Annalyn Cruz (POV)
Maaga kong narating ang opisina dahil nakaiwas sa trapik ang jeep na nasakyan ko.
Nakaupo si manong guard sa kaniyang pwesto habang humihigop ng kape sa tasa nito.
Binati ko ito at masiglang sinagot din niya ako’t nginitian.
Pagpasok sa loob ng building ay dire-diretso ako sa elevator at pinindot ang floor ng aming opisina. Ilang sandali lang ay lumabas na rin ako ng pintuan at dumiretso sa aking table.
Tumingin ako sa wall clock na nakasabit sa dingding at nakita kong may kalahating oras pa bago magsimula ang oras ng trabaho.
Pumunta ako ng pantry at naghanap ng basahang basa.
Pinunasan ko ang table naming dalawa ni Elaine at nang matapos kong punasan ang mga mesa namin ay naisipan ko namang isunod ang loob ng opisina ni Benjamin.
Pumasok ako sa loob ng opisina ni Benjamin at namangha ako sa ayos. Tinitigan ko ang bawat sulok ng silid na 'yon.
Organisado ang pagkakaayos ng mga gamit at walang makikitang anumang kalat o kahit maliit na pinaglukutang papel man lamang.
Malalanghap mo rin ang mabangong amoy rito sa loob ng opisina.
Hinawi ko ang makakapal na kurtinang tumatabing sa bintana at mula roon ay natanaw ko ang ganda ng tanawin sa labas.
Ipinikit ko ang mga mata at idinipa ang aking mga braso upang damhin ang simoy ng hangin.
“Good morning!” Napaigtad ako nang marinig ang baritonong boses ni Benjamin.
Paglingon ko ay nakita ko itong nakatayo sa may bandang table niya. Nakahalukipkip itong nakatingin sa'kin.
Nailang ako bigla sa mga titig niya kaya inibang direksyon ko ang paningin upang iwasan ito.
“Good morning, Sir!” utal kong bati sa kaniya.
“Kanina ka pa po ba riyan?” tanong ko pa sa kaniya at tumango naman ito sa'kin bilang tugon.
Namula ang pisngi ko sa isiping matagal na pala itong naroon sa loob ng opisina ngunit ‘di ko man lamang namalayan. 'Di ko man lang naramdaman ang presensiya niya dahil nawili rin ako sa katitingin at kadidipa rito sa bintana.
“Labas po muna ako, Sir.” Paalam ko sa kaniya at nagsimulang maglakad paalis ng bintana.
Tinungo ko muna ang table nito upang kuhanin ang basahang pamunas na naiwan dito.
Hindi maiwasang madaanan ko siya kaya dahan-dahan akong humakbang nang malapit na sa kaniya upang hindi tuluyang madikit dito.
Ngunit ‘di ko rin naiwasang mapapikit nang maamoy ang pabangong gamit nito.
“Ang bango talaga niya!" mahinang usal ko sa sarili.
“May sinasabi ka ba, Annalyn?!” tanong nito na siyang nagpabalik sa diwa ko.
“Ay, wala po Sir! Sabi ko lalabas na po muna ako at oras na ng trabaho,” kakamot-kamot sa ulong sagot ko rito.
Naiiling na tinalikuran niya ako at naglakad patungo sa direksyon ng bintanang iniwanan ko.
Nangingiting tinungo ko naman ang pinto. Ngunit bago ko pa tuluyang mabuksan iyon ay narinig ko pa ang kaniyang sinabi.
“Hindi makakapasok si Elaine, nag-text siya na masama raw ang kaniyang pakiramdam. Kaya ikaw na muna ang bahala sa mga trabaho rito.”
Nilingon ko ito at nginitian saka mabilis na lumabas ng pintuan.
Napasandal na lamang ako sa pinto matapos ko itong maisara.
Ilang buntong hininga muna ang aking pinakawalan bago naglakad patungong pantry upang ibalik ang basahang basa na kinuha ko roon.
Matapos kong maghugas ng kamay sa sink ay nagtimpla ako ng kape para kay Benjamin.
Kasama kasi ito sa mga trabaho ni Elaine at dahil wala nga siya ay ako na muna ang gagawa niyon.
Kumatok ako sa pinto ng opisina ni Benjamin, bago tuluyang binuksan ito.
Nakayuko ito sa maraming dokumentong nakalatag sa kaniyang harapan.
Tumikhim muna ako upang ipaalam sa kaniya ang aking presensiya.
Itinuro niya ang isang bahagi ng mesa na walang masyadong papel at doon niya ipinalapag ang tasa ng kape na tinimpla ko.
Inilapag ko ang tasa ng kape roon at nagpaalam nang muli sa kaniya na ako ay lalabas na. Tumango naman ito sa'kin bilang tugon.
Pag-e-encode at pagsagot sa telepono lang ang ginawa kong trabaho sa maghapon.
Halos naubos ko nang gawin ang mga folder na pina-file sa’kin ni Elaine. Sinubukan kong maglaro sa computer upang pamatay oras pero ‘di ko rin iyon natagalan.
“Nakakainip din pala ‘pag wala si Elaine,” bulong ko sa sarili.
Bumukas ang pinto ng elevator at lumabas doon ang isang magandang babae.
Nakasuot ito ng pencil cut skirt at above the knee ang haba nito na siyang lalong nagpalutang sa kaputian at kakinisan ng kaniyang mga hita.
Naka-sphagetti top ito na pinatungan ng blazer at kitang-kita ang kaseksihan ng kaniyang katawan sa mga malulusog niyang dibdib na sinasabayan pa nang pag-alog.
Bumaba ang mga mata ko sa aking dibdib at ikinumpara iyon sa babae. Napangiwi ako sa'king sarili dahil walang panalo ang dibdib ko rito.
Tunog ng heels niya ang maririnig sa buong floor habang ito’y naglalakad palapit sa aking pwesto.
“Hi, is Benjamin here?” malambing niyang tanong sa’kin at nginitian pa ako.
“May appointment po kayo kay Sir, Mam?” balik tanong ko rin sa kaniya.
“Yes! He called me to come here.”
“Sandali lang po Mam at ipaaalam ko muna kay Sir na narito kayo. Have a seat!” magalang kong sabi at itinuro ang upuan sa harap ng aking table.
Lumapit ako sa pinto ng opisina ni Benjamin at kumatok bago ito binuksan.
“Sir, may naghahanap po sa’yo sa labas.”
“Papasukin mo at sumama ka rin sa kaniya rito,” sagot naman nito sa akin na parang inaasahan din niyang talaga ang pagdating ng bisita.
Binalikan ko ang babae at in-assist ito papasok sa loob ng opisina ni Benjamin.
Kahit nagtataka ay nanatili rin ako rito sa loob dahil na rin sa utos ni Benjamin.
“Hi!” Lumapit ang magandang babae kay Benjamin at hinalikan ito sa pisngi.
Nahihiyang iniwas ko ang paningin sa kanila.
“Julie, I want you to meet Annalyn.” Itinuro ako ni Benjamin sa magandang babae na tinawag nitong Julie.
Lumingon naman ito sa akin at lumapit. Sinipat ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Gusto kong mainis sa paraan nang pagsipat nito ng tingin kaya lang ay nakatitig din sa amin si Benjamin.
Maya-maya ay ngumiti ito sa'kin at ipinitik sa hangin ang kaniyang mga daliri.
“So, siya pala ‘yong sinasabi mo sa’kin kanina sa telepono?” tanong ni Julie kay Benjamin.
“Magagawa mo ba ang mga pinag-usapan natin?” paniniyak na tanong ng binata.
“Of course!” sagot naman ni Julie.
Lumingon itong muli sa akin at ngumiti ng ubod ng tamis.
“By the way, I’m Julie Acosta, your make-over partner.” Kinuha niya ang kanang kamay ko at pinisil pa iyon.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa ni Benjamin at nalilitong inulit-ulit sa isipan ko ang mga salitang narinig buhat sa kanilang dalawa.
“Annalyn, siya si Julie. Siya ang tutulong sa’yong baguhin ang mga dapat mong baguhin sa iyong sarili,” ani ni Benjamin.
Napanganga naman ako sa sinabi nito, “B-baguhin?”
“Yes! Babaguhin... Gagawin mong mas malakas ang mahinang, Annalyn.” Paliwanag pa ni Benjamin.
“Totoo ba ‘tong naririnig ko?” 'di makapaniwalang tanong kong muli sa kaniya.
“Kagaya nga nang pangako ko sa’yo Annalyn, tutulungan kitang gumanti sa asawa mo.” At tumingin si Benjamin sa aking mga mata.
“At walang pangakong 'di tinutupad si Benja,” sabat naman ni Julie.
Naluluhang tumakbo ako palapit kay Benjamin at walang babalang niyakap ito.
“Salamat!” humihikbing usal ko sa kaniya.
“Umpisa pa lang ‘yan Annalyn, mas marami pa tayong kailangang gawin para mapagtagumpayan mo ang iyong paghihiganti.” Hinaplos nito ang aking buhok.
“So, ano pang hinihintay natin? Let’s go!” Masayang aya ni Julie.
“S-saan tayo pupunta?” nalilitong tanong ko rito.
“Eh ‘di magpapaganda!” bulalas naman ni Julie.
“Hindi pa tapos ang oras ng trabaho ko,” nahihiyang turan ko.
“Don’t worry si Benja na bahala riyan.” Kumindat pa si Julie sa’kin.
“P-pero absent si Elaine kaya walang mag-aasikaso sa kaniya rito kung may ipag-uutos siya,” nag-aalalang saad ko.
“Sumama ka na kay Julie, Annalyn. Ako nang bahala rito,” sagot naman ni Benjamin.
“Uy... Concern siya kay Benja,” nanunuksong sabi ni Julie.
Namula ang pisngi ko kung kaya yumuko ako upang itago ang aking mukha sa kanila.
Natuloy kaming umalis ni Julie kahit pa nga may isang oras pa bago ang oras ng uwian.
Naiwan si Benjamin sa opisina at nagsabi itong susunod na lamang sa aming dalawa.
Makwento si Julie kaya hindi ako nainip sa biyahe namin kahit pa nga naipit kami sa matagal na trapik.
Pagdating sa salon ay binigyan ni Julie ng instructions ang mga baklang mag-aasikaso sa’kin.
Patuloy naman sa pagkukwento sa'kin si Julie.
Nalaman kong isa pala itong transgender at maraming beses na ring naloko ng mga kalalakihan kung kaya naman naisipan nitong baguhin ang sarili sa tulong na rin ni Benjamin.
Muling nakabangon si Julie mula sa pagkakalugmok.
“Ang bait niya pala talaga, noh?!” natutuwang saad ko kay Julie.
“Mabait talaga ‘yan si Benja. Palaging bukas ang kalooban para sa lahat. Kahit mayaman na ‘yan ay hindi pa rin siya nakakalimot sa amin. Matagal din kaming magkakasama niyan sa bahay ampunan,” patuloy na kwento ni Julie.
“Bahay ampunan?” balik tanong ko sa kaniya.
“Oo, sa bahay ampunan kung saan kami parehong lumaki. Nagsikap ‘yan si Benja, kung kaya umasenso at yumaman.”
Lalo naman akong napahanga kay Benjamin dahil sa mga narinig ko mula kay Julie.
“Nagulat nga ako riyan nang tawagan niya ako at sabihan ng tungkol sa’yo.” Tinitigan ako nito at bigla akong nakaramdam nang pagkailang sa paraan nang pagkakatitig niya sa akin.
“Bakit?” maang kong tanong sa kaniya.
“Bihira kasi ‘yan pumabor sa mga paghihiganti. Para kasi sa kaniya ay isa iyong masamang adhikain sa buhay.”
At tumawa ito nang malakas na sinabayan din ng iba pang mga baklang naroon na nakikinig din sa usapan naming dalawa.
Nang matapos ang mga bakla sa ginawa nila sa aking buhok ay siyang dating naman ni Benjamin.
May bitbit itong cappuccino at inabot niya iyon sa'min.
Inabutan niya ng tig-iisang libong tip ang mga bakla na naroon sa salon at tuwang-tuwa naman ang mga ito.
"Ang swerte mo naman sa jowa mo!" kinikilig na sabi ng isang bakla.
"Mayaman na nga... Yummy pa!" tumitiling saad naman ng isa.
Pulang-pula ang pisngi ko sa mga panunukso nila.
Kumain muna kami sa isang restaurant at doon ay ipinagpatuloy namin ang pag-uusap at pagpaplano para sa aking gagawing paghihiganti.
Pinayuhan ako ni Julie na bumukod ng bahay upang hindi makaapekto sa mga gagawin kong paghihiganti ang mga kasambahay ko. Lalong-lalo na ang anak kong si Jerson.
Inalok ni Benjamin ang isang condo unit niya sa Taguig at doon ay maaari akong tumuloy hanggang sa matapos ang paghihiganti ko.
Naisip kong may punto rin ang mga 'to. Dahil tiyak na magtataka rin talaga ang aking magulang kung madalas din akong gagabihin nang pag-uwi.
Ayoko rin namang madamay si Jerson, sa paghihiganting gagawin ko dahil ang labang ito ay sa pagitan lamang naming dalawa ni Rey at labas doon ang aming anak.
“Humanda kayong dalawa sa'kin ng w*l*ngh*ya mong babae!" ani ko sa isipan.