Ang pang-umagang sikat ng araw mula sa Silangan ay nagdudulot ng init na nakakaaya sa pakiramdam. Ang tunog ng alon ay tila musika sa aking pandinig na animo hinihele ako. Iniangat ko ang aking mukha mula sa pagkakapatong sa aking tuhod at tinanaw ang kalawakan ng malakristal na dagat. Hinawi ko ang aking buhok at iniipit ang ilang tumakas na hibla sa likod ng aking tenga. Nakakaengganyo ang bawat hampas ng tubig sa laot. May mangilan-ngilan akong natanaw na nagtatampisaw sa baybayin. Tumayo ako at pinagpag ang mga pinong butil ng buhangin na dumikit sa laylayan ng suot kong saya ng makita ang pagdaong ng isang maliit na bangkang de motor. Nagsimulang magkumpulan ang mga tao na tulad ko ay nag-aabang sa pagdating nito. Bitbit ang isang maliit na plastik na balde ay humakbang ako papalapi

