Kabanata 1
A L E X A
"Alexa, buwan-buwan na lang ba ay pahihirapan mo ako sa paniningil ng renta? Kung ganito lang din naman ay mabuti pang umalis na lang kayong magkakapatid. Namomroblema lang ako sa paniningil sa inyo!" anang may-ari ng inuupahan naming apartment.
"Pasensya na, Ate Hilda. Bukas na bukas ho ibibigay ko din agad sa inyo ang bayad."
"Naku, Alexa! Ilang beses mo nang sinabi 'yan. Hindi mo na ako madadala d'yan sa pabukas-bukas mo. Bayaran mo ako ngayon mismo kung ayaw niyong tumawag pa ako ng barangay para mapaalis kayo dito! Uupa-upa kayo, wala naman kayong pambayad! Dapat sa kalye na lang kayo tumira, libre doon. Malas kayo sa negosyo ko, umalis na kayo dito!"
Makikiusap pa sana ako nang biglang dumating ang kapatid ko. Naabutan niya ang huling sinabi ng may-ari ng apartment. Mabilis siyang lumapit sa pwesto namin. Nagulat ako nang bumunot siya ng limang tig-iisang libong piso sa kanyang pitaka at agad na inabot iyon kay Ate Hilda.
"Aalis kami sa bahay na ito, hindi niyo kami kailangang paalisin. Ang sikip-sikip dito sa pinapaupahan niyong apartment, inaanay pa, sana bago kayo maningil ng rental fee pinapaayos niyo muna ang mga sira sa bulok niyong paupahan! Ang mahal-mahal niyo maningil ng upa, bulok naman itong pinapaupahan niyo! Talagang aalis kami dito, kahit daga hindi makakayanang magtiis sa pamamahay na 'yan! Halika na nga, ate," anang kapatid ko bago ako hinila papasok sa inuupahan naming apartment.
Sa gulat ko sa inasta niya ay hindi na ako nakaimik at nakapag-react agad.
"Aba, loko itong batang 'to, ah! Hoy! Ang kapal ng mukha mo! Kayo na nga ang pinatuloy—"
Napaawang ang bibig ko nang bagsakan niya ng pinto si Ate Hilda, hindi pa man ito natatapos sa pagsasalita.
"Bwisit! Akala mo kung sino magsalita! Baka siya ang malas pati ang bulok na apartment na ito!"
Inis kong hinarap ang kapatid ko. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip niya at bigla na lang siyang nagsalita ng ganoon sa may-ari ng paupahan na ito.
"Cheska! Anong ginawa mo?"
"Ano sa tingin mo?" Nakuha pa talaga niya akong ismiran.
"Kung ikaw pumapayag ka na ginaganoon tayo ng tsismosang iyon, pwes ako hindi ako papayag ng gano'n! Anong akala niya hindi ko siya kayang patulan? Tsismosa lang siya, anak ako ng pokpok at pusher! Subukan niya lang akong kalabanin."
Napairap ako sa mga salitang lumalabas sa bibig niya. Mabuti na lang at nasa tiyahin namin ang kapatid naming si June. Ayokong nakakarinig siya ng mga ganito tungkol sa mga magulang namin.
"At saan naman tayo lilipat, huh? Alam mong wala tayong malilipatan, di ba? Wala tayong perang maibabayad."
"Meron! May pera ako, Ate. Pwede na tayong lumipat. Hindi na natin kailangang mag-tiis sa masikip at mabahong lugar na ito."
"At saan galing ang pera mo?" May halong pagdududa sa aking tanong.
"Hindi na mahalaga kung saan galing ang pera. Basta may pera na tayo. Makaka-alis na tayo sa basurahang ito."
"Anong sinasabi mo? Saan galing ang pera? Magsabi ka sa akin ng totoo Cheka!
Saan mo kinuha ang perang pinambayad mo kay Ate Hilda?"
"Sabi ng hindi na nga mahalaga iyon!"
"Paanong hindi mahalaga? Umamin ka nga sa akin, anong ginawa mo, huh?" Pagalit kong tanong halos masigawan ko na siya.
"Wala!"
"Anong wala? Umamin ka sa akin! Saan galing ang pera?"
Hindi siya nagsalita itinikom niya lamang ng mariin ang kanyang mga labi. Isang malakas na sampal ang iginawad ko sa kanya. Hindi ko na kailangang maghintay ng sagot, kitang-kita ko na sa mga mata niya kung ano ang sagot niya sa mga tanong ko.
"Huwag mong sabihin sa aking pinatulan mo ang matandang iyon? Francheska, sixteen ka pa lang! Ni hindi ka pa nakakapagtapos ng junior high school. Anong ginagawa mo sa buhay mo?" Galit na galit kong sigaw sa kanya. Hindi ako makapaniwala na ganito.
"Ate, kailangan natin ng pera! Hindi sapat ang kinikita mo sa pa-sideline-sideline mo para makaahon tayo sa hirap!"
"Mahirap tayo, oo pero hindi ibig sabihin noon, magpuputa ka na! Hindi tayo katulad ni mama!" Mas malakas kong sigaw nagbabakasakaling maunawaan niya ang sinasabi ko.
"Kung ikaw hindi, pwes ako, oo, Ate. Marami akong pangarap sa buhay, Ate. Hindi ako hihinto lang sa isang tabi at mananahimik, maghihintay na maambunan ng swerte. Ako ang magdadala ng swerte sa buhay ko!"
"Magdadala ng swerte sa buhay mo? Paano, huh? Sa pamamagitan ng pagbubugaw sa sarili mo sa matandang iyon?"
"Mas maganda nga iyon, di ba? Matanda. Mayaman. Madaling mamatay pero bago siya mamatay sisiguraduhin kong mapapasaakin ang lahat ng kayamanan niya."
"Nababaliw ka na ba talaga? At ano ang susunod mong gagawin? Magpapakasal ka sa kanya? Akala ko ba galit ka kay mama, bakit parang gusto mo pa siyang gayahin? Nahihibang ka na ba? Ginagawa ko ang lahat para mabuhay tayo, hindi mo kailangang gawin ito. Sinusubukan ko naman lahat ng makakaya ko, di ba? Nagpapakahirap ako para matustusan ko lahat ng pangangailangan niyo! Huwag mo naman gawin ito!"
"Iyon na nga, Ate, eh. Ikaw na lang lagi ang gumagawa ng paraan para buhayin ako, kami ni June. Gusto ko din namang tumulong sa'yo. Isang taon lang ang agwat ng edad natin dapat kung kaya mo, dapat kaya ko na ding buhayin ang sarili ko! Hindi dapat ako maging pabigat lang habang buhay sa'yo! Kung may magagawa naman ako, bakit hindi ko pa gawin, di ba? Ate, ginagawa ko ito hindi lang naman para sa sarili kong pangarap. Kundi para sa inyo din ni June."
Namuo ang luha sa mga mata ko. Hindi ko makayanan na naririnig ko ang mga ito sa sarili kong kapatid.
"Hindi, Cheska! Hindi mo naiintindihan. Kaya ako nagsusumikap ay para hindi tayo matulad kay mama. Ayokong maging katulad ka niya. Ayokong sirain mo ang sarili mo para sa pera. Gagawin ko ang lahat para maibigay ko sa'yo ang lahat, sa inyo ni June. Huwag mo namang gawin ito."
"Na-aappreciate ko lahat ng paghihirap mo, Ate pero hindi na sapat na ikaw lang ang nagsasakripisyo. May sakit si June, Ate. Gusto kong tumulong para mapagamot siya. Walang mangyayari kung ikaw lang palagi ang kakayod, Ate. Mamatay siya. Mamatay ang kapatid natin ng wala man lang akong ginagawa at hindi ako papayag na mangyari 'yon. Kung magagalit ka sa akin dahil sa pinili kong buhay, maiintindihan ko, pero hindi na magbabago ang isip ko. Kung ayaw niyong umalis dito, ako na lang ang aalis dito. Dadalaw-dalaw na lang ako dito pag kailangan niyo ng pera."
"Cheska, please. Hahanapin ka ni June. Huwag mo kaming iwan. tayo-tayo na lang ang magkasama sa buhay, huwag ka namang lumayo. Huwag mong gawin 'to. Gumagawa naman ako ng paraan para maipagamot si June, para gumaling siya. Hindi mo na kailangang umalis. Dito ka lang. Gusto ko sama-sama tayo dito." nagmamakaawa kong sabi habang sunod-sunod na bumabagsak ang mga luha sa aking mga mata.
"Kung ganoon sumama kayo sa akin, Ate. Niyaya ako ni Mr. Lazaro na tumira sa mansyon niya. Magbubuhay mayaman tayo doon, Ate."
Malungkot akong suminghap. Hindi ko masisisi ang kapatid ko kung ganito ang naiisip niyang paraan para makaahon kami sa hirap. Mas sinisi ko ang mga magulang namin na siyang nagpabaya sa amin at hinayaang maging ganito ang mga buhay namin. Sinisisi ko din ang sarili ko, kasi wala akong magawa para mailigtas ang mga kapatid ko sa sitwasyong ito. Wala akong magawa. Kahit anong hirap ang gawin at tiisin ko, wala pa din akong magawa. At ang sakit-sakit no'n para sa akin. Ang walang magawa habang nakikita kong nahihirapan ang mga kapatid ko.
"Huwag niyo na akong isipin si June na lang ang isama mo. Hindi ko makakayanang tumira sa pamamahay na iyon," sabi ko pilit tinatatagan ang loob.
Malungkot siyang ngumiti pero agad ding tinanggap ang pasya ko. Lumapit siya sa akin at niyakap ako ng mahigpit. Isang yakap na damang-dama ko ang sakit. Alam kong hindi niya din ginustong mangyari ito sa buhay niya pero desperado na siya, pareho naman kaming desperado na kumita ng pera para sa pagpapagamot sa kapatid namin, kaya hindi ko siya magawang sisihin kung ito na lang 'yong paraan na nakikita niyang makalatulong sa amin.
"Salamat, Ate. Salamat at ipinagkatiwala mo sa akin si June. Ginagawa ko ito para sa kanya. Gusto ko siyang maipagamot at ito lang talaga ang nakikita kong paraan para mangyari iyon. Kung hindi tayo kayang tulungan ng gobyerno, walang ibang tutulong sa atin kundi ang mga sarili lang din natin. Gusto kong malaman mo, Ate, na hindi ko naman talaga ginusto ito. Naiipit lang din ako. Nagiging desperada… kapit sa patalim. Wala, eh. Gustong-gusto kong makaangat. Gusto kong mabigyan ng maayos na buhay si June, gusto ko siyang maipagamot. I'm sorry, Ate. I'm sorry kung nabigo kita… Alam kong mahirap para sa'yo ang desisyon na ito. Alam kong ayaw mong mangyari sa buhay ko ito pero wala kang magawa. Ate, huwag na huwag mo sanang sisihin ang sarili mo kung nangyayari ito sa akin. Ako ang pumili nito para sa buhay ko. Wala kang kasalanan. Buong buhay namin ni June halos ikaw na ang nagpalaki sa amin. Mga bata pa lang tayo, ikaw na lagi ang gumagawa ng paraan para lang mapakain kami ni June. Ngayon, ako naman ang magsasakrispisyo para kay June. Sana lang huwag mong sisihin ang sarili mo. Wala kang kasalanan. Kung meron mang may kasalanan sa nangyayari sa atin, ang mga magulang natin iyon. Pinabayaan nila tayo. Inabanduna na parang hayop."
Niyakap ko siya ng sobrang higpit. Ang sakit sa akin ng desisyon na ito. Ang hirap-hirap sa akin na pabayaan siya sa gusto niyang mangyari. Mag seseventeen pa lang siya pero ganito na ang nangyayari sa buhay niya. Hindi ganito ang buhay na gusto ko para sa mga kapatid ko pero may magagawa pa nga ba ako?
"Bakit naman nakasimangot ka d'yan? Baka naman malasin ka niyan at wala kang makuhang tip ngayong gabi, sige ka," ani Lance nang maabutan niya akong halos tulala sa bar counter.
Kabubukas lang ng bar kaya hindi pa ganoon kadami ang customer. May oras pa akong matulala at isipin ang lahat ng nangyayari sa buhay ko.
Tipid lang akong ngumiti. Hindi ko alam kung paano ko pa nagagawang magpeke ng ngiti kahit na sobrang bigat ng dibdib ko, kahit sobrang laki ng pinapasan kong problema sa buhay.
Pinisil ni Lance ang magkabilang pisngi ko, pinipilit akong pangitiin ng malawak. Lalo akong sumimangot.
"Problema lang 'yan. Si Alexandra the Great ka," biro nito. Napailing ako at hindi na din napigilang totoong mangiti.
Inalis ko ang mga kamay niya sa magkabilang pisngi ko at umiling-iling habang nangingiti pa din.
"O, may bagong customer. Sa'yo na 'yan, mukhang mayaman, baka malaki magbigay ng tip. Lapitan mo na agad," aniya, napatingin naman ako sa lalaking naupo sa pinakadulo ng bar counter.
Madilim ang ekspresyon nito habang nakaupo at naghihintay na may mag-asikaso sa kanya. Suminghap ako at nagdasal na sana ay hindi bastos ang lalaking iyon. Ilang beses na kasi akong naka-encounter ng bastos at manyak na customer mula nang magtrabaho ako dito sa bar na ito. Mag-iisang taon pa lang ako dito pero ang dami ko ng naranasang pangbabastos mula sa mga customer lalo na kapag mga lasing na ang mga ito. Tinitiis ko na lang minsan dahil kailangan ko talaga itong hanap-buhay na ito. Hindi kasi tulad sa ibang mga napasukan kong trabaho, medyo maayos-ayos ang pasahod sa bar na ito. Kumakasya naman kahit papaano sa aming tatlo hindi katulad sa mga iba kong napasukan na hirap na hirap akong pagkasyahin sa lahat ng bayarin. Dito kulang pa din naman pero mas okay na dito kaysa sa dati.
Nilapitan ko ang lalaki ng nakangiti. Basta ang alam ko kapag nasa trabaho ka hindi mo dapat dinadala ang mga personal mong problema. Kaya kahit magulo pa ang isip ko sa mga desisyon ng kapatid ko ay kailangan ko munang isantabi iyon hanggat narito ako sa trabaho.
Babatiin ko pa lang sana ang lalaki nang agad na itong magsabi ng kanyang order, hindi na ako binigyan pa ng pagkakatong makabati. Nagkibit balikat ako at agad ginawa ang gusto niyang inumin.
Habang sinasalin ko sa baso ang alak na gusto niya ay napatingin akong muli sa kanya. Hindi naman siya mukhang manyakis o bastos. Sa totoo lang mukha siyang disenteng tao, kagalang-galang at may pinag-aralan. Mukha nga lang problemado sa buhay base sa kanyang madilim na ekspresyon.
Bago lang yata siyang customer dito. Ngayon ko lang kasi siya nakita dito. Imposibleng hindi ko siya mapansin agad kung matagal na siyang nagpupunta dito, kaya sigurado akong bagong customer lamang siya.
"Here's your order, sir," agad kong inabot sa kanya ang alak na gusto niya habang nakangiti.
"Thanks," tipid niyang sabi at agad na sinubukang diretsohin ang alak na nasa baso pero hindi nagtagumpay dahil medyo matapang ang alak na iyon.
Nalukot ang kanyang mukha at bahagya pang natapon ang konting alak sa kanyang puting polo. Agad akong nagmadaling kumuha ng tissue at lumabas ng counter para makalapit sa kanya, walang pagdadalawang isip kong pinahiran ang konting tapon sa kanyang damit.
Nahinto siya at nakita kong bumaba ang tingin niya sa kamay kong nasa kanyang dibdib at pilit pinupunasan ang basa doon. Ngumiti ako at huminto na.
"Baka kasi magmantya kapag hindi agad napunasan," kaswal kong sabi bago miling bumalik sa pwesto ko sa counter.
Tiningnan niya lang ako at walang sinabi.
"First time mo bang uminom?" Hindi ko napigilang magtanong.
Umiling siya.
"Hmm, pero hindi ka madalas na umiinom?"
Naglandas ang kanyang dila sa labi bago tumango.
"Hindi mo alam na hard 'yan?"
Tiningnan niya ang baso ng alak na nasa harapan niya bago muling tumango.
"Gusto mo ikuha kita ng mas light ng konti d'yan?"
Umiling siya.
"I'm okay with this, but thanks for asking."
Ngumiti ako at tumango.
"Ayos lang, trabaho ko 'to. Pero sigurado ka bang ayaw mong palitan? Parang hindi mo naman nagustuhan ang inumin mo."
Nag-iwas siya ng tingin at muling umiling.
"Ayos na ito."
Tumango akong muli.
"Bago ka lang na customer dito?" usisa ko. Sanay na akong makipag-usap sa mga customer namin dito sa bar, marami na din akong mga nakausap na customer at naging close. Pero depende pa din sa customer. May mga manyak kasing customer na hindi ko talaga maatim na kausapin.
Sumasagot na lang ako kapag may itinatanong sila sa akin dahil hindi naman ako bastos na tao para hindi sumagot sa tanong ng customer. Pero minsan kapag nababastos na ako ay tumatawag na ako ng bouncer. Kahit kasi nagtatrabaho kami dito sa bar wala pa ding karapatan ang mga customer na bastusin at manyakin kami. Pwera na lang kung gusto mo din naman. Iyong iba kasi ayos lang sa kanila na binabastos sila basta malaki magbigay ng tip.
Sa akin tinitiis ko lang minsan dahil ayoko ng gulo hanggat maaari, ayokong matanggal ako sa trabaho na ito. Ito lang ang paraan para makapagtapos ako sa pag-aaral at ganoon din ang mga kapatid ko.
"Yeah," simpleng tugon niya.
"Ah, kaya pala hindi ka pamilyar. Hulaan ko, hindi ka naman talaga madalas nagpupunta sa ganito, 'no?"
Tumango siya ulit. Ang tipid naman nitong sumagot. Ang hirap kausapin. Pero ewan ko ba, parang gusto ko siyang kausapin. Gusto kong marinig ang kwento niya. Sa ekspresyon ng kanyang mukha at sa kanyang mga mata, nakikita kong may pinagdadaanan siyang malaking problema. Tao din talaga ang mga mayayaman, nagkakaroon din sila ng problema.
May mga panahon din na nado-down at nalulungkot sila ng sobra. Wala talagang makakaligtas sa kalungkutan. Kahit sino pa 'yan.
"Hulaan ko ulit, problema ang nagdala sa'yo dito?"
Tumaas ang kilay ko nang nag-iwas siya ng tingin at umigting ang kanyang panga.
"Sabi nila the best way na makakatakas ka sa problema mo ay ang resolbahin ito, pero kung hindi kayang resolbahin, uminom ka na lang," ngumisi ako at nagkibit balikat.
"Iyon ba ang dahilan kung bakit ka nandito ngayon? Hindi mo na alam kung paano reresolbahin ang mga problema mo?"
"Paano kung ang problema mismo ang kusang umalis?"
Natigilan ako sa naging sagot niya. Naningkit ang mga mata ko habang binabasa ko ang kanyang ekspresyon at iniintindi ang kanyang sinabi na medyo malabo yata.
"Wait, tao ba itong tinutukoy mong problema?"
Muli siyang nag-iwas ng tingin sa akin. Napangisi ako. Nakuha mo, Alexa.
"Is it someone you care about who has caused you so many troubles, yet you just can't let her go?"
Gumalaw ang kanyang panga at seryoso akong binalingan muli ng tingin. Hindi maalis-alis ang ngiti ko. Natutuwa ako dahil mukhang tumatama ang basa ko sa kanya. Minsan ang sarap sa pakiramdam kapag naiintindihan mo ang iniisip at nararamdaman ng ibang tao. For some reason, knowing that I'm not the only one that has struggles in this world makes me feel better.
"Girlfriend mo ba?"
Umiling siya.
"Ex-wife…"
Napaawang ang labi ko. Hindi inasahan na kasal na pala siya. Hindi naman siya mukhang bata pa para ikagulat ko na kasal na siya pero ewan ko kung bakit nagulat pa din ako.
"Oh! Gusto mong magkwento?"
Muli siyang sumimsim sa alak na nasa kanyang harapan, hindi sumagot.
"Sabi nila mas mabuti na daw na magkwento ka ng mga problema mo sa taong hindi mo kilala para mas mailabas mo ang totoo mong nararamdaman. Kasi kapag kakilala mo ang pinagsabihan mo ng problema mo, may tyansa na baka mailang ka sa kanya bigla at hindi mo mailabas ng buo ang mga hinanakit mo."
Nagkibit balikat ako.
"Pero ikaw, kung ayaw mo, ayos lang din naman. Sasamahan na lang kitang uminom. Hindi kami pwedeng uminom pero babantayan kita, akong bahala sa'yo." Nakuha ko pang kumindat sa kanya.
Mahirap na kasi hindi naman siya madalas sa ganitong lugar at hindi din siya sanay uminom, baka sandali lang ay malasing kaagad ito at mapagtripan pa. Mukha pa namang mayaman ang isang 'to.