KABANATA 009

1483 Words
Althea Mendez’s POV Hindi ako nakatulog buong gabi. Nakatitig lang ako sa bitak-bitak na kisame ng maliit naming kwarto, yakap-yakap ang sarili habang pilit na hinahanap ang init sa manipis at kupas na kumot. Para akong nakalutang sa pagitan ng realidad at panaginip. Paulit-ulit na nag-e-echo sa pandinig ko ang bawat salitang binitiwan ni Lander sa penthouse. Ang boses niya. Ang paraan ng pagtingin niya sa akin, na tila ba nakikita niya ang bawat sugat na pilit kong itinatago sa ilalim ng concealer at mahabang manggas. “Gusto mo bang umalis sa kanya?” Ilang beses ko nang tinanong ang sarili ko. Pero kahit anong pilit ko, palaging blangko ang dulo. Dati, simple lang ang takbo ng utak ko: wala akong choice. Ang mundo ko ay kailangang umikot lang kay Brent dahil siya ang asawa ko, siya ang pamilya ko, at siya ang nag-iisang tao na natitira sa akin na kahit pa siya rin ang taong unti-unting pumapatay sa pagkatao ko. Pero ngayon? Ngayong naramdaman ko na may ibang mundo pala sa labas ng hawlang ito… biglang nagulo ang lahat. Biglang nagkaroon ng kulay ang mga bagay na dati ay abo lang. Napapikit ako. Pero sa tuwing ipipikit ko ang mga mata ko, ang mukha ni Lander ang sumusulpot. Hindi yung mapang-asar niyang ngisi, kundi yung seryosong ekspresyon niya. Yung tingin na tila handa niyang saluhin ang lahat ng bigat na dinadala ko. Bakit niya gagawin ‘yon? Hindi naman niya ako obligasyon. KNOCK! KNOCK! KNOCK! Halos tumalon ang puso ko palabas ng dibdib ko sa lakas ng katok na ‘yon. Napa-igtad ako at agad na napaupo sa kama. Masyado pang maaga. Ni hindi pa sumisilip ang araw sa pagitan ng mga kurtina. Sino ang pupunta rito nang ganitong oras? “ALTHEA! BUKSAN MO ‘TO! ALTHEA!” Nanigas ang buong katawan ko. Ang boses na ‘yon… ang boses na nagbibigay sa akin ng bangungot kahit gising ako. Si Brent. Agad akong napabangon, parang binuhusan ng kumukulong tubig. Nanginginig ang mga kamay ko habang papalapit sa pinto. Ang lakas ng pintig ng puso ko, halos marinig ko na ito sa tenga ko. Maaga siyang nakalaya? Paano? Hindi ako handa. Hindi ko pa kayang harapin ang galit niya, lalo na’t bitbit ko pa rin ang pakiramdam ng kaligtasan mula kay Lander kagabi. Dahan-dahan, sa kabila ng takot, pinihit ko ang seradura. Bumungad sa akin ang isang Brent na hindi ko nakilala. Magulo ang buhok, lukot-lukot ang damit, at ang kanyang mga mata—pula at nanlilisik sa galit. At kasabay ng pagbukas ng pinto, sumalubong sa akin ang masangsang na amoy ng alak at sigarilyo. “Ang kapal ng mukha mong paghintayin ako sa labas!” bungad niya agad. Halos isampal niya sa akin ang bawat salitang lumalabas sa bibig niya. “B-Brent, nakalaya ka na pala—” “Bakit, ayaw mo ba?” Humakbang siya papasok at marahas na isinara ang pinto sa likod niya. Ang tunog ng pagsara niyon ay parang hatol ng kamatayan para sa akin. “Bakit? Para malaya kang makapag-landian sa labas?” “Anong sinasabi mo? Galing ako sa trabaho—” “TRABAHO?” Napatawa siya nang mapakla. Isang tawang walang halong saya, puro pangungutya lang. “Anong klaseng trabaho ang inaabot ng madaling-araw, Althea? Huwag mo akong gawing tanga!” Bigla niyang hinablot ang braso ko. Napangiwi ako sa sakit. Ang mga kuko niya ay halos bumaon sa balat ko. “Bitawan mo ako, Brent… nasasaktan ako.” “Masasaktan ka talaga sa oras na malaman kong may ginagawa kang milagro sa likod ko!” Hinarap niya ako nang malapitan, sapat na para maramdaman ko ang mainit at nakakahilong hininga niya. “Akala mo ba hindi ko malalaman? Na may naghatid sa’yo rito kagabi? Isang mamahaling sasakyan? Sino ‘yon, Althea? Sino ang bago mong taga-tustos?” Namilog ang mga mata ko. May sumusunod ba sa akin? May nagmamanman ba sa bawat galaw ko habang wala siya? “Wala akong bago, Brent. Kaibigan lang—” “KAIBIGAN?!” Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ko bago ko pa matapos ang sasabihin ko. Napaatras ako at napakapit sa mesa para hindi matumba. Ramdam ko ang pag-init at pagkirot ng aking pisngi. Ang alat ng dugo ay unti-unting gumuguhit sa labi ko. “Huwag mo akong gagawing gago! Alam ko ang lahat. Alam ko na may mayamang lalaki na laging umaaligid sa’yo. Akala mo ba matatago mo sa akin ang baho mo?” Lumapit siya sa akin, dahan-dahan, parang isang predator na sinusokol ang biktima. “Tingnan mo nga ang sarili mo,” pangungutya niya habang tinititigan ako mula ulo hanggang paa. “Sino ang magkakagusto sa isang katulad mo? Losyang, walang kwenta, at pabigat sa buhay? Ginamit ka lang ng lalaking ‘yon, Althea. At ikaw naman, tuwang-tuwa ka dahil nakatikim ka ng karangyaan?” Nanlabo ang paningin ko dahil sa luha. Ang mga salita niya ay mas masakit pa kaysa sa sampal na tinanggap ko. Ito ang pinaka-masakit—ang ipamukha sa akin na wala akong halaga. Pero bago pa ako tuluyang mawasak, dumapo ang tingin niya sa aking pulsuhan. Ang bracelet. Biglang tumahimik ang paligid. Ang galit sa mukha ni Brent ay napalitan ng isang nakakangilabot na lamig. “Saan mo nakuha ‘to?” mahinahon niyang tanong, pero alam kong ito ang mas delikadong bahagi. “Ang ganda nito, ah. Mukhang mamahalin. Kanino galing ‘to?” “B-Bigay lang ‘yan—” “SINO ANG NAGBIGAY NITO?!” Sigaw niya na yumanig sa buong kabahayan. Muli niyang hinablot ang kamay ko at pilit na tinatanggal ang bracelet. “Aray! Brent, tama na!” “Sumagot ka! Siya ba? Yung lalaking naghatid sa’yo? Sumagot ka!” Sa gitna ng kaguluhan, sa gitna ng sakit at takot, isang imahe ang biglang pumasok sa isip ko. Ang card na binigay ni Lander. Ang numero niya na nakasulat doon. “If he hurts you again, call me.” Parang may biglang nag-apoy sa loob ng dibdib ko. Isang maliit na spark ng galit na matagal ko nang ibinaon. Pagod na ako. Pagod na akong maging punching bag ng galit niya. Pagod na akong magmakaawa para sa pag-ibig na kailanman ay hindi ko naman naramdaman sa kanya. “SINO ANG NAGBIGAY NITO?!” ulit ni Brent, kasabay ng isa pang tulak na nagpasubasob sa akin sa sahig. Nakahiga ako sa malamig na semento. Nanginginig ang buong katawan ko, pero sa halip na iyak, isang kakaibang lakas ang naramdaman ko. Dahan-dahan kong inangat ang tingin ko sa kanya. “Hindi mo na kailangang malaman,” mahina pero matatag kong sabi. Natigilan si Brent. Parang hindi siya makapaniwala sa narinig niya. “Anong sabi mo?” Pinilit kong tumayo. Pinunasan ko ang dugo sa labi ko gamit ang likod ng kamay ko. “Sabi ko, hindi mo na kailangang malaman. Dahil tapos na ako, Brent. Tapos na akong matakot sa’yo.” Isang nakakatakot na ngisi ang gumuhit sa labi niya. “Ah… lumalaban ka na? Dahil ba sa kanya? Dahil ba may tagapagtanggol ka na?” Humakbang siya palapit, handa na namang manakit, pero bago pa niya ako mahawakan ay mabilis kong kinuha ang phone ko sa ibabaw ng mesa. “Subukan mong lumapit, Brent. Subukan mo lang,” banta ko, kahit nanginginig ang kamay ko. “At anong gagawin mo? Tatawag ka ng pulis? Alam mong walang magagawa ang pulis sa akin!” “Hindi pulis ang tatawagan ko,” mariin kong sabi. Tinitigan ko ang pangalan ni Lander sa screen ng phone ko. Ito na ‘yon. Ang point of no return. Kapag pinindot ko ang button na ito, alam kong magbabago ang buhay ko habambuhay. Mawawasak ang mundong kinagisnan ko, pero baka… baka ito lang ang tanging paraan para makahinga ako ulit. “Gusto mo siyang makilala, ‘di ba?” Tumingin ako nang diretso sa mga mata ni Brent. Ang takot na dati ay nandoon ay napalitan ng determinasyon. “Sige. Magpakilala ka sa kanya.” Pinindot ko ang call. Unang ring pa lang, sinagot na niya. “Althea?” Ang boses ni Lander ay kalmado pero bakas ang awtoridad. “Anong nangyari?” Naririnig ko ang mabigat na paghinga ni Brent sa harap ko, ang kanyang kamao na nakakuyom, handang sumabog. Pero sa unang pagkakataon sa loob ng maraming taon, hindi ako yumuko. “Lander…” ang tanging nasabi ko habang tumutulo ang luha ko. “Tulungan mo ako.” Sa kabilang linya, narinig ko ang pagkalansing ng susi ng sasakyan at ang seryosong boses ni Lander na nagpadama sa akin na sa wakas… hindi na ako mag-isa. “Don’t hang up. I’m coming for you.” Tumingin ako kay Brent. Naguguluhan siya, bakas ang pangamba sa kanyang mga mata dahil sa hindi niya kilalang boses sa kabilang linya. Ngumiti ako nang mapait. Ang anino ay nagbalik, pero sa pagkakataong ito, hindi na ako ang nagtatago sa dilim.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD