Hinayaan kong mauna si Marya na pumasok sa loob ng bahay. Nakita ko kasi si Mother Lily sa may garden area at nakita ko ang mga mata nito na nakatingin sa gawi namin.
"Mother," tawag ko sa kan'ya nang makalapit ako sa kinaroroonan nito. Tinignan niya ako at ngumuso sa kaharap nitong upuan.
Marahan naman akong umupo atsaka inilapag ko ang handbag na bitbit ko sa lamesa.
"Nagsimba kayo?" tanong naman agad ni Mother sa akin nang makaupo ako. Tumango naman ako upang sagutin ang tanong nito.
"Alam mo Lena, ngayon ko na lang ulit nakitang nagsuot ka ng puting bestida. Bagay sa'yo iha," puri nito sa suot ko.
Ngumiti lang ako at tahimik lang ako habang tinitignan si Mother na humihigop ng tsaa mula sa tasa nito.
"Pupunta si Mayor mamaya, nag-text sa akin."
"Ganoon ho ba?" sagot ko naman. Saglit napatigil si Mother sa sasabihin sana nito at tinitigan ako sa mukha.
"Lena, alam mong hindi ko gustong pasukin mo rin ang mundo ni Celeste. Ito ang huling ipinangako ko sa mama mo nang mamatay siya," malungkot namang sabi ni Mother Lily sa akin. Alam kong hindi rin gusto ni Mother Lily ang pagtatrabaho ko sa bahay-aliwan. Nangako kasi ito sa ina ko noon na kukupkopin niya ako at aalagaan at hindi hahayaang pasukin ko ang makasalanang mundong naranasan niya.
"Mother, wala kang kasalanan. Sarili ko hong desisyon ang pagtatrabaho sa bahay-aliwan," sagot ko.
Umiling ito atsaka napatingin ito sa malayo. Pakiwari ko ay inaalala nito lahat ng pinagdaanan nila ni mama noon. Magkasama rin kasi sila noon sa isang bahay-aliwan. Noong una ay namasukan si Mother Lily bilang waiter, isa kasing transgender si Mother. Lalaki siyang ipinanganak pero babae ang puso niya. Nagkakilala sila ni mama noon sa labas ng baryo at simula noon ay magkasama na silang dalawa kahit saan man magpunta.
"Hindi biro ang ganitong pamumuhay Lena, alam mo naman siguro kung anong ibig kong sabihin di ba?"
Alam na alam ko kung anong gusto niyang ipahiwatig sa akin. Ang mga pang-aalipusta ng mga tao sa tulad naming binansagang "mga kalapating mababa ang lipad." Mga bayaran, na walang lugar sa lipunan. Ang tingin ng karamihan sa amin ay mga peste na dapat pinupuksa ng hindi na nakakapaminsala. Lahat ng iyon ay naranasan ko simula pa noong bata ako.
"Mas pipiliin ko pa'ng makarinig ng masasakit na salita mula sa ibang tao, huwag lang kumalam ang sikmura ko," sagot ko. "May pag-asa pa ba ang tulad natin Mother? Matagal na ako sa ganitong trabaho, sa palagay mo ay may pag-asa pa akong makatakas sa buhay na 'to? At kung oo man, may tatanggap pa kaya sa tulad ko'ng maruming babae?" seryoso kong wika sa kan'ya.
"Hindi ka marumi Lena. Hindi tayo marumi. Ang lipunan ang siyang may problema sa pagkakaroon ng siradong pag-iisip sa totoong kalagayan natin," tugon naman ni Mother. "May pag-asa ka pang makatakas sa mundong 'to."
Napailing ako. Malabo na ang sinasabi ni Mother sa akin ngayon. Kahit pa magsisi ako at araw-arawin ko ang pangungumpisal sa aking mga kasalanan. Hinding-hindi pa rin niyon mabubura ang maruming parte ng pagkatao ko. Isa lang malaking kahangalan ang paghahangad ng pag-ibig at kalayaan. Puros pasakit lamang ang ibibigay nito sa'yo. Pagkatapos kang gamitin ng paulit-ulit ay iiwanan ka lang na parang isang maduming laruan na hindi na magagamit. Naiwan ka na basag ang parte ng pagkatao mo. Buo mo siyang minahal, basag ka no'ng iniwan. Naranasan ko na 'yan at magmula noon ay ipinangako ko sa sarili ko na hinding-hindi na ako mabibiktima ng isang hunghang na pag-ibig.
"Lena, alam natin pareho na malinis ka. Kahit itago mo pa sa akin, alam kong hindi ka ginagalaw ni Mayor Salcedo," mariing ani nito sa akin atsaka uminom ng kape. "Kaya kita pinapatigil dahil ayaw kong matulad ka kay Celeste."
Tama ang sinabi ni Mother. Sa tagal ng pagdalaw-dalaw ni Mayor dito sa bahay-aliwan ay hindi pa niya talaga akong tuluyang nagagalaw. May kapansanan kasi si Mayor. Hindi na tumatayo ang alaga nito kahit anumang gawin mo. Kahit bumukaka kapa sa harapan niya ay wala ring magagawa iyon. Sa tuwing dumadalaw si Mayor dito ay ang tanging ginagawa ko na lamang ay ang pagsilbihan siya at sumayaw sa harap niya. Isang sayaw na nagpapainit sa kan'ya bilang isang lalaki. Lagi-laging sinasabi ni Mayor na walang ibang babae ang nakagawa sa kan'ya nang ganoon. Ako lamang ang namumukod tanging nagparamdam sa kan'ya ng pananabik, kaya halos araw-araw na itong dumadalaw rito. Minarkahan niya na rin ako at pinatigil na magsilbi sa iba. Kung sa madaling salita, hawak ako sa leeg ni Mayor Salcedo.
Nang matapos ang pag-uusap namin ni Mother ay dumiretso ako agad sa kuwarto ko. Kailangan ko na ring maghanda sa lahat ng kakailanganin ko para sa muling pagdalaw ni Mayor. Hinubad ko ang puting bestidang suot ko kanina. Marahan ko iyong tinupi at inilagay sa ilalim ng kabinet. Tanging ang suot ko na lamang ay ang terno kong panloob na regalo ni Mayor sa akin. Isang terno ng maninipis na underwear ang binili nito na nanggaling pa sa Maynila. Napayakap ako sa sarili ko. Nakaramdam ako ng pangungulila. Isang pamilyar na pakiramdam na laging lumulukob sa pagkatao ko sa tuwing gumagawa ako ng makasalanang bagay.
Aaminin kong minsan ko na ring pinangarap na magkaroon ng normal na buhay. Inilaan ko noon ng buong puso ang sarili sa lalaking iiwan lang pala ako dahil sa mga ambisyon nito sa buhay. Isang malaking kasinungalingan ang makaramdam ng pag-ibig sa mundong 'to. Kung mahina at uto-uto ka ay hindi mo makikita kung paano totoong umiikot ang buhay. Lahat ng mahihina ay naloloko at naiiwan. Bakit ka pa iibig kong sa huli ay kasawian lang pala ang isusukli niyon? Anong kaya mong isaalang-alang sa pagmamahal na ikasisira mo sa bandang huli? Matagal ko ng tinanggap sa sarili ko na hindi para sa lahat ang pag-ibig.
Nang mahismasan ako ay pinagalitan ko ang sarili sa pag-iisip ng mga bagay na matagal ko ng ibinaon sa limot.
"Tumigil ka sa kahibangan mo Lena," saway ko sa sarili atsaka mahinang tinapik ang magkabilaan kong pisngi.
Ang takot at konsensya na siyang kinalimutan ko na ay lagi-laging bumabalik at ginagambala ako. Ano pa ba'ng dapat kong ikatakot? Wala na ang lahat sa akin at wala na akong maipagmamalaki pa. Tanging ang pagkapit ko na lang Mayor Salcedo ay siyang bumubuhay sa akin kaya hindi na dapat ako mag-inarte pa.
"Sasayaw ka lang Lena, huwag kanang umangal pa," ani ng isip ko.
Inihanda ko lahat ng susuotin ko. Inilabas ko ang mga pabangong ginagamit ko kapag kaharap si Mayor Salcedo. Ipinusod ko ang mahabang buhok dahil gustong-gusto ni Mayor ang batok ko. Kahit na nandidiri ako ay tinatanggap ko na lamang ang mga halik nito sa leeg ko. Sumapit ang alas-otso ng gabi. Nagsisimula ng dayuhin ng mga kalalakihan ang bahay-aliwan. Dahil sa kasikatan ng bahay-aliwan dito ay dinarayo pa ito ng mga taga ibang baryo para lang maranasan ang serbisyo namin. May mga nagsasayawan sa gitna ng dancefloor at may nag-iinoman naman sa kan'ya-kan'yang table. Hinanap ng mata ko si Mother ngunit hindi ko siya nakita. Sa halip ay nasiplatan ko si Marya at Berto sa may gilid ng banyo na naghahalikan. Kung minsan ay naiinggit ako sa kaibigan. Hindi kasi ako tulad niya na masayahin at carefree lang. Kung may gusto itong gawin ay sinusunod niya lagi kahit alam niya naman na ikapapahamak niya iyon. Kahit na ganito ang trabaho namin ay nabubuhay pa rin ito sa gusto niya. Nakakainggit ang tulad niyang walang pagsisi sa anuman. Hindi tulad ko na nabuhay sa pagsisi at paghihirap.
"Si Mayor." Napalingon naman ako sa may entrance ng bahay-aliwan nang binulungan ako ng kasamahan ko sa trabaho at nakita ko si Mayor kasama ang tatlong bodyguard nito. Kapag nagpupunta siya rito ay hindi talaga nawawala ang tatlong kasama nito.
Huminga ako nang malalim atsaka ngumiti habang naglalakad sa kinaroroonan ni Mayor. Isang ngiti na lagi kong ginagamit kapag nasa trabaho. Isang ngiti na mapagkunwari.
"Mayor," mahinhin akong tawag sa lalaki atsaka ngumiti. Dali-dali ay isinukbit ko ang aking mga kamay sa bisig niya.
"Lena," galak na ani ni Mayor sa akin. Marahang hinaplos nito ang balikat ko atsaka hinalikan ako sa pisngi.
Nakuha namin ang atensyon ng karamihan sa mga customer namin. Hindi naman lingid sa kaalaman nila na babae ako ni Mayor dito sa baryo kaya wala ni sinuman ang naglakas-loob sa akin na nagtangkang magpahiwatig.
"Araw-araw ay lagi ka talagang gumaganda sa paningin ko Lena," bulong nito sa teynga ko.
At halos araw-araw ko na rin iyong naririnig sa kan'ya. Kung tutuusin ay hindi masamang tao si Mayor Salcedo. Hindi siya iyong lagi nating nakikita na mapang-abusong tao na nasa puwesto. Mapagmahal na tao si Mayor at mahal siya ng mga tao sa baryo dahil na rin sa pinapakita nitong malasakit. Kung may isang kapintasan man silang maibabato sa butihing Mayor, 'yon ay ako. Ang pagkakaroon ni Mayor ng ugnayan sa tulad ko na babae. Ang nasa isip nila ay pineperahan ko lamang ang lalaki at ginagamit ang katawan para mauto si Mayor at umangat ang buhay.
"Shall we?" Inilahad pa nito ang kamay niya sa akin at tinanggap ko naman iyon at sabay kaming naglakad habang magkahawak kamay.
Halos doble ang tanda ni Mayor sa akin. Bente-anyos lang ako at nasa 55 years old na ito.
"Sa labas lang kami boss," ani no'ng isang bodyguard nito. Marahang tumango lamang si Mayor atsaka pumasok na kami sa VIP room kung saan ko ginagawa ang isang espesyal na serbisyo sa kan'ya.
Nang makapasok kami ay agad sinunggaban ni Mayor ang labi ko at kahit panandalian akong nabigla ay agad ko namang tinugon ang mga mapupusok nitong halik sa akin. Sa halos araw-araw na ginagawa namin ito ay naging manhid na ako upang makaramdam pa ng hiya at pandidiri. Lahat ng iyon ay isinuka ko na sa pagkatao ko at pinilit kong magtatag ng isang malaking pader sa puso at isip ko. Dahil alam ko na kapag nanaig ang puso ko ay hindi ko kakayanin ang buhay na sinimulan ko. Kailangan kong tatagan ang sarili ko para sa mga taong pinoprotektahan ko.
Nang bumaba ang labi nito sa leeg ko ay buong puso akong nagpaubaya. Mapupusok at mga mapaghanap ang mga haplos at halik nito sa katawan ko ngunit ramdam ko pa rin do'n ang pag-iingat sa mga galaw niya. Isa ito sa mga nagustuhan ko kay Mayor, ang pagiging maalaga niya sa akin. Hindi naman ako manhid upang hindi maramdaman na gustong-gusto niya ako. May ilang pagkakataon na rin na nagpapahiwatig ang lalaki sa akin ngunit wala sa isip ko ang pumasok sa isang seryosong relasyon.
Napatigil si Mayor sa paghalik nito sa leeg ko at napatitig ito sa mga mata ko. Mapupungay ang mga mata nitong pinagmamasdan ang bawat parte ng mukha ko atsaka hinaplos iyon nang marahan.
"Mahal kita Lena. Mahal na mahal, sana ay mabuksan mo ang puso mo sa tulad ko. Alam kong doble ang tanda ko sa'yo pero hindi ko na atang kayang mawala ka sa buhay ko," pagtatapat nito na ikinagulat ko naman. Alam ko naman ang nararamdaman ngunit hindi ko masusuklian ang ninanais niya.
Tanging ngiti na lamang ang isinukli ko sa pagtatapat niya atsaka hinalikan ang lalaki sa labi. Alam niya na ang sagot ko kahit hindi ko pa iyon isatinig. Hindi ako magdedesiyon na alam ko namang pagsisisihan ko naman sa huli. Sapat na sa akin ang mabuhay ng ganito at hindi na ako naghahangad ng sobra.