"Mama, iyak ikaw?" inosenteng tanong sa akin ni Diday. Pasimpleng pinunasan ko ang aking mga mata. Pilit ang ngiting hinarap ko ito. Mula sa pagkakaupo sa monoblock chair ay tumayo ako at tinabihan ito sa kama. "Hindi po ako umiiyak baby. Napuwing lang si Mama," pinasigla ko ang tinig upang itago ang sakit ng dadamdamin. "Hiyop ko Mama." Hinawakan niya ako sa magkabilang pisngi at hinila palapit sa mukha niya. Hinipan at hinalikan niya ang magkabila kong mata. "Wala na puwing Mama!" nakangiting wika nito. Ramdam ko ang muling pagtutubig ng mata ko sa tinuran ni Diday. Mahigpit ko itong niyakap. Mahapdi na ang mga mata ko dahil sa hindi maampat-ampat na pagluha. Nabablangko ang isip ko sa lahat ng nangyayari. Parang mas gusto ko na lang mamanhid upang tuluyang hindi maramdaman ang

