Kabanata 7

2825 Words
            Kahit kinakabahan ay pilit kong iniraos ang unang araw sa klase. Late ako sa unang subject pero ayos lang dahil nagpa-submit lang naman ng mga pangalan.             Ang masasabi ko lang sa bago kong eskuwelahan ay para itong isang maliit na bersyon ng Kamaynilaan. Ang lawak, ang daming mga gusali. Nakapaninibago ang lugar at ang mga tao sa loob. May mga classmate ako na magkakakilala na dahil doon na nagsipag-high school pero mayroon din namang mga hindi. Parang Maynila lang din dahil halu-halo ang mga mayayaman at mahihirap.             “Miss! Miss, ang bag mo!” tawag ng isang boses mula sa kung saan.             Napatigil ang paglalakad ko patungo sana sa sakayan ng jeep. Luminga-linga ako sa paligid kung saan nanggaling iyon at kung ako nga ba ang kausap. Mukhang ako nga dahil nakita ko ang isang lalaking parating.             “Ako ba ang tinutukoy mo?” tanong ko.             “Oo naman. Bakit? Sino pa ba ang may bag na nakabukas ang zipper dito?” anang lalaki.             Napanguso ako. Nang mukhaan ko ang lalaki ay hindi ko naman siya naalala na naging kaklase sa mga naging subject kanina. Pero kaedaran ko lang din kaya naisip kong baka estudyante rin siguro dito.             Nang taasan niya ako ng kilay ay sinunod ko ang kaniyang gusto. Sinarado ko ang bag na hindi ko nga namalayang nakabukas pala.             “Hmm. Salamat ha...” sabi ko. “Sige, una na ako–”             “Hay naku, miss. Sa uli-uli ay huwag mong hinahayaang nakalantad ang bag mo. Bukas na nga ang zipper tapos ay mukhang isang hiklat lang ay mahahablot na. Gusto mo bang manakawan?” Umirap ang lalaki, ang medyo may kahabaang buhok ay nahahawi ng hangin.             “Bakit? May mga magnanakaw ba rito?” Luminga ako sa paligid.             Ngumiwi ang lalaki at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Bahagyang kumunot ang noo ko sa kaniyang ginawa.             “Teka nga. Tagasaan ka ba?” tanong niya. “Ah! Huwag mo na palang sagutin kasi... mukha kang probinsyana!”             “E ano naman ngayon?” Tinaasan ko siya ng kilay.             Humalakhak ang lalaki at ibinulsa ang mga kamay sa butas-butas na pantalon. “Ibig kong sabihin, bagong salta ka pa lang dito. Huwag kang mag-aalala, galing din ako sa probinsya kaya tatanga-tanga rin ako noong unang sabak ko rito.”             Hindi ko alam ang isasagot doon kaya tiningnan ko lamang siya. Halos magkasingtangkad lang kami ng lalaki. Katulad ko ay moreno rin siya at bilugan ang mga mata. Kaya nga lang, unang tingin pa lang ay halatang arogante na. Lalo pa’t may suot siyang cap na nakabaliktad na akala mo naman sobrang nakagugwapo...             “E bakit mo napansin ang bag ko? Ikaw siguro ang magnanakaw rito, ano?” Hindi ko napigilan ang sarili.             “Ako pa? Ako pa talaga na tumulong sa’yo para hindi ka manawakan ang pagbibintangan mo? Tapos ay iiyak-iyak ka kapag may humablot sa bag mo?” Pinandilatan niya ako.             Napanguso ako. Tinabi ko ang bag sa sarili dahil medyo tinamaan nga sa kaniyang sinabi.             “Manang, napansin ko lang ho kasi na kanina pa palipad-lipad iyang mga mata mo. Parang nasa museyo ka e nasa school ka lang naman,” ngisi niya.             “Hindi mo ako manang.” Kumunot ang noo ko.             “Ganoon ba? Ang haba ng palda mo e. Tsaka iyang pang-itaas mo, masyado kang balot na balot. Manang na manang ang dating...” Humalakhak pa siya.             Uminit ang mga pisngi ko. Bumaba ang tingin ko sa aking normal na mga damit. E ito naman talaga ng sinusuot ko sa amin kapag umaalis o ‘di kaya ay may importanteng pupuntahan.             “Alam mo, hindi ko alam kung gusto mo ba talagang tumulong o kung gusto mo lang akong insultuhin. Kasi kung ganoon lang din ang gagawin mo, sana nga ay nanakawan na lang ako,” asik ko.             “Ows? Talaga? Hindi ka iiyak?”             “Wala ka nang pakialam doon. At wala ka ring pakialam kung ano ang suot ko dahil katawan ko ito. Bakit, iyang weirdo mong sumbrero at iyang butas-butas mong pantalon ay binati ko ba? Hindi, ‘di ba? Kasi hindi ako pakialamero katulad mo!”             Isang malutong na halakhak ang narinig ko mula sa kaniya kaya nalaglag ang aking panga. Ano na naman ba ang napansin niya at tuwang-tuwa siya? Ganito ba talaga itong mga tao rito?             “Napakatapang talaga ng mga probinsyana. Kakaiba makapagsalita e...” Hinawakan niya ang tiyan.             “Bahala ka sa buhay mo. Salamat na lang sa tip mo kanina pero sana ay hindi na magkrus pa ang mga landas natin.” Umirap ako at inayos ang sarili.             “Malabo mangyari iyang gusto mo, Manang. Nasa iisang eskuwelahan tayo e...” pahabol niya.             Hindi ko na lang ito pinansin at tuluyan nang umalis. Kahit tuloy naglalakad palabas ng school ay napapairap ako sa kawalan dahil sa kapal ng mukha ng lalaking iyon. Kahit estudyante siya o kahit sino pa siya, basta ay nakakairita.             Akala ko naman ay maayos na ako sa first day ko. Kahit wala akong naging kaibigan ay ayos lang pero kung minamalas nga naman ay nakatagpo pa ako ng isang walang modong lalaki.             Pagkauwi sa bahay noong hapon ay inilista ko na kaagad ang mga bibilhin kong mga gamit para school. Libro, school supplies at ilang mga kakailanganin sa banyo. Sana nga ay magkasya ang lahat ng iyon sa unang suweldo ko dahil padadalhan ko pa ng pera ang mga kapatid ko. Nangako ako sa kanila kaya ayokong sirain iyon.             Bumalik na rin ako sa trabaho pagkatapos basahin ang kaunting mga na-discuss kanina. Kaunti lang naman ang mga nilabhan ko kaya nagpasyang tulungan si Milly sa paglilinis ng buong bahay.             “Naku, salamat! Hulog ka ng langit, Clara! Bakit ba naman kasi ang laki-laki ng bahay na ito tapos ay isang mag-asawang bihira pa magkita ang nakatira?” Minuwestra ni Milly ang sala gamit ang mop na hawak. “Kumusta nga pala ang unang araw mo sa school? Sabi ko naman sa’yo ay mabait si Sir Archie. Kita mo nga’t personal ka pang sinamahan!”             “Oo nga kaso nakakahiya e...” Napakamot ako sa ulo. Nabanggit ko kasi kay Milly iyong nangyari kaninang umaga.             “Hiya-hiya ka pa riyan! At least ay nakapasok ka, hindi ba?”             “Oo. Iyon naman ang gusto ko.”             “Kumusta naman ang mga classmate mo? Dali na, Clara. Magkwento ka na! May pogi ba? May naging crush ka?”             Dahil sa sinabi niya ay bigla kong naalala iyong lalaki kanina. Iyong tinawag akong manang at sinabihan pa ng kung anu-ano tungkol sa pananamit at pinanggalingan ko. Parang umusok kaagad ang mga tainga ko.             “Wala, Milly. Basta ay hindi na ulit kami magkikita...” iling ko.             “Magkikita? Sino? May naka-eyeball ka na kaagad?!”             Bumuntong-hininga na lang ako at nagpaalam na maglilinis na. Medyo napahaba ang usapan namin dahil ang daldal talaga ni Milly. Ayaw pa ngang paawat at gusto pang i-elaborate ang mga sinabi ko kanina. Kaso kapag ginawa ko iyon, alam kong ako lang din ang maiinis. Sana nga lang talaga, kahit nasa parehong school kami ay hindi na kami magkita.             Sa sala nagsimulang maglinis si Milly kaya sinimulan ko naman sa mga kwarto. Iyong study ni Sir Archie ang unang silid sa ground floor kaya naman doon ang punta ko. Ayaw ko pa nga sana pero dahil pinahintulutan naman ako ni Milly ay pumayag din. Inisip ko lang kasi na baka mangyari na naman iyong nakaraan na may napakialaman ako. Ayoko namang isipin ni Sir Archie o kahit ng asawa niya na malikot ang mga kamay ko.             Kaya noong naglilinis na ako sa study ay ingat na ingat ako. Kung maaari ay iyong vacuum at mop lang ang hawak-hawak ko. Iyong mga mata ko naman, iyon ang sadyang hindi ko napigilang magpagala-gala.             Malinis ang study ni Sir Archie. Kaparehong-kapareho noong kay Madame Sofia at sa mga kulay at uri ng furniture lang nagkaiba. Pareho rin silang mayroong picture frame noong araw ng kanilang kasal. Nasa kanila ang maliit na mga bersyon noon samantalang nasa sala naman iyong pinakamalaki na nakapagkit sa pader.             Ang saya-saya nga nila tingnan sa mga picture. Ilang beses ko na yatang nakita ang mga iyon kapag nagpupunas ng mga muwebles. Hindi ko nga lang alam kung ano ang nangyari kung bakit nagkaganoon na lang ang turingan nila sa isa’t isa.             Ang ikinatutuwa ko lang, medyo hindi nagkikita ang dalawa nitong mga nakaraang araw kaya bihira magsigawan. Noong nakaraang uwi naman ni Madame Sofia ay hindi sila masyadong nagpansinan.             Pagala-gala ang mga mata ko nang dumapo sa ibabaw ng desk ni Sir Archie. Saktong bukas ang isang dokumentong doon at halatang bagong aral pa lang. Ayoko sanang basahin pero huli na ang lahat dahil dumikit na ang mga mata ko.             “Withdrawal of funding...” bigkas ko sa nakasulat.             Nang mabasa pa ang kasunod na artikulo ay lumaki ang mga mata ko. Hindi ako ganoon kagaling sa ingles pero marunong akong umintindi. At sa pagkakaintindi ko, ang scholarship ng mga Delgado na nakalaan para sana sa eskuwelahan ko ay naputol. O pinutol, hindi ko alam.             “Withdrawal...” bulong ko ulit.             Iyon ba ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng problema sa enrollment? Pero akala ko ba ay pag-aaralin ako ng mag-asawang Delgado at ilalagay sa isang institusyon kung saan may libreng pag-aaral?             Bumagsak ang tingin ko sa dulo ng papel. Ang nakasulat doon ay...             “Signed by Sofia Andrea M. Delgado...” pagbibigkas ko.             Umawang ang aking bibig. Hinanap ko kaagad ang date at nakitang na-issue iyon wala pang tatlong araw ang nakalilipas. Ilang milyones din ang nabasa ko kaya napatigil ako sa ginagawa.             Ito ba ang natuklasan ni Sir Archie kanina nang dumalaw sa school? Kaya ba nasa kaniya ang papeles na ito na si Madame Sofia mismo ang gumawa? Ito ba ang sinasabi niyang problema nila?             Pero... bakit? Bakit gagawin ni Madame Sofia na tanggalin ang scholarship? Saan naman niya dadalhin ang limpak-limpak na mga salapi?             Bago ko pa man mapilitan ang sarili na bulatlatin ang kabuuan ng dokumentong iyon ay tinapos ko na kaagad ang paglilinis. Ayaw ko sanang isipin dahil problema nilang mag-asawa iyon. Kung ano ang magiging desisyon nila ay labas na ako. Isa pa ay ayos na rin naman ang sa school ko kaya wala na dapat akong intindihin pa.             Pero hindi ko rin ikakailang nagkaroon ako ng tensyon buong araw lalo pa noong halos sabay na dumating sina Sir Archie at Madame Sofia kinagabihan.             “Magandang gabi po. Kumain na ho ba kayo? Gusto ninyong ipaghanda ko kayo?” tanong ko kay Madame Sofia na naunang pumasok.             “Hindi na. Busog ako,” iling niya sabay salat ng batok.             Tumango ako ngunit ang aking mga mata ay nasa pumaparadang sasakyan ni Sir Archie.             “Nakakapagod!” hiyaw ni Madame Sofia kaya medyo napaigtad ako. Naglakad siya patungo sa sala ngunit bigla naman akong nilingon. “Nga pala, Clara. Nakalimutan kong ibigay sa’yo...”             Umawang ang bibig ko nang makitang bumunot si Madame Sofia ng isang sobre mula sa bag. Inabot niya ang kamay ko at siya mismo ang naglagay noon sa aking palad.             “M-Madame? Ano po ito?” tanong ko.             “Para sa enrollment mo iyan. Hindi ba ngayon ang unang araw mo sa klase? Bayaran mo ang balance para makapasok ka na.”             “N-Naka-enroll na po–” Napatigil ako nang marinig ang pagpasok ni Sir Archie. Ibinalik ko ulit ang tingin kay Madame Sofia na nakapikit at sinasalat ang mga balikat. “Ano’ng sinabi mo, Clara? Grabe, pagod na pagod ako.”             Napalunok ako. Pumasok na rin si Sir Archie na matama akong pinagmasdan. Bumagsak kaagad ang tingin niya sa hawak kong sobre.             “W-Wala po, Ma’am. Salamat po...” Nangatal ang aking mga labi.             “You’re welcome. May sobra pa riyan ha kaya galingan mo mag-aral...” ani Madame Sofia na napapaungol na naman dahil sa balikat.             Hindi na ako nakasagot dahil nagmulat ito ng mga mata at sinipat si Sir Archie na papalapit.             “Oh, dumating na rin pala ang magaling kong asawa. Himala yata na nagsabay tayong umuwi.” Napangisi si Madame Sofia.             Kumunot ang noo ni Sir Archie. Isang malamig na bati lamang sa asawa ay muli niyang ibinagsak ang tingin sa sobre kong hawak.             “What’s that, Clara?” tanong niya.             Magsasalita na sana ako pero humakbang pasulong si Madame Sofia.             “Bonus lang ni Clara iyan, Archie. Alam mo naman ako kapag natutuwa sa mga staff. Mahilig akong magpa-bonus kapag nakikita kong maayos ang gawa. Iba ang laba ni Clara sa mga damit ko e.”             Nagkatinginan kami ni Sir Archie. Nagkatinginan din kami ni Madame Sofia. Sa huli, ako ang yumuko sa pagitan nilang dalawa.             “Sige ha. Aakyat na muna ako dahil gusto ko nang magpahinga...” ani Madame Sofia bago tuluyang pumanhik.             Naiwan kaming dalawa ni Sir Archie sa sala na binabalot ng isang mabigat na katahimikan.             Kung may sigurado man ako, iyon ay ang alam na ni Sir Archie na inalis ng kaniyang asawa ang scholarship. Na wala na ang scholarship sa eskuwelahang pinapasukan ko. Iyon ang nakasaad sa dokumento na nasa study ni Sir Archie.             Kaya... kahit nagsinungaling pa ang kaniyang asawa na pa-bonus lamang itong ibinigay niya sa akin, wala na siyang maloloko dahil alam na ni Sir Archie ang totoo.             “S-Sir, ako na po riyan...” Mabilis kong binulsa ang sobre at inabot ang kaniyang laptop.             Hindi umangal si Sir Archie ngunit mabigat pa rin ang kaniyang mga tingin sa akin. Pagkatapos ay inabot ko rin ang kaniyang blazer.             “Clara,” tawag niya bago pa man ako makaalis.             Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin pero pagkaraan ng ilang segundo ay wala pa rin siyang kibo. Pakiramdam ko ay gusto niyang sabihin ang tungkol sa scholarship pero hindi naman alam kung dapat pa nga bang sabihin.             “Mag-aaway po ba ulit kayo... mamaya? Ni Madame Sofia?” tanong ko.             Umawang ang bibig ni Sir Archie. Napayuko ako.             “Sana po ay hindi,” marahan kong sabi.              Hindi niya alam na may alam ako tungkol sa pagkawala ng scholarship pero... ang sa akin lang naman, sana ay hindi iyon maging dahilan para magkaroon sila ng isang napakalaking away. Iyon kasi ang nakikita kong nagbabadya para sa kanilang dalawa. Hindi biro ang halaga na tinanggal ni Madame Sofia mula sa libreng pagpapaaral na kaninang umaga lang nalaman ng kaniyang asawa. Baka magkagulo sila na... kung maaari ay huwag sanang mangyari.             “S-Sige po. Iaakyat ko lang itong mga gamit ninyo...” Humina lalo ang aking boses.             Dahil siguro sa tensyon ay magdamag akong dilat kinagabihan. Si Milly na walang kamalay-malay na darating na ang isang sakuna ay mahimbing pa rin ang tulog. Ako, mulat na mulat at pinakikinggan ang bawat tunog sa kapaligiran. Kailangan ay may gising kapag nag-away na silang dalawa dahil baka kung ano ang mangyari. Kailangan, may aawat at may papagitna.             Ganoong-ganoon ako sa tuwing uuwi si Papa na lasing. Ako na lang dilat sa aming magkakapatid. Hindi ko kayang matulog lalo na at alam kong ilang sandali lang ay may masasaktan.             Ngayon, hindi ko lang alam kung si Sir Archie ba iyon o si Madame Sofia.             Bigla ay umalingawngaw ang tunog ng isang nabasag. Napabangon ako kaagad!             Iyon lang ang senyales na kailangan ko para magtatakbo palabas ng kwarto. Si Milly, tulog pa rin pero wala na kong pakialam. Pakiramdam ko ay sina Papa at Mama ang nag-aaway. Takot na takot ako pero kailangan kong tapangan dahil ako lang ang pwedeng pumagitna.             Napahinto ako sa pagtakbo nang makarating sa kusina. Isang walang pang-itaas na si Sir Archie ang nagpupulot ng bubog samantalang si Madame Sofia naman na nakatapis lang ay nakangising umiinom ng wine.             “Oh, Clara. Bakit gising ka pa?” Nag-angat ito ng tingin sa akin.             Nalaglag ang aking panga. Bumagsak ang tingin ko kay Sir Archie na umayos ng tayo at nakipagtitigan sa akin.             “N-Narinig ko po kasi iyong nabasag...” sabi ko.             “Iyon ba? Huwag mo nang isipin. We’re just being careless, I’m sorry.” Humalakhak si Madame Sofia at inabot ang batok ni Sir Archie. Binigyan niya ito ng isang matunog na halik bago inikot ang bisig sa hubad na dibdib ng asawa.             Napalunok ako. Sinipat ko si Sir Archie na mariin ang titig sa akin.             “Hindi po kayo... nag-aaway?” paninigurado ko.             “Ha? E bakit naman kami mag-aaway? Itong si Clara talaga...” Humalakhak si Madame Sofia. “Kami na ang maglilinis nito at gabi na. Matulog ka na, hija. May pasok ka pa bukas.”             Dahan-dahan akong tumango. Palipat-lipat ang tingin ko sa mag-asawang Delgado na parehong kalmado.             “We’re not fighting, Clara. Ayos kami ng Mam Sofia mo,” marahang sabi ni Sir Archie. Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan. Bumagsak ang aking mga balikat at hinayaang lumuwag ang pakiramdam.             Walang nag-aaway. Walang nagkakasakitan.... Sa ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD