Pagpasok pa lang namin ng Galleria ay sinalubong na kami ni Brandon.
“Good evening, Miss Yume. Mabuti at nakabalik na kayo,” salubong sa amin ni Brandon.
“Nasaan si Aila?” tanong ko kaagad sa kaniya.
“Nasa Lounging Area po siya. Pasensiya na, dapat ay—”
“Yume!”
Nabaling ang atensiyon naming lahat sa tumawag sa pangalan ko.
“Aila.”
Muntik na akong matumba na bigla na lang niya akong salubungin ng yakap.
“A-akala k-ko hindi ka na babalik,” mahina niyang anas habang yakap ako.
Bahagya akong nagulat sa ginawa niya pero nang maramdaman ko ang mahigpit niyang yakap at ang marahang pagbaba't taas ng balikat niya, gumanti ako nang yakap.
'Is she crying?’
“Imposibleng hindi ako babalik, dito ako nakatira.” Pilit kong pinasigla ang boses ko.
Hindi ko akalaing may ganitong side si Aila.
Kukusot-kusot ang mga matang humiwalay siya sa akin.
“Eh, kasi naman, bigla na lang may malalaking lalaki na dumating dito kanina at hinahanap kayo. Kahit nga hindi sila pwede ay nagpumilit pa rin silang pumasok.” Sisigok-sigok pa rin na wika ni Aila.
“Okay na ang lahat, kaya wala ka nang kailangang ipag-alala.”
“Ilang beses ko nang sinabi sa kaniya iyan, Miss Yume.” Naiiling na sabat ni Brandon.
Hindi ito pinansin ni Aila. “Sorry din kanina. Hindi ko lang maiwasang mainis sa babaing ‘yon, kapag nakikita ko siya gusto ko talagang iprito siya ng buhay.”
Naalala ko na naman si Ezelle. Hindi ko alam na malaki ang inis ni Aila sa kaniya.
“Bakit?” Bago ko pa napigilan ang sarili ko ay naitanong ko na.
Nagbago na naman ang aura ni Aila. “Sorry, pero naiinis talaga ako sa babaing ‘yon,” mahinang tugon ni Aila.
Hindi ko maiwasang hindi magtaka sa sinabi niya.
“Pero hayaan mo na lang.” Muling nagbago ang tinig ni Aila, mula sa malungkot na mukha ay nakangiti na ito. “Hindi dapat inuubos ang ganda natin sa mga katulad niya.”
Hindi makapaniwalang tinitigan ko siya.
“Halika na, Yume. Matulog na tayo. Kailangan nating mag-beauty rest.” Bumalik na sa masiglang aura niya si Aila. Nagsimula na itong maglakad papunta sa elevator.
“Sinong babae?” May pagtataka na biglang tanong ni Brandon dahilan para mapalingon ako sa kaniya.
Akmang sasagot na ako nang sumagi sa isip ko ang sinabi ni Aila. “Pwede bang atin na lang ang nangyari ngayon?”
“Ha? Wala naman. Isa lang sa mga schoolmate namin.” Hindi ako ganoon kagaling magtago kaya nagsimula na rin akong maglakad palayo sa kanila. “Tara na, parang inaantok na rin ako.”
Tuluyan na akong sumunod kay Aila.
Siguro, mas mabuti nang gawing lihim na lang ang katulad ni Ezelliana. Hindi lang si Aila ang ayaw siyang pag-usapan, kahit ako ay hindi kayang sikmuraing banggitin man lang ang pangalan niya.
KANINA pa tumutunog ang alarm clock ko pero hindi ko pinapansin, hindi dahil inaantok pa ako kundi dahil una pa akong nagising sa kaniya. Kanina pa ako nakabangon at umiinom nang gatas dito sa harap ng malaking salaming dingding.
It’s 5 o'clock in the morning and it’s Saturday, yet I’m already awake. Hindi ako early bird na tao. Kailangan ko lang talaga gumising nang maaga pagpapasok at mukhang madaling nakuha ng katawan ko ang routine na 'yun.
Tumigil na ang alarm clock ko sa pagtunog. Ibinalik ko ang tingin ko sa labas at pinagmasdan ang hardin sa ibaba. Patay na ang mga ilaw sa labas at tanging ilang lamp post na lang ang buhay, pero hindi iyon nakabawas sa kulay at ganda ng mga bulaklak. Bigla ay gusto kong maglakad-lakad o kaya ay tumakbo sa labas. Gusto kong sumagap ng malamig at sariwang hangin.
Tumayo ako.
Siguro, okay lang naman. Hindi ako lalabas ng vicinity at tsaka tiyak na may nagra-rounds naman sa paligid na mga guards.
Mabilis akong nagpalit ng sweat shirt at walking short, nagsuot din ako ng running shoes at ipinusod ang buhok ko. Maybe a short run wouldn’t hurt me.
Pagkakuha ko ng towel at cellphone ay lumabas na ako. Dahil maaga pa ay wala pa si Akane sa labas ng silid ko. Sabado ngayon at hindi 'yon sanay na lumalabas ako nang maaga.
Tahimik ang buong hallway habang naglalakad ako patungo sa elevator. Pagkasakay ko ng elevator ay pinindot ko na ang button. Naging gawi ko na na pagmasdan ang pagpapalit ng mga kulay pulang numero kaya hindi ko napansin na may papasok sa elevator.
“Wa—" Mabuti na lang at napigilan agad ng lalaki ang pagsara ng pinto.
“Sorry, hindi ko napansin.” Hingi ko nang paumanhin sa lalaking pasakay ng elevator.
Bahagya itong nakayuko at nakababa ang bagsak na mga buhok kaya hindi ko kaagad nakita ang mukha.
“Okay la— Miss Yume!” gulat na bulalas ng lalaki.
“A-Akane!”
Bahagya akong napaurong sa gulat nang mapagmasdan ang mukha ni Akane. Hindi ko kaagad siya nakilala dahil bukod sa hindi siya naka-black suit ay basta lang nakabagsak ang buhok at humahalik sa noo niya. Madalas kasi ay ayos na ayos ang buhok nito na para bang pinakasuklay ng mabuti.
“Pasensiya na, Miss Yume. Hindi kita napansin.” Kakamot-kamot sa ulo na saad ni Akane. “Good morning.”
“Ha? Ah... Okay lang. Good morning din.” I said lamely.
Hindi ako sanay sa Akane na katabi ko. Ang Akane na madalas kong kasama ay palaging naka-suot ng suit at napakapormal.
Lihim ko siyang sinulyapan. Pormal pa rin ang mukha niya pero hindi na siya naka-black suit kundi black sweat shirt at white short. Mas lalo kong naramdaman na mas matangkad talaga siya kumpara sa akin. At kahit alam kong ilang taon ang agwat namin sa isa’t-isa ay hindi ko maiwasang hindi siya hangaan. Pwede siyang ihanay doon sa, ano ba yun? Oppo, oppa, na pinapapanood sa akin ni Aila.
Ah, basta, 'yon na 'yon. Iyong mga sobrang pupating mga lalaki na galing Korea.
“Hindi mo nabanggit na lalabas ka nang maaga, Miss Yume. Hindi tuloy kita kaagad napuntahan sa silid mo.”
Naputol ang pagpapantasiya este ang pagmumuni-muni ko nang magsalita si Akane. Tahimik ang boses niya kaya alam kong nag-iisip na naman ito ng kakaiba.
“Maaga lang akong naggising kaya naisipan kong lumabas nang maaga. Pasensiya na at hindi kita kaagad nasabihan.” Pilit kong pina-casual ang tinig ko.
Sa kabila nang hiniling ko sa kaniya kagabi, ayaw kong isipin niyang….
‘Ano nga bang ayaw kong isipin niya? Na unti-unti ay nagkakagusto ako sa kaniya?’
Para akong pinanghinaan ng tuhod sa naisip ko. Wala sa loob na napahawak ako sa dingding.
“Hindi ka ba nakatulog nang maayos, Miss Yume?”
Nag-angat ako ng mga mata sa kaniya. Kahit saang anggulo tingnan ay gwapo siya. Noong una kaming magkita ay mas maiisip ko pang nagmula siya sa katulad kong pamilya kesa ang isiping bodyguard siya. At habang tumatagal kaming magkasama at sa tuwing binabantayan at inaalagaan niya ako, hindi ko mapigilang humanga sa kaniya.
“Miss Yume, okay ka lang ba?”
Napapitlag ako nang hawakan niya ang noo ko. Mas mainit ang palad niya kapag walang gloves. Mas dama ko ang init at lambot ng balat niya.
“Mukhang may sinat ka, Miss Yume. Kaya ka ba namumula?”
'Namumula? Ako?’
Mabilis kong napalis ang kamay niya sa noo ko at napatayo ng tuwid.
“W-wala akong sakit,” mabilis kong sansala.
Mukhang siniswerte ako dahil bumukas na ang elevator. Mabilis akong naglakad palabas. Bahala na siya kung anong gusto niyang isipin dahil mas gusto kong lumayo muna.
Habang naglalakad ay dama ko pa rin ang init ng magkabilang pisngi ko. At alam kong hindi 'yon dala ng sinat o lagnat. Ayaw ko mang isipin, pero ganoon ata ang epekto niya sa'kin. At nakakahiyang isipin na humahanga ako sa kaniya.
‘Yume naman…'
Nakalabas na ako ng complex at sumalubong kaagad sa'kin ang malamig na hangin.
It feels good.
Ipinikit ko ang mga mata ko at hinayaang damhin ang malamig na hangin. Pilit kong pinakalma ang sarili ko.
“The wind feels good. It is cold, yet it makes us feel warm inside.”
Nagmulat ako ng mata at kahit hindi ako lumingon alam kong nakasunod na si Akane. Wala akong balak lingunin siya dala ng pagkapahiya kanina ngunit bago ko pa napigilan ang sarili ko ay napalingon na ako sa kaniya, at napagtantong nakatingin siya sa langit habang nakangiti.
“Come on, Miss Yume, let’s run and feel more the air.”
Napapitlag ako ng bigla na lang siyang lumingon sa akin at inilahad ang palad niya.
Sa tingin ko, wala naman siyang napapansin.
“Okay…”
And that morning, we ran as we felt the cold wind.
We ran 'till we’re catching our breath.
We ran 'till our heart beat faster.
Yeah, feeling my heart beat faster not just because of the run but because he’s in my side.
PAGKATAPOS naming mag-jogging ay nagpahinga muna kami sa bench.
“Anong breakfast ang gusto ni'yong ipahanda ko?” tanong ni Akane bago uminom ito ng tubig.
“Kahit ano okay lang,” sagot ko habang nakatingin sa malawak na damuhan.
“Sigurado ka, Miss Yume?” Nilingon niya ako. “Kahit ano?”
“Oo nga.” Hindi pa rin lumilingon na sagot ko.
‘Ano bang problema nito? Dati-rati nama'y kahit hindi niya ako tanungin.’
“Sige, Miss Yume, habang nagpapalit ka ng damit ay ipapahanda ko ang skillet pork and beans mo with fried r—”
Pagkabanggit pa lang niya ng beans ay sumama na kaagad ang tingin ko sa kaniya. Lumapad naman ang ngiti niya sa akin dahilan para bumalik ang pang-iinit ng pisngi ko.
“May beans iyon, Miss Yu—"
“Sa kwarto na ako kakain,” nagdadabog kong wika sabay talikod sa kaniya.
'Bakit ba kasi 'yung… err... beans na 'yon?’
“Miss Yume, wait.”
Hindi ko pinansin ang tawag niya. Hindi ko tuloy maunawaan kung inosente siya o nang-aasar siya. Nakailang tawag siya pero hindi pa rin ako lumilingon. Dire-diretso lang ako sa paglalakad hanggang sa makapasok na ako ng elevator. Hindi ko napansin na wala na ring Akane na nakasunod sa akin.
Humarap ako at gano'n na lang ang gulat ko nang pagsilip ko ay kausap na nito si Miss Michelle. Ngiting-ngiti si Miss Michelle at si Akane habang magkausap.
“Hmmpphh.” Mabilis kong pinindot ang button ng elevator. Hindi ko alam kung bakit bigla ay nainis ako. Hindi ko rin alam kung sa kaniya ba o sa sarili ko. Basta ang alam ko lang naiinis ako.
“Miss Yume, wait.” Dinig ko pang tawag niya pero hindi ko na siya pinansin.
Nakahinga ako nang maluwag ng sumara na ang pinto ng elevator. Nanghihinang napasandal ako sa dingding. Dama kong nag-iinit ang buong mukha ko sa inis. Tumaas ang tingin ko sa pulang numero sa taas. Tumigil ang elevator sa second floor. Siguro ay may sasakay.
Eksaktong bumukas ang pinto ay siya namang pagpasok nina Brandon at Aila.
“Oh, Yume!”
“Good morning, Miss Yume,” bati ni Brandon.
“Good morning din,” pinilit kong ngumiti sa kanila, but Aila eyed me suspiciously.
“Bakit kunot na kunot ang noo mo? At nasaan si Akane?” Nagpalinga-linga pa ito.
“Nasa baba, nagpapahanda ng agahan.” Hindi ko gustong magsinungaling, pero hindi rin naman ako nagsisinungaling dahil totoo namang dapat ay magpapahanda na siya ng agahan.
“Saan pala ang punta ninyo?” pag-iiba ko ng usapan.
“Pupunta talaga ako sa’yo para ipaalala na mamayang five p.m. ang start ng get together. Pupunta ka, ha?”
“Ah, oo nga pala. Sige.”
Humalukipkip si Aila at tinitigan ako.
“Bakit?”
“Sa ilang linggo nandito kayo, kahit kailan ay hindi nilayuan ni Akane ang tabi mo. Tiyak, mas uunahin niyang ihatid ka sa kwarto mo kesa hayaan kang umakyat mag-isa.”
“You’re reading it too much, Aila.” Sinubukan kong ngumiti pero sa tingin ko'y tabinging ngiti lang ang nagawa ko. “Sinabi kong sa kwarto ako kakain kaya ipinahanda niya muna ang agahan ko.”
“Don’t believe you.” Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.
"Seriously, after all ay nasa Galleria pa naman tayo," katwiran ko.
Hindi nito pinansin ang sinabi at sa halip ay nagtanong, “Nag-jogging kayong dalawa?”
“Nagkataon lang na bumaba kami ng sabay. I intended to run alone.”
Bumukas ang pinto ng elevator at lumabas ako.
“Mamaya na lang,” paalam ko.
“Still, don’t believe. See this man,” itinuro niya si Brandon, “ayaw nga akong maalis sa paningin, how much more yung overprotective mong Akane?” Akmang lalabas pa ito palabas pero kaagad itong nahawakan ni Brandon sa braso.
“Miss, I think, you’re just reading it too much.” Ginaya ni Brandon ang sinabi ko pero sa paraang seryoso ang mukha niya. “And if that is the case, nasabi mo na ang kailangan mong sabihin kay Miss Yume kaya babalik na tayo sa unit mo. And, I'll be staying in your unit to see if you’re going to finish your task before you attend your get together later.”
Napakurap ako sa kanilang dalawa.
“B-bitiwan mo nga ako.” Nagsisimula ng mamula ang mukha ni Aila.
“See you later, Miss Yume.” Hawak pa rin ni Brandon si Aila sa braso habang nagpapaalam sa akin. Sumara na ang pinto ng elevator ay nananatili akong nakatayo sa harap noon. Iniisip ang sinabi ni Aila.
“… kahit kailan ay hindi nilayuan ni Akane ang tabi mo. Tiyak, mas uunahin niyang ihatid ka sa kwarto mo kesa hayaan kang umakyat mag-isa.”
Bagsak ang balikat na naglakad ako pabalik sa silid ko. Yeah, he didn’t leave my side. I just ran away.
NILARO-LARO ko ang tubig at inilubog ang katawan hanggang nasa baba ko na ang tubig. Halos kalahating oras na ako rito ay hindi pa rin nagbabago ang temperatura ng tubig. Bagaman bukas ang buong bathroom para sa lahat ng tao sa complex ay ako lang ang naroroon. Dito ako dumiretso pagkatapos ng pag-uusap namin ni Aila.
Tumingala ako at pinagmasdan ang kulay cream na kisame.
Noong unang beses akong tumuntong sa bathroom na iyon ay siya ding naging unang hindi magandang palitan namin ni Akane ng salita. Mali. Ako lang ang nag-iisip nang hindi maganda. Simula pa noon ay magagandang bagay ang sinasabi niyang nakikita niya sa akin.
“Gusto kong makita mo ang halagang meron ka, Miss Yume.”
Hindi ko makakalimutan ang mga salita niyang iyon dahil nang mga oras na iyon ay ang oras na unti-unti akong nagising mula sa mahabang pagkakatulog.
“Gusto lang kitang makitang masaya.”
Ilang beses niyang pinatunayan iyon. And I believe he would take any risks for me.
Ipinikit ko ang mga mata ko. Naiinis ako sa sarili ko. Naiinis ako sa pagiging childish ko.
Bakit nga ba ako umalis kanina? Bakit nga ba iniwan ko siya nang makita kong kasama niya si Michelle?
Nilubog ko ang sarili ko sa ilalim ng tubig. Ilang segundo ako sa ilalim hanggang sa halos hindi na ako makahinga. Halos magkangsisigok ako dahil sa ginawa ko. Ilang beses kong paulit-ulit na ginawa ito hanggang sa tila mahimasmasan ako.
Ilang minuto pa'y umahon na ako. Nakatalapi na ako ng towel nang maisipan kong lumapit sa salaming dingding. Lahat ng dingding na salamin sa complex ay mga two-way mirror. Nakikita namin ang nasa labas pero hindi nakikita ang nasa loob. At sa mga oras na ito ay kitang-kita talaga mula sa itaas ang hardin sa labas. At para akong nasa loob ng hardin dahil sa amoy ng mga bulaklak at halaman na nasa bathroom. It’s a big help to ease my mind.
I'll talk to Akane. I promise.