gawin siya. Kailangan niyang maghanap ng trabaho upang kumita. Ngunit paano niya gagawin ang bagay na iyon? Sa dalawampu’t apat na taon ng buhay niya, ni minsan ay hindi niya naranasang magtrabaho. Ni hindi niya naranasang maghugas ng pinggan.
Kahit pa nais niyang subukang maghanap ng trabaho, hindi rin naman siya makaalis sa tabi ng ina. Palagi niyang isinasaisip na gagaling pa ito. Moderno na ang medisina at maraming na ang cancer survivor sa panahong ito. Ngunit may bahagi pa rin kay Mabel na nag-iisip na baka biglang kunin sa kanya ang pinakamamahal na ina. Hindi masukat ang nadarama niyang takot mula nang sabihin sa kanya ni Lucinda ang karamdaman. Panay ang yakap niya nang mahigpit na tila anumang oras ay may hahablot dito palayo sa kanya. Kaya ginugugol nila ang halos lahat ng panahon na magkasama. Hindi niya malaman kung ano ang magiging buhay niya kapag nawala ang ina. Sa palagay niya ay hindi rin siya mabubuhay.
“Mommy, laban lang, ha?” samo ni Mabel bago ito magtungo sa operating room. “Hindi ka puwedeng igupo ng cancer. You have to live. For me.” Pigil-pigil niya ang mga luhang kanina pa nais humulagpos mula sa kanyang mga mata.
Hinaplos nito ang kanyang mukha. “Hindi pa kita maiiwang mag-isa, anak.”
Tumango siya. “Opo. Hindi n’yo pa talaga ako puwedeng iwan. I won’t survive, Mommy.” Hindi niya tinatakot ang ina. Talagang hindi siya mabubuhay kung wala ito.
Dahil sa nangyayari ay sumagi sa isip niya ang ama. Naitanong niya sa sarili kung hahanapin ba niya ang iresponsableng lalaki na siyang responsable sa existence niya sa mundo. Malinaw at mabilis ang naging tugon niya sa sariling tanong. Hindi.
Hindi na nakilala ni Mabel ang kanyang ama dahil naglaho na lang itong parang bula nang malamang nagdadalang-tao ang kanyang ina sa kanya. Sa madaling salita, hindi siya mapanindigan. Walang dahilan upang hanapin ang isang lalaking nang-iwan.
Hindi mapakali si Mabel habang hinihintay na matapos ang operasyon. Namamahay ang takot sa kanyang buong pagkatao. Panay-panay ang pagdarasal niya na sana ay maging maayos ang kalagayan ng kanyang ina.
Nang dalhin na ang kanyang ina sa recovery room, hindi na niya napigilang mapahagulhol. Ang sabi ng doktor ay maayos naman ang naging operasyon. Naalis ang mga dapat alisin. Buhay pa at lumalaban ang kanyang ina. Hinagkan niya ito sa noo.
“I love you, Mommy,” bulong ni Mabel. Dahil natatanto na niyang walang kasiguruhan ang buhay, kailangan niyang maipaalam sa ina kung gaano niya ito kamahal.
KELLAN’S eyes roved around Sagada’s town proper then he smiled. He was back. Kababa lang niya sa bus na nanggaling ng Baguio. Pag-alis niya ng Baguio noong nakaraang taon ay inakala niyang hindi na siya makakabalik ngayong taon. He told himself he had given up. His heart and mind couldn’t take it anymore. But here he was. The addiction won.
He sighed then started walking. Hindi pa man gaanong nakakalayo si Kellan, may motorsiklo nang pumarada sa tabi niya. Kaagad siyang napangiti nang makita si Sangadil, ang assistant ni Jairus. Jairus was one of his close friends in Sagada. Si Jairus ang nag-design ng cabin niya na iniregalo lang ng isang malapit na kaibigan.
“Sangadil, man!” Tinapik niya ito sa balikat. “It’s nice seein’ you `gain!”
Bumaba ang nakangiting si Sangadil sa motorsiklo at iniabot sa kanya ang susi. “I’m happy to see you again, Sir,” masigla nitong sabi. “How’s Ireland?”
“`Still the same.” Tinulungan siya ni Sangadil na itali ang malaking backpack niya sa likod ng motorsiklo. He planned on staying a month. Mas maikli kaysa sa mga nakalipas na taon na karaniwang umaabot siya ng tatlong buwan sa Pilipinas. “How’s Jairus?” Dalawang taon na rin mula nang takbuhan si Jairus ng mapapangasawa. Kahit na wala siya sa bansa nang mangyari iyon, alam niya na hindi naging madali para sa kaibigan ang lahat. He hoped Jairus was okay by now.
“Okay na okay, Sir. He’ll see you later.”
Natatawang tinapik ni Kellan si Sangadil sa balikat. Kellan was an Irish. Sa tagal niyang nagpapabalik-balik sa Pilipinas ay natuto na siyang mag-Filipino. He could understand and speak the language. He thought he was quite good at it.
“You can speak Tagalog, Sangadil,” aniya habang sumasampa sa motor. “Nakakaintindi akow.” Alam naman iyon ng lalaki. Madalas lang siguro nitong nakakalimutan dahil sa hitsura niya. Hindi naman na unusual ang foreigners sa Sagada. Napakaraming banyaga ang bumibisita sa lugar at marami-rami na rin ang mas pinipiling manirahan doon.
Sa kaso ni Kellan, halos pitong taon na siyang nagpapabalik-balik sa Sagada. Punong-puno ang puso ng pag-asa pagdating at madalas na bigong umaalis.
“Pupuntahan daw po niya kayo mamaya, Sir,” ani Sangadil na kakamot-kamot sa ulo.
Tumango si Kellan. “Okay. I’ll go ahead. Salamat uli.” Pinaandar na niya ang motor. Natuwa sa magandang tunog niyon. Inalagaan nang maigi ni Jairus ang sasakyan.
Kellan filled his lungs with clean Sagada air while he was traveling. It felt home. He loved Ireland but Sagada had a special place in his heart. He already considered this place a second home. Kahit na dumating ang araw na ganap na siyang susuko sa paghihintay at paghahanap, kahit na dumating ang araw na mahanap na niya ang gamot sa kanyang addiction, babalik at babalik pa rin siya sa lugar. This place held so much happy memories. Sa lugar na iyon niya nabuo uli ang sarili. Sa Sagada siya nakahanap ng pag-asa at ng ganang magpatuloy sa buhay.
Kaagad narating ni Kellan ang kanyang cabin dahil hindi naman iyon masyadong kalayuan sa town proper. Sampung minuto lamang kung lalakarin. He opened the cozy home Don Alfonso had given him four years ago. It was a two-bedroom cabin. Malinis ang bahay dahil may regular na naglilinis doon mula sa mansiyon ng mga Banal. He checked the kitchen. The fridge was on and full. He took a bottle of beer then sat in front of the small dining table. May nakahanda na roong pagkain para sa kanya.
Don Alfonso was always like this. Mula nang magkakilala sila ay sinisiguro na nitong maayos ang lahat para sa kanya. Don Alfonso had been a surrogate father to him in the last five years. Bahagya siyang nanamlay nang maalala ang pagkakaroon ng sakit ng matanda. Ayaw niyang isipin na baka iyon na ang huling bakasyon niya na makikita at makakasama si Don Alfonso.
Kumain na si Kellan, nagpahinga sandali, naligo, inilabas ang mahahalagang dokumentong dala, at muling lumabas. Nagtungo siya sa mansiyon ng mga Banal. Hindi siya mapakali. He had to see the old man. He had to be certain he was doing okay.
Malugod siyang pinapasok ng isang kawaksi. He met Carrie, Don Alfonso’s daughter-in-law in the living room. Nginitian siya ng ginang at binati. Kinumusta siya nito sandali bago sinabing titingnan ng ginang kung maaari siyang makita o makausap ni Don Alfonso.
Pag-upo ni Kellan sa malambot na sofa ay siya namang pagpasok ni Yumi, ang panganay na apo ni Don Alfonso na naging kaibigan na rin niya sa mga taong nakalipas.
“Yumi, hey!” masiglang bati niya, tumayo, at nilapitan ang dalagang kaagad napangiti nang makita siya.
“Kellan!” masayang bulalas ni Yumi bago siya niyakap. “Kailan ka pa dumating?”
“Kanina lang. Ikaw, kailan pa bumalik?” balik-tanong niya pagkakalas nito sa yakap niya.
Her eyes lit up in amusement. Natutop nito ang bibig at tila nagpipigil lang mapahagikgik. He rolled his eyes ceilingwards when she eventually burst laughing. Hindi na bago sa kanya ang ganoong reaksiyon. Pinagtatawanan ng lahat ang Tagalog niya. Tama naman ang mga salita. Ang paraan ng pagkakabigkas lang niya ang nakakatawa. Sa palagay niya ay nakakatawa iyon dahil sa kanyang prominent Irish accent. Minsan ay nahihirapan siyang maintindihan ng mga taong kausap kapag mabilis siyang magsalita.
“I’m happy to see you, Yumi,” ani Kellan mayamaya. “It’s been two years, isn’t it?” She was Jairus’s runaway bride. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang tumakas ni Yumi but he was certain she had her valid reasons. Hiling niyang sana ay maayos na ng dalawang kaibigan ang lahat sa pagkakataong iyon. He was glad Jairus didn’t have to go through what he was still going through.
Tumango ang dalaga. “I’m happy to see you, too. Na-miss ko `yang pagta-Tagalog mo. May meeting kayo ni Lolo?” Napatingin ang dalaga sa mga folder at laptop na dala niya.
“Yep. Annual report sorta thing.”
Pinasadahan ni Yumi ng tingin ang kabuuan niya. “Don’t you think you’re a little underdressed?” Mababakas ang amusement sa tinig ng dalaga. “Alam mo ba kung ano ang temperatura sa labas? Wala ka man lang dalang jacket.”
Magiliw na pinisil ni Kellan ang ilong ng dalaga. Nakasuot siya ng itim na sando at khaki cargo pants. Sanay na siyang hinaharap si Don Alfonso sa ganoong getup. Kellan hated suits. He was forced to wear them in Ireland but not in Sagada. Sagada’s climate was warm by his measure.
Lumitaw si Carrie. “Papa is ready for you, Kellan. I hope wala kang bitbit na bad news. Huwag mo rin siyang masyadong papagurin. Hindi na siya ganoon kalakas.” Nangulimlim ang mukha ng ginang.
Nakangiting tumango si Kellan. “Yeah, I understand.” Tinungo na niya ang study ni Don Alfonso pagkatapos magpaalam sa dalawang babae. Nakaupo si Don Alfonso sa likod ng mesa nito pagpasok niya. He looked fierce and formidable as ever. Ngunit hindi nakaligtas sa pansin niya ang bakas ng dinaramdam sa mga mata ng matanda. He lost weight and he looked a little pale. Gayunman, nagliwanag pa rin ang buong mukha nito nang makita siya.
“You’re doing well?”
Nakangiting tumango si Kellan. “Yes. Very well. How about you?” Kung hindi pa ipinaalam sa kanya ni Attorney Ferrer—ang abogado ni Don Alfonso at naging kaibigan na rin niya—na may dinaramdam ang matanda ay hindi pa siguro niya malalaman.
“Good. I’m good. You don’t have to worry, Kellan.” Binigyan siya ni Don Alfonso ng munting ngiti na tila sapat na iyon upang mapayapa siya.
“How can I not?” aniya sa munting tinig. He loved this old man. He helped him when he was in need. Nagtiwala sa kanya si Don Alfonso kahit na hindi siya gaanong kakilala.
Almost all the wealth he possessed now was because of this man. Iniahon siya ng matanda mula sa pagkakalugmok. He gave him hope. He motivated him. He pushed him hard. He functioned so well for the last five years because of Don Alfonso Banal.
“Let’s see what you have for me,” pormal nitong sabi.
Humugot ng malalim na hininga si Kellan at inayos ang mga dala sa malapad na mahogany desk. Nang mga sumunod na sandali ay naging abala na siya sa pagre-report ng mga naging progreso sa timber business niya kung saan may parte ang matanda. Everything was doing well. Bago ang bakasyon niyang iyon sa Sagada ay siniguro niyang walang magiging problema sa negosyo.
Mukhang kontento naman ang matanda sa mga narinig. Sa totoo lang ay hindi naman kailangang gawin iyon ni Kellan. Regular ang progress report na natatanggap ni don Alfonso. Ngunit nais pa rin niyang ipaalam sa matanda ang mga nangyayari sa negosyong isinalba nito. Nais niyang malaman ng don na hindi na siya nagpapabaya. Minsan, nais niyang hingin ang opinyon ni Don Alfonso tungkol sa ilang desisyong ginawa o gagawin pa lang niya. He didn’t want to screw up again. Para siyang bata na inalalayan ni Don Alfonso hanggang sa makatayo siya sa sariling paa, hanggang sa hindi na siya gaanong natatakot sa paggawa ng ilang maseselang desisyon.
“Stay for dinner,” ani Don Alfonso sa matatag na tinig. Hindi humihiling ang matanda. Sinasabi nitong doon siya kakain ng hapunan.
Nais matawa ni Kellan. May mga bagay na hindi pa rin nagbabago kahit na may sakit ang matanda. “Sure. Walang probleyma.” Iniligpit na niya ang mga papeles na pinapirmahan.
“Alam mo bang nalaman kong may anim pa akong apo?” kaswal nitong pagkukuwento.
“Really? That’s cool!” Hindi na siya gaanong nagulat knowing Alfie’s—Don Alfonso’s only son—history. Before Carrie, Alfie was a chronic womanizer according to his own father.
“All girls,” nagmamalaking dagdag ng matanda.
Kellan softly chuckled. “Fate’s idea of a joke, ain’t it?” pagbibiro niya. Ngayon ay may walo nang apong babae ang don. Nabanggit na ni Attorney Ferrer ang kasalukuyang kalagayan ng anak nito. Umaasa siya na magigising din si Alfie kaagad. Ayaw niyang lalong nahihirapan si Don Alfonso.
Nakangiting napatango-tango ang matanda. “It certainly is. They’re all coming here. I’m excited to meet them.”
“I’d love to meet them, too.”
Makahulugang napangiti si Don Alfonso. “Malay mo, isa na pala sa kanila ang babaeng hinahanap at hinihintay mo.”
Natawa nang malakas si Kellan. Kahit na sa pandinig niya ay mababakas ang pait sa tawang iyon.
Patuloy sa pagngiti nang makahulugan ang matanda.