Chapter 3
*Trixie*
“Nakakatakot si Rodrigo, Tere,” bulalas ni Joyce. Kasalukuyan na kaming nasa klase.
“Ang hot sana kaso kriminal,” dagdag niya pa.
“Shh! Bibig mo,” mariing suway ko sa kaniya. Agad naman niyang tinakpan ang bibig. Nagkaklase kami kaya hindi lang kami ang estudyante dito sa loob. Mahirap na at baka may makarinig. Pagmumulan na naman ‘yon ng mga bulungan.
“Nakakapangilabot kasi siya. Biruin mo… sinabi niyang alam niya lahat tungkol sa’yo. Pinababantayan ka niya?” Natatakot niyang bulong.
Iyon din ang iniisip ko kanina. No’ng hinatid niya kami kanina… hindi pa siya umalis kaagad at pinapanood pa ako hanggang sa mawala ako sa paningin niya.
Nanatili akong tahimik dahil kinakabahan din ako. “Paano mamaya kapag nasa labas siya? Naghihintay?” Magkasunod na tanong niya. Umiling ako.
“Hindi ko alam,” mahinang sagot ko.
“Mabuti pa… mag-focus na lang tayo sa klase,” saad ko kahit na hindi ko rin mai-focus ang isip ko dahil nangangamba rin ako kay Rodrigo.
Minsan ay kinikilabutan ako sa taong ‘yon tuwing lumalapit sa akin. Palagi akong may kaba sa dibdib dahil sa takot sa kaniya.
Alam sa lugar namin na masamang tao siya. May ari ng pinakamalaking sugalan sa lugar namin. Marami pa akong naririnig na masasamang gawain ng grupo nila. Wala naman akong balak kumpirmahin dahil baka mas lalo lang akong matakot. At isa pa… masiyado akong busy sa buhay estudyante at pagiging magulang sa mga magulang ko. Matabang akong ngumiti. Gano’n naman kasi ang kinalalabasan. Ako ang nagpo-provide para sa pang araw-araw namin. Sila pa nga ang inaasikaso ko tuwing galing ako sa trabaho. Kaya nagsusumikap pa rin akong mag-aral sa kabila ng hirap ng buhay dahil gusto kong makaahon. Nakakapagod maging mahirap. Nakakasawa na ring mag-ulam ng sardinas o ‘di kaya’y asin at mantika sa araw-araw.
Pagkatapos ng klase ay agad kaming lumabas ni Joyce para pumasok na sa trabaho namin. Mamayang madaling araw ay may trabaho pa ako sa isang lugawan. Maghuhugas ng malalaking kaldero at mga tambak-tambak na pinagkainan. Kapalit no’n ay isang daan na siyang baon ko kinabukasan sa eskwela.
Naniniwala akong balang-araw ay makakaahon ako sa ganitong estado ng buhay. Kung kaya ko lang iwan ang mga magulang ko… siguro… mas marami pa akong magagawa. Kaya lang hindi ako makasarili tulad nila. Wala man silang pakialam sa akin… pasalamat sila at hindi ako tulad nila.
“Tere, si Rodrigo,” bulong sa akin ni Joyce.
Napatingin agad ako sa tapat ng gate. Hindi pa kami nakakalabas nang makita namin ang itim na sasakyan ni Rodrigo sa labas ng gate. Nakasandal pa siya at nakatunghay sa akin. Agad niya kaming nakita ni Joyce. Kumaway pa siya sa amin habang nakangiti. Kinakabahan na naman ako sa kaniya. Para kasing may binabalak siyang masama palagi. Siguro gano’n nga kapag marami kang naririnig na hindi maganda tungkol sa isang tao. Hindi ko rin maiwasang pag-isipan siya ng masama tuwing makikita ko siya.
“Kunwari nagmamadali tayo,” bulong ko kay Joyce at nagmadali kaming naglakad palabas ng gate. Male-late kami sa trabaho namin kung iintindihin pa namin si Rodrigo.
Ngunit hindi pa kami nakakalagpas sa tapat niya ay agad niya kaming tinawag.
“Hatid ko na kayo,” wika niya. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad na para bang walang narinig.
“Kailangan kitang makausap, Trixie,” wika niya kaya nahinto ako sa paglalakad.
“May trabaho pa ako, Rodrigo,” saad ko at muling naglakad.
“Hinihintay ka ng mga magulang mo,” saad niya kaya muli akong nahinto sa paglalakad. Matalim ko siyang tinignan.
“Anong ginawa mo sa mga magulang ko?” Namimintang kong tanong sa kaniya. Namulsa naman siya at hindi nasindak sa matalim na pagkakatitig ko sa kaniya. Nakuha pa nga niya akong ngisian.
“Ayaw mo naman sigurong banggitin ko dito?” Makahulugang tanong niya at pinasadahan ang labas ng eskwelahan. Maraming estudyanteng naglalakad. Ang iba ay sa amin nakatingin na para bang pasimpleng nakikiusyoso.
“S-Sige,” kinakabahan kong wika kaya binuksan niya ang pinto sa passenger seat. Nilingon ko si Joyce na may takot at pag-aalala sa mukha.
“Mauna ka na. Kapag na-late ako ng isang oras… pakisabi na lang kay Sir na nagkaroon ng emergency,” nakangiting sabi ko sa kaniya para mabawasan ang pag-aalala sa mukha niya. Tumango naman siya at muling tinignan si Rodrigo.
“Mag-iingat ka,” paalala niya sa akin. Tumango ako at sumakay na sa sasakyan. Baka kung ano lang ang trip nitong si Rodrigo. Sana mabilis lang para makahabol ako sa trabaho. At sana… wala talagang kinalaman ang mga magulang ko dito.
Pagkasakay sa magara niyang sasakyan ay agad niyang sinara ang pinto at umikot sa driver seat.
“Seatbelt,” wika niya. Akmang siya ang magkakabit ay agad akong tumanggi.
“A-Ako na,” nauutal kong saad.
Nagkibit-balikat lang siya at binuhay ang makina. Sa biyahe ay tahimik lang ako. Iniisip ko ang trabaho kong naghihintay, sayang ang sasahurin sa isang araw. Ang kalahati pa naman ng sweldo ko ay pambayad kina Aling Dori.
“Hindi naman siguro lingid sa kaalaman mong nagsusugal ang mga magulang mo sa pasugalan ko,” Biglang saad niya habang nagmamaneho. Napalingon ako sa kaniya.
“Alam ko,” wika ko. Isang beses niya akong nilingon. Nag-iwas agad ako ng tingin.
“Hindi rin naman lingid sa kaalaman mong matagal na akong may gusto sa’yo,” wika niya.
“Para saan ba lahat ng ‘to, Rodrigo?” Prangkang tanong ko sa kaniya. Wala akong oras para makipagbiruan sa kaniya. Napaka-busy kong tao at malaking abala sa akin ngayon ang ginawa ni Rodrigo.
“Chill lang,” nakangsing wika niya. Inirapan ko siya at matalim na tinignan.
“Wala akong oras para mag-chill, Rodrigo. May trabaho akong naghihintay tapos dumating ka para abalahin ako,” matapang kong saad sa kaniya. Tumawa naman siya.
“Iyan ang gusto ko sa’yo e. Matapang, palaban at higit sa lahat…” wika niya at pinasadahan ang nakalitaw na hita ko. Tinakip ko ang bag doon at narinig ko ang nakakakilabot niyang tawa.
“Makukuha ko rin ‘yan,” nakakakilabot na bulong niya pero umabot pa rin sa pandinig ko. Pinagpawisan agad ako dahil sa labis na kaba at takot.
Nagtaka ako at kinabahan nang dalhin niya ako sa malaking bahay niya. Sa likod nito ay isang malawak na pasugalan. May ibang daan lang papunta doon. Lalo akong kinabahan nang salubungin kami ng mga tauhan niya.
Pinagbuksan niya ako ng pinto kaya kinakabahan akong bumaba doon. “Nasaan ang mga magulang ko? Bakit mo ‘ko dinala dito?” Magkasunod kong tanong sa kaniya. Tinapangan ko ang boses pero nakakaduwag pa rin pala kapag pumasok sa kuta ng mga sindikato. Hinawakan niya ako sa siko pero agad kong iniwas. Lumayo ako ng kaonti sa kaniya. Natatakot ako lalo na sa sinabi niya kanina sa loob ng sasakyan. Baka dito niya balak gawin. Huwag naman sana.
“Sumunod ka sa’kin,” seryosong wika niya. Hindi niya nagustuhan ang ginawa kong pagdistansiya sa kaniya dahil nag-iba agad ang awra niya.
Akala ko ay papasok kami sa bahay niya pero may daan pa pala sa gilid. May isang pintuan doon na may dalawang lalaking nakabantay. Armado at alerto. Narinig kong binati nila si Rodrigo at binuksan ang pinto para makapasok kami. Sa likod ay may nakasunod na dalawang tauhan. Nakakatakot. Para akong pumasok sa pugad ng mga leon at ahas.
May hagdan pababa at may dilaw na ilaw na siyang nagbibigay liwanag sa madilim na paligid. Binalot ako ng takot sa dibdib kaya napayakap ako ng mahigpit sa bago ko. Nakasunod lang ako kay Rodrigo pero ang mga paa ko ay gusto nang umatras at tumakbo palabas. Pero hindi pwede dahil gusto kong makita ang mga magulang ko. Sana… walang nangyari sa kanilang masama.
Ngunit pagkababa ay agad kong nakita ang dalawang tao na pamilyar sa akin. Nakatali sa upuan at nakatakip ang mga mata. Agad bumalong ang luha ko nang makita silang may pasa at bahid ng dugo sa mukha.
“M-Ma… P-Pa,” garalgal kong boses.
“T-Tere?” Tawag sa akin ni Mama.
Akma ko silang lalapitan nang bigla akong hinarang ni Rodrigo.
“Anong ginawa mo sa kanila?!” Mabagsik kong tanong sa kaniya.
“Marami na silang utang sa akin. Kahit piso wala silang binabayaran. Nanganganak na ang interest ng utang nila at patuloy pa rin silang umuutang,” saad niya.
“M-Magbabayad ako,” agad kong wika. Makahulugan siyang ngumiti sa akin. Napalunok ako. Mas lalo kong niyakap ang bag na nasa dibdib ko.
“Makakabayad ka. Kung… magpapakasal ka sa’kin,” seryosong saad niya. Gulat ko siyang tinignan at nilingon ang mga magulang ko.
Umiling ako. “Kaya kitang bayaran sa ibang paraan,” wika ko.
Pinasadahan naman niya ng tingin ang katawan ko. Kinilabutan ako at sunod-sunod na napalunok nang hawiin niya ang takas na buhok ko. Nilayo ko ang mukha sa kaniya.
“Kaya mo bang bayaran ang kalahating bilyong utang ng mga magulang mo sa’kin? Hindi pa kasama doon ang interest, Tere,” saad niya.
Labis akong nagulat sa narinig. Saan ako pupulot ng gano’ng kalaking halaga? Hindi pa raw kasama ang interest no’n. Tiyak na hindi lang kalahating bilyon ang kabuuan kapag kasama pati interest. Pero hindi ako papayag na magpakasal sa kaniya para lang mabayaran ang utang ng mga magulang ko. May ibang paraan pa. Kahit ako ay natigilan din sa inisip. Ibang paraan? Para akong pinanghinaan kaagad dahil sa totoo ay hindi ko talaga alam kung saan pupulot ng pambayad.
“Kapag nagpakasal ka sa’kin… bayad na lahat ng utang nila. Hindi ko na rin sila papatayin,” saad niya kaya natatakot akong lumingon sa mga magulang ko.
Kung sabihin niya ‘yon ay para bang… manok lang sila na kinakatay sa palengke. Walang panghihinayang sa boses niya, wala ring awa. Talagang kaya niyang patayin ang mga magulang ko. Sa armas pa lang ng mga tauhan niya, isang kalabit lang no’n… matatapos na ang buhay nina Mama at Papa.
Anong gagawin ko? Saan ako pupulot ng kalahating bilyon pang tubos sa mga magulang kong lulong sa bisyo at sugal?
Hindi na natapos ang pagsubok ng buhay ko. Ang hirap na ngang makausad, may panibago pang dumating at mas mabigat na suliranin.