CHAPTER 1
CHAPTER 1
Buong buhay ko, wala akong ibang hinangad kung hindi ang maahon mula sa kahirapan ang mga magulang ko. Nakita ko kung paano sila lumalaban ng patas kahit na pagod na pagod na sila para lang mabuhay kaming dalawa ng kapatid ko.
“Ate, pumunta ka raw sa mansyon ng mga Guevarra dahil maraming lilinisin,” wika ng kapatid ko nang makauwi ako galing sa school.
“Sige, magbibihis lang ako at pupunta ako doon,”
Balita ko ay uuwi raw ngayon ang panganay na anak ng mga Guevarra. Ang dami niyang utang sa akin! Simula bata ako hanggang ngayong bente anyos na ako ay hindi man lang ako nakatanggap ng regalo mula sa kanya. Sisingilin ko siya sa utang niya sa akin.
Pagkatapos kong magbihis ng isang manipis na kulay puting t-shirt at green na jogging pants ay sumakay na ako ng tricycle papunta sa mansyon ng mga Guevarra. Sila ang isa sa pinakamaimpluwensiyang tao rito sa lugar namin.
Ang nanay ko ay nagtatrabaho bilang isang labandera sa bahay nila at si Tatay naman ay personal driver ni Don Mariano Guevarra. Mayroon itong tatlong anak at ang dalawa lang ang madalas kong nakikita rito dahil ang panganay nila ay nandoon sa ibang bansa. ‘Yong pangalawang anak ay si Alejandro Guevarra na isang pintor. Masungit iyon at hindi namamansin kahit binabati mo siya. Kahit simpleng tango hindi nun magawa at madalas lang ‘yon sa loob ng kwarto niya kaharap ang kanyang sketchpad. ‘Yong pangatlo naman, babaero ‘yon. Kapag dumadaan ako ay sumisipol pa, pero mabait ‘yon at nakikipag-usap naman. Kaya lang kung umuwi rito ay madalas lasing. Kung hindi naman lasing ay may dalang babae, minsan dalawang babae pa nga.
Sa likod na ako ng bahay nila dumaan. Malaki at malawak ang buong bahay na umabot ng tatlong palapag. Sa pangatlong palapag ay kwarto lang ‘yon ng tatlong anak ni Don Mariano. Minsan naglilinis ako doon kapag wala sila.
“’Nay, mano po,”
Nagtutupi na si Nanay ng mga malalapad na kurtina malapit sa likod ng bahay kung nasan ang kanilang bodega. Malapit din iyon sa pool area. Nandoon ang mga kwarto ng mga katulong sa buong bahay. Lima kaming nandito.
“Wala ka na bang klase mamaya?” tanong nito. Umupo ako sa kanyang tabi at tumulong na rin. Hindi pa ako nagbibihis ng pangkatulong na damit dahil nandito pa naman ako sa likod. Mamaya na ako magbibihis kapag papasok na ako.
Mababait ang pamilya ng mga Guevarra lalo na si Donya Alesandra na namatay dahil sa sakit sa puso isang linggo lang ang lumipas. Mabait at matulungin ‘yon at madalas ko pang nakakausap dahil pinapatanggal niya sa akin ang puting buhok niya. Pwede naman siyang magpakulay ng itim pero ewan ko ba at bakit ako pa ang nagbubunot. Nakakagulat nga ang naging pagkamatay niya. Nakaratay pa siya rito sa mansyon nila at sa susunod na araw pa ang kanyang libing.
“’Wag ka ng tumulong dito sa akin, Ligaya. Ang mabuti pa, pumunta ka na doon sa loob at tumulong ka sa kanila dahil uuwi ngayon si Senyorito Leandro,”
Ang kuripot kong Ninong! Ngayon ko lang siya makakaharap at maniningil talaga ako sa utang niya sa akin! What if hindi niya pala ako kilala? Sa bagay ang tagal na rin nun.
“Uuwi ka ba ngayon, ‘nay? Hindi na ata ako uuwi ngayon dahil tutulong ako rito. Wala naman akong pasok bukas dahil sabado naman,” paliwanag ko.
“Uuwi ako mamaya kapag natapos ko ‘to. Walang kasama ang kapatid mo sa bahay dahil mananatili rito ang Tatay mo,” sagot nito sa akin.
“Sige, ‘Nay. Magbibihis na muna ako at papasok na sa loob. Ingat po kayo sa pag-uwi mamaya,”
Nagpalit lang ako ng damit at pumasok na rin sa loob. Hapon na ngayon kaya unti-unti na ring dumadami ang mga taong dumadalaw. Abala kaming lahat sa paghahatid ng mga inumin at pagkain sa mga bisita nila.
Nasa kusina kami at nagchichismis pa ang mga kasamahan ko.
“Ito ang unang pagkakataon na makukumpleto ulit ang magkapatid! Excited na akong makita ulit si Senyorito Leandro!”
“Ang daming gwapo na mga kamag-anak nila! Sa side ni Don Mariano dumating kanina!”
Umiling na lang ako. May pamilya at asawa na ‘yang mga ‘yan.
“Tama na ang chismisan at maraming bisita sa labas. Ang tanda-tanda niyo na kumakaringking pa rin kayo. Isusumbong ko kayo sa mga asawa niyo,” pagbibiro ko sa kanila. Humalakhak lang ang dalawa. Dahil dito na ako lumaki ay close na rin ako sa kanila. Tinuring nila akong bunsong anak.
“Ito namang si Ligaya, kung makasabi ng matanda! May asim pa kami, ‘no! Kung hindi ka titingin sa mga lalaki, Ligaya, nako, tatanda kang dalaga!”
Bente pa lang ako. Wala pa sa isip ko ang mga ganyan. Ang nasa isip ko ngayon ay ang pag-aaral ko. Tsaka na ang lalaki kapag may stable job na ako.
Nakita ko ang dalawang magkapatid sa gilid ng kabaong ng Mommy nila. Nakatayo ito at nag-uusap. Ang Daddy naman nila ay may kausap na isang matandang lalaki.
Nagkaroon ng mga bulong-bulungan at medyo umingay ang buong paligid. Lumingon-lingon ako sa buong paligid.
And there… I spotted someone familiar. ‘Yong Ninong kong maraming utang sa akin! He is wearing a white polo shirt and he inserted it in his black trousers. May hawak itong cellphone sa kanang kamay niya. Unlike sa mga kapatid niya na snob, lahat ng bumabati sa kanya ay tumatango siya at ang iba pa ay nakikipagkamay ito.
Nakikita ko lang siya sa mga litrato, oo gwapo siya. Pero hindi ko akalain na mas gwapo pala ito sa personal! Dumaan siya sa aking harapan at kahit ako ay nakatanggap ng ngiti sa kanya! Muntik ko ng mabitawan ang hawak kong tray nang magtagpo ang mga mata naming dalawa. Tiningnan niya ako? Tapos ngumiti pa siya sa akin?
May naramdaman akong mahinang bumungga sa aking balikat. Si Manang Sana iyon na may nakakalokong ngiti sa labi niya.
“Naglalaway kana, Ligaya. Gwapo, ‘di ba?”
Sasagot na sana ako ng “oo” pero pinigilan ko ang sarili ko. Aasarin niya lang ako kapag umamin ako. “Sakto lang,” nagkibit-balikat ako. Halata sa mukha niya na hindi siya naniniwala sa sinabi ko.
“Sus, kunwari pa siya,”
Sinamaan ko siya ng tingin.
“Magtrabaho na tayo. Nandito tayo para magsilbi sa kanila hindi para pantasyahan ang mga mukha nila,” wika ko bago naglakad papunta sa kusina.
“Haynako, Ligaya!” Sumunod din ito sa akin.
Nang makita ko na sa wakas si Senyorito Leandro ay bigla akong tinubuan ng hiya para maningil ng regalo sa kanya.
Kumuha ulit ako ng mga inumin sa loob. Mga mayayaman kasi ang mga bisita nila, hindi pwedeng mag-display lang ng inumin d’yan at sila na ang bahalang kumuha. Kailangan pagsilbihan mo talaga.’Yong mga mayayaman nawawalan na rin ng kamay minsan, eh.
“Ikaw na ang maghatid ng inumin doon sa tatlong magkakapatid, Ligaya,” utos sa akin ni Manang Sana. Tinuro ko pa ang sarili ko. “Oh? Isusumbong kita kay Lilet,”
I rolled my eyes at her. Alam niyang takot ako doon.
Si Manang Lilet ay isang masungit na katulong. Siya ang mayordoma namin dito at kahit si Manang Sana ay takot din dito.
Nang lumabas ako ay hinanap ng aking mga mata ang magkapatid at nakita ko silang nakaupo na doon sa bandang unahan. Magkatabi silang tatlo at halos magkasingtangkad at magkasinglaki lang ng katawan. Nangangatog na ang binti ko habang naglalakad ako papunta sa kanila.
Nang malapit na ako ay sa hindi inaasahang pagkakataon ay natalisod pa ako! Nabitawan ko ang tray na hawak ko at tatama iyon sa kanilang tatlo! At hindi nga ako nagkamali dahil nabuhos kay Senyorito Leandro ang isang basong juice at tumalsik naman ang iba sa dalawang magkapatid. Ang ibang baso naman ay nabasag iyon sa sahig at basa na ang sahig.
Tumayo si Senyorito Leandro at hinawakan ang basang-basa nitong damit.
“Pasensya na po! Hindi ko po sinasadya!”
Muli akong napasigaw nang ihakbang ko ang aking paa ay nadulas ako! Pinikit ko na lang ang aking mga mata at hinintay na lang ang pagbagsak ko sa lupa. Pero ilang segundo lang ay hindi wala akong naramdamang kahit ano.
Hindi ko alam kung paano nangyari pero ang nakita ko na lang na ilang pulgada na lang ang layo ng mukha namin sa isa't-isa ni Senyorito Leandro at ang kamay niya ay nakapulupot na sa aking bewang.