002

3253 Words
Kabanata 2 A L E X A "Ilang taon kayo ng… ex-wife mo?" Hindi ko napigilan ang bibig kong magtanong ulit. Paano ba naman kasi parang ang tipid niyang magsalita. Nakukuryoso pa naman ako kung bakit siya nandito, gayong hindi naman pala siya sanay na uminom. Alam ko nang dahil sa problema sa kanyang dating asawa kaya siya nandito pero gusto ko malaman ang kwento niya. Bakit sila naghiwalay ng ex-wife niya? Sinong nakipaghiwalay? Siya ba? Tiningnan niya lang ako, tila nagdadalawang isip kung sasagutin ba ang tanong ko o babaliwalain na lang ako. Mukha siyang suplado pero mukha namang hindi siya bastos na tao para hindi ako pansinin. Kaya kahit mukhang ayaw niya akong kausap ay sinagot niya pa din ang tanong ko. "Sixteen years kaming kasal." Umawang ang mga labi ko sa gulat. Sixteen years? Ang tagal no'n! Wait, lang. Ilang taon na ba siya? "Wait, ilang taon ka na ba?" Tumikom ang mga labi niya at sandaling tumitig sa akin bago muling sumagot. "Thirty four." Shit! Ang aga niyang nagpakasal! Hindi ko maiwasang mamangha dahil kadalasan sa mga lalaking kasing gwapo niya, hindi agad naiisip na mag-asawa o magpakasal dahil mas gustong maglaro pa. Pero siya… kakaiba nga talaga siya dahil nagpatali agad siya kahit na pwede pa naman siyang maglaro muna. Lalo na at sa gwapo niyang 'yan, siguradong maraming magkakandarapa sa kanyang babae. Kung sa bagay, wala naman sa itsura ng lalaking ito ang ganoon. Gwapo siya pero mukha namang loyal at good boy. Hindi katulad ng ibang gwapo d'yan na ang hilig maglaro at manakit ng babae. Hindi ko naman nilalahat pero kadalasan talaga sa mga gwapo, babaero at papalit-palit ng babae. Pero kakaiba ang isang ito dahil ang agang nagseryoso at nagpatali. Siguro mahal na mahal niya 'yong babae kaya pinakasalan agad at hindi na pinakawalan. Sayang naman kung hiwalay na sila ngayon… Ang tagal din nila, ah? Sixteen years tapos ngayon pa sila naghiwalay? Naisip ko tuloy, sa tagal nilang nagsama siguro naman nakabuo sila ng anak? So, anak na pala ito? Hmm… Wala naman akong problema sa mga lalaking may anak na. Ayos lang naman sa akin– Teka nga muna sandali. Bakit ko ba iniisip ang mga ito? Parang ang advance naman ng mga iniisip ko. Inuusisa ko lang naman siya dahil curious ako tapos ganito na agad ang tumatakbo sa isip ko na para bang kino-consider ko na agad ang sitwasyon niya. What the hell, Alexa. Customer iyan hindi manliligaw mo. Tumigil ka nga! Tumikhim ako para magtanong muli. “So… pwede ko bang malaman kung bakit kayo naghiwalay na dalawa?” Sumimsim siya sa alak niya at agad na nalukot ang mukha. Gusto kong matawa sa reaksyon niya pero pinigilan ko ang sarili ko. Baka mamaya mainis at hindi na ako kausapin nito. “Hmm, third party ba? Nahuli ka niyang may ibang babae o siya ang may lalaki?” Nakita ko ang pagdaan ng iritasyon sa kanyang mga mata nang muli niyang ibalik ang tingin niya sa akin. Napatikom agad ako ng mga labi. Patay, nainis na yata sa mga tanong ko! “Uh, pasensya na. Masyado ba akong madaldal? Nililibang lang kita. Mukha kasing ang dami mong problema sa itsura mo kanina nang dumating ka. Naku, huwag mo nang isipin ng isipin ‘yang problema na ‘yan. Ganyan talaga ang buhay… Walang kwenta ang buhay kung walang mga ganyang problema, walang thrill.Therefore, just be grateful when you experience difficulties. You won't even feel like you're alive without all of that. Nothing exciting, boring. Kaya ayos lang ‘yan. Ganyan talaga. Lahat naman tayo dumadaan sa ganyan.” Ngumiti ako at agad napansin ang pagkaagaw ko ng kanyang pansin sa sinabi kong iyon. Kung kanina mukha siyang iritado at hindi interesadong makipag-usap sa akin ngayon tila bigla siyang nagkaroon ng interest na pakinggan ako. Hindi ko maiwasang matuwa sa nakikitang reaksyon sa kanya ngayon. “Life is full of problems, challenges, and troubles. Your life would be meaningless without all of that.” Ang dali-daling sabihin no’n, ano, Alexa? Pero hindi mo naman talaga ma-apply sa sarili mo ang mga sinasabi mo. Kasi kahit ikaw hindi din maiwasang isipin ang sariling mga problema, minsan napapatanong ka din kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa’yo. Kung bakit hindi na lang sa ibang tao nangyari ito, kung bakit sa’yo pa. Pero siguro nga ganoon talaga ang buhay. May mga taong sinuwerte at may mga tao ding tulad ko… Sobrang minalas sa buhay. Pero panapanahon lang ‘yan. Naniniwala ako na darating din ‘yong swerte ko at mas magiging worth it iyon dahil alam kong pinaghirapan ko iyon. Luck, in my opinion, is something that you have to work for and is not just something that is given to you or something that happens to you. It must be earned. You must put in enough effort to earn it. Pero naniniwala din naman ako na may mga swerte na ibinibigay lang ng kusa pero alam ko din na may dahilan iyon. Bawat swerte na natatanggap ng isang tao may kahulugan. Baka nga hindi mo pa iyon deserve sa ngayon pero malay mo… Dumating din iyong araw na maging deserving ka para doon. “Ilang taon ka na nga?” aniya, may konting amusement sa kanyang ekspresyon habang nakatingin sa akin. Tumikhim ako. “Twenty five,” pagsisinungaling ko. Alangan namang sabihin kong seventeen lang ako. Eh di, hindi na niya ako pinakinggan dahil sino ba namang makikinig sa isang taong mas bata pa sa’yo, hindi ba? Pero hindi naman talaga sa edad iyan, eh, Hindi naman porque mas bata ako sa kanya, wala na siyang pwedeng matutunan sa akin. Hindi iyon ganoon. Magkakaiba tayo ng experiences sa buhay. May mga napagdaanan ako na hindi napagdaanan ng iba kaya iyong life lesson na nakuha ko mula sa experience na iyon ay pwede ko ding ibahagi sa iba. Nanliit ang mga mata niya at may pagdududa akong pinagmasdan. “Bakit? Hindi ba halata?” I laughed nervously. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang akong kinabahan sa klase ng pagkakatitig niya sa akin ngayon. Para kasing naninigurado ang tingin niya. Parang ayaw niyang paniwalaan ang sinabi kong edad. Umiling siya at muling itinuon ang tingin sa basong hawak. “Sabi nila mas mukha daw akong bata sa edad ko. Ikaw din ba ganoon ang tingin mo?” Muling nagtama ang tingin namin. “Yes, you look younger, but when you speak, I also feel like you are much older than I am.” Napangiti ako at napakagat sa ibabang labi. “Mas mukha ka ding bata para sa edad mo pero sa itsura mo kanina no’ng dumating ka, nagmumukha kang matanda sa edad mo. Smile din minsan. Nakakatanda kaya ang laging nakasimangot. Sige, ikaw din. Paano ka babalikan ng ex-wife mo kung tatanda ang mukha mo?” May ngising umusbong sa gilid ng kanyang mga labi pero agad din niya iyong itinago sa pamamagitan ng pag-iling at pagbaling sa ibang direksyon. Sumugat muli ang ngiti sa labi ko. Ang gwapo niya lalo kapag nahihiya at nagtatago ng ngiti. “Marunong ka naman palang ngumiti, eh. Smile lang lagi. Mas bagay sa’yo ang nakangiti.” “I hope this won't offend you, but is this your strategy for getting a big tip from a customer? You’ll entertain and console them?” Umawang ng malaki ang bibig ko sa sinabi niyang iyon. “Hoy! Grabe ka, hindi, ah! Ganito lang talaga ako pero wala namang kapalit itong mga sinasabi ko sa’yo. Curious lang talaga ako at s’yempre gusto ko ding makatulong kaya nasabi ko ang mga iyon. Saka bakit? Na-entertain ka ba sa akin? Parang hindi ka nga interesado sa mga pinagsasabi ko.” Dinilaan niya ang kanyang ibabang labi kaya naagaw noon ang atensyon ko. Nagtagal ang tingin ko sa mapupula niyang mga labi. “Pero ikaw, kung gusto mong magbigay ng tip, buong puso kong tatanggapin iyan. Hindi naman ako tumatanggi sa blessings. Pero I swear, hindi iyan ang dahilan kung bakit ko sinabi ang mga iyon, ah? Mukha lang kasi talagang sobrang problemado mo kanina kaya naisipan kitang kausapin at libangin. Boring din naman kasing uminom ng mag-isa. Masarap uminom ng may kausap.” Tumango siya at muling itinuon ang tingin sa baso. Napatingin na din tuloy ako doon. Banayad niyang ginagalaw ang baso na para bang pinaglalaruan ang alak at ang yelong nakalagay doon. Ito nanaman. Tahimik nanaman siya. Ako nanaman s’yempre ang mag-iisip ng panibagong topic para lang mas makausap ko pa siya. Ako yata itong may masa malaking problema sa aming dalawa na kailangan ng atensyon at kausap. Para naman kasing hindi niya kailangan ng kausap. “Wala ka bang kaibigan? Bakit naisip mong magpunta dito ng mag-isa? Mas lalo ka tuloy nagmukhaang problemado dahil mag-isa ka. Mabuti na lang pala at ako ang nandito sa counter, may kumakausap sa’yo kahit papaano. Alam mo ba may nababaliw sa problema lalo na kapag walang mapagsabihan.” Nagtaas siya ng dalawang kilay. “Huy, totoo ‘yan, ah! Ang daming nababaliw sa problema, kadalasan iyong mga walang mapagsabihan o mapagkwentuhan. Kaya ‘yang problema mo na ‘yan, huwag mong sarilihin ‘yan. Lilipas din ‘yan.” “I don’t think so…” Ngumiwi ako. Ang nega naman ng isang ito. “Negative mo naman mag-isip! Naku, walang problemang hindi lumilipas, ano! Lahat ng problema natatapos at nasosolusyunan. Kung walang solusyon, eh di, huwag mo ng problemahin at isipin pa dahil wala ka din namang magagawa, di ba? Ang buhay simple lang naman talaga ‘yan. Tayo lang talaga ang nagpapakomplikado ng lahat.” Bahagya siyang ngumisi. “Madali lang siguro para sa’yo na sabihin ‘yan dahil bata ka pa for sure wala ka pa masyadong responsibilidad sa buhay.” Mapait akong ngumiti. Kung alam mo lang. “Tingin mo?” Nagkibit balikat siya. “Hindi pa ba matatawag na responsibility iyong halos buong buhay ko ako na ang nag-alaga sa mga kapatid ko. Hindi pa ba responsibilidad na sa edad kong sobrang bata pa noon, ako na ang nagdadala ng pagkain sa aming lamesa?” Ngumiti ako as if wala lang sa akin ang mga binitiwang salita. Nakita ko ang bahagyang pag-awang ng kanyang mga labi bago niya ibinaba ang tingin at sumimsim sa kanyang baso. Nang mag-angat siya muli ng tingin sa akin ay suminghap siya. “I’m sorry… I apologize if I offended you. I realized I'm a little too harsh with my words. Hindi ko dapat sinabi iyon.” “I assume you're aware that one's age is not a measurement of how much experience a person has… Right?” Tumango-tango siya. “Yeah, I know. I’m sorry again.” Ngumiti ako. “It’s okay. Minsan talaga may mga nasasabi tayo na hindi natin sinasadya, but that’s okay. Hindi naman ako maramdaming tao, pero mag-ingat ka na lang din siguro sa mga sinasabi mo dahil sobrang powerful ng mga salita para sa ibang tao. Lalo na kung may pinagdadaanan. Pwede kang makasakit kahit hindi mo naman sinasadya. Kaya hinay-hinay lang.” Suminghap siya at muling tumango. “Yeah… You’re right.” “Of course!” Tumawa ako at agad na nilapitan ang panibagong customer na dumating. Naupo ito isang upuan lang ang layo sa lalaking kausap ko. Sinabi ng lalaki ang order niya at agad ko naman iyong ginawa ng nakangiti. Hindi ko nga lang maiwasang pabalik-balik na tingnan ang lalaking kausap kanina. Nakatuon ang mga mata niya sa basong hawak tila may malalim nanamang iniisip. Napailing ako habang nagsasalin ng alak. Umalis lang ako sandali, nakasimangot nanaman at tila nag-iisip nanaman ng problema. Kung sa bagay, ganoon naman talaga tayong mga tao. Hindi natin maiwasang isipin ang mga problema natin kahit wala naman tayong solusyon para sa mga iyon. Pinipilit pa din nating isipin ng isipin. Para bang gustong-gusto nating pinapahirapan ang mga sarili natin. "Balik ka, ha? I'll prepare you a drink," sabi ko nang tumayo na siya para umalis. Mga isang oras din siguro siyang nagtagal dito. Kumaway ako at nakuha pa talagang kumindat. Umiling siya ngunit may ngiting nagbabanta sa mga labi. Lumawak ang ngiti ko sa reaksyong nakuha sa kanya, ngunit agad din itong napawi nang tuluyan na siyang tumalikod at umalis. Lumapit sa akin ang isa sa mga kasamahan kong si Belinda at pabirong tinusok ang aking tagiliran. Nanunukso ang kanyang tingin sa akin. Umirap ako at umiling. "Ang pogi no'n, ah? Type mo?" anito, hindi pa din mawala ang nanunuyang ngiti. Umiling ako. "Hindi. Masyadong seryoso at… suplado." Ngumiwi ako. "O, bakit? Hindi ba ganoon naman talaga ang tipo mo? Misteryoso, matured at gwapo." "Pero hindi suplado." Tumawa siya. "Hindi dahil tahimik na tao, suplado na. Malay mo nahihiya lang magkwento kasi ngayon ka pa lang niya nakausap." Nagkibit balikat ako at pagkuwa’y umiling. “Hindi ko nga type. Baka ikaw?” “Sus! Nakita ko ang mga ngiti mo kanina habang magkausap kayong dalawa. Ngayon lang kita nakitang ngumiti ng ganoon kaya alam kong may something. Huwag ka nga d’yan. Alam ko kung ano ang mga tipo mo.” “O sige nga, ano ba ang mga tipo ko?” “Iyong matured at responsable sa buhay.” “O, paano mo nasabi na responsable sa buhay ang lalaking iyon? Hindi mo pa naman siya kilala. Ano iyon, hinulaan mo lang?” Ngumiwi siya at umirap. “Ah, basta! Sigurado ako type mo ‘yon. Hindi ka naman kasi ganoon ngumiti sa ibang mga nagiging customer para bang may espesyal sa lalaking iyon na dahilan para mapangiti ka ng sobra. Saka pansin ko kanina mo pa siya kinakausap mula ng dumating iyon dito.” “Ano naman problemado doon? Ganoon naman talaga ako, di ba? Saka curious lang ako kung bakit siya nandito gayong mukhang hindi naman siya nagpupunta sa ganitong klaseng lugar. Ni wala nga yatang alam sa alak ang lalaking iyon. Kaya nakakapagtaka na napadpad iyon dito.” “Sus! Kailan ka pa naging curious sa mga nagiging customer natin? Ngayon lang yata. Iba na ‘yan.” Napailing ako. “Ewan ko sa’yo. Kung ano-ano ang iniisip mo.” Nagpatuloy na lang ako sa pagtatrabaho at hindi na pinansin pa ang mga panunukso ni Belinda. Alam ko naman kasi na hindi iyan titigil kahit anong tanggi ang gawin ko pero sa totoo lang… Type ko nga siguro ang lalaking iyon kaya ako na-curious sa kanya. Kaya din interesado akong malaman ang kwento ng buhay niya kahit pa sinusupladuhan niya ako paminsan-minsan at medyo matalim ang tabas ng dila. Pero sa tingin ko mabait naman siya, hindi lang maingat sa pananalita. At siguro problemado lang din kaya nagsusungit. Babalik pa kaya iyon? Baka hindi na dahil napikon sa akin. Ang daldal ko kasi, eh. Pero kung babalik ‘yon ibig sabihin hindi siya nainis sa pang-aasar ko sa kanya kasi bakit pa siya babalik kung naiirita siya sa akin, di ba? Marami pa namang bar d’yan na malapit din sa lugar na ito. Pero sa tingin ko hindi na babalik iyon dahil mukhang hindi naman mahilig magpunta sa mga ganitong lugar ang taong iyon. Siguro napadpad lang iyon dito dahil sa sobrang lungkot, wala ng mapuntahang ibang lugar para mapaglipasan ng oras. Hays, kawawa naman. Siguro mahal niya pa ang ex-wife niya kaya gustong sumubok na maglasing kahit hindi naman yata siya marunong uminom. Hindi ko alam kung bakit pinoproblema ko pa ang problema ng lalaking iyon gayong malaki din naman ang sarili kong problema. Nagpalit na ako ng damit at nagpaalam sa ibang mga kasamahan para umuwi na. May klase pa kasi ako bukas. “O, uwi ka na din, Alexandra?” si Lance nang maabutan ko siya sa labas ng bar na naninigarilyo. Tinanguan ko lang siya. Pagod na ako. Gusto ko ng umuwi at makapagpahinga. “Wait, tapusin ko lang ito at hatid na kita sa inyo.” “Okay,” agad na sagot ko dahil gaya nga ng sabi ko hindi ako tumatanggi sa grasya. Grasya na itong may maghahatid sa akin pauwi dahil bukod sa libre na, mas mapapadali pa ang pag-uwi ko. “Pahiram nga,” sabi ko sabay agaw ng hawak niyang stick ng sigarilyo. Sinubukan kong gayahin ang ginagawa niya doon, suminghot ako pero agad din akong napa-ubo. Malakas na tumawa ang gago na para bang tuwang-tuwa pa siya sa nangyayari sa akin. Umubo ako ng umubo habang ibinabalik sa kanya ang stick. Tumatawa siya pero nilapitan na din ako para hagurin ang likod ko. “‘Yan kasi! Ano bang trip mo at gusto mo pang sumubok nito? Akala ko ba sabi mo ayaw mo ng naninigarilyo?” “Ayoko nga. Sinubukan ko lang kung ano bang masaya sa ginagawa niyong ‘yan. Wala naman pala. Sinisira niyo lang ang buhay niyo, imbes na mahaba pa ang buhay niyo, pinaiikli niyo lang,” iiling-iling ako at naalala ang lagay ng kapatid kong may sakit. Kung pwede lang talaga na magkapalit kami ng sitwasyon, sa akin na lang sana ang sakit niya. Ako din kasi ang nahihirapan kapag nakikita ko siyang nasasaktan at nahihirapan sa sakit niya. Nadadamay pa tuloy pati ang kapatid kong sumunod sa akin. Naalala ko nanaman ang tungkol sa sinabi niya. Handa siyang ipagbili ang sarili niya para sa kapatid namin. Hindi ko siya masisisi dahil alam kong ginagawa niya iyon para kay June. Siguro nga kung ako ang nagustuhan ng Mr. Lazaro na ‘yon, baka ginawa ko din ang ginagawa ng kapatid ko ngayon. “Ang drama mo naman. Minsan lang naman ito. Hindi naman palagi saka alam ko naman ‘yan.” “Bakit, problemado ka din? Pera?” Ngumisi siya. “Ano pa nga ba? Kailangan ko ng pera para sa mga gamot ni nanay. Hindi ko na alam kung saan ako kukuha. Nabali ko na ang sahod ko dito, baka ibenta ko na lang itong motor ko.” Umiling ako at hinalughog ang wallet ko sa aking bag. May isang libo pa doon, kinuha ko ang limang daan at agad na inabot sa kanya. Walang-wala din talaga ako ngayon pero alam kong mas kailangan ni Lance ang pera sa ngayon. “Hoy, ano ‘yan? Hindi ko matatanggap ‘yan!” Agad niyang tinaboy ang kamay kong may hawak na limang daan. “Dali na. Minsan lang naman ‘yan, saka utang ‘yan! Hindi ko pa naman kailangan.” “Hindi na, Alexandra. Kaya ko nang lusutan ‘to, alam ko naman na kailangan mo din ‘yang pera na ‘yan. Hayaan mo na ako sa problema ko. Unahin mo ang problema mo.” Umirap ako at hindi pa din huminto na ialok ang limang daan sa kanya. “Dali na kasi parang ibang tao naman!” Sunod-sunod siyang umiling at tinapon ang sigarilyo sa basurahang malapit sa amin. “Gagi, hindi na nga! Ako na ‘to. Dadagdag pa ba ako sa problema mo?” “Sus, ang arte mo! Para namang lagi akong nagpapahiram ng pera. Sige na tanggapin mo na. Hindi naman ‘yan para sa’yo. Para sa nanay mo ‘yan.” Inilapit ko ulit sa kanya ang pera pero muli niya iyong inilayo at mariing umiling. “Hindi ko talaga matatanggap ‘yan, Alexandra.” Umirap ako. Suminghap naman siya. “Halika na nga,” aniya at inabot na sa akin ang helmet niya para makasakay na kami sa kanyang motor. Napasimangot na lang ako at ipinasok na sa wallet ko ang limang daang piso, hindi na siya pinilit pa dahil mukhang wala talaga siyang balak na tanggapin iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD