NAKATITIG si Giana sa harapan ng bahay ng mga magulang niya. Ilang minuto na siyang nandoon subalit wala pa siyang lakas ng loob pumasok dahil may gusto siyang itanong sa mga magulang sa pagpunta niya roon. Hindi na niya patatagalin pa lalo pa habang tumatagal sa mga nalaman niya ay dama niya ang sakit ang lungkot sa maaaring katotohanan sa nangyari sa nakakatandang kapatid niya. Napabuntonghininga siya saka lumakad papasok sa gate at naabutan niyang nasa labas ang ina, nagwawalis. “Iyang,” masayang tawag ni Mama sa kaniya saka siya nilapitan at niyakap. Ganoon din ang ginawa niya saka ngumiti sa ina nang maghiwalay na sila sa pagkakayakap. “Hindi ka nagsabi na pupunta ka ngayon?” tanong ng ina niya. “Biglaang desisyon din, Ma, kasi may gusto sana akong tanungin sa inyo,” tugon niya.

