ZEPHYR'S P.O.V:
"CATALEEN! Cataleen!" malakas na sigaw ko upang tawagin ang kapatid ko at siya namang pagbukas ng aking kwarto at pumasok siya.
"Ano ba 'yon? Ang aga-aga, ate, parang wang-wang yang bibig mo," inis na wika niya at mukhang kagigising pa lang ng bruha.
"Nakita mo ba 'yong ID ko?" mabilis na tanong ko sa kanya.
"Anong ID?" takang tanong niya at pumipikit-pikit pa ang kanyang mga mata.
"Yung ID na ginagamit ko sa pag-ra-raket bilang modelo. Nakita mo ba?" desperadang tanong ko at ibinuhos ko pa sa ibabaw ng aking kama ang laman ng bag ko ngunit wala doon ang hinahanap ko.
"Ate, hindi po ako nakikialam ng gamit mo kaya wala akong ideya kung anong ID ang hinahanap mo. Babalik na ako sa kwarto ko, inaantok pa ako."
Ay ang galing talaga ng batang to.
Bigla akong nilayasan ni Cataleen ngunit hindi ko na lang siya pinansin at muling hinalughog ang gamit ko na nasa ibabaw ng kama ngunit wala talaga doon ang ID na hinahanap ko.
"Anong katangahan na naman ang ginawa mo Zephyr Aethera Fortalejo!? ID na lang naiwala mo pa?" inis na sermon ko sa aking sarili at saka muling ibinalik sa bag ang mga gamit na nagkalat sa aking kama.
Importante kasi sa akin ang ID na 'yon dahil yun lang ang paraan upang makapasok ako sa entertainment na pinagtatrabahuhan ko kaso ako naman itong si tanga, hindi alam kung naiwan ba sa set, sa sasakyan o dito sa kwarto ko.
Inayos ko na lang ang gamit ko at saka naghanap ng pwedeng maisuot mula sa cabinet ko dahil meron akong trabaho ngayon.
Hindi ko talaga maalala kung saan ko naiwala ang ID ko kaya hinayaan ko na lang muna at saka ako nagbihis dahil may photoshoot ako ngayon sa isang summer collection ng mga bikini.
Habang abala ako sa paglalagay ng kolorete sa aking mukha, biglang tumunog ang cell phone ko kaya agad ko itong sinagot nang hindi tinitignan kung sino ang caller at basta ko na lamang itong inilagay sa aking tainga.
"Hello?" bungad ko sa taong nasa kabilang linya.
"Can I talk to Zephyr Aethera Fortalejo?" ani ng taong malamig at malalim na boses ngunit masarap yun sa pandinig.
"Ako nga, sino 'to?"
"Can you meet me at Trev O Grill restaurant at 6 p.m if it's alright with you?"
Kinangina sa english, dudugo pa yata ang ilong ko.
"Bakit naman ako makikipagkita sa'yo? Talent Manager ka ba o nakasinghot ng katol--"
"I have your ID." Mabilis na putol niya sa aking sinabi kaya natigilan ako sa paglalagay ng eyeliner sa mata ko.
Inilapag ko 'yon at itinuon ang atensyon sa lalaking kausap ko.
"ID?"
"Yes. I saw this the other night outside the hospital where I was working so if you want me to give it back to you, meet me at TOG."
"Fine, pupunta ako."
Siya na mismo ang nagpatay ng tawag at napakunot na lamang ako ng aking noo at hindi na lamang pinansin ang tawag na 'yon.
Nang maayos na ang aking itsura, lumabas ako ng kwarto at nadatnan ko si Cataleen na natutulog sa sala kaya sinapak ko ang pwet niya.
"Hoy, pumasok ka sa kwarto mo," utos ko sa kanya.
Tagpi-tagpi na nga lang ang bahay namin, bumabalandra pa siya sa sala.
"Ate, inaantok pa ako," aniya at tila antok na antok talaga.
"Aalis na ako. Ilock mo na lang 'tong pinto at huwag kang basta-basta magpapasok ng kung sino."
"Opo. Ingat."
Napailing na lang ako at saka tuluyang lumabas ng bahay habang sukbit ang bag pack sa aking likuran at nagsimula nang maglakad palabas ng squatters area kung saan kami naninirahan ni Cataleen.
Sanggol pa lang siya ay ako na talaga ang nag-aalaga sa kanya mula nang iwan kami ng magulang namin at ako na ang tumayong magulang niya.
Mahirap magpalaki ng kapatid lalo na't bata lang din ako ngunit wala akong magagawa kundi ang makipagsapalaran sa hirap ng buhay.
Iba't-ibang raket na ang pinasok ko para lang masustentuhan ng maayos ang kapatid ko ngunit ang isa sa mga raket na ginagawa ko ay isang sikreto na walang ibang nakakaalam kundi ang sarili ko lang.
"Zephyr, ang ganda mo talaga. Papasok ka na sa trabaho?" biglang tawag ni Manong Dado, isa sa mga kapitbahay namin na walang ibang ginawa kundi ang uminom kasama ang ilan pang kalalakihan dito sa amin.
"Ang aga naman ng alak na 'yan, Mang Dado. Tatagal ka pa ba sa mundo?"
Natawa si Mang Dado sa akin tinuran at inabutan ako ng shot glass ngunit tumanggi ako.
"Matagal mamatay ang masamang damo kaya hanggat humihinga tuloy lamang ang tagay."
"Oo nga, Zephyr."
"Ewan ko sa inyo. Basta Mang Dado ha, kapag may nakita kayong umaaligid na lalaki kay Cataleen, iligpit niyo agad. Bata pa ang kapatid ko."
"Aba, oo naman. Maaasahan mo kami dyan. Mag-iingat ka sa trabaho mo."
"Sige ho."
Iniwan ko na sila at tuluyan na akong lumabas ng squatter at bumulaga sa akin ang ingay ng kalsada at kaliwa't-kanang polusyon.
Nagpara ako ng taxi at agad na nagpahatid sa Shaniah's Botique.
Kahit anong kayod yata ang gawin ko, hindi ko maialis si Cataleen sa squatter. Himala na lang talaga kung may dumapong pera sa palad ko.
"Zephyr!" tili ni Jenny Rose nang makita akong pumasok sa loob ng botique matapos kong makapag bayad sa taxi.
Jenny Rose Villegas, isa sa mga kaibigan na itinuturing ko sa mundo ng pagmomodelo.
"Ang aga-aga, parang serena na naman ng wang-wang yang bunganga mo." Natatawang sambit ko at niyakap ni Jenny ang braso ko at hinila ako papasok sa area kung saan ako kukunan ng litrato.
"Girl, ang gaganda ng bikini na ilalabas ni Miss Shanaiah at sigurado akong bagay 'to sa'yo."
Dinala ako ni Jenny sa lamesa kung saan naroon ang ilang piraso ng bikini at napangiwi ako dahil halos kitang-kita na ang kaluluwa ko ngunit wala akong ibang pagpipilian.
Alipin ako ng salapi.
"Mag bihis ka na at itong itim ang isuot mo para makapagsimula na tayo," ani ni Jenny at itinulak pa ako papunta sa dressing room.
"Kumalma ka di ba? Ito na nga, isusuot na."
"Bilisan mo!"
Napailing na lang ako at saka hinubad ang damit na suot ko at pinalitan ng bikini na siyang imomodel ko. Agad akong lumabas ng dressing room at handa na ang lahat para sa photo shoot.
"Oh my God! Bagay talaga!" tili ni Jenny nang makita ako. "Sure ako maglalaway ang mga lalaking bibili sa magazine na ilalabas ni Miss Shanaiah, ang ganda mo talaga!"
"Bolero ka ah. Simulan na natin ang shoot dahil marami pa akong gagawin."
"Iba talaga ang fully sched lagi, tara na nga."
Agad na akong iginiya ni Jenny sa gitna at pumwesto na rin ang photographer para sa shoot na gagawin ko.
Sampung piraso yata ng bikini ang sinuot ko at iba-iba ang disenyo ngunit isa lang ang kalalabasan - wala nang maitago ang kaluluwa ko.
"Okay that's enough. Pack up na tayo!" sigaw ng photographer kaya bumagsak ang balikat ko dahil sa pagod at walang pahingang panlalandi sa harapan ng camera.
"O tubig, kumain ka muna bago umalis," ani ni Jenny sa akin nang abutan niya ako ng bottled water at isang sandwich.
"Anong oras na ba?" tanong ko habang sinusuot ang bathrobe na nakalagay sa upuan na para sa akin.
"Alas dos pa lang naman ng hapon. Sabi ni Miss Shanaiah mamaya ka na raw umuwi."
"Hindi ako pwedeng abutin ng gabi, Jenny. May mga tao pa akong dapat kausapin."
Napangiwi siya sa aking tinuran. "Hindi ka ba napapagod sa dami ng trabaho na inaasikaso mo? Pakiramdam ko, ako yung magbi-break down dyan sa ginagawa mo."
Isang malalim na pagbuntong-hininga ang aking binitawan, "Jenny, alam mo naman ang sitwasyon ko di ba? May kapatid akong pinapaaral kaya hanggat kaya kong magsakripisyo ay gagawin ko. Para rin naman sa amin tong ginagawa ko."
"Bakit kasi hindi ka na lang maghanap ng lalaking mayaman para maiahon kayo sa hirap?"
"As if napakadali ng suhestiyon mo. Dyan ka na nga, mauuna na ako. Salamat sa tubig at sandwich." Tumayo na ako sa aking kinauupuan at naglakad pabalik sa dressing room kung saan naroon ang damit ko.
"Hoy, hindi ka na ba kakain? Magpahinga ka muna kahit five minutes lang!" sigaw ni Jenny.
"Huwag na! Sa restaurant naman ang pupuntahan ko kaya doon na lang ako kakain." Balik na sigaw ko.
Sana nga totoo ang sinabi ng lalaking 'yon na nasa kanya ang ID ko dahil kung hindi, siguradong lilipad ang kanyang ulo sa ere.