Chapter 1
Mierve's POV
Nagpalinga-linga ako sa kalsada. Kasalukuyan kong tinatahak ang kahabaan ng Edsa. Madilim na sa dinadaanan ko. Ginabi na ako ng uwi. Naging matumal kasi ang benta ngayong araw. Ugali ko ang hindi umuuwi kapag hindi pa ubos ang aking paninda. Imbes na alas-otso ay naging alas-onse na ang uwi ko. Mahirap talaga kapag araw ng linggo at holiday pa. Walang mga estudyante at mga trabahador. Mabuti na lang at kahit papaano ay kaunti na lang ang natira sa fishballs at kikiam. Gusto ko sana ubusin muna iyon ngunit tinawagan na ako ni tatay. Pinapauwi na niya ako.
Nang makita kong ligtas tumawid ay mabilis akong naglakad tulak ang cart na may laman. Ngunit hindi ko napansin ang paparating na sasakyan. Nasilaw ako sa ilaw na nagmumula doon. Hindi ko alam kung tutuloy ba ako tumawid o babalik ako ngunit hindi ko na nagawa makapagdesisyon dahil kahit umiwas pa sa akin ang sasakyan ay nasagi pa din ako niyon. Hindi naman ako napuruhan ngunit napahandusay ako sa kalsada dahil sa pag-iwas ko sa sasakyan. Sapo ko ang ulo dahil naramdaman kong tumama iyon sa matigas na bagay.
"Are you alright?" tanong sa akin ng baritonong boses.
Hindi ko siya tinapunan ng tingin bagkus ay hinanap ko ang cart. Nanlumo ako ng makitang nawasak iyon. Pati mga tirang fishballs at kikiam ay kumalat sa kalsada. Sinubukan kong tumayo ngunit napaupo ako. Nahilo ako dahil siguro sa pagkakatama ng ulo ko sa kalsada. Sinubukan ko muling tumayo ngunit nawala ako sa balanse. Maagap niya akong hinawakan sa kamay at likod. Natanggal ang sumbrero sa aking ulo. Bumagsak ang mahaba kong buhok. Kapag ganitong gabi ay kinukubli ko ang pagiging isang babae. Nagsusuot ako ng maluluwag na damit at pantalon. Tinatali ang aking buhok at tinatago iyon sa sumbrero. Nagpapakalalaki ako sa suot ko dahil ayoko mapagdiskitahan sa kalye. Iyon din ang bilin ng aking ama.
Nag-angat ako ng mukha. Para akong nakakita ng Modelo sa isang magazine. Kahit nakakunot ang noo nito ay hindi nakabawas iyon sa kagwapuhan nito. Nanuot sa aking ilong ang pinaghalong amoy alak at pabango nito.
Muli kong sinulyapan ang cart na pinagkukuhanan namin ng pangkabuhayan. Umalis ako sa harap niya. Naglakad ako palapit sa mga kumalat na mga paninda. Kahit iyon na lang ang maisalba ko. Parang gusto ko umiyak habang pinupulot ko ang mga iyon. Mabuti na lamang at nasa gilid iyon ng kalsada napunta.
"Miss, dadalhin kita sa ospital," narinig ko muli ang boses nito. Sumunod pala siya sa akin. Umiling ako.
"H-hindi na, kailangan ko lang pulutin ito," gumagaralgal ang boses ko.
"Pero baka may masakit sayo. C'mon, I'll drive you."
"Okay lang po ako," tumayo ako at pinulot naman ang mga lalagyan ng sauce. Kahit iyon na lang ang maiuwi ko.
Natigilan ako ng nagpupulot din siya ng mga tumilapon na gamit. Atleast, hindi niya ako tinakbuhan. Nagpapasalamat na din ako at hindi siya ang tipo na tatakbuhan ang kasalanang ginawa. Pagkatapos pulutin ang mga gamit ay lumapit siya sa akin.
"Can I take you to the hospital, Miss?" tanong nitong muli. Tinitigan ko siya. Seryoso siya sa sinabi niya. Ngunit kapag nagpadala pa ako sa kanya sa ospital ay mag-aalala na ang aking ama.
Biglang humangin. Nilipad niyon ang mahaba kong buhok. Hindi nakaligtas sa mata ko ang pag-awang ng mga labi niya. Hindi ko alam kong bakit.
"Kailangan ko ng umuwi. Mag-aalala na ang tatay at kapatid ko sa akin," sambit ko.
Lumapit ako sa kanya at kinuha mula sa kanya ang mga pinulot nito.
"Salamat dahil hindi n'yo ako tinakasan. Malaking bagay na po sa akin iyon. Salamat po ulit," ngumiti ako sa kanya.
Bumaba ang tingin niya sa ibabang bahagi ng aking mukha partikular sa aking labi. Mahirap basahin kung ano ang iniisip niya.
Tumalikod na ako sa kanya. Sinulyapan kong muli ang cart. Napabuntong-hininga ako. Ilang araw akong hindi makakapagtinda. Hindi bale at mag-overtime na lang ako sa coffee shop na pinapasukan. Sa gabi lang ako maaari mag-overtime dahil sa umaga ay hindi ko maaaring gawin iyon sa grocery store na pinapasukan. Baka ma-late lang ako sa School.
Nagsimula na akong maglakad. Magpapaliwanag na lang ako kay tatay kung bakit wala akong cart na dala.
Nagulat ako ng may kumuha sa mga bitbit ko. Sinundan ko siya ng tingin. Nilagay niya iyon sa back seat ng sasakyan niya. Pagkatapos isara ang pintuan ng sasakyan ay binalingan niya ako.
"I'll drive you home. Hindi kita hahayaan maglakad lalo na at nag-iisa ka lang," turan nito.
"Let's go," umikot ito sa front seat at pinagbuksan siya ng pinto.
Nag-aalangan akong sumama sa kanya. Hindi ko siya kilala at lalong ngayon ko lang siya nakita. Paano kung pakitang tao lamang ang ginagawa niya? Paano kungmasamang tao pala siya?
"Hindi na po. Kaya ko na po umuwi mag-isa," muli akong naglakad ngunit kalaunay tumigil din ako. 'Yung mga gamit ko nasa kanya pala.
Pumihit ako paharap sa kanya. Para naman akong naparalisa ng makita ko ang guhit sa kanyang mga labi. Lalo lumabas ang kagwapohan niya ng ngumiti siya.
"Nagbago na ba isip mo?" nakangiti nitong turan. Umiling ako. Napalis ang ngiti nito sa labi.
"Kukunin ko sana yung mga nilagay n'yo sa sasakyan," sagot ko.
"Don't worry, I'm not the kind of guy na pagsasamantalahan ka. May konsensya naman ako. Sige na, ihahatid na kita sa inyo," iminuwestra nito ang kamay sa pintuan ng sasakyan. Hindi pa din ako kumilos. Nag-aalangan talaga ako. Paano kung sabi lang niya iyon?
"Okay, how can I prove to you na hindi ako masamang tao tulad ng iniisip mo? Look, it's a middle of the night. Hindi ako patutulugin ng konsensya ko kapag hinayaan kita mag-isa. Kaya sige na, let me drive you home," pangungumbinsi nito sa akin. Kumawala ako ng malalim na hininga.
"S-sige po," kinumbinsi ko ang sarili na wala sa hitsura niya ang gagawa ng masama. He's too handsome for a crime. Hindi bagay sa kanya.
Lumapit na ako sa bukas na pinto. Pumasok ako. Napapikit ako ng bahagya dahil nanuot sa aking ilong ang mabangong amoy sa loob. Sinara niya ang pinto. Umikot siya at binuksan ang pinto sa driver's seat. Hindi na ako naglagay ng seatbelt para handa ako sa maaari niyang gawin kung meron man.
Pagkasakay nito ay sinulyapan muna niya ako at umiling-iling. Marahil napansin nito na hindi ako nag-seat belt. Binuhay na nito ang makina at pinaandar ang sasakyan. Tinuro ko sa kan'ya kung saan ang daan pauwi sa aking tinitirhan. Nakahinga ako ng maluwag ng makita ko na binabagtas ng sasakyan nito ang daan pauwi sa bahay. Hindi nga siya masamang tao.
"So, naniniwala kana na hindi ako masamang tao?" pukaw nito sa aming katahimikan. Tumango lang ako kahit hindi ako sigurado kung nakita niya ang pagtango ko dahil nakatuon ang atensyon niya sa kalsada.
"Anyway, what is your name? And don't call me with po. Pinapatanda mo naman ako ng maaga n'yan," mahina siyang tumawa. Napangiti ako. Ang paraan ng pagtawa nito ay nakakahalina.
"Mierve, liko ka na lang sa kanto," turo ko sa kanya.
Tumunog ang cellphone sa bulsa ng aking suot na pantalon. Si tatay ang tumatawag. Sinagot ko iyon. "Tay, malapit na po ako," tinapos ko na ang tawag.
"Dito na lang. Salamat," baling ko sa kan'ya. Hininto niya ang sasakyan. Sinulyapan ko siya. Gusto ko itanong ang pangalan niya ngunit nahihiya naman ako. Ngunit hindi ko na yata kailangan mag-abala pa dahil nakangiti niyang inilahad sa akin ang kanyang kamay.
"I'm Drixx," pakilala nito. Nag-alangan naman akong abutin ang kamay niya dahil pakiramdam ko napakalambot niyon kumpara sa kamay ko na magaspang. Nanatili lang akong nakatitig sa nakalahad niyang kamay. Ngunit siya na din ang gumawa ng paraan para makadaupang palad kami. Hindi ako nakagalaw ng hawakan niya ang kamay ko.
"Nice meeting you, Mierve," nakangiti nitong tugon. Hindi nga ako nagkamali. Napakalambot ng kamay niya at napakakinis. Kasing kinis ng mukha niya na hindi yata tinubuan ng kung ano sa mukha.
"B-Bababa na ako. Salamat sa paghatid," sinulyapan ko ang mga kamay namin na magkadaupan pa din.
"Oh, sorry," bumaba na ako ng sasakyan niya. Kukunin ko na sana ang mga lalagyan na nilagay niya sa back seat ngunit siya na ang kumuha niyon. "So, where's your house?" nakangiting tanong nito.
"H-ha?" tumawa siya sa naging reaksyon ko.
"Lulubusin ko na. Ihahatid na kita sa inyo. Anyway, kailangan ko din magpaliwanag sa magulang mo."
"Naku! hindi mo na kailangan mag-abala. Ako na lang bahala magpaliwanag," akma kong kukunin ang hawak niya ngunit iniwas niya iyon.
"Mierve, please, Hindi ka na nagpadala sa ospital. Hayaan mo ako ang magpaliwanag," pakiusap nito. Nakikita ko sa mga mata niya kung gaano siya kasinsero. Kumawala ako ng isang malalim na buntong-hininga.
"Sige," nagsimula na akong maglakad ngunit kalauna'y tumigil ako. Sinulyapan ko ang sasakyan niya. Sa lugar namin ay maraming gago. Mabuti na lamang at mga tulog na ang siga sa lugar nila sa ganitong oras. Pumasok kami sa isa pang kanto. Sa bandang dulo pa kasi ang bahay namin.
"How old are you, Mierve?" tanong nito habang binabagtas namin ang masikip at madilim na daanan patungo sa bahay.
"25," tipid kong sagot.
"You don't really look like 25," pasimple akong ngumiti.
"Ikaw, ilang taon ka na?" balik tanong ko sa kan'ya. Pakiwari ko ay nasa mid-twenties na siya.
"I'm 35 years old," sa sinabi niyang iyon ay huminto ako. Sinulyapan ko siya. Pilyo ang ngiti nito. Kalauna'y tumawa siya ng mahina.
"See, you don't believe me as I don't believe your age, either. So, pareho lang tayong hindi totoo ang sinasabi. Am I right?" Alanganin ako ngumiti sa kan'ya.
Nasa tapat na kami ng bahay ng muli ko siyang sulyapan. Kumunot ang aking noo. Nakatingin siya sa akin. Hindi ko mabasa ang nasa isip niya.
"Nandito na tayo," anas ko. Para naman itong natauhan. Inikot nito ang paningin sa buong lugar. May bakas ng pagtataka sa mukha nito. Marahil hindi nito napansin ang dinaanan namin kanina.
"Squatter dito. Dikit dikit ang bahay. Maswerte ang sasakyan mo dahil tulog na ang mga siga sa lugar namin." Pahayag ko.
"I see," tumango tango ito. Wala akong nabakasan ng pagkadismaya sa mukha niya. Nanatili lang siyang nakangiti.
"Iniisip mo ba na tulad ako ng iba na tumitingin sa istado ng buhay?" tinitigan ko siya. Pakiwari ko ay magaling siya magbasa ng iniisip. Ngayon lang ako nakakilala ng katulad niya na wala yata pakialam kahit gusgusin ka pa tingnan. Ngumiti ako sa kanya. Tinuon ko na ang atensyon sa maliit naming pintuan. Kumatok ako. Kapag ganitong oras na ay nag-lalock na ng pinto ang aking ama. May mga adik kasi sa lugar namin na basta basta na lang pumapasok ng bahay. Wala ako narinig na sumagot.
"Tay, nandito na po ako," ngunit wala pa din ako naririnig na nagbubukas ng pinto.
Tinulak ko ang pinto ngunit hindi iyon naka-lock. Nagtaka naman ako dahil pagbukas ko ng pinto ay sarado ang mga ilaw. Hindi ugali ng aking ama at kapatid na magsara ng ilaw lalo pa at wala pa ako.
"Is there something wrong?" mahinang wika sa akin ni Drixx.
"Hindi ko alam e. Hindi ugali ng tatay ko na matulog ng maaga lalo pa at wala pa ako," mahina ko ring wika. Isa pa kakatawag lang ni tatay kanina. Ibig sabihin gising pa ang aking ama. Humakbang ako papasok. Kinapa ko ang switch ng ilaw sa gilid ng pinto.
"Happy 18th birthday, Anak!"
"Happy 18th birthday, Ate!"
"Happy 18th birthday, Erve!" sabay sabay na bati sa akin ng buksan ko ang ilaw. Si tatay iyon. Katabi nito ang kapatid ko na may hawak na cake. Habang katabi naman ng kapatid ko si Bart at si Sandra. Kapwa mga kaibigan ko.
"Tay! Nagulat ako sa inyo," lumapit ako sa ama. Niyakap ko siya. "Salamat po. Sana hindi na kayo nag-abala. Gastos lang po iyan," anas ko sa mga kasama sa loob.
"Pambihira ka naman, Erve. Hindi na nga natin na-celebrate ang birthday mo n'ong isang taon. Syempre hindi namin pwede palampasin ito. Sa wakas dalaga ka na. Pwede ka ng ligawan," sabi ni Bart.
"Siraulo," nagtawanan kami. Tumigil kami sa pagtawa ng may tumikhim. Nawala sa isip ko na may kasama pala ako. Pumihit ako paharap sa pinto. Hindi nakaligtas sa mata ko ang madilim na mukha ni Drixx. Kalauna'y naglaho iyon ng sumulyap siya sa akin. Kasabay niyon ang isang ngiti
"Hala! Bakit Hindi mo sinabi na may boyfriend ka, Erve. Nakakatampo ka naman," reklamo ni Sandra. Sinulyapan ko ang kaibigan. Napansin ko ang malagkit na tingin na pinupukol niya sa kasama ko. Umiling ako. Kabisado ko ang ganoong tinginan.
"Baliw," lumapit ako kay Drixx. Kinuha ko mula sa kanya ang mga hawak niya. Nilagay ko iyon sa lamesita. Tahimik ang lahat. Marahil hinihintay nila ang sasabihin ko.
"Tay, si Drixx po," pakilala ko sa kanya. Lumapit si Drixx sa ama. Hindi ko inasahan ang ginawa niya. Kinuha niya ang kamay ng aking ama at nagmanong. Ang ini-expect ko ay makikipagkamay lang siya. Sa nakita ay natuwa ako. Magalang na lalaki si Drixx.
"Magandang gabi po," nakangiti nitong bati sa aking ama. Nagtataka naman akong tiningnan ng ama. Mamaya na lang siguro ako magpapaliwanag kung bakit may kasama ako. Binalingan nito ang aking kapatid. Tila naman nahimasmasan ang kapatid dahil simula ng makita niya si Drixx ay nakatitig na ito sa kasama ko. Inilahad ni Drixx ang kamay sa kapatid ko. Dahil may hawak itong cake ay binigay muna nito iyon kay tatay.
"Mandy po. Kapatid ni Ate Mierve," pakilala nito sa sarili.
"Nice to meet you, Mandy," binalingan naman nito ang aking dalawang kaibigan. Kakaiba ang tingin ni Bart kay Drixx.
"Drixx, pare," nakalahad na ang kamay ni Drixx ngunit nanatili lang na nakatitig si Bart sa kaharap. Kalaunay inabot na nito iyon.
"Bart, soon to be," pilyo akong tiningnan ni Bart ng sinabi niya iyon. Umikot ang aking mata. Tinaas ko ang kamay at kinuyom ko ang kamao.
"Hi, I'm Sandra," singit ng kaibigan kahit magka daupang palad pa si Bart at Drixx.
Hindi na ito nakatiis. Natatawa ako sa kaibigan dahil mapang-akit ang ngiting binitawan nito kay Drixx. Nakalahad na ang kamay nito. Narinig ko ang impit nitong tili ng hinawakan na ni Drixx ang kamay nito.
"Ang lambot naman ng kamay mo, Drixx. Mayaman ka?" walang pakundangan nitong tanong. Tumawa lang si Drixx.
Base sa kasuotan at sa pananalita nito ay halatang may sinasabi ito sa buhay. Idagdag pa doon ang magarang sasakyan nito.
"Sandra, itigil mo nga 'yan," saway ko sa kaibigan. Hindi pa din nito binibitawan ang kamay ni Drixx. "Baka isipin nung tao sabik tayo sa mga mayayaman." Pagkasabi ko niyon ay sinulyapan ko si Drixx. Salubong ang kilay nito.
"Nanliligaw ka ba sa anak ko, iho?" napaawang ang bibig ko ng sinabi iyon ni tatay.
"Tay!" bulalas ko. Nakakahiya. "Tinulungan lang po ako ni Drixx."
"Maupo ka muna, Kuya Drixx," sabat ng aking kapatid.
"Uuwi na siya Mandy. Hinatid lang niya ako," anas ko ng uupo na sana si Drixx.
"It's your birthday tapos papauwiin mo na ako. Parang masarap pa naman yung cake," sinulyapan nito ang cake na hawak ng aking ama. Saka siya tuluyang umupo. Muntik na akong matawa ng hinila ni Sandra ang kamay ni Bart para magkapalit sila ng pwestong dalawa at agad itong naupo sa tabi ni Drixx. Si Bart na naupo na lang habang napapakamot sa ulo.
"Ano ba nangyari, anak. Bakit ka tinulungan ng binatang ito?" tanong ni tatay. Naupo na din si tatay at nilagay sa lamesita ang cake na hawak.
"Hindi ko po sinasadya, Sir. Muntikan ko na po mabangga ang anak ninyo," napasinghap si Sandra at Mandy. Si Bart naman ay napamura. Tumayo si Bart at lumapit sa akin. Tiningnan niya ang braso ko.
"May masakit ba sayo?" tanong nito. Umiling ako.
"Ayos lang ako. Pero kasi yung cart natin, Tay," napakagat labi ako habang nakatingin sa aking ama. Paano ko ba sasabihin na nawasak na iyon at hindi na mapapakinabangan.
"Ako na po bahala magpaayos sa cart ninyo," muling turan ni Drixx. Kunot noo ko siyang tiningnan. Ngunit hindi siya sa akin nakatingin kung hindi sa kamay ni Bart na nakahawak sa aking braso. Blangko ang ekspresyon ng kanyang mukha.
"Mabuti naman kung ganun. Pasalamat na lang tayo at walang nangyari sayong masama at hindi ka tinakbuhan nitong si Drixx. Mabait na bata pala itong si Drixx kung gayon." Nakangiti na ang aking ama.
Masaya namin pinagsaluhan ang cake na binili ni Bart. Pinaghandaan daw talaga niya iyon para sa kaarawan ko. Nagpasalamat ako sa kanya. Si Sandra, Mandy at tatay ay nakikipagkwentuhan kay Drixx. Mukhang nakapalagayan na agad nila ng loob si Drixx. Habang si Bart naman ay nakasunod lagi sa akin kung saan ako pupunta. Para itong buntot ko. Tinitingnan pa din niya kung may galos ako. Hinampas ko siya sa braso dahil nabangga ko na siya ng pumihit ako paharap. Nasa likuran ko pala siya. Pumunta ako ng kusina para hugasan ang mga garapon na pinaglagyan ng sauce.
"Bart, tumigil ka nga sa kakasunod sa akin. Okay nga lang ako," sabi ko sa kanya habang natatawa.
"Baka kasi may gasgas ka. Iniingatan nga kita tapos magagalusan ka naman pala. Abay hindi naman pwede 'yan." Seryoso nitong wika.
"Sira, Umalis ka nga d'yan. Nakaharang ka sa daanan ko," tinulak ko siya.
"Ayo--"
"Mierve," napalingon kami sa pinanggalingan ng boses. Seryoso ang mukha nito.
"Uuwi na ako," paalam nito.
Hinatid ko siya kung saan nakapark ang sasakyan niya. Sinamahan naman ako ni Bart.
"Salamat ulit," sambit ko ng papasok na siya sa driver's seat. Ngumiti siya sa akin.
"Don't thank me. Anyway, Happy 18th birthday." Pagkasabi nito ay pumasok na ito sa sasakyan at nilisan na ang lugar nila.
Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan habang tinititigan kong papalayo ang kanyang sasakyan. Bakit parang gusto ko pa siyang makitang muli?