CHAPTER 01
"Then, welcome to your new place Zaf." -- Shienna Torres
CHAPTER 01
Dwelling
"ZAFANIA! Sigurado ka bang gusto mong lumipat? Okay lang naman sa akin kahit na rito ka tumira." Huminto ako sa pag-aayos ng mga damit ko at hinarap ko ang babaeng nasa likod ko.
Nginitian ko ito pero bakas pa rin ang lungkot sa mga mata niya. "Ate Shi sa pasukan college na ako. Gusto ko naman matutong mag-isa hindi laging dumidepende sa iba." Tumalikod ako sa kanya at pinagpatuloy ang pag-aayos.
Narinig kong napabuntong-hininga siya at bahagyang naglakad patungo sa harap ko at umupo ito sa kama. "Pero Zafania hindi ka sanay na walang kasama-"
"Hindi ako sanay o baka ikaw ang hindi sanay? Look Ate Shi, i'm already 17 for pete sake! I can live by myself." Tinarayan ko siya at isinara ang maleta na nasa harap ko. "Pwede ka naman dumalaw-dalaw doon Ate, kayo ni Kuya Lach. Hindi naman malayo iyon diba?" Nginitian ko siya, kahit na alam kong ayaw niya pa rin sa gusto ko.
Tumayo ito mula sa pagkakaupo, simpleng tinignan ang isang bag ko at isang maleta saka siya muling tumingin sa akin. "Ano pa nga bang magagawa ko?" Ngumiti ito at lumapit sa akin. "Mamimiss kita baby Zaf." Naiiyak na usal niya at bigla niya akong sinunggaban ng yakap.
Ngayon pa lang namimiss ko na rin si Ate Shi, siya lang ang kumupkop sa akin dito sa Maynila at siya rin nag-alaga sa akin sa dalawang taon na pananalagi ko rito.
"Tara na nga! Baka hindi na kita palabasin dito! Hatid ka na namin." Natatawang sabi niya nang matanggal na niya ang pagkakayakap sa akin.
Tinulungan na ako ni Kuya Lach bitbitin ang gamit ko at si Ate Shi na ang nagtawag ng tricycle na sasakyan namin. Magpinsan kami ni Ate Shi, umuwi ako ng Maynila para ituloy ang pag-aaral ko sa highschool isang taon lang akong huminto, nag 3rd year at 4th year ako si Ate Shi ang kasama ko, itong last year lang ni Ate Shi naging boyfriend si Kuya Lach at mas matanda sila ng tatlong taon sa akin kaya ako pa yata ang ginagawa nilang baby.
Medyo na-eexcite ako sa apartment na lilipatan ko, hindi ko pa iyon nakikita at sila Ate Shi lang ang naghanap ng apartment na iyon busy kasi ako mag-apply ng scholarship sa ibang university at kung sinuswerte naman natanggap ako sa kilalang unibersidad pa at natupad pa ang unang choice ko na course which is Psychology. Kung minsan iniisip ko kung swerte nga ba o ito talaga ang tadhana ko.
Ilang minuto lang ang nakalipas narating namin ang apartment na titirhan ko. Sa likod nakasakay si Kuya Lach para hawakan ang maleta ko at sa loob naman kami ni Ate Shi. Nang makababa na ako sa tricycle, bumungad sa akin ang isang may pagkalumang tenement. "Nakakatakot naman diyan!" Singhal ko kay Ate Shi.
Natatawang inakbayan naman ako nito. "Then, welcome to your new place Zaf." Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi ni Ate Shi, matalim ko siyang sinulyapan na nananatili lang nakatingin sa harap naming tenement.
"Ate Shi, sabi mo apartment tapos ngayon... Shit." Bigla akong napamura sa matandang pababa ng hagdan.
May ordinaryong kwintas ito at ang pendant ay isang tanso na krus. Hindi naman siya nakakatakot pero paulit-ulit niyang binibigkas ang salitang, 'Hesusmaryosep, Hesusmaryosep, Hesusmaryosep sa pangalan ni Hesus lumayo ka.' Nang nakatitig siya sa akin ng masama. Nag-iwas ako bigla ng tingin sa matanda... Creepy.
"Look Ate! Hindi lang creepy ang tenement na ito pati ba naman ang mga nakatira?" Diing bulong ko sa kanya pero umiling na lang ito at ngumisi.
"Mura rito, no choice or better back-off?" Ngising taas kilay pa nitong tanong.
Iritang inirapan ko siya at nagsimulang maglakad. Bwisit! Kapag ako nakahanap ng part-time job aalis talaga ako rito!
"Hoy Zafania! Sa 3rd floor!" Dinig kong sigaw ni Kuya Lach at sinundan pa ito ng matitining na halakhak ni Ate Shi. Nakakainis talaga! Kahit kailan silang dalawa laging magkasundo sa lahat ng kalokohan!
Habang paakyat ako ng hagdan hindi ko maiwasan na hindi magmasid sa mga tao sa paligid ko. Kung nag-aaral na siguro ako maiintindihan ko ang bawat behavior nila, bigla tuloy akong na-excite pumasok sa college!
Sa bawat taong nakikita ko may mukhang matitino naman at may mga mukhang hindi talaga mapagkakatiwalaan. Hanggang 5th floor lang ang tenement na ito base sa nakita ko kanina, wala pang pintura at talagang mukhang hitsurang lumang-luma na. Paano kaya kung lumindol? Edi guho agad ito?
"Zaf, hintayin mo kami ng Ate mo!" Rinig kong sigaw ni Kuya Lach na malapit na akong maabutan sa hagdan.
Buti na lang nasanay akong umakyat sa hagdan noong highschool kaya't hindi na ako gaanong nahihirapan. "Zaf, sa pangalawang pinto 066." Hingal na hingal na usal ni Ate Shi nang tuluyan na kaming nakaakyat sa 3rd floor.
Bahagya akong humugot nang paghinga at naglakad papunta sa 066 room. Ilang sandali akong naghintay sa harap 'non nang makarating na rin sila Kuya at Ate na hingal na hingal pa rin. "Oh buksan mo na." Inabot sa akin ni Ate ang susi ng pinto na iyon.
Bago ko pa man iyon binuksan patago akong tumingin sa kaliwa't-kanan ko, may mga nakatambay sa harap ng pinto at ang iba nama'y nagsasampay ng mga damit. Kokonti lang ang tao rito kumpara sa una at pangalawang floor.
Nang nai-unlock ko na ang doorknob gamit ang susi, dahan-dahan ko itong pinihit. Hindi ko alam kung bakit pero nakaramdan ako ng kaba sa dibdib ko.
"Pasok na Zaf! Nakakapagod!" Sigaw ni Kuya Lach sa akin pero hindi ko ito pinansin.
Napatunganga lang ako sa harap ng pinto, naramdaman kong pumasok na sina Kuya at Ate sa loob pero ako nanatiling nakatayo sa labas.
Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba ito o baka sa kapit-bahay lang pero...
May narinig akong sumitsit mismo sa tainga ko.
* * *
"Ate, dito ka muna matulog." Kanina pa nakauwi si Kuya Lach at si Ate Shi na lang ang naiwan dito para tulungan ako sa paglilinis ng bagong nilipatan ko.
"Hindi pwede may summer class pa ako. Kung gusto mo mga bandang hapon punta ka na lang sa bahay." Nginitian niya ako at kinuha ang bag niyang nasa lamesa. "Alis na ako. Ituloy mo na ang paglilinis diyan. Bukas ihahatid na lang namin dito iyong kama mo. Sa papag ka muna matulog, maglatag ka-"
"Oo na Ate. Alam ko na ang gagawin ko." Naiiling sambit ko sa kanya. Ngumiti ulit ito at bahagyang kinurot ang ilong ko. "Aray Ate!" Reklamo ko sabay tabig ng kamay niya. "Alis ka na nga!" Singhal ko sa kanya habang tinutulak siya palabas ng apartment na ito.
"Ikaw! Yabang mo porket may bago ka ng apartment!" Tumawa siya nang tuluyan ng nasa labas ng pinto. "I-lock mo iyan! Alis na ako Zaf. Mag-iingat ka baka mamaya may..." Bigla siyang sumitsit at tumawa.
"Ate naman!" Kaninang naglilinis kami rito naikwento ko sa kanilang dalawa ni Kuya Lach na may sumitsit sa tainga ko. Pero hindi naman sila naniwala dahil baka nga iyong mga nakatira lang daw sa katabing pinto ang sumitsit sa akin o baka guni-guni ko lang.
"O siya alis na ako. Ingat ka riyan Zaf." Hinalikan ako ni Ate sa pisngi at tuluyan na itong naglakad paalis sa akin.
Nakatitig lang ako sa kanya habang naglalakad hanggang sa bumaba siya ng hagdan. Nang hindi na siya matanaw ng mga mata ko isinara ko na ang pinto at nilock ito agad.
Napabuntong-hininga na lang ako sa sarili ko. Ito ang unang gabi na mag-isa lang ako, buti kanina bago umalis si Kuya Lach bumili pa ito ng pagkain sa Mcdo na malapit lang sa lugar dito sabay kaming kumain ni Ate Shi matapos kaming maglinis. Katamtaman lang ang lawak ng nakuha nilang unit, kung tutuusin maluwag pa ito para sa akin. Sabi nila Kuya Lach at Ate Shi ito na raw ang pinakamaliit na unit sa buong tenement kaya kinuha na nila at mura raw.
Maliit lang ang sala ko rito at konting hakbang lang kusina na at katabi ng kusina ay banyo. Sa tapat ng banyo naroon naman ang kwarto ko. Maliit lang ang pinagiikutan ng loob dito, sakto lang para sa akin dahil nag-iisa lang naman ako. Kanina lang pinadeliver ni Kuya Lach ang maliit na sofa na binili nila ni Ate ito ang regalo nila dahil graduate na ako ng highschool at pumasa ako sa isang Unibersidad. May nakalagay ng lamesa rito kaya hindi na namin kailangan bumili pa, may tatlong abstract painting na nakalagay sa isang frame at nakasabit ito sa dingding ng sala.
Sa loob ng kwarto ko may painting ulit na isang triangle at sa triangle na iyon may nakapatong pa na isang triangle pero pabaligtad naman. Medyo creepy dahil sign daw iyon ng demon sabi ni Kuya Lach pero ang cute ng painting halatang pinaghirapan. Gusto nilang tanggalin iyon sa kwarto ko pero hindi ako pumayag dahil nagustuhan ko. Art naman iyon at hindi nakakatakot.
Siguro magaling na pintor ang dating tumira rito. May mga naiwan pang paintbrush sa sulok ng kwarto itinabi ko ito sa isang karton baka sikat ang may-ari 'non edi may souvenir pa ako. Sobrang tahimik sa floor na ito, siguro kung may ingay man na maririnig sa 1st at 2nd floor lang iyon nanggagaling. Gusto ko sana makipagkaibigan sa katabi kong unit kaso baka natutulog na iyon siguro bukas na lang ng umaga.
Pasado alas-dies na ng gabi nang matapos ako sa lahat ng liligpitin ko, malinis na rin sa bawat sulok dito. "Teka. May dala pala akong speaker!" Biglang sambit ko sa sarili ko nang maalala kong may speaker pala akong dala. Buti na lang nakabili pala ako nito noong may paluwagan kami ng mga kaibigan ko.
Kinuha ko na ang speaker sa isang maliit na karton. Mini speaker at radio ito, kahit medyo sabog ang speaker pwede na rin ito kaysa naman puro kuliglig ang naririnig ko.
Nang binuksan ko ang speaker at pinindot ko sa radio mode, hininaan ko ng konti ang volume. Iniwan ko ito sa lamesa at hinayaan tumugtog. Matutulog na sana ako nang makaramdam ako ng panlalagkit sa katawan ko, sobrang pagod na pagod ako nakakatamad ng maligo pero hindi ko kayang matulog na amoy pawis ako.
Kumuha ako ng tuwalya sa kwarto ko at pumasok na sa banyo. Nang mahubad ko na lahat ng saplot sa katawan ko binuksan ko ang shower dito. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko nang maramdaman ko ang malamig na tubig na gumuguhit sa noo ko pababa mula sa mukha ko hanggang sa buong katawan ko. Nanatili pa rin akong nakatingala habang nakapikit pilit sinasamyo ang malamig na tubig na bumabalot sa buong katawan ko. Nakakarelax sa pakiramdam lalo na't pagod na pagod ako ngayon.
Ilang minuto kong hinayaan dumaloy ang tubig sa katawan ko sumasabay ako sa pagkanta ng radio ko, mahina kong naririnig ang tugtog 'non mula sa labas hanggang dito sa loob ng banyo. Nagsasabon ako ng katawan habang pakanta-kanta pa rin, magbabanlaw na sana ako nang marinig kong palakas nang palakas ang volume ng radio ko.
Pinatay ko ang shower at mariing nakinig sa tugtog.
Bumalik ito ulit sa mahinang tunog.
Baka guni-guni ko lang iyon, kaya't binaliwala ko na lang at mabilis na tinapos ang pagliligo. Lumabas ako sa banyo at nagbihis sa kwarto ko, naglatag ako ng papag sa simento. Hindi ko na pinakialaman ang radio na nasa lamesa, hinayaan ko lang iyon tumugtog mayamaya mawawalan na rin ng baterya.
Patay ang ilaw ng kwarto ko pero bukas ang bintana rito, pumapasok ang liwanag ng buwan mula rito sa kwarto ko. Nakatitig lang ako sa puting kisame at pilit nagpapaantok. Tumagilid ako ng higa at naramdaman kong lumakas ang simoy ng hangin dito, binalot ko ng kumot ang katawan ko at muling pumikit. Ngunit bago pa man ako tuluyang makatulog, narinig kong nag-iba ng station ang radio.
* * *
Kinabukasan, halos tanghali na ako nagising naabutan kong tumutunog pa rin ang radio na nasa ulunan ko. Pilit kong inaalala kung inilagay ko ba iyon dito sa loob ng kwarto ko pero wala akong maalalang ginawa ko iyon.
Inayos ko na ang sarili ko bago lumabas ng unit ko. Sa bahay ni Ate Shi na lang ako kakain ng pananghalian. Habang kinakandado ko ang pintuan narinig kong bumukas ang pinto ng katabing unit ko.
"Ikaw ba ang bagong lipat diyan?" Medyo nagulat ako sa biglang tanong niya. Nilingunan ko ang babaeng sa kabilang pintong nakatira.
Mahaba ang buhok nito, maputi at maamo ang mukha. Tantya ko kasing edad ko lang ito.
"Oo. Kahapon lang ako lumipat." Ngiting sagot ko habang ibinubulsa ang susi ng unit ko.
Nanatili lang siya sa labas ng pinto niya at tumingin ito sa kaliwa't-kanan niya. Nagtataka akong napatingin na rin sa tinitignan niya. "Bakit?" Naguguluhang tanong ko sa kanya. Nagkibit-balikat naman siya at bumaling muli sa akin saka ako nginitian.
"Jeah pala." Pakilala niya sabay lahad ng kamay niya sa harap ko.
Napangiti ako sa kanya at tinanggap ang kamay niya. "Zafania, pero Zaf na lang."