"Buti nga iyan lang ang naramdaman mo. Wala nang kasing sasakit pa kapag nasa impyerno ka na." -- Sasha Ramirez
CHAPTER 06
Incubus
"NOONG nagising ka kasi bigla ka na lang lumabas, edi hinabol kita tapos bigla kang nahimatay kaya nandito ka sa clinic." Paliwanag sa akin ni Lewis saka pa ito ngumiti.
Umayos ako nang pagkakaupo rito sa kama saka napailing... Pilit kong binabaliwala ang panaginip ko kanina. Pakiramdam ko hindi na yata normal ito hindi ko na mawari kung ano ang totoo sa hindi.
Ngayon lang naman nangyari sa akin ang ganito, alam kong normal lang ang managinip sa isang tao pero ang ganito kasi parang hindi na normal o baka naman nagiging O.A lang ako?
"Huy Zaf! Kinakausap kita!" Nagulat ako sa pagtapik ni Lewis sa balikat ko.
Bahagya kong inangat ang ulo ko para tignan siya. Nakatayo siya sa harap ko habang nakahalukipkip at nakangisi. Ibang-iba ang pagngisi niya ngayon at ang pagngisi niya sa panaginip ko. Bakit kaya nasama siya sa panaginip ko?
"A-ano?" Nauutal na tanong ko sa kanya at nag-iwas ng tingin.
"Ano ka ba naman kanina pa ako daldal nang daldal dito hindi ka pala nakikinig." Muli ko siyang tinignan na napapakamot na lang sa ulo niya. Bahagya siyang lumapit at hinawakan ang braso ko.
Napakunot ang noo ko sa ginawa niya. "Bakit?" Umiling siya at binaliwala ang tanong ko. Bigla niyang hinawakan ang isa kong braso at hinihila ito para makatayo ako. "Ano ba Lewis!" Marahas kong inagaw ang braso ko sa kanya at pinagtaasan siya ng kilay. "Ano bang trip mo?!" Padabog akong umalis sa kama at kinuha ang bag ko.
"Wala na tayong klase saka si Nurse Tiffany may meeting daw kaya tara na." Sinamaan ko siya ng tingin pero ngumiti lang siya. Bumungad na naman sa akin ang lintik na brace niya. "Ang cute mo talaga kapag nagsusungit ka." Pakiwari ko biglang nagdilim ang paningin ko, lumapit ako sa kanya at marahas na pinaghahahampas ng bag na hawak ko. Tumatawa lang siya habang hinaharang ang bawat paghampas ko.
Bigla akong napatigil nang akbayan niya ako gamit ang kanang braso niya. "Ano ba Lewis!" Sigaw ko pero wala na ako nagawa nang madala na ako nang paglalakad niya.
* * *
"Bwisit naman kayo! Bakit hindi kayo pumasok?" Sabay kong binatukan sina Miracle at Sasha na nasa harap ko. Umirap lang si Miracle at inayos ang buhok niya, narinig kong bumuntong-hininga si Sasha habang pinupunasan ang salamin niya. Parang baliwala lang ang ginawa ko sa kanila.
"Dapat kasi hindi ka na lang pumasok." Humalukipkip si Miracle at inirapan na naman ako.
Hinawakan ko ang strap ng bag ko saka lumingon kay Lewis na nasa tabi ko. "Isa ka pa! Hindi mo sa akin sinabi ang totoo!!" Malakas ko siyang hinampas ng librong hawak ko.
"Aray Zaf!" Bigla akong napatigil nang sumeryoso ang mukha niya, malalim akong napabuntong-hininga at muling sumulyap kay Sasha.
"Ano ba kasi ang pinagmulan?" Tanong ko kay Sasha pero umiling lang ito habang nakayuko.
"Bwisit kasi! Papasok na sana kami nang biglang umepal ito walanghiyang Kael na ito!" Sigaw ni Miracle at masamang tinignan si Kael na nasa tabi lang ni Lewis. Sumisipol pa ito na lalong nagpaasar kay Miracle, ambang sasapakin niya si Kael nang awatin siya ni Sasha.
Bahagya akong tumingin sa paligid namin nang mapansin kong pinagtitinginan kami ng ibang taong dumadaan dito sa kinatatayuan naming tapat ng computer shop na sarado. Malapit lang ito sa school namin at dito lang pala tumambay ang tatlong ito, nagkapikunan na naman sina Kael at Miracle kaya hindi sila nakapasok, dahil kasama ni Miracle si Sasha nadamay tuloy siya. Hindi nila sa akin sinasabi kung ano ang pinag-awayan nila kahit anong gawin ko ayaw magsalita ni Sasha, si Miracle naman laging inis kapag tinatanong ko. Ayoko namang tanungin si Kael dahil nga hindi kami masyadong close baka awayin din ako nito. Napailing na lang ako at napabuntong-hininga, akala ko highschool friends lang ang mga baliw hindi ko akalain na pati college friends din.
"Tama na nga iyang asaran niyong dalawa. Kumain na lang tayo libre ko!" Bigla silang naghiyawan nina Kael, Miracle at Sasha para bang biglang nabuhay ang natutulog nilang mga dugo sa sinabi ni Lewis. Kahit papaano pala may magagawang mabuti rin itong lalaking ito.
"Kapag talaga libre tuwang-tuwa ka! Patay gutom!" Singhal ni Kael kay Miracle habang natatawa.
Normal na yata sa kanila ang ganito, pero ang hindi ko maintindihan kung bakit asar na asar si Miracle. Para bang may ginawang kakaiba sa kanya si Kael at ganoon na lang ang epekto nang pang-aasar sa kanya. Kung minsan kapag inaawat ni Sha sila habang nag-aaway o nag-aasaran nadadamay pa siya at dahil likas na mabait at tahimik lang si Sha hindi na lang niya ito pinapansin at pinipili na lang manahimik.
Kaya siguro masyadong bookworm si Sha kasi iyong mga gusto niyang sabihin hindi niya kayang iparating, para bang mga libro ang lagi niyang karamay pero mas nakabubuti rin naman iyon dahil masyado siyang maraming alam.
Ilang linggo pa lang nagsisimula ang klase kaya hindi ko pa sila gaanong kilala, siguro kapag tumagal-tagal malalaman ko rin ang mga iba pang ugali nila lalo na ang parang may kung ano sa pagitan nina Kael at Miracle.
"Tangina naman Lewis! Nanlibre ka pa!" Padabog na umupo si Kael saka inilapag ang maliit niyang bag sa lamesang bilog na nasa harap namin.
Umupo na rin kami roon. "Buti nga nanlibre pa ako! Ano bang gusto niyo?" Natatawang tanong ni Lewis.
"Ano pa nga ba? Edi bulalo ugok! Ayokong kumain ng lugaw!" Natawa na lang kami kay Kael na asar na asar.
Sino ba naman kasi hindi maaasar? Sa sobrang excited namin dahil manlilibre siya bigla kaming dinala sa turo-turo na puro lugaw at bulalo lang ang tinda. Hindi naman dahil sa maarte kami, akala kasi namin manlilibre siya sa kahit anong fast foodchain! Walanghiya talaga itong si Lewis.
"So, lahat tayo bulalo?" Inis kaming tumango sa kanya. "Sige, diyan lang kayo." Sumulyap siya sa akin at kinindatan ako. Papaluin ko sana siya nang biglang mabilis siyang umalis sa pwesto namin.
"Yosi lang ako." Untag ni Kael sa amin. Tumayo ito mula sa pagkakaupo niya saka bahagyang lumabas dito sa kainan.
Agad akong napatingin kay Miracle upang tignan ang hitsura nito, napansin kong parang medyo nalungkot siya na parang naiinis habang nakatingin kay Kael sa labas. Hindi ko gaanong mabasa ang ekspresyon ng mukha niya, masyadong mahirap basahin si Miracle.
"Zaf, may weird bang nangyayari sa iyo?" Agad akong napatingin kay Sasha na seryosong nakatingin sa akin.
Bigla na lang sumagi sa isip ko iyong panaginip ko. "Wala." Umiling ako saka ngumiti.
Napatango naman siya na parang hindi naniniwala sa sinabi ko. Bigla akong nag-iwas ng tingin sa kanya. "Teka nabalitaan niyo na ba ang nangyari kay Ms. Dela Vega?" Biglang napatuon ang atensyon naming dalawa ni Sasha sa sinabi ni Miracle.
"Anong nangyari sa kanya?" Seryosong tanong ni Sha.
Bumuntong-hininga si Miracle at bahagyang inusog papalapit ang upuan niya. "Hindi pa raw nagigising dalawang linggo na!" Halos napanganga ako sa sinabi ni Miracle. "Naalala niyo ba iyong huli niyang tinuro sa atin tungkol sa bangungot?" Wala sa sarili kaming napatango ni Sha. "Kinabukasan daw 'non hindi na siya nagigising, hindi naman daw siya patay pero tulog lang siya."
"Hindi kaya comatose lang siya?" Hindi ko napigilang tanungin.
Umiling si Miracle. "Iyon nga ang nakapagtataka, ang narinig ko kasi kanina hindi raw comatose si Ms. Dela Vega, normal na tulog lang daw siya."
"Ano?! Normal na tulog pero dalawang linggo na? Anong klaseng tsismis iyan Miracle?" Bahagya akong napasandal sa kinauupuan ko at humalukipkip sa harap nila. "Saka nakikita ko si Ms. Dela Vega minsan sa hallway, baka busy lang siya kaya hindi na pumasok sa atin. Kung ano-ano agad tsismis ang kumakalat." Umiling-iling pa ako at bumuntong-hininga.
Napansin kong nagkatinginan sina Miracle at Sasha. "Matagal ko ng alam na hindi na pumapasok si Ms. Dela Vega pero hindi ko alam na dalawang linggo na siyang tulog, saka Zaf hindi mo ba alam ang mga nangyayari?" Kunot-noong tanong ni Sasha sa akin.
Bigla akong umayos nang pagkakaupo. "H-hindi."
"Ano ka ba naman Zafania!" Iritang singhal sa akin ni Miracle. "Kalat na kalat sa buong Univ. na Incubus daw ang nangyari kay Ms. Dela Vega."
"Incubus?"
"Diba sabi ni Ms. Dela Vega sa atin noong 16 years old daw siya may nararanasan siyang kakaibang panaginip? Incubus pala iyon! May isang demonyo o diablo yata sa panaginip niya tapos gustong makipag-s*x sa kanya!" Agad akong napatakip sa bibig ko gamit ang isa kong kamay.
Napansin kong tumingin sa akin si Sasha at magsasalita sana siya nang biglang dumating si Kael. "Wala pa rin? Tagal naman." Bungad niyang reklamo at umupo na ito sa upuan niya.
Nag-asaran na naman sila ni Miracle kung kaya't nawala ang topic tungkol kay Ms. Dela Vega. Totoo kaya ang tsismis na iyon? Kung kailan lang nakikita ko si Ms. Dela Vega sa hallway o corridor ng mga building, kung minsan naman nakasasalubong ko pa siya sa daan at nagkasasalubong pa ang mga mata naming dalawa. Tapos ngayon malalaman kong natutulog na siya ng dalawang linggo dahil sa incubus?
"Ito na guys." Bigla akong nagulat sa pagsulpot ni Lewis.
"Tagal mo. Gutom na kami." Iritang usal ni Kael.
Inilapag ni Lewis ang pagkain namin sa mesa at umupo siya sa bakanteng upuan sa tabi ko. "Next week pala birthday ko na." Bahagya ko siyang tinignan habang hinahalo ang bulalo ko.
"Painom ka!" Usal ni Kael.
"Oo naman! Basta tayo-tayo lang ayoko ng may ibang kasama."
"Kahit ako rin! Di ko feel mga blockmates natin." Pagsang-ayon Miracle.
Hindi ko na lang sila pinansin at kumain na lang ako. Simple kong tinignan ang relong nasa kaliwang braso ko, mag aala-sais na pala ng gabi. Parang ayoko pang umuwi sa unit ko, hindi naman dahil sa natatakot ako hindi lang kasi ako makapaniwala sa mga nangyayari ngayon, hindi kaya panaginip na naman ito? Pinasadahan ko ng tingin ang mga kaibigan kong busy sa pagkukwentuhan at sa pagkain. Gusto ko sanang sabihin sa kanila kung ano ang nangyayari sa akin kaso ayoko... Baka hindi nila ako maintindihan.
"Punyetang bulalo ito! Ang init! Lintik." Biglang singhal ni Kael, lahat kami napatingin sa kanya habang siyang iritang pinupunasan ang bibig niya. "Napaso ang dila ko!" Reklamo niya na ikinatawa namin.
"Buti nga iyan lang ang naramdaman mo. Wala nang kasing sasakit pa kapag nasa impyerno ka na." Tumatawang usal ni Sasha.
Agad na napatingin sa kanya si Kael na seryosong-seryoso. Napatigil siya sa pagtawa nang mariin siyang tinitigan ni Kael. Bigla kaming natahimik sa mabibigat na pagtitig ni Kael kay Sasha, ilang segundo silang nagkatitigan na tila walang gustong bumitaw sa mga titig nila.
Hanggang sa nag-iwas si Kael ng tingin at bigla itong uminom ng tubig. "Uwi na ako." Matigas na sabi niya at tumayo ito mula sa kanyang pagkakaupo. Agad niyang kinuha ang bag niya at mabilis itong umalis sa kinaroroonan namin.
Hindi na namin nagawang pigilan siya. "Anong nangyari doon? Daig pa yata ang menopause." Naiiling usal ko sa kanila.
Nagkibit-balikat si Sasha at muli itong kumain. "Sha! Kung ano-ano na naman lumalabas diyan sa bibig mo." Inis na uminom si Miracle ng tubig.
"Parang hindi ka naman nasanay doon."
"Ewan ko sa iyo-"
"Tama na iyan. Magkakainisan na naman kayo niyan." Awat ko sa kanilang dalawa.
Inirapan na lang ni Miracle si Sasha at nagpatuloy ito sa pagkain. Nagsimulang magkwento si Lewis ng kung ano-ano para maiwasan ang ilangan ngayon dito.
Mas lalo ako ngayon nagtataka... Bakit parang kakaiba ang tingin ni Kael kay Sasha? Ano bang mayroon sa kanilang tatlo?