Kabanata 8

2887 Words
            Hindi ko alam kung bakit hindi sinabi ni Sir Archie ang nalalaman niya tungkol sa ginawa ni Madame Sofia. Hindi ko lang sukat akalain na ipaliliwanag niya sa akin iyon kinabukasan.             “Salamat nga pala sa mga payo mo, Clara. Mag-aaway na dapat kami kagabi pero... sinubukan kong hindi. Naisip ko iyong mga sinabi mo sa akin.” Nilapitan ako ni Sir Archie nang maabutan ako sa kusina.             Napatigil ang mga kamay ko sa ginagawa.             “Pero iyong… sabi ninyong pag-uusapan ninyo ni Madame Sofia? Naayos na, Sir?” paninigurado ko.             “Hindi pa.”             Hindi ko alam ang magiging reaksyon doon. Walang alam si Sir Archie na alam ko na ang ginawa ni Madame Sofia, iyong paglikom ng perang nakalaan para sa scholarship. Hindi ko rin alam kung dapat ko pa bang sabihin o kung gusto niya ba munang siya ang magsabi sa akin.             “Ano po ba ang problemang iyon?” tanong ko. “Kung kumportable kayong sabihin sa akin, Sir Archie.”             Baka naman kasi ay iba ang alam ko. Baka may alam pa siyang hindi ko alam… na mas malala pa pala kaysa sa pagtakas ng pera.             “Wala. Hayaan mo na, Clara. Huwag mo nang isipin.” Umiling si Sir Archie at ngumiting tipid.             Tumagal ang titig ko sa kaniyang mga mata. Parang may kumurot sa aking dibdib.             “Hindi ba ay may pasok ka ngayon? Baka gusto mong sumabay,” aniya.             “Sa… inyo po, Sir?” tanong ko.             Tumango si Sir Archie pero umiling ako. Bukod sa nakakahiya na talaga ay baka hindi ko mapigilan ang bibig ko na isiwalat ang aking mga nalalaman. Labas naman na ako roon dahil problema nilang mag-asawa iyon.             Nagpaalam na si Sir Archie para makapagbihis. Atsaka lamang kami nagkitang muli noong papasok na siya sa trabaho dahil kailangan ko nang iabot ang kaniyang baon sa almusal, laptop at plantsadong blazer. Nanatili ako sa pintuan, nakatanaw sa pag-alis ng sasakyan ni Sir Archie. Kumaway ako na kaniyang inilawan naman bilang sagot.             “Mas mukha ka pa palang maybahay kaysa sa akin.”             Bahagyang lumaki ang mga mata ko nang marinig ang boses ni Madame Sofia. Nang lingunin ko ito ay nakitang kasalukuyang pababa sa hagdanan habang nakataas ang isang kilay sa akin.             “H-Hindi pa po pala kayo pumapasok…” Napaatras ako.             Sa mga ganitong oras kasi ay nakaalis na si Madame Sofia kung nakauwi sa gabi. Umuwi nga siya at nahuli ko pa sila ni Sir Archie na… magkasama. Hindi ko naman sukat akalain na magpapaiwan siya rito sa bahay dahil tanghali na rin.             “I didn’t. Masama ang gising ko e,” ani Madame Sofia nang marating na ang sala. “Blessing in disguise na rin dahil nakita ko kung paano mo pagsilbihan ang asawa ko. Kung hindi ka lang katulong ay baka naisip kong kabit ka na.”             Para akong binuhusan ng malamig na tubig.             “M-Madame, hindi naman po sa ganoon!” sabi ko. “W-Wala po akong intensyong ganoon–”             Napatigil ako nang bumunghalit ito ng tawa. Dire-diretso ito sa kusina at sinenyasan ako kaya naman wala akong nagawa kung hindi ang sumunod.             “Para ka namang tanga, Clara! Naniwala ka talaga sa sinabi ko?” aniya sabay salampak sa upuan.             Hindi ko alam ang isasagot doon. Ayaw kong may maling masabi kay Madame Sofia dahil parang kabisado ko na kung gaano kabilis magbago ang kaniyang mood.             “Ano ka ba naman? Nagbibiro lang ako. Masyado ka talagang tensyonadong bata ka,” iling niya. “Ipagtimpla mo nga ako ng kape para naman matuwa ako sa’yo.”             “Sige po…” Tumango ako at kaagad na ginawa ang kaniyang gusto.             Parang nangangalawang ang aking mga kamay sa pagbubuhat ng tasa at kutsara. Nakapirmis ng tingin si Madame Sofia, nag-oobserba, kaya hindi ko maiwasang hindi kabahan. Hindi kasi talaga ako sanay na naririto siya sa bahay at pinapanood ang bawat galaw ko. Pakiramdam ko ay isang mali ko lang, kahit mukhang good mood pa siya, ay kakainin niya ako nang buhay.             “Relax, Clara,” halakhak niya. “Alam ko namang ginagawa mo lang ang trabaho mo. Medyo mas mabusisi ka nga lang kaysa kay Milly at kahit kay Gertrude. Napapansin ko rin iyon sa paglalaba mo dahil nasa maayos na kundisyon ang mga damit ko.”             “S-Salamat po…”             “Pero alam mo ha, ang bait ng asawa ko kagabi.” Natulala si Madame Sofia sa kawalan. “Inaway-away ko na’t lahat pero wala pa ring kibo. Siya pa nga ang nag-sorry! It’s a miracle and I don’t know what I did to deserve that.”             Kahit kinakabahan ay medyo lumuwag ang dibdib ko sa narinig.             “Mabuti naman po at ayos na kayo ni Sir Archie…” marahan kong sabi.             “Hindi ko na rin naman itatanggi e. Siyempre ay kayo ang mga kasama namin dito sa bahay kaya kayo ang mas nakakapansin. Madalas kaming mag-away ng Sir ninyo pero hindi ibig sabihin noon ay hindi na namin mahal ang isa’t isa. Magaspang lang talaga ng bibig ko kaya madalas ko siyang napagsasabihan pero... hindi naman niya ako pinakasalan kung hindi niya kaya ang pagiging taklesa ko.”             Hinarap ko si Madame Sofia na hawak ang isang tasa ng umuusok na kape. Parang ang dami kong gustong idagdag sa kaniyang mga sinabi pero dahil hindi naman ako kasali sa relasyon nila ay tumango na lamang. Maingat kong inilagay ang tasa sa kaniyang harapan.             “Clara, nga pala, kapag naglaba ka ay idamay mo na rin ang mga luma kong damit. Iyong mga pambahay rin.”             “Lahat po iyon?” tanong ko.             Tumango si Madame Sofia. “Oo. Tapos ay huwag mo nang ibalik sa closet ko. Sa’yo na ang lahat ng iyon.”             “P-Po?” Nanlaki kaagad ang mga mata ko.             Inisip ko lamang ang bundok ng mga damit ni Madame Sofia ay nakalulula na. Sa isip-isip ko nga ay parang ang hirap namang labhan ang lahat ng iyon… pero ibibigay niya pala sa akin!             “Napapansin ko kasi ang mga damit mo. No offense ha, Clara, pero parang basahan na sa kalumaan. Tapos ay ipapamasok mo iyon sa school? No way.”             “Wala naman pong problema sa akin…”             “Sa akin ay mayroon. Gusto ko ay maayos ang pananamit mo kahit saan ka magpunta dahil dalaga ka na. Hindi ka na nene, naiintindihan mo ba?”             Sa takot na uminit ang ulo ni Madame Sofia ay dahan-dahan akong tumango. Tinamaan na naman ako ng hiya pero hindi ko rin ikakailang namangha ako. Ang dami kasing damit ni Madame Sofia tapos ay ibibigay niya sa akin?             “Good,” ngisi niya. “May tuition ka na, may mga damit ka pa. Huwag mo na lang sasabihin kay Sir Archie mo ha.”             Bahagyang umawang ang aking bibig.             “Ayoko lang isipin niya na nagpapakabait na ako. Baka isipin pa niyang nilalagnat ako, ‘di ba?” halakhak niya. “Atin-atin na lang muna, Clara.”             Kating-kati ang dila kong magtanong o ‘di kaya’y umapila. Kaya naman pala niya ibibigay ang mga lumang damit sa akin ay dahil gusto niya akong patahimikin patungkol sa tuition fee ko na siya mismo ang sumagot at hindi ang scholarship ng mga Delgado. Ang hindi niya lang alam, naunahan na siya ni Sir Archie. Kaya iyong sobreng kaniyang inabot kahapon, nakatago lang sa cabinet ko.             Sa huli, tumango ako dahil wala ako sa lugar para magdemanda ng sagot. Sila pa rin ang mga amo ko kaya kung anong gusto nila ay iyon ang masusunod.             “Ang bango naman ng niluluto mo, Clara. What’s that?” Dinuro niya ang ginigisa ko sa kawali.             “Uhh, para po kay Sir Archie iyan,” nag-aalangan kong sagot. “Nagbabaon po siya ng almusal tuwing umaga at ang sabi niya ay gusto niya ng ginisang isda…”             Bahagyang kumunot ang noo ni Madame Sofia. Halos sampalin ko ang sarili dahil sinabi ko pa ang katotohanan. Mamaya ay baka kung ano na talaga ang isipin niya.             “Hmm. Sige, ipagpatuloy mo. Kawawa naman ang Sir mo kapag hindi mo ipinagluto.” Sa huli ay nagkibit-balikat siya at pinakatitigan lamang ang kawali.             Hindi kaagad rumehistro sa utak ko ang kaniyang sinabi. Akala ko nga ay pagagalitan niya ako pero nag-focus na lamang sa kape.             Sa mga ilang araw na nagdaan ay hindi ko alam kung nananaginip lang ba ako. Simula noong gabing muling nagkasama ang mag-asawa ay nagtuloy-tuloy na. Bagama’t bihira pa rin silang magkita sa maghapon, minsan sa gabi ay sabay silang nagdi-dinner kaya naman kahit si Milly ay naninibago.             “Ano kayang nakain ng dalawang iyan?” Nakasilip siya sa mag-asawa na nasa dining room.             Napanguso ako at nakisilip din. Ang daming mga putahe at nakasindi pa ang mga kandila. Nakangisi si Sir Archie habang nagkukwento ng kung ano si Madame Sofia.             “Kurutin mo nga ako, Clara. Baka namamalik-mata lang ako at nagpapatayan na pala sila!”             “Masyado ka naman, Milly. Hindi ba pwedeng sumaya naman kahit minsan…” Napanguso ako.             Habang nakasilip ay naabutan kong sinubuan pa ni Madame Sofia si Sir Archie. Unti-unti akong napangiti. Kahit naman may problema silang hindi pa napag-uusapan, aminado akong gusto ko ang nakikita ko. Sana nga ay ganoon na lang gabi-gabi.             “Hindi e, Clara. Alam mo minsan, naabutan kong muntik nang mag-away iyang mag-asawang iyan. Kaso ay narinig ko si Sir Archie na todo ang suyo! Ang sasakit na ng mga salitang pinagsasasabi ng asawa niya pero grabe ang pasensiya! Kung ako iyon ay matagal ko nang nabatukan si Madame Sofia.”             “Ayos sila ngayon at iyon ang mahalaga…” sabi ko habang nakatanaw sa kanilang dalawa. “Mag-asawa sila kaya sa hirap at ginhawa ay dapat magkasama. Malay natin ay ito na pala ang simula ng kanilang maayos na relasyon.”             Naisip ko rin na baka nitong mga nakaraang araw ay nalutas na nila ang kanilang problema patungkol sa scholarship. Sa inaakto nila ay parang ganoon na nga ang nangyari kaya pilit kong kinumbinsi ang sarili.             “Baka buntis?” sabi ni Milly.             Nagkibit-balikat ako. Ang importante ay maayos silang dalawa. Hindi lang tahimik ang bahay dahil masaya pa. Iyon lang naman ang gusto ko para sa kanilang mag-asawa.             Isang gabi ay nagpaalam silang sa labas kakain. Medyo napaaga ang dating nila kaya naabutan tuloy nila akong papasok pa lang sa school. Tuwing weekdays kasi ay night shift ako samantalang kapag weekends naman ay pang-umaga. Para na rin hindi ko mapabayaan ang trabaho ko rito sa bahay.             “Oh, Clara. Gusto mo bang isabay ka na namin?” tanong ni Madame Sofia.             “Ah! Hindi na po, Mam. Ayos lang po ako,” sagot ko.             “Sige, kung iyon ang gusto mo. Let’s go?” Bumaling siya kay Sir Archie na kanina pa nakatingin sa akin.               “Ingat po kayo sa date ninyo, Sir, Mam…” Hindi ko napigilan ang pagngiti.             Napailing si Sir Archie at napangisi rin. Iginiya niya ang asawang bihis na bihis pero napalingon din sa akin kalaunan.             Ipinakita ko sa kaniya ang thumbs up ko. Napangisi siya lalo at tumango.             Ang saya-saya ko dahil pakiramdam ko ay isa ako sa mga dahilan kung bakit nagkaayos na silang dalawa ngayon. Pero kung may dapat mang pasalamatan, alam kong si Sir Archie iyon dahil mas pinili niyang makipag-ayos sa asawa kaysa ang makipag-away. Ang tagal na nilang ganoon pero kita mo nga naman at pwede pa palang ayusin.             Makalipas ang ilang araw ay nataong night shift na naman ako. Medyo malalim na nga ang gabi pero nasasanay na rin. Dalawang subject ang natapos na parehong may quiz sa susunod na pagkikita. Tapos na kasi ang mga naunang araw kaya papahirap na. May mga naging kaibigan na rin naman ako pero dahil irregular ang aking schedule ay sa klase ko lamang sila nakikita.             “Oh! Manang! Ikaw pala!” Bigla ay may humarang sa akin noong naglalakad na ako patungo sa sakayan.             Napahinto ako kaagad at nanigas ang buong katawan. Nang mamukhaan ko ang lalaki ay parang umusok ang magkabila kong tainga!             “I-Ikaw na naman?!” bulyaw ko.             “Sabi ko na nga ba at ikaw iyong napakasungit na probinsyana,” halakhak ng lalaki. “Pero… hindi ka na yata mukhang manang ngayon. Ganda na ng damit mo ah! Pinopormahan mo ba ako?”             Bumagsak ang tingin ko sa blouse at pantalon ni Madame Sofia. Swerteng halos lahat ng mga damit niya ay kasya sa akin. Kaya nga lang, parang hindi na swerte kung pupunahin naman ako ng lalaking ito!             “Excuse me? Sino ka ba para pag-aksayahan ko ng panahon? Sa tingin mo ba ay magpapaganda ako dahil sa’yo?” Pinandilatan ko siya.             “Manang, ako lang naman ho ang nagsabi sa’yong mag-iba ka ng suot. E ‘di pinopormahan mo nga ako,” halakhak niya.             “Napakakapal talaga ng mukha mo,” sabi ko. “Alam mo, bahala ka sa buhay mo. Isipin mo na kung anong gusto mong isipin pero uuwi na ako. Bahala ka sa buhay mo!”             Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at nagdire-diretso na sa sakayan ng jeep. Pauwi na nga ako’t lahat ay may mang-iimbyerna pa sa akin.             “Sungit mo talaga, Manang!” pahabol niya. “Ang bag mo, ayusin mo! Mananakawan ka na talaga niyan, sige ka!”             “Wala kang pakialam!” sigaw ko.             Narinig ko lamang ang halakhak nito. Nakasakay na rin naman ako ng jeep kalaunan pero hindi ko pa rin maiwasang hindi ma-badtrip. Hindi ko ba alam kung saan nanggagaling iyong saksakang ng yabang na lalaking iyon. Parang kabute kung sumulpot. Irregular na nga ang schedule ko pero nagkikita pa rin kami.             Naputol ang pagngingitngit ko sa jeep nang biglaang may humila sa braso ko. Nanlaki kaagad ang mga mata ko lalo pa nang makitang nahablot na ang aking bag!             “Ang bag ko! Akin iyan!” sigaw ko sa bintana.             Hindi ako pinansin ng binatang gusgusin na mabilis ang takbo. Pinagtinginan ako ng mga kasama ko sa jeep na parang walang nakita! E bag ko iyon!             “Manong! Manong, ang bag ko! Kinuha!” sabi ko sa driver.             “Ano’ng gusto mong gawin ko, hija? Hindi kasi kasi nag-iingat!” bulyaw niya pabalik.             Nalaglag ang aking panga. Palipat-lipat ang tingin ko sa kaniya at sa batang nagtatakbo pa rin.             “P-Pero bag ko iyon–”             “Kung gusto mo ay babain mo atsaka mo habulin. Hala, sige! Baba! Tutal ay wala ka nang pambayad!”             Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Iyong mga kasama ko ay patingin-tingin lang pero iyong iba ay nakukuha pang ngumisi! Ako itong abot-abot na ang tahip ng puso, nanakawan at nasigawan na pero wala pa ring ibig tumulong sa akin!             Hindi na ako nagdalawang-isip na bumaba. Pinuntahan ko kaagad iyong binatang snatcher na nakahinto sa gilid na… kinakalutkot ang bag ko! Ang walanghiya!             “Hoy! Bag ko iyan!” sigaw ko sabay takbo.             Napalingon kaagad sa akin ang binata. Nang makitang may sumusugod sa kaniyang ale ay kaagad na nagtatakbo. Sobrang liksi! Parang de gulong ang mahahabang mga biyas! Pero kahit pa ganoon ay hindi ko siya tinigilang habulin.             “Akin na sabi iyan! Walanghiya ka! Ipapupulis kita!” malakas kong sigaw.             Palingon-lingon sa akin ang binata na nakukuha pang ngumisi. Hindi ako sumuko dahil naroon ang pera ko, ang notes ko at ang mga gamit ko sa school. Pero sobrang bilis talaga ng binata. Halatang batak na magnakaw at kabisado ang pasikot-sikot sa mga kantong aming nilalampasan.             Isang liko pa ay nawala ito na parang bula. Hindi ko alam ay tumatakbo ako na wala na pala aking hinahabol. Hingal na hingal akong napahinto.             Ang maingay at abalang kalsada ang sumalubong sa akin. Ang lipon ng mga tao, ang mga naglisaw na tindero’t tindera. Ang mga naglalakihang gusali at ang mausok na hangin. Umawang ang aking bibig dahil atsaka lamang rumehistro sa akin na… hindi ko alam kung nasaan na ako. Na hindi ko alam kung paano na makakauwi.             Napalunok ako at dahan-dahang naglakad pasulong. Iginala ko ang aking mga mata pero samu’t-saring mga karatula ang aking nakita. Lalo lang umurong ang aking tiyan dahil bukod sa nawawala ako, wala rin akong perang pang-uwi.             Unang beses ko pa lamang sa Kamaynilaan. Noong unang punta ko nga rito ay manghang-mangha ako sa kalakihan ng syudad. Pero kapag pala nasa loob ka na, kapag pala nasa kasuluk-sulukang eskinita ka na ay nakapanliliit. Pakiramdam ko ay nasa isang malaking laberinto ako na walang lagusan.             Hindi ko alam kung ilang minuto akong naglalakad. Hangga’t maaari ay inalis ko ang sarili sa eskinitang iyon at sa highway nagbaka sakali. Doon ay tanaw na tanaw ko ang naglalakihang mga gusali na kikintab-kintab ang mga ilaw.             Sa aking paglinga ay dumapo ang aking mga mata sa isang pamilyar na pigura. Hindi ko alam kung namamalikmata ako o pinaglalaruan na lang ba ako ng aking isipan. Pero lumapit pa ako para makumpirma nga ang aking hinala.             “Madame Sofia?” bulong ko sa hangin.             Tiningala ko ang magarang gusali na kaniyang pinasukan. Ang sabi roon ay casino hotel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD