Kabanata 4

1333 Words
Panay lamang sa pag-iyak ang babaeng nasa harap ko at walang humpay sa pagpapasalamat sa kadakilaang nagawa ko. Isang blangkong tingin lamang ang aking iginawad sa nakayukong babae. Hindi ko maintindihan ang mga nangyayari at hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin ako kung bakit nasa kamay ko ang bag na kanina lang ay na-snatch. "Lara, saan ka nanggaling iha? Bakit nasa sa'yo ang bag?" tanong ni tiya. Ako ma'y nahihiwagaan, ni wala akong maalala sa mga nangyari. Umiling lamang ako at wala akong maisagot sa tanong ng aking tiya. Hinawakan ko sa kamay ang babae at pilit ko siyang pinapatahan. "Ma'am, okay na po. Huwag na po kayong magpasalamat," ani ko. Mula sa pagkakayuko ay iniangat nito ang paningin at pasimpleng pinunasan ang luhang namamalisbis sa kan'yang mga mata. "Salamat, maraming salamat talaga. Hindi ko alam kung papaano ko mababayaran ang ginawa mo," sambit ng babae. "Naku ho, hindi na ho kailangan iyon. Atsaka ibinigay lamang itong bag sa'kin no'ng lalaking humabol sa mga snatcher." Minabuti kong magsinungaling na lang muna dahil pati ako'y walang maisasagot sa mga paparating na tanong ni tiya sa'kin. Lalo pa't ramdam ko ang bawat titig na ipinupukol sa'kin ni Tiya. Sinusuri niya ang bawat salitang lumalabas sa bibig ko. Masyado akong naaasiwa sa mga titig niya kung kaya't napayuko na lamang ako. "Salamat talaga," ani no'ng babae. Bago ito umalis ay nagpaalam muna siya kay tiya at nagpasalamat. Nang makaalis ang babae ay nagpatuloy na rin kami sa paglalakad papunta kina Chito. Walang imik lamang naming tinatahak ang mainit na kalsadang ito habang nasa likuran naman ako at nakasunod lamang kay tiya. "Lara, napapansin kong madalas mong nakakalimutan ang mga simpleng bagay," mahinang sambit ni tiya. "Stress lang po siguro." Nais ko sanang magpatingin na sa doktor dahil tama ang napapansin ni tiya sa'kin. This past few days ay masyado akong makakalimutin at kung minsan nga'y nagigising na lamang ako na walang maalala. Natatakot akong malaman na baka mayroon akong malubhang karamdaman. Ang hinala ko ay baka may sakit ako sa pag-iisip. Nababasa ko rin ito sa internet kaya hindi malabong mayroon akong Alzheimer's disease. Isang uri ng sakit sa utak kung saan unti-unti mong nakakalimutan ang mga bagay, tao at pangyayari sa buhay mo. Kung minsan nga ay hindi mo na matandaan kung sino ka. Base sa mga nangyayari sa'kin nitong nakaraan, iisipin ko talagang may kung ano akong sakit. "May tinatago ka ba sa'kin?" Umiling ako at mariing itinanggi ang kan'yang tanong. Gusto ko munang makumpirma bago ko ito ipaalam kay tiya. Ayaw ko na sanang pag-alalahin siya pero sa ngayon kailangan ko munang masiguro. "Palaisipan pa rin sa'kin Lara kung papaano mo nabugbog si Chito. Wala ka ring maalala kaya nakakapanghinala." Masyadong matalas ang pag-iisip ng tiyahin ko kaya't mahihirapan ako sa pagsisinungaling sa kan'ya. "Ako nga rin ho ay naguguluhan. Pero posible naman ho talagang makagawa ka ng mga bagay-bagay na hindi mo aakalaing magagawa mo dahil may tinatawag tayong adrenaline rush." Isa rin ito na nasa listahan ko ng mga posibilidad kung papaano ko nabugbog si Chito. Masyado sigurong naapektuhan ang emosyon ko lalo pa't isa si Chito sa mga taong kinaiinisan ko dahil sa pagiging bully ng binata. Kung minsan kasi nakakapag-exert tayo ng lakas kapag alam nating nasa delikado tayo. As of now, ito lamang ang maisasagot ko sa katanungan ng tiyahin ko. I-babase ko na lang muna ang lahat sa siyensiya. "Wala ka bang kakaibang nararamdaman sa sarili mo?" Patuloy lang kami sa paglalakad ni tiya at sandali akong napatigil sa paglalakad dahil sa tanong nito. Kakaiba? Napapansin ko ang biglaang pagtaas ng temperatura ko sa katawan. Kakaiba na ba 'yon kung maituturing? "Lara? Lara?" tawag ni tiya. Hindi ko napansin na napag-iiwanan na pala ako at malayo na ang agwat namin sa isa't-isa dahil sa pagtigil ko. Seryoso niya akong tinitigan at parang bigla akong kinabahan sa klase ng pagsipat niya sa mukha ko. "Sorry po," sagot ko. Hindi na ako umimik pa at ganoon na rin si tiya. Tumigil ang mga pagtatanong nito patungkol sa nangyayari sa'kin. Mabuti na rin 'yon dahil wala naman akong masasagot sa mga katanungan niya. Pati nga ako'y nahihiwagaan sa sarili ko. Pagkadating namin sa bahay nila Aling Gorya ay nakita ko si Chitong nagpapahinga sa sofa. Nakabenda ang kamay nito at may black eye sa mata. "Magandang tanghali Gorya," bati ni tiya. "Pasok kayo," paanyaya naman ni Aling Gorya sa'min. Yumukod ako nang kaunti at inilipat ko kaagad ang aking paningin kay Chito na malagkit na nakatitig sa'kin. Biglang nataranta ang lalaki at mababakas sa mata nito ang takot ng magpang-abot ang aming mga paningin. "Ma," tawag ni Chito kay Aling Gorya. "Patulong naman ma oh, papasok ako sa kwarto." Nagmamadali ito sa pagtayo at parang batang takot na takot. Mukhang nabugbog ko nang todo itong si Chito. Base sa nakikita ko ngayon para siyang pinagtulungan ng mga siga sa kanto. Ganoon ba kalala ang natamo niya dahil sa ginawa ko? Mapayat ako kaya hindi ko talaga maipaliwanag kung papaano ko nabugbog ang isang tulad niya na dalawang beses ang laki kung ikukumpara sa katawan ko. Nais ko sanang makausap si Chito at matanong siya. Siya lang naman kasi ang makakapag-paliwanag sa totoong nangyari sa pagitan namin eh. May nakausap naman akong mga tao na nakakita sa'min ni Chito pero masyadong malabo ang kanilang kwento. Iba't-ibang bersyon hindi ko na alam kung anong paniniwalaan ko. Dahan-dahang naglalakad si Chito habang nakaagapay naman si Aling Gorya sa anak. "Chito, pwede ka ba makausap?" biglaang tanong ko. Nagkatinginan kaming dalawa at bigla na lamang napakapit si Chito sa bisig ng kan'yang ina. Mas lalo akong nakuryoso sa nagawa ko sa kan'ya. Bakit ganoon na lang ang takot niya sa tulad ko? "Chito, anak, tinatanong ka ni Lara." Sinubukan kong magmukhang friendly para makausap lang siya pero mas lalong lumala dahil bigla na lang itong sumigaw. "Ma! Ilayo niyo ako sa babaeng 'yan. Demonyo!" iyak ni Chito. Napahagulhol ang lalaki at sa tingin ko ay malala ang traumang inabot niya sa'kin. Maski si tiya ay naguguluhan sa mga nangyayari. "Aling Gorya mas mabuting ipasok niyo na lang si Chito at mukhang may trauma po siya. Pasensya po talaga sa nangyari." Nagbigay galang ako sa kan'ya at humingi ng pasensya. Palaisipan man ang nangyari sa pagitan namin ni Chito ngunit alam kong may pagkakasala rin ako dahil nailgay ko sa kapahamakan ang buhay ng anak niya. Nangako ako na magbibigay ako ng pera para sa mga gamot ni Chito mabuti na lamang mabait si Aling Gorya at siya na rin mismo ang humingi ng tawad sa parte ng anak niya. Napahawak ako sa kwintas ko, masyadong magulo at mahiwaga para sa'kin. Ano ba talagang meron? Bakit pakiramdam ko may dapat akong malaman sa totoong pagkatao ko? Hindi naman siguro ako bampira ano? Eh kasi nababasa ko sa mga libro na may kakaibang lakas din ang mga bampira. Hindi ko naman kasi alam kung anong paliwanag pa ang kailangan ko para mapaniwala ang sarili ko na normal ako o hindi. Hindi ko na kilala ang sarili ko at ngayon pa lang hindi na maganda ang pakiramdam ko rito. Litong-lito na ako sa kung ano ba talaga ang nangyayari sa akin. Ang simpleng buhay na kinagisnan ko ay mukhang magigimbal. Paano ko kahaharapin ang laban na wala akong kaalam-alam. Ano ba ang misteryo ng kwintas na suot ko? Sino talaga ako? Ano nga ba ako? Sana lang ay huwag na umabot sa punto na ako mismo ay mawala na sa bait. May agam-agam sa puso ko at may parte na nagsasabing umiwas ako sa gulo. Gusto kong umiwas pero ang gulo na mismo ang lumalapit sa akin. Ayaw kong madamay si tiya sa misteryoso kong pagkatao. Marami pa akong dapat malaman sa nakaraan at isa na ang pagtuklas sa taong pumatay sa mga magulang ko. Hinawakan ko ang kwintas ko habang malalim na nag-iisip. "Kung anuman o sinuman ako, gagawin ko ang lahat mabigyan lang ng hustisya ang pagkamatay ng mga magulang ko," ani ko sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD