Chapter 19: Pagkabigo
PANAY ang pag-ubo ko dahil parang may bumabara sa lalamunan ko. Sobrang bigat ng pakiramdam ko. Ewan ko kung bakit bigla akong nagkaganito dahil lang sa nalaman ko.
Dapat ko na bang iwasan si Sir Elton? At kakausapin ko lamang siya kung tungkol lang sa music? Para hindi na mabahala pa si Ms. Allona. Bakit kasi binibigyan pa nila iyon ng masamang kahulugan?
“Bakit ba sumisikip ang dibdib ko?” nakangusong tanong ko sa sarili ko at marahan kong hinaplos ang dibdib ko.
Masyado na akong naaapektuhan sa kanila, ah. Parang ang hirap huminga kapag nakikita ko si Sir Elton. Tapos nandoon si Ms. Allona na palagi akong ginugulo. Nakaiinis na rin kung minsan. Dahil iyong wala ka namang ginagawa at wala ka namang atraso sa kanya ay pinag-iinitan ka pa ng ulo ngunit nasagot naman ang mga tanong ko kung bakit siya nagkakaganoon sa akin.
Dahil lang...sa mentor ko. Dahil sa pagiging malapit nito sa akin. Binibigyan na niya agad ng malisya, eh. Tapos ganoon pa rin naman ang issue ng mga kasamahan ko. Hindi rin ba nila alam na mag-fiancé sina Ms. Allona at Sir Elton? Kasi madalas may naririnig pa rin ako tungkol sa amin.
“Pero ano kaya ang ginagawa niya sa Cebu?” Napatalon naman ang balikat ko nang mag-ring bigla ang phone ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang pangalan ni Sir Elton. “Hala naman. Iniisip ko pa lamang siya ay ngayon tumatawag na siya sa akin!” natatarantang saad ko.
Tumatawag lang naman siya pero bakit kaya nagulat pa ako? Tumikhim muna ako bago ko sinagot ang tawag niya.
“Sir Elton?”
“Eyse, kinausap ka raw ni Allona kanina,” sabi niya mula sa kabilang linya. Parang iyon lang naman ay tinawagan pa niya ako para kumpirmahin iyon?
“Si Ms. Veronica po ba ang nagsabi sa inyo?” tanong ko.
“Hindi. Si Ms. Yena. Tungkol daw iyon sa second song mo at gusto niyang patunayan na pangalan ko nga raw ang naging dahilan kung bakit ang views ng kanta mo sa YouTube ay nag-hit hundred thousands. Eyse... Huwag mong gawin iyan,” sabi niya.
“Hindi po ba ay may tiwala kayo sa akin?” tanong ko sa kanya.
“Yes,” sagot niya. Isang yes niya ay kakaiba na ang dating para sa akin.
“Kaya gagawin ko po ito para sa katahimikan ng lahat...”
“Eyse...”
“Hayaan niyo na po ako. Hindi naman po ako...magagalit sa inyo kapag kanta mo lang pala ang nagdala ng kasikatan ko,” sabi ko na sinabayan ko pa nang mahinang tawa para kahit papaano naman ay hindi sumama ang loob ko. Hindi pa naman ako sikat.
“Okay. Basta...kahit anong mangyari ay tandaan mo palagi na may isang tao pa rin ang naniniwala sa kakayahan mo. Eyse, I’m still here for you, your mentor hmm?” Napatango ako at napangiti na rin sa huli.
“Bakit ba ang dali-dali niyang pagaanin ang bigat sa dibdib ko?” Napahawak ako sa pisngi ko nang maramdaman ko ang pamumula nito.
Nakaiinis na dahil nagiging weirdo na rin ako. Napapangiti ako dahil lang sa isang tao. Pss.
“Really? Kaya kong pagaanin ang bigat sa dibdib mo? I’m special then.” Namilog ang mga mata ko sa gulat nang marinig ko ang boses niya. Hala! Nasa kabilang linya pa siya!
“S-Sige po ibababa ko na ang tawag!” natatarantang sabi ko at napatayo ako habang hawak ko ang dibdib ko. Narinig niya! Narinig niya ang sinabi ko! Nakahihiya iyon! Oh, goodness, Eyse. Ano na lang ang sasabihin sa ’yo ng mentor mo? “AHH! Nakahihiya iyon!” sigaw ko. Ramdam na ramdam ko na naman ang pamumula ng magkabilang pisngi ko
“Ano’ng nakahihiya, Miss?” Halos mapatalon na naman ako sa gulat nang may biglang nagsalita mula sa likod ko. Nilingon ko iyon at nakita ko ang isang lalaki. Kamukha siya... Kamukha siya ni Sir Elton.
“S-Sino po kayo?” tanong ko.
“I’m Efrain Baudelaire,” nakangiting sambit niya sa pangalan niya.
“B-Baudelaire?” Same last name lang sila ni Sir Elton. Magkapatid kaya silang dalawa? Dahil malaki ang similarity nila sa isa’t isa, eh.
“Yes. You must be Eysella Romel aka Eyse, right? Our new singer who reached half million views in YouTube and our different websites. Congratulations, you did a great job, Eyse,” sabi niya. Inglisero pala siya, eh.
“Thank you po. Pero kaano-ano niyo po si Sir Elton?” tanong ko.
“I’m his cousin,” sagot niya. Magpinsan sila pero mas mukhang magkapatid sila, eh.
“Eyse, narinig ko kay Allona na magkakaroon ka na ulit ng second song mo. Ano ba ang nararamdaman mo?”
“Siyempre po masaya,” sagot ko. Palangiti siya kaya parang hindi nakaiilang na kausapin siya. Mukha rin naman siyang mabaite, eh.
“I’m one of the directors. Hindi mo lang ako nakilala dahil wala ako sa mga panahon noong nagkaroon ng audition para sa Boses ng Pilipino. Si Ms. Veronica ang naging representative ko,” paliwanag niya.
“Nagagalak po akong makilala ka, Sir Efrain,” ani ko at kahit ngayon ko lang din siya nakilala ay ngumiti na lamang ako sa kanya.
“Pasensiya na kung bigla akong sumulpot, ah? Sige na mauuna na ako,” paalam niya na tinanguan ko na lamang.
“Ang guwapo niya rin pero mas guwapo nga lang si Sir Elton kaysa sa kanya. Pinilig ko ang ulo ko dahil sa mga naiisip kong pagkukumpara sa dalawang lalaki.
***
Liwanag ng buwan
Sa gitna ng dilim
Aninong sinusunod
Para hindi maligaw
Direksyon na tila malinaw
Ngunit ako’y dinala ng aking mga paa
Sa bituin na kumikislap
Tila isang imahinasyon
Totoo bang nakikita?
Na ikaw ang siyang bituin na kumikislap
Pagkatapos ng recording ng kanta ay agad nilang in-upload iyon at inansuyo ang bagong release ng kanta ko. Dalawang araw pa ang hinayaan kong lumipas at nagsabi rin naman sila na hindi nila titingnan iyon hangga’t hindi lumilipas ang dalawang araw. Para mas malaman daw namin.
Sa takot na malaman ang katotohanan ay hindi ako humawak ng cellphone ko. Nagkulong lamang ako sa apartment na tinutuluyan ko. Wala namang pasok ngayon.
Nakaupo ako sa sahig na nasa paanan lang ng kama at doon ako sumandal. Nasa tabi ko lang din naman ang laptop ko. Kung sakaling handa na akong malaman totoong dahilan ay titingnan ko na lamang ito.
Kabadong-kabado ako. Panay ring din ang cellphone ko at alam kong si Sir Elton ang tumatawag sa akin.
Naalala ko naman ang sinabi sa akin ni Ms. Allona. Isang kondisyon iyon.
“Paano pala kung mali ang hinala niyo, Ms. Allona? Titigilan niyo na po ba ako?”
“Paano naman kung totoo ang mga hinala ko? Iiwasan mo na ba ang fiancé ko, ha?” Alam ko naman na dahil lang kay Sir Elton kaya siya nagkaganoon pero kung iyon lang din ang dahilan upang tigilan na niya ako ay susundin ko siya.
“Gawin po nating kondisyon iyan. Kapag napatunayan niyo po ang mga hinala niyo at kung totoo man ay ako po ang kusang iiwas kay Sir Elton,” matapang na saad ko.
Ayoko rin naman talagang guluhin sila, lalo na ang relasyon nila. Ayokong umabot sa puntong mag-aaway sila ng dahil lang sa akin. Hindi ko iyon intensyon. Nandito lang ako sa kompanya nila ay para lang sa pangarap ko. Wala ng ibang dahilan pa.
“Kung ako man ang mali ay hahayaan kita na makalapit pa kay Elton kasi alam ko naman... Ang career mo lang naman ang mahalaga para sa kanya, ang success mo dahil...kung nagkataon na bumagsak ka ay pangalan niya ang masisira, ang reputasyon niya. Gagawin niya ang lahat para lang hindi ka maging underated singer. Pasalamat ka dahil CEO siya at ikaw lang yata ang sinuwerte.” Puro masasakit na salita talaga ang lumalabas sa bibig niya kahit career ko pa ang pinag-usapan naming dalawa. Hindi ko lang maiwasan ang masaktan.
“Hindi ko po siya bibiguin, Ms. Allona,” sabi ko.
“Tama, iyon nga ang gawin mo. Dahil reputasyon ng fiancé ko ang nakasalalay rito... Para naman hindi masayang ang oras niya sa ’yo.”
“Ms. Allona. Wala ka naman pong dapat alalahanin pa sa aming dalawa ni Sir Elton. Tinutulungan niya lamang po ako,” ani ko at napangisi naman siya.
“Ayoko lang na gamitin mo siya. Iyon ang ikinabahala ko ay ang pagiging sipsip mo sa kanya. Kaya ka lang naman nakapasok sa SRE ay dahil sa kanya dahil kung hindi. Wala ka ngayon sa kinatatayuan mo at isa ka ring banta sa amin ni Elton. Pero sigurado naman ako na hindi siya magkakagusto sa babaeng katulad mo na mas bata ng ilang taon kaysa sa kanya. Mataas ang standard ni Elton pagdating sa mga babae at ang mga katulad mo...” sabi niya at tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. “Malabong magkakagusto siya sa ’yo. Imposible...”
Mariin kong pinikit ang mga mata ko at huminga nang malalim. Nang tingnan ko ang relong pambisig ko ay 8:08 na nang gabi.
Kung hindi ko lalakasan ang loob ko ay hindi ko malalaman ang totoo. Mas mabuting masaktan ng katotohanan, tama? Muli akong humugot nang malalim na hininga. Nanginginig ang mga kamay ko na binuksan ang laptop ko at agad akong pumunta sa website namin.
Ipinikit ko pa ang mga mata ko para dahan-dahan kong maimulat. Ngunit nabingi lang ako sa malakas na kabog ng dibdib ko dahil nabigo ako...
Hindi man lang...umabot ng isang libo ang views... May namumuong luha agad sa mga mata ko.
Ito ang katotohanan...ang masakit na katotohanan... Tama si Ms. Allona, pangalan lang ni Sir Elton ang ginamit ko para lang sumikat.
Hindi ko na napigilan pa ang mga luha ko at nag-uunahan na ito sa pagbagsak. Sumikip ang dibdib ko na tila may bumara sa lalamunan ko kaya nahihirapan na akong huminga.
Kung hindi pala dahil sa kanya...ay baka... Napatutop ako sa bibig ko. Niyakap ko ang mga tuhod ko at umalog nang husto ang magkabilang balikat ko.
Akala ko ay matapang ako, na kayang-kaya kong harapin ang isang pagsubok na darating sa buhay ko pero hindi pala. Mahina pa rin ako, sobrang hina na naiyak agad dahil sa pagkabigo.
“Eyse... Eyse...” Bigla namang may humawak sa balikat ko. “Hey, Eyse...” Boses iyon ni Sir Elton. Nag-angat ako nang tingin. Hindi ko siya matingnan nang malinaw dahil sa mga luha ko pero nang maramdaman ko ang pagpunas niya ng luha ko sa aking pisngi ay unti-unti ko siyang nakikita.
“Sir Elton...” humihikbing sambit ko sa pangalan niya.
“It’s me. That’s okay... It’s okay, Eyse... I’m here... Ilabas mo lang iyan,” mahinang pag-aalo niya sa akin at kinulong niya ako sa mga bisig niya. Hinaplos niya rin ang buhok ko at hinagod din niya rin ang likod ko.
Humilig ako sa dibdib niya at doon ako umiyak. Totoo ang mga sinabi at hinala ni Ms. Allona. Kaya kailangan ko na siyang sundin.
Iiwasan ko na si Sir Elton para matahimik na rin siya. Ngayon lang...kahit ngayon lang niya ako pagbigyan.
Ang mayakap ko si Sir Elton. Ito ang una at huling yakap niya sa akin...