Deal - 1
Napabuntong-hininga siya habang nag-i-scroll sa cellphone. Nasa screen ang mga litrato nila ni Nick na ipinost niya sa social media. Sa bawat larawang makita niya, hindi niya maiwasang mapangiti.
Three months na silang magkasintahan, pero hanggang ngayon, masaya pa rin siya sa relasyon nila. Who wouldn't be? Si Nick ang isa sa pinakasikat na varsity players sa San Miguel University. Fourth-year Engineering student at gagraduate na sa susunod na taon. Siya naman ay second-year Accountancy student. Si Nick ang una niyang seryosong boyfriend. Bago ito, puro fling lang ang mga naging karelasyon niya. Nothing serious. Nothing that lasted long enough for her to care. Pero iba si Nick. At sa ngayon, wala siyang nakikitang dahilan para magbago iyon.
"Aldrich is here," narinig niyang sabi ni Auntie May.
Biglang nawala ang ngiti sa labi niya.
Aldrich. Ang soon-to-be stepbrother niya. Sa loob ng ilang buwan, ikakasal na ang Daddy niya at si Auntie May. Kapag nangyari iyon, hindi na lang basta anak ng babaeng pakakasalan ng ama niya si Aldrich. Magiging bahagi na ito ng pamilya nila. Hindi pa rin siya komportable sa ideyang iyon.
Dahan-dahan siyang tumingin sa entrance ng restaurant. At doon niya ito nakita. Matangkad. Nakasuot ng simpleng puting polo shirt na lalong nagbigay-diin sa moreno nitong balat at matipunong pangangatawan. Diretso ang tindig, seryoso ang mukha, at tila walang pakialam sa mga matang sumusunod sa bawat hakbang nito.
Aldrich Lorenzo. Fourth-year Business Management student sa San Miguel University at star player ng football team. Isang pangalan na halos lahat sa campus ay kilala. Tuwing may laro ito, halos mapuno ang bleachers. Maraming babaeng naghihintay ng pagkakataong makita ito, makakuha ng litrato, o kahit makausap lang nang ilang segundo. At hindi lang dahil sa itsura kaya pinag-uusapan ito ng mga tao. Tagapagmana rin ito ng Lorenzo Group Bilyonaryo ang ama ni Aldrich, na may malalaking negosyo sa real estate, hotels, at shipping. Ayon sa narinig niya sa Daddy niya, si Aldrich ang nag-iisang anak nito. Ibig sabihin, balang araw, mapupunta rito ang napakalaking kayamanang pinaghirapan ng pamilya nila.
As if hindi pa sapat ang pagiging gwapo, sikat, at mayaman. May girlfriend pa itong si Selena, ang campus crush at isa sa pinakamagagandang cheerleader sa SMU. Perfect match, ayon sa lahat. Parehong sikat. Parehong hinahangaan. Parehong sanay na sa atensyon ng mga tao. Pero kung si Nick ay palangiti at madaling lapitan, kabaligtaran naman si Aldrich. Tahimik. Mailap. Malamig. The kind of guy who could make an entire room go quiet with just one look. At sa kasamaang-palad, madalas niyang maranasan iyon tuwing magtatagpo ang mga mata nila. Gaya ngayon.
Nagtagpo ang mga paningin nila. Walang ngiti. Walang bati. Ni bahagyang pagkilala, wala. Pagkatapos ng ilang segundo, inalis na ni Aldrich ang tingin sa kanya na para bang wala lang siya roon.
Napakunot ang noo niya. Seriously? Hindi naman niya ito inaano. Simula nang una silang magkita sa engagement party ng mga magulang nila, ganoon na ang pakikitungo nito sa kanya. Para bang may personal itong problema sa presensya niya. At dahil hindi niya alam kung ano ang dahilan, hindi rin niya alam kung paano ito pakikitunguhan.
"Aldrich, dito ka umupo sa tabi ni Lian," masayang tawag ng Daddy niya.
Tumango lang si Aldrich bago lumapit sa kanila. Wala man lang imik. Umupo ito sa bakanteng upuan sa tabi niya, at agad niyang naamoy ang mamahaling pabangong suot nito. Napatuwid siya nang bahagya. Hindi dahil kinabahan siya. At lalong hindi dahil napansin niyang mas gwapo ito nang malapitan. Absolutely not.
"Hi," bati niya, pilit na magaan ang tono.
Saglit siyang sinulyapan ni Aldrich bago tumango. Iyon lang.
Napakurap siya. Wow. Napakahaba naman ng conversation nila. Kung hindi lang masayang-masaya ang Daddy niya baka matagal na siyang nagdahilan para umalis.
Lalong naging masigla ang usapan sa hapag. Panay ang tanong ni Auntie May kay Aldrich tungkol sa university, habang ang Daddy niya naman ay nakikisali sa mga kuwento tungkol sa football team nito. Tahimik lang siyang kumakain at paminsan-minsang sumasagot kapag may nagtatanong sa kanya. Si Aldrich naman ay halos hindi nagsasalita maliban kung direktang kinakausap. Hindi niya alam kung likas lang ba itong tahimik o sadyang wala itong interes na makipag-usap sa kanya. Either way, hindi niya balak pilitin ito. Mas gusto pa nga niyang huwag na lang silang pansinin ang isa't isa. Unfortunately, mukhang hindi iyon ang mangyayari.
"Gusto ko lang i-announce sa inyong lahat habang kumpleto tayo." Napatingin siya sa Daddy niya. Nasa dessert na sila, at may kakaibang excitement sa mukha ng ama. Sa tabi nito, nakangiting tumingin si Auntie May sa kanya. Napakunot ang noo niya. Bakit parang may binabalak ang mga ito?
"Simula ngayon, sa bahay na muna titira si Aldrich."
Natigilan siya. Sandaling hindi niya alam kung tama ba ang pagkakarinig niya.
"Wait. What?" Napalingon siya sa Daddy niya. "Titira si Aldrich sa bahay natin?"
"Oo, anak." Mas lalong lumawak ang ngiti ng ama. "Napag-usapan na namin ito ng Auntie May mo."
"Matagal na kaming hindi magkasama ng anak ko," paliwanag ni Auntie May. Masaya ang ngiti nito, pero may bahagyang pag-aalala sa mga mata. "Gusto ko sana siyang makasama bago ang kasal namin ng Daddy mo. Bago siya maka-graduate at pumunta sa Dad niya, gusto kong magkaroon pa kami ng mas maraming oras na magkasama."
Napahigpit ang hawak niya sa kutsara. Sa bahay nila? Aldrich Lorenzo? Ang lalaking halos hindi man lang siya matingnan nang diretso? Napalingon siya rito. Wala pa ring mabasang emosyon sa mukha nito. Para bang normal na normal lang ang lahat. Para bang hindi nito kailangang isipin kung ano ang magiging epekto ng desisyong iyon sa kanya. O baka naman alam na nito at wala lang talaga itong pakialam.
"Okay lang ba sa iyo, Lian?" tanong ng Daddy niya.
Napatingin siya sa ama. Okay lang ba? Gusto niyang tumawa sa tanong nito. Anong isasagot niya? Na ayaw niyang may ibang taong makikihati sa bahay nila? Na hindi siya komportable sa ideyang may lalaking halos hindi niya kilala na titira sa tabi ng kuwarto niya?
Pero hindi lang iyon ang dahilan. Tatlong taon na ang nakalipas mula nang mawala ang Mommy niya. Tatlong taon na itong wala, pero sariwa pa rin ang sakit sa tuwing naaalala niyang hindi na ito babalik. Hindi pa siya handang tanggapin na may ibang babaeng papalit sa puwesto nito sa buhay ng Daddy niya. Hindi pa siya handang tumawag ng Mommy sa ibang tao. At higit sa lahat, natatakot siyang dumating ang araw na tuluyan nang makalimutan ng Daddy niya ang babaeng minahal nito bago si Auntie May. Kaya ganoon na lang kalamig ang pakikitungo niya sa babae. Hindi niya ikinahihiya ang nararamdaman niya. Kung tutuusin, hindi niya naman hiningi ang pagbabagong ito.
Pero ngayon, pati si Aldrich ay titira na sa bahay nila. Ang lalaking magiging stepbrother niya. Ang lalaking hindi niya alam kung paano pakikisamahan. Ang lalaking posibleng araw-araw na niyang makikita, kahit gustuhin man niyang iwasan. Parang unti-unti nang nagbabago ang lahat sa tahanang dati ay silang mag-ama lang ang magkasama. At hindi niya alam kung handa na siyang tanggapin iyon.
"Lian?"
Napakurap siya nang tawagin siya ng Daddy niya. Naghihintay ang mga ito sa sagot niya. Wala siyang ibang pagpipilian. Kahit gusto niyang tumanggi, alam niyang masasaktan ang Daddy niya. Ayaw rin niyang maging dahilan ng panibagong problema sa pamilyang pilit nitong binubuo. Kaya pinilit niyang ngumiti.
"Okay lang po, Dad." Kahit hindi naman talaga.
Pagkatapos ng dinner, sabay-sabay silang lumabas ng restaurant.
"Lian, sumabay ka na muna kay Aldrich pauwi," sabi ng ama. "Susunod na lang kami."
Napalingon siya sa parking lot. Doon nakaparada ang itim na luxury car ni Aldrich. Hindi niya matukoy kung Bentley ba iyon o BMW, pero halatang milyones ang halaga ng sasakyan.
Akmang tututol siya. "But, Dad-"
"Let's go, Lian."
Napalingon siya kay Aldrich. Hindi man lang ito naghintay ng sagot niya. Dire-diretso itong naglakad papunta sa sasakyan, na para bang desidido itong tapusin agad ang usapan. Napasinghap siya nang mahina. Ang yabang. Hindi man lang marunong magtanong kung okay ba sa kanya. Pero wala na siyang nagawa kundi sumunod.
Pagdating nila sa sasakyan, binuksan ni Aldrich ang passenger door para sa kanya. Saglit siyang natigilan. Hindi niya inaasahan iyon mula sa lalaking halos hindi man lang siya kinakausap.
"Thanks," sabi niya bago sumakay.
Walang sagot si Aldrich. Marahan nitong isinara ang pinto at umikot patungo sa driver's seat. Ilang segundo lang ang lumipas bago tuluyang bumalot sa kanila ang katahimikan. Nakatitig siya sa bintana, pilit na iniiwas ang pansin sa lalaking nasa tabi niya. Madali lang naman dapat iyon. Sumakay lang sila sa kotse. Uuwi sila. Pagkatapos, hindi na niya kailangang makipag-usap dito kung ayaw niya. Simple. Pero bakit pakiramdam niya ay sobrang haba ng bawat segundo?
Inayos niya ang pagkakaupo at bahagyang sumulyap sa harapan. Doon niya nakita ang repleksiyon ni Aldrich sa rearview mirror. Seryoso ang mukha nito habang nagmamaneho. Napatingin siya sa mga kamay nitong nakahawak sa manibela. Then, without realizing it, umakyat ang tingin niya sa mukha nito. Gwapo talaga. Nakakainis. Parang walang kahit anong effort, pero ganoon pa rin ang dating nito. Mabilis siyang umiwas ng tingin nang biglang magsalita si Aldrich.
"Stop staring."
Napalingon siya rito. "Huh? I wasn't—"
"You were. In the mirror."
Agad na uminit ang pisngi niya. Nahuli siya. At ang mas nakakainis, halatang alam ni Aldrich ang ginagawa niya.
"I'm not," mahina niyang depensa.
This time, lumingon ito sa kanya. Isang segundo lang. Pero sapat iyon para tuluyan siyang matahimik. Madilim ang mga mata nito. Diretso siyang tiningnan, walang ngiti.
"Don't lie."
Pagkatapos, ibinalik nito ang tingin sa kalsada na para bang wala lang ang nangyari.
Napayuko siya. Ang yabang talaga. Akala mo naman lahat ng babaeng tumitingin riti ay agad nang may gusto rito. Hindi porke't gwapo ito, ibig sabihin ay- Napahinto siya sa pag-iisip. Well. Gwapo naman talaga ito. Pero hindi niya iyon aaminin.
Pagdating nila sa bahay, agad na ipinarada ni Aldrich ang sasakyan. Nauna itong bumaba, kaya binuksan na lamang niya ang sarili niyang pinto. Hindi na niya hinintay na alalayan siya nito. Pagkababa niya, nakita niyang papasok na ang sasakyan ng Daddy niya sa driveway. Huminga siya nang malalim. At least, tapos na ang awkward na biyahe.
Akala niya, makakapasok na siya agad sa bahay. Pero bago pa siya makalayo, narinig niya ang boses ni Aldrich sa tabi niya.
"Get used to it, Lian."
Napalingon siya. Nakatayo ito sa tabi ng sasakyan, isang kamay na nakasuksok sa bulsa ng pantalon. Diretso ang tingin nito sa kanya.
"We'll be sharing space for months."
Sandaling natigilan siya. Hindi niya alam kung bakit parang may kakaibang bigat ang simpleng mga salitang iyon. Marahil dahil totoo naman. Mula ngayon, hindi na niya basta maiiwasan si Aldrich. Makikita niya ito sa almusal. Sa hapag-kainan. Sa mga pasilyo ng bahay. Posibleng sa bawat sulok ng tahanang nakasanayan niyang para lamang sa kanilang mag-ama. At sa tuwing magkikita sila, kailangan niyang harapin ang lalaking tila kayang basahin ang bawat kilos niya.
Napataas ang kilay niya. "Don't flatter yourself, Aldrich."
Bahagyang gumalaw ang panga nito. Sa unang pagkakataon mula nang magkita sila ngayong gabi, tila may nagbago sa ekspresyon nito. Hindi ngiti. Hindi rin galit. Pero sapat iyon para mapaisip siya kung may nasabi ba siyang ikinainis nito.
"Good," sagot ni Aldrich. "Then we won't have a problem."
Tinalikuran siya nito at naglakad papasok ng bahay. Naiwan siyang nakatayo sa driveway, nakakunot ang noo. Ang kapal talaga ng mukha. Pero habang pinagmamasdan niya ang papalayo nitong likod, isang bagay ang unti-unting lumilinaw sa isip niya. Hindi magiging madali ang mga susunod na buwan. At ang masama? Pakiramdam niya, si Aldrich Lorenzo mismo ang magiging pinakamalaking problema niya.