Dahil sa haba ng misa ay hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako at napanaginipan na naman ang nangyari sa amin ni mama noon. Sampung taon na rin ang nakakalipas pero sa sariwa pa rin ang traumang inabot ko sa kamay ng lalaking 'yon.
"Ang galing mo talaga Lena, sleeping beauty yern? Minus points ka kaagad sa langit gaga," wika ni Marya. Natapos na ang misa na wala man lang akong natutunan dahil sa tulog ako. Itinuon ko ang aking paningin sa ngayon na nagpapasalamat na bagong pari sa kapilya rito sa Kapitolyo. Nagpapasalamat ito sa mainit na pagtanggap ng mga tao sa kan'ya habang may nakapaskil na malapad na ngiti sa labi.
"Marya? Ano nga ulit pangalan ni Father?"
"Mucho ata?" sagot naman ng kaibigan.
"Ano ba 'yan! Ginawa mo naman ata'ng choco mucho si Father!" Na Ang tinutukoy ko ay 'yong tsokolate na mabibili sa tindahan.
Bakit pa nga ba ako nagtanong pa sa kan'ya? Mukhang wala rin naman atang natutunan si Marya sa sermon ni Father kanina dahil mukhang nagsasaya siya sa piling ni Berto. Ang bantot lang ng pangalan talaga. No offense sa'yo Berto.
Nagpasiya akong umuwi na lang talaga kami ni Marya dahil tapos na rin naman ang misa. Wala na kaming dahilan para magtagal pa rito. Atsaka nakita ko na naman ang pakay ko sa simbahan at isa lang ang masasabi ko. Siya 'yong tipo ng lalaki na ang hirap maabot. Hanggang pangarap na lang ang mga tulad niya. Aside sa guwapo nitong mukha ay kaagaw mo pa ang Diyos sa kan'ya. Ang pangit na nga ng record ko sa langit baka madagdagan pa kung hahayaan ko ang sarili kong mangarap sa kan'ya.
"Halika na Marya, uwi na tayo," saad ko sa kaibigan. Nasa altar pa rin ang mga mata ko habang tinititigan si Father na magiliw na nagsasalita sa mga tao.
"Baka matunaw 'yan," bulong pa ni Marya. Ngumisi ito sa akin ngunit hindi ko siya pinansin. Hindi ko rin kasi maalis ang titig ko sa lalaking nasa harapan na may malapad na ngiti sa mukha. Habang tinititigan ko siyang ngumingiti ay parang nagliliwanag ang buong paligid. He's so warm na gugustuhin mo nalang na lagi siyang tignan.
"Uuwi na tayo? Hindi ba pwede pa-extend Lena? Eh kasi si Berto eh," ungot ng kaibigan sa akin. Doon lamang nakuha ni Marya ang atensyon ko nang umangal itong umuwi.
"Ano na naman 'yan?"
"Pa-extend please, mga 1 hour lang."
"Hoy, wala tayo sa motel para mag-extend ka riyan. Alam mo naman na ayaw ni Mother na maglalagi tayo sa labas parati," sagot ko. Sumimangot ang kaibigan at naglambitin ulit kay Berto na nasa gilid niya. Bakit ba ang OA niya? Lagi naman silang magkikita dahil iisang lugar lang naman ang pinagtatrabahuhan nila. Wala na itong nagawa nang magsimula akong mag-ayos ng bag ko at tumayo.
Hindi naman magiging problema sa amin ang pag-exit dahil nga nasa likurang bahagi kami. Nang makatayo ako ay agad akong yumuko upang hindi ako mahalata ng ibang tao. Kasunod ko naman si Marya at si Berto na ganoon din ang ginawa. Nasa bunganga na kami ng pinto ng simbahan at naisipan kong tapunan ng huling sulyap si Father na nasa altar. Ito rin naman kasi ang huli kong pagpunta rito kaya lulubos-lubosin ko na. Nang lumingon ako ay agad akong na-istatwa sa kinatatayuan ko.
"Aray," sambit ni Marya. Nabunggo ang mukha nito sa pwet ko dahil sa biglaang pagtigil ko sa kalagitnaan ng paglalakad habang nakayuko.
Sino ba naman ang hindi? Para akong nanlamig bigla nang magpang-abot ang titig namin ni Father. Saktong paglingon ko ay siyang pagtingin ni Father sa gawi namin at nag-abot ang aming mga mata. Parang may mga sariling isip din ang mga mata ko na kusa na lamang nakipagtitigan sa pari. Biglang nanindig ang balahibo ko at nakaramdam ako ng panlalamig. Feeling ko kasi nakikipagtitigan ako sa holy spirit.
"Ano ba 'yan Lena, nakaharang ang pwet mo! Alam ko naman makinis at maputi 'yang sa'yo pero hindi ko naman matatanggap na isampal mo pa 'yang pwet mo sa mukha ko. Anong tingin mo sa mukha ko? Pwet?! Nakakasakit ka na ng damdamin diyan Lena ha?" bulalas ng kaibigan.
"Sana po ay paunlakan ninyo ang munting salo-salo na hinanda ni Mayor Salcedo para sa ating lahat." Tuluyan na talaga akong napatigil at nangangawit na ang likod ko dahil sa pagyuko. Hindi pa rin napuputol ang pakikipagtitigan ko kay Father. Parang sinasabi ng mga mata nito na huwag akong umalis muna. Diyos ko Father, magkakasala ako lalo sa'yo kapag pinapagtuloy mo ang titig na 'yan.
"Kayo, mga iha at iho na nasa likuran. Huwag na muna kayong umalis at may kaunting salo-salo." Dahil sa sinabi ni Father ay napalingon ang lahat ng tao sa gawi namin ni Marya.
Agad kong narinig ang bulong-bulongan sa paligid nang makita nila kami. Napaayos ako ng tindig atsaka handa na sana akong tumanggi sa paanyaya ni Father nang marinig ko ang kaibigan na magsalita.
"Thank you Father! Medyo tomjones na rin talaga ako eh, may lechon po ba?" saad ni Maria na lalong nagpalakas sa bulongan sa paligid. "Ay! May mango float din ho ba riyan Father?" dagdag pa na tanong ni Marya. Naramdaman ko ang pag-iinit ng buo kong mukha nang sabihin niya iyon. Hiyang-hiya ako sa nangyayari at parang gusto ko lang isako ang kaibigan. Kahit kailan talaga ay lagi kaming napapahamak dahil diyan sa bunganga ni Marya.
"Nagsisimba pala ang mga 'yan?" rinig kong bulong ng mga tao.
"Naku! Baka akitin lang nila si Father. Ang kakapal talaga ng mga prosti na'to! May hiya pa ba sila?" Mas lalong lumakas ang mga bulongan nila. Grabe? Akit agad? Tingin talaga nila wala na kaming natitirang respeto? Dapat talaga ay umalis na kami kanina eh. Lintik na mata 'to, kung bakit pa kasi lumingon eh. Napahamak pa tuloy!
"Hindi magandang ehemplo sa kabataan ang gaya nila. Dapat talaga sa kanila ay i-ban dito sa simbahan. Magkakalat lang sila ng kalandian sa baryo." Kitang-kita ko kung paano nila kami pagtaasan ng kilay habang isa-isang umismid. Napaka-judgemental talaga nila. Kung makahusga ay dinaig pa ang mga Santo sa langit.
"Lena," bulong pa ni Marya. "Huwag mo na silang pansinin basta kain muna tayo, gutom na gutom na talaga ako eh," dagdag pa niya. Wala na akong nagawa kung hindi ang bumalik sa pinag-upuan namin. Hindi na ako muling lumingon pa sa altar. Natatakot ako na baka makasalubong ko na naman ang mga mata ni Father. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan eh. Siguro dahil naiisip ko na Santo si Father tapos di ba, sino namang may matinong pag-iisip ang nakikipagtitigan sa isang Santo? Ikaw ba? Tinititigan mo ba ang Sto. Niño ninyo kapag madaling araw? Di ba ang creepy no'n? Ganito rin ang nararamdaman ko ngayon. "Oo nga, ito nga talaga 'yong dahilan," pangungumbinse ko sa sarili.
Iginiya kami ng mga sakristan sa likod ng simbahan kung saan naroon ang handaan na sinasabi ni Father. Agad naman nagningning ang mga mata ni Marya nang makita at makaamoy ang bruha ng pagkain.
"Berto? May supot ka ba riyan? Mag-bi-bring home ako," bulong ni Marya sa kasintahan.
"Naririnig kita," ani ko naman. Napayakap naman agad si Marya sa braso ko. Nagmukha siyang unggoy sa paraan ng paglambitin nito sa kamay ko.
"Ikaw naman, hindi ka na mabiro," aniya. "Pero sure na ba talaga? Ayaw mo mag-bring home?" pangungulit nito.
"Eh, kung isumbong kita kay Mother? Gusto mo 'yon?" pananakot ko sa kan'ya para matigil ito. Lumubo ang pisngi ni Marya nang marinig niya ang pagbabanta ko. Para itong batang hindi nabigyan ng candy.
Pero agad din naman nakabawi ang kaibigan at ngumiti ito ng pagkalapad-lapad nang makita nito ang pila para sa pagkain. Agad itong nagpatiuna sa pila at sumunod naman kami. Nagpalinga-linga ako sa paligid at hindi ko alam kung bakit hinahanap ko ang presensya ni Father Lucho.
"Wala na ba ka'yong makain? Mahina na ba ang benta ng katawan?" nakakainsultong tanong ni Aling Bonita sa amin at isa-isa kaming tinignan. Kasama nito ang dalawa niyang alalay na mukhang endangered species. Nasa tapat pala namin sila ng linya at tinitignan kami ng masama.
"Hoy Bonjing! Ay este Bonita, ikaw riyan ang dapat hindi na pumila," inis na sagot naman ni Marya.
"At bakit naman aber?" sagot din ni Aling Bonita.
"Mahiya ka nga sa taba mo. Pang-ilang years na 'yang natambak sa katawan mo. Mukhang hindi mo naman kailangan ng pagkain." Muntikan na akong tumawa dahil sa narinig ko mula sa kaibigan. Ang ibang tao sa paligid na nakarinig sa sinabi ni Marya ay mahinang nagtawanan at bigla na lang namula si Aling Bonita dahil sa pagkapahiya nito.
"Anong sinabi mo?!" galit na ani ni Aling Bonita. Nanlilisik na ang mga mata nito at mukhang handang-handa ng manabunot.
"May problema ba rito?" malamyos na ani ni Father sa harapan.
Biglang napatigil ang lahat nang biglang lumitaw si Father sa harapan mismo namin ni Marya. Napasinghap ako nang makita ko sa malapitan ang buo nitong pagmumukha at napakurap pa ako. Hindi ko alam kung saan ibabaling ang paningin ko nang makita kong nakatitig na naman ito sa akin habang nagsasalita. Hindi niya ba naiisip na baka may makahalata sa ginagawa niya? Nagyuko ako ng ulo at piniling hindi salubungin ang mga titig nito. Sa tuwing nakikita ko ang mata niya ay parang binabasa nito ang buo kong pagkatao.
"Father Lucho!" tawag ni Aling Bonita. "Wala naman hong problema, nag-uusap lang ho kami nitong si Marya," dagdap pa nito.
"Opo Father Mucho. Promise, friendship ho kasi kami nitong si Aling Bonita. Ganito lang talaga kami magbiruan," saad pa ni Marya sa pari.
"Lucho 'yon bunch," pagtatama ni Berto sa nobya. Mabuti naman at tumama rin si Berto ngayon. Talaga triple na ang hiyang nararamdaman ko sa katawan at kagagawan ito ng kaibigan.
"Ah ganoon ba? Akala ko ay nagkakagulo na rito. O siya, magpakabusog kayo," masayang ani ni Father Lucho.
Lucho pala ang pangalan nito. Bagay na bagay sa kan'ya 'yong pangalan niya. Naaasiwa na talaga ako dahil kahit hindi ako tumingin sa kan'ya ay ramdam ko pa rin 'yong pares ng mga mata niyang nakatitig sa gawi ko. Bakit niya ba ako tinititigan? Kanina pa siya at na-weweirduhan na talaga ako sa kinikilos ni Father. Noong akala ko ay umalis na ito ay hindi ko napansin ang bulto ng lalaki sa may gilid ko. Tumigil ito sa paglalakad at mahina itong nagsalita. Isang boses na angkop lamang na ako 'yong makarinig sa kung anuman ang sasabihin niya.
"I'm sorry to make you feel uncomfortable iha, kamukha mo kasi si Mama Mary," saad nito at iniwan akong natameme dahil sa sinabi niya. 'Yon lang 'yong dahilan? Seryoso? Hindi ko alam kung bakit parang nadismaya ako sa sinabi nito. Si Mama Mary pala ha.