Chapter 18: Elton’s fiancé
TATLONG buwan pa ang nakalipas at ang akala ko na tapos na rin ang issue ni Ms. Allona tungkol sa unang kanta na na-released namin ay hindi pa pala.
Nang papasok na ako sa SRE ay sinadya niya akong puntahan sa studio. Masyado pang maaga kaya hindi pa dumarating sina Minny at Ms. Yena kahit nasa iisang apartment lang kami ng kompanya. Nauna na kasi akong pumasok, eh. Minsan lang kami kung magsabay kung wala kaming pasok pero bihira lang din ang walang pasok.
Kapag half-day ng klase namin ay dumidiretso rin naman ako sa SRE. Doon na rin ako nagpapalit ng uniporme ko.
“Bakit po kayo nandito, Ms. Allona?” tanong ko. Kahit masama ang tingin niya sa akin ay ginagalang ko pa rin naman siya. Ayokong magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kanya. Lalo pa na producer nga siya ng kompanya.
“This is your second song na ire-release natin as soon as possible. Wala kang magagawa kundi ang pag-aralan itong kantahin, Eyse. Dahil wala rito ang fiancé ko para ipagtanggol ka.” Humigpit ang hawak ko sa sling ng bag ko dahil sa sinabi niya.
Gagawin niya talaga ito para lang patunayan ang mga hinala niya? At nasaan naman si Sir Elton? Bakit sinabi niyang wala rito? Ano naman ang ibig niyang sabihin doon?
Hindi ko rin siya maintindihan kung bakit galit na galit siya sa akin. Kung tungkol naman ito kay Sir Elton ay dapat wala siyang ikabahala dahil hindi naman ako manggugulo. Nandito lang naman ako para sa pangarap ko. Kaya bakit at ano pa ang mga dahilan niya para gawin sa akin ang mga ito? Hindi pa nga ako nakapapasok ay alam ko na ayaw na niya agad sa akin.
“H-Hindi naman po ako pinagtatanggol ni Sir Elton, Ms. Allona. Trainee niya lamang po ako kaya mali po ang mga sinasabi niyo sa akin,” depensa ko at ngumisi lang siya sa akin.
Tumayo siya mula sa pagkakaupo niya sa sofa at dahan-dahan siyang naglakad palapit sa akin. May hawak siyang notes, baka iyong lyrics ng kanta na gusto niyang i-practice kong kantahin.
Umatras naman ako at napataas ang kilay niya. “Natatakot ka ba sa akin? Mukha ba akong masamang tao? Ah... Iba na pala ang tingin mo sa akin dahil na-discourage ka sa mga sinabi ko sa ’yo last three months, ’di ba?” nakangising tanong niya sa akin.
Matapang na sinalubong ko lamang ang mga mata niya. Wala akong dapat katakutan sa mga sinasabi niya sa akin at dapat paniwalaan ko ang mga sinabi sa akin ni Sir Elton.
“Bakit niyo po ba ito ginagawa sa akin? Wala naman po akong ginagawang masama,” sabi ko.
“Wala ka ngang ginagawa, Eyse. Pero hindi ko gusto ang paglapit-lapit mo sa fiancé ko,” walang emosyon na sabi pa niya. Hindi naman ako lumalapit, ah.
“Wala naman po kaming ginagawang masama. Tinutulungan lang po ako ni Sir Elton. Ms. Allona, huwag niyo pong bigyan ng malisya ang pagiging malapit namin sa isa’t isa. Tinuturuan niya lamang po ako, eh,” paliwanag ko.
Hanggang ngayon din ay walang sinasabi si Sir Elton na may fiancé na siya at ni hindi rin naman nagsasalita ang dalawa ko pang kasama tungkol sa kanila.
“Paanong hindi ko bibigyan ng malisya, Eyse? Isa kang...banta para sa relasyon naming mag-fiancé,” mariin na saad niya. Paano naman ako naging banta sa relasyon nila? Hindi naman ako nanggugulo, ’di ba? Bakit naman niya iyon nasabi?
“Ano’ng ginagawa mo, Allona? Tinatakot mo ba si Eyse?” Hindi ko naman inaasahan ang pagdating ni Ms. Veronica.
Pumagitna siya sa amin at humakbang naman ako paatras. “Oh, nandito pala ang isa mo pang kasama, Eyse. Well, nagsama ang parehong...hmm...” sabi niya at pinagkrus pa niya ang dalawang braso niya sa dibdib niya.
“Tumigil ka na, Allona. Bakit pinag-iinitan mo ng ulo si Eyse? Hindi lang siya singer natin dahil isa rin siyang trainee ni Elton. Tigilan mo na siya,” sabi ni Ms. Veronica.
“Wala akong pakialam kung trainee man siya ng CEO ng SRE natin, Veronica. At hindi ba may gusto ka kay Elton?” tanong naman ni Ms. Allona. Nagawa pa niyang ngumisi.
“Ano ngayon sa ’yo kung gusto ko si Elton?” matapang na sagot ni Ms. Veronica. Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko.
Ngayon ko lang din nalaman na may gusto si Ms. Veronica kay Sir Elton. Wala naman yatang mga babae na hindi nagkakagusto sa kanya. Hindi lang siya guwapo dahil mabait na tao rin siya.
“Alam ko rin na hindi ka gusto ni Elton at bawal din siyang...” Sinadya naman niyang ibitin ang sasabihin niya dahil binalingan niya ako. “Bawal siyang magkagusto sa ibang babae dahil may fiancé na siya,” dugtong na sabi niya at hayan na naman ang pagtaas ng kilay niya.
“Allona, grabe ka kung makabakod kay Elton, ah. Bakit? Pumayag na ba siyang pakasalan ka?” natatawang tanong naman ni Ms. Veronica. Hindi rin siya takot na kalabanin ito.
“Engaged na kami, Veronica. Walang dahilan para umatras pa siya sa kasal namin.”
Isa na nga itong patunay na may fiancé na si Sir Elton. Ewan ko ba talaga kung bakit sumisikip ang dibdib ko sa nalaman ko ngayon at nag-aaway na nga talaga sila dahil lang...dahil lang sa isang lalaki.
Maganda sila pareho at iisa lang din ang gusto nilang lalaki. Pero panalo naman ang isa dahil engaged na nga sila.
“Allona, akala mo naman ay wala kang ginawa kay Elton, ha. Hindi ka na nahiya sa kanya,” sabi ni Ms. Veronica.
“Bakit ako mahihiya? Alam ko naman na mahal pa ako ni Elton. Ako...ako ang first love niya. Wala kang laban sa akin, Veronica. Isa ka man sa mga babaeng nagugustuhan niya ay hindi ka pa rin mananalo. Sa akin lang naman si Elton.” Eh, bakit kailangan pa niya akong tingnan kung sasabihin niya iyon?
Huminga ako nang malalim at ako naman ang pumuwesto sa gitna nila. “Gagawin ko na po, Ms. Allona. Bigyan niyo lang po ako ng sapat na oras para i-practice ang kanta niyo,” sabi ko. Gagawin ko na lamang ang gusto niya para wala nang gulo sa pagitan namin.
“Eyse, hindi mo kailangang gawin ito. Wala si Elton at alam mong hindi niya magugustuhan kapag sinunod mo si Allona sa gusto niya. Allona, bakit ba ang immature mo? Huwag mo na lang pakialaman pa ang trainee ni Elton at pagtuunan mo na lang ng pansin kung paano aabot ng half million ang views ng kanta ng trainee mo! Naninira ka lang talaga sa mga taong mas umaangat ang career nila kahit amateur singer pa lamang sila!” sigaw ni Ms. Veronica at akmang susugod pa siya nang pinigilan ko na siya.
Ayoko nang marinig pa ang mga pinag-aawayan nila kaya kailangan na talagang tigilan ito.
“Para mawala na po ang pagdududa ni Ms. Allona at manahimik na rin siya ay pagbigyan na lang po natin ang gusto niya, Ms. Veronica,” sabi ko.
“Eyse... Huwag mong gawin ang isang bagay kung napipilitan ka lamang at si Allona. Hindi mo naman siya trainor, eh at wala siyang karapatan na panghimasukan ang career mo!” sigaw niya at dahan-dahan akong umiling. Alam ko na rin ang rules and regulations ng kompanya pero napapagod na rin ako makinig sa mga hinaing ni Ms. Allona.
“Hayaan niyo na po,” sabi ko. Bumuga siya ng hangin sa bibig at parang nila siyang na-stress sa akin.
“Makikita mo, Allona. Pagsisisihan mo ang ginawa mong ito!”
“Wala ka nang magagawa pa rito, Veronica. Pumayag naman siya at hintayin mo na lang na ma-release ang second song niya. Dapat nga ay maging masaya ka rin sa kanya dahil binigyan natin ulit siya ng trabaho, right?”
“Ang sama talaga ng ugali mo, Allona. Nagtataka talaga ako kung bakit minahal ka ni Elton. Parang wala kang pinag-aralan, eh,” sabi pa ni Ms. Veronica.
“Veronica...”
“Please lang po. Kung wala na po kayong gagawin ay puwede po bang...umalis na lamang kayo? Ms. Veronica, maraming salamat po sa ginawa mo at kayo naman po Ms. Allona, gagawin ko po ang gusto niyo at sana...kung mapatunayan niyo na po ang mga hinala niyo... Ako na po ang nakikiusap sa inyo. Huwag niyo na po akong guluhin pa,” sabi ko na hindi naman niya nagustuhan iyon dahil tumigas lang ang ekspresyon ng mukha niya.
Magsasalita pa sana siya nang dumating na sina Minny at Ms. Yena. Doon lang ako nakahinga nang maluwag.
“Oh, nandito pala kayo Ms. Veronica at Ms. Allona. Ang aga niyo na po nagpunta rito,” sabi ni Ms. Yena at patakbong lumapit sa akin si Minny. Hinawakan niya ako sa braso.
“Bakit parang hindi maganda ang atmosphere rito, Eyse?” Nagkibit-balikat lamang ako.
“Nandito ka na, Ms. Yena. Kunin mo ito. Bagong kakantahin ng alaga mo. Hindi ba manager ka niya? Kaya magdesisyon ka na rin para rito,” sabi niya at ibinigay niya ang notes and flash drive kay Ms. Yena.
“Pero Ms. Allona, wala pa rito si Sir Elton. Nasa kanya po ang desisyon. Wala po kaming ire-release na kanta, especially wala pa po ang song writer namin.”
“Pumayag na nga ang alaga mo, Ms. Yena at saka napag-usapan na namin ito ng fiancé ko. Sumang-ayon na rin siya sa suggestion ko and this time, isa sa mga song writer ko ang pinili ko para kay Eyse. Dapat magpasalamat kayo sa akin dahil mapapabilis ang maganda career ng baguhan nating singer,” sabi ni Ms. Allona.
“But Ms. Allona...”
“Sige, mauuna na ako sa inyo, Ms. Yena. Eyse, goodluck para sa second song mo. I’m rooting for your success this time,” aniya at nagkatinginan na lamang kami ni Ms. Yena.
Sumunod na rin si Ms. Veronica na walang salitang namutawi sa bibig niya. Dismayado siguro siya sa akin.
“Eyse... Paano na ito? Wala pa si Sir Elton. May pinuntahan kasi siya sa Cebu, eh,” problemadong sabi ni Ms. Yena.
“Pero bakit nandito rin si Ms. Veronica, Eyse?” Umiling ako dahil hindi ko rin naman alam kung bakit nandito rin iyon, eh.
“May nangyari ba habang wala kami?”
“Totoo po bang fiancé ni Sir Elton si Ms. Allona?” tanong ko.
“Oo. Limang buwan na silang engaged,” sagot niya.