Chapter 5: Manila
PAGKATAPOS ng klase namin ay umuwi na kami agad. Siyempre kasama ko sina Janjan at Moneth.
Sina Aleng Mina at Mang ang mga magulang ni Janjan at si Aleng Saly naman ang Nanay ni Moneth. Hindi na nakilala ni Mon ang Tatay niya, dahil noong nalaman nito na buntis si Aleng Saly ay tinakbuhan daw nito.
Ayaw panagutan ang Nanay niya at takot sa responsibilidad na maging Tatay. Nakaiinis iyong ganoong klaseng tao, eh.
Nasa pintuan na ako nang makita ko si Tiya Beth na nagsasampay ng mga damit. Inilapag ko na muna ang mga libro ko sa upuan na nasa labas ng bahay namin at tinulungan ko si Tiya.
Naramdaman ko na nagulat pa si Tiya Beth pero hindi naman siya kumibo. Mukhang galit pa talaga si Tiya sa akin. Nakaiinis naman, ayoko ng ganito kami palagi.
At dahil ako ang tipo ng babaeng hindi nakatitiis sa mga taong may galit sa akin ay ako na mismo ang unang gumawa ng paraan para makipagbati kami.
"Galit ka pa ba sa akin, Tiya?" tanong ko at may bahid na kalungkutan ito.
Saglit na naghari ang katahimikan namin at akala ko, poreber na, na hindi na ako kauusapin pa ni Tiya.
Kaya nagulat ako nang magsalita siya. Pero hindi nakatingin sa akin. "Gusto mo ba talagang sumali sa Singing Contest na iyon?" walang emosyon na tanong niya sa akin at napatungo ang ulo ko. Kung ayaw naman ni Tiya ay siguro huwag na rin akong sumali. Kung ganito naman ang mangyayari, eh 'di umayaw na ako sa una pa lang. "Gawin mo ang gusto mo, basta huwag kang uuwi rito nang umiiyak. Kung matatalo ka ay labanan mo ang kabiguan mo. Sinasabi ko na sa 'yo, na maraming tao ang mas magaling sa pagkanta kaysa sa 'yo," mahabang saad ni Tiya at nag-angat ako nang tingin.
Nararamdaman ko ang panunubig sa gilid ng mga mata ko at nagkaroon ng pag-asa. "P-Payag ka na ba, Tiya?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Minsan lang ito, Eyse. Kung matatalo ka ay wala ng pangalawang Singing Contest. Hindi ka na papasok sa mga ganyan," sabi niya at tuluyan nang pumasok sa loob ng bahay namin.
Dahil sa kasiyahang naramdaman ay napatili ako at napasuntok sa hangin.
Sa wakas! Pumapayag na si Tiya! Ang saya-saya naman nito. Kahit ganoon ang sinabi ni Tiya ay ayos na sa akin iyon. Basta ang importante ay may permiso na ako para lumahok sa Singing Contest.
Nagmamadaling pumasok ako sa bahay at naabutan ko si Kuya Seb sa maliit naming sala. Mukhang may pupuntahan si Kuya. Dahil sa kasuotan niya ngayon. Nang napatingin sa gawi ko si Kuya ay nginitian niya ako at lumapit siya sa akin.
"Tamang-tama at nandito ka na, Ellang. Dali na, magpalit ka na ng damit mo at pupunta na tayo sa Manila ngayon din," nakangiting sabi niya at kahit hindi na ako magtanong ay kaagad na ako nagmamadaling pumasok sa loob ng silid ko.
Nakita ko ang isang hindi kalakihang bag ko at mas napangiti pa ako. Mukhang handa na ang gamit ko. Si Tiya kaya?
Nagsuot ako ng kulay berdeng t-shirt at itim na pantalon. Saka iyong itim na sapatos din. Tinali ko lang ang mahaba kong buhok at nagmamadaling lumabas mula sa loob ng silid ko.
"Tara na?" nakangiting pag-aaya sa akin ni Kuya Seb at tinanguan ko lang siya bilang tugon.
Kinuha ni Kuya ang bagahe ko at naglakad na palabas ng bahay. Nasa pintuan na kami nang sumigaw si Enza.
"Kaya mo 'yan, Ate Eyse!" masayang sigaw niya at sabay kaming napatingin ni Kuya Seb kay Enza. Nakangiti siya ng malapad at nakataas pa ang kanang kamao niya.
"Salamat, Enza!" nakangiting sigaw ko rin.
Nang tuluyan na kaming nakalabas ay nasalubong namin si Tiyo Geb. Nakita kong may dala siyang isang malaking supot at inabot ito kay Kuya.
"Mga prutas ang mga 'yan, Seb. Mag-ingat kayo sa biyahe niyo, lalo ka na Eyse," pagpapaalala ni Tiyo at hinawakan ako sa ulo ko.
"Salamat po, Tiyo," pasasalamat ko kay Tiyo at nginitian niya ako.
"Para na kitang tunay na anak, Eyse. Kaya ano mang oras ay nandito palagi si Tiyo. Oh siya, lumakad na kayo baka maiwan kayo ng bus na patungo sa Manila."
Nagpaalam na kami kay Tiyo at natuwa ako nang makita ko ang mga kaibigan ko at ang mga kapitbahay namin.
Masaya sila para sa akin at sinasabing kayang-kaya ko raw ito. Aasahan daw nila ang pagkakapanalo ko. Sana nga.
Hinatid kami ni Mang Cesar gamit ang traysikel niya at patungo sa paradahan ng bus na patungo naman sa Manila.
At ilang minuto lang ay nakarating na kami sa terminal at eksaktong paalis na ang bus. Laking pasasalamat namin kay Kuya na may dalawang bakante pa kaming mauupuan. Lampas tres na ng hapon na kasi at natural lang na paalis na ang bus.
"May gusto ka bang kainin, Ellang?" tanong sa akin ni Kuya nang makaupo na kami sa bus. Nakapuwesto kami sa dulo nito.
"Busog pa ako, Kuya. Tubig na lang po," sagot ko at may nilabas si Kuya sa isang malaking supot at inabot sa akin ang mineral na tubig at saka biskwit.
"Kainin mo na 'yan, mahaba-haba pa ang biyahe natin. Baka magutom ka," aniya.
Nakatutuwa ang ganitong ugali ni Kuya. Maalaga siya at naramdaman ko talaga ang pagkakaroon ng Kuya ko.
Kaya kahit pinsan ko lang si Kuya Seb ay kontento na ako. Saan ka pa ba hahanap sa ganitong Kuya? Guwapo na, mabait pa.
Kinain ko na ang binigay sa akin ni Kuya at nang natapos na ako ay sumandal ako sa likuran ng upuan ng bus at pinikit ko ang mga mata ko.
Pinatong ni Kuya ang ulo ko sa balikat niya at naramdaman ko ang paghaplos niya sa pisngi ko.
"Matulog ka na, Ellang. Gigisingin na lang kita mamaya," dinig kong sabi ni Kuya at bumigat naman ang talukap ng mga mata ko. At hindi nagtagal ay tuluyan na akong kinain ng kaantukan ko. Nagising na lamang ako nang maramdaman kong may yumuyugyog sa balikat ko. "Gising na, Ellang, nandito na tayo."
Kinusot-kusot ko pa ang mga mata ko at napatingin ako sa labas ng bus. Huminto na nga at madilim na ang paligid. Hinawakan ako ni Kuya sa braso ko at hinila ako patayo para makababa na kami.
Nasa pintuan pa lang kami nang marinig namin ang boses ng pinsan namin na si Raime.
"Oh my, God! Eyse! Kuya Seb!" masayang sigaw nito sa pangalan namin at napatingin kami sa direksyon nila. Nandoon nga sina Raime at Kuya Ralyon. Nakangiti silang dalawa at masayang sinalubong niya kami. Niyakap ako nang mahigpit ni Raime. "Oh, God! Na-miss kita, Eyse!" parang naiiyak nitong sabi at niyakap ko naman siya pabalik.
"Na-miss rin kita, Raime," ani ko.
Sumunod na yumakap sa akin si Kuya Ralyon. Matangkad si Kuya kaya hanggang dibdib niya lang ako.
"Ang liit mo pa rin, Eyse."
Natawa ako sa sinabi ni Kuya Ralyon at mabilis ding kumawala sa yakapan namin. Hinawakan ni Raime ang kamay ko at pinagsiklop nito ang mga kamay namin.
"Tara na, nasa bahay sina Mama at excited iyong makita kayong dalawa. Maagang nag-out sa trabaho si Mama, para makapaghanda sa bahay."
Sabay-sabay na nga kaming naglakad. At sumalubong sa akin ang maingay na sasakyan at ang maliwanag na ilaw na nagmumula ito sa malalaking gusali. Maraming mga tao na kung saan-saang nakaupo.
Ganito pala ang hitsura ng Manila at talagang maingay nga rito at mausok. Hindi katulad doon sa Baguio ay medyo tahimik at malamig ang simoy ng hangin. Sumakay kami ng...taxi patungo sa bahay nina Raime.
***
Nang makarating kami sa bahay nila ay napaawang ang mga labi ko sa nakita. Iginala ko ang paningin ko sa kabuuan ng bahay nila at masasabi kong malaki at maganda nga ito.
Sina Raime kasi ay may kaya sa buhay ang mga magulang niya. Kapatid ni Tiyo Geb ang Papa ni Raine, kaya hindi ko pinsan sina Kuya Ralyon pero parang pinsan ko rin naman ang mga ito. Ganoon din naman ang turing nila sa akin.
Nagtatrabaho sa bangko ang Mama ni Raime at security guard naman ang Papa niya. Dalawa lang sila ang magkapatid.
"Eyse, ikaw na ba 'yan, hija?!" parang gulat na tanong naman ni Tita Cass. Sinalubong naman niya ako ng mainit at mahigpit na yakap. Mag-ina nga sila ni Raime kasi ganitong-ganito talaga ang reaksyon nilang dalawa.
"Opo, Tita Cass," nakangiting sagot ko.
"Dalaga ka na pala!" aniya at kumalas naman siya sa pagkakayakap sa akin at hinawakan ang magkabilang pisngi ko. "Tingnan mo nga naman, ang ganda-ganda mo na at dalagang-dalaga na," sambit pa niya at nakaguhit ang matamis niyang ngiti sa mga labi niya. "Tara, naghanda ako ng pagkain para sa inyo."
Kung ang bahay ay sa labas pa lang ay maganda na ay maging sa loob nito ay ganoon din.
"Eyse, kumusta ang biyahe?" tanong sa akin ni Tito Neon nang maabutan namin siya sa loob ng kusina at mukhang tumutulong din kay Tita sa paghahanda ng pagkain.
"Ayos lamang po, Tito," sagot ko naman.
"Mabuti naman kung ganoon, hali na kayo at makakain na tayo."
Sa malaking kusina nina Tita ay magkasalong kumain kami ng masarap na pagkain na paminsan-minsan ko lang natitikman sa loob ng isang taon. Iyon ay kung may okasyon lamang.