Chapter 1
Annalyn Cruz (POV)
“May nag-text, Merry Christmas! Asan ka na? Naghihintay na si papa sa’yo. I love you!” sabi ko sa kanya habang papasok ito ng kwarto.
“Binasa mo ang text?” tanong nito.
“Oo!” asik ko sa kanya.
“Hindi ba sinabi ko sa’yo na ‘wag kang makikialam sa mga gamit ko,” galit nitong wika.
“Ba’t ‘di ko pakikialaman, eh gamit ko rin ang mga ‘yan,” pagalit ko na ring tugon.
Pumasok ito ng kwarto at narinig kong nagbagsakan ang mga gamit sa loob. Sinundan ko ito roon at nakita kong nagkalat sa sahig namin.
“Matagal mo na pala akong niloloko, g*go ka! Kaya pala halos madaling-araw ka na kung umuwi parati,” galit kong wika sa kanya.
“Kasalanan mo ‘tong lahat!” pabulyaw niyang sabi.
“Bakit? Saan ako nagkulang sa'yo? Buong buhay ko ibinigay ko sa’yo para lang maging isang mabuting asawa. Lahat isinakripisyo ko para lang paglingkuran ka,” pabulyaw ko ring tugon.
“Nasasakal na ako sa mga ginagawa mo,” sabi pa niya.
“Hindi sapat na dahilan yan Rey para lokohin mo ako!” sagot ko naman sa kanya.
"Hindi na kita mahal,” malamig niyang tugon.
Natigilan naman ako sa sinabi niya. Umiling-iling pa ako na parang sinasabi sa sariling hindi totoo lahat nang narinig ko mula sa kanya.
“Sinasabi mo lang ‘yan dahil galit ka,” mahinang usal ko.
“Totoo ang sinabi ko.” Kinuha niya ang kanyang mga damit at isinilid sa loob ng bag.
Nilapitan ko siya at hinawakan sa kanyang pisngi, tinitigan ko ito sa kanyang mga mata, “Tumingin ka sa mga mata ko at saka mo sabihin ‘yan.”
Matiim itong tumitig sa aking mga mata at saka inulit ang mga sinabi, “Hindi na kita mahal, maghiwalay na tayo!”
Pakiramdam ko ay sinaksak ako nang paulit-ulit sa kanyang mga sinabi.
Tatalikod na sana ito nang pigilan ko sa kanyang kamay, lumuhod ako sa harap niya at umiyak.
“Pakiusap, ayusin natin ‘to kahit para na lang sa anak natin.” “Di ko na napigilang humagulgol pa nang makitang umiling ito.
“Hindi na natin ‘to maaayos pa, susuportahan ko na lamang kayo ng anak natin,” sabi nito at tumalikod na sa akin.
“Merry Christmas na lang!” dagdag pa niyang sabi bago tuluyang lumabas ng kwarto na ‘yon.
Naglupasay ako sa sahig at doon ay umiyak nang umiyak. Ang sakit- sakit! Pakiramdam ko ay gumuho ang mundo ko. Hindi ko alam kung saan ako nagkulang sa kanya. Ni hindi ko alam kung ano ang pagkakamali ko bilang asawa niya.
Gusto kong magpakamatay ng mga sandaling ‘yon. Gusto kong wakasan ang sakit na nararamdaman ko. Nakita ko ang blade sa sulok at mabilis ko itong kinuha, iniawang ko sa aking pulsuhan upang ihiwa roon nang tapusin na ang aking buhay.
Umiyak ang siyam na buwan kong anak na si Jerson at gumapang ito palapit sa akin. Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makita ko ang anak ko. Dahil doon ay nahinto ako sa planong gawin sa aking buhay. Tinitigan ko ang aking anak at hinaplos ang pisngi nito. Humihikbing niyakap ko ito.
Makalipas ang dalawang linggo ay pinuntahan ko si Rey sa trabaho niya. Susubukan kong kausapin ito at pauwiin upang ayusin ang aming pagsasama bilang mag-asawa. Isinama ko si Jerson dahil walang mag-aalaga rito. Nasalubong ko ang isa sa mga kasamahan niya na si Grace, ninang din ni Jerson sa binyag.
“Hi Annalyn! Ang cute-cute talaga ng inaanak ko,” bati nito sa akin at pinisil-pisil pa ang pisngi ni Jerson.
“Hello Grace, nandiyan pa ba si Rey?” tanong ko sa kanya.
“Kanina pa umuwi si Rey,” tugon naman nito.
“Ganun ba, akala ko kasi hapon ang pasok niya ngayon kaya balak ko sanang sorpresahin siya,” malungkot kong tugon sa kanya.
“Huwag mo sanang masamain ang itatanong ko sa’yo, may problema ba kayong mag-asawa?” tanong nito sa akin at nilaro-laro pa ang maliliit na kamay ni Jerson.
Nginitian ko ito, “Wala naman kaming problema.”
"Sigurado ka ba? Alam mo bang makikipagsuntukan sana ‘yang asawa mo no’ng isang araw, para lang sa ibang babae?” sabi pa nito at tinitigan ako.
Umiling ako sa kanya at ‘di ko namalayang tumulo na ang luha ko. Lumapit ito sa akin at niyakap ako.
“I’m sorry, hindi dapat ako nakikialam sa inyong dalawa pero hindi rin kaya ng kunsensya ko na nakikitang niloloko ka ng asawa mo. Matagal na naming alam na may relasyon sila ni Angel, wala lang may lakas ng loob na magsabi sa’yo dahil umiiwas din sa gulo. Isa pa, kasamahan din kasi namin sila sa trabaho,” mahabang paliwanag nito.
“Nauunawaan ko, ‘wag kayong mag-alala wala akong sama ng loob sa inyo,” matapat kong tugon sa kanya.
Tumuloy ako sa bahay ng magulang ni Rey. Pagdating doon ay wala rin ang lalaki, mga kapatid lamang niya ang naroon. Inilapag ko sa sala si Jerson at hinayaan itong maglaro sa sahig. Habang naghihintay kay Rey ay napansin kong nagdadabog ang bunsong kapatid nito na si RJ, panay ang laglag ng mga kaldero sa kusina. Lumabas sa silid ang kuya nila na siyang pinakapanganay sa lahat.
“Akala ko ba hiwalay na kayo?” tanong sa akin ng kuya nila.
“Ano po ba ang sinabi ni Rey sa inyo?” balik tanong ko rin sa kanya.
“Umuwi siya rito at sinabi niyang hiwalay na nga raw kayo,” balewalang sagot naman nito sa'kin.
“Ganoon po ba?” mahinang sagot ko.
“Alam mo Annalyn, umuwi ka na sa inyo at kung pwede lang ha ‘wag ka nga manggulo ng ibang pamilya,” sabad naman ni RJ.
“Ano ibig mong sabihin RJ?” tanong ko sa kanya.
“Huwag mong i-text si Arlyn at ‘wag mong ikumpara ang relasyon naming dalawa sa inyo ng kapatid ko,” pagalit nitong sabi sa akin.
Nawala ang lahat ng pagtitimpi ko sa katawan, “Alam mo RJ, kailanman ay hindi ko ugaling manira ng isang pamilya. Iniwanan ako ng kapatid niyo pero wala kayong narinig na kwento mula sa akin. Kahit singkong duling ay wala siyang iniwan pantustos sa amin ng anak niya. Kung may problema kayo ng asawa mo, wala na akong pakialam diyan. Isa pa, ang asawa mo ang unang nagte-text sa akin kaya siya ang pagsabihan mo.” Yumukod ako upang kargahin si Jerson.
“Pinagsisisihan kong nakilala ko ang kapatid ninyo. Higit lalong pinagsisisihan kong naging kadugo kayo ng anak ko. Isinusumpa kong lahat kayo ay maghihirap pagdating ng panahon.” Tinalikuran ko sila at mabilis na nilisan ang bahay na ‘yon.
Lumalabo na ang paningin ko dahil sa mga luhang ayaw huminto sa pagpatak. Sobrang sama ng loob ko sa kanilang lahat. Hindi ko inaakalang pati pamilya ni Rey ay mga w*langhiya rin!
Nakita ko ang isang simbahan at doon ay umupo ako habang karga si Jerson. Umiyak ako nang umiyak doon at paulit- ulit na tinatanong ang Diyos kung bakit nangyayari sa’kin ‘to. Paulit- ulit kong isinumpa silang lahat kasabay ng pagsumpang maghihiganti ako sa kanila.
Umuwi ako sa bahay ng magulang ko at tinanggap ang lahat nang masasakit na salita mula sa kanila. Maraming trabaho akong pinasukan upang masustentuhan ang pangangailangan ng aking anak at pamilya.
Tiniis kong magutom at maglakad dahil wala akong kapera-pera. Halos wala nang natitira parati sa sahod ko dahil kulang pa pambayad sa mga utang at pangangailangan namin.
Sa loob ng mga panahon na ‘yon ay para akong buhay na patay! Nabubuhay para sa anak ko ngunit patay naman ang pagkatao. Naging miserable ang buhay ko dahil sa wal*nghiya kong asawa!
“Isinusumpa kong pagbabayarin kita Rey sa lahat nang ginawa mo sa akin,” usal ko sa sarili.
“Lani, saan ka galing?” tanong ko sa kanya, isa sa mga kasamahan ko rito sa grocery.
“Alam mo na ba ang balita?” tanong niya sa akin. Umiling ako bilang tugon.
“Mahina na ang benta ng grocery kaya ibebenta na raw ng may-ari sa iba,” patuloy nitong sabi.
“Ha? Paano tayong mga empleyado?” tanong ko sa nag-aalalang tono.
“Hindi ko rin alam, siguro umpisahan na rin natin maghanap-hanap ng bagong trabaho,” malungkot nitong tugon.
Nalungkot ako sa narinig na balita at ‘di ko maiwasang mag-alala. Ang hirap pa naman humanap ng trabaho ngayon. Napasapo ako sa aking noo.
Kinabukasan ay maaga akong bumangon at nagluto nang makakain. Habang pinapakain si Jerson ay tinitigan ko ‘to. ‘Di ko maiwasang maalala muli ang ama nito dahil nakikita ko ito sa kanya. Nakuha kasi nito ang mukha ng kanyang ama.
Sa tuwing ngumingiti ito sa akin ay natutunaw ang mga alalahanin ko. Sa tuwing nakikita ko si Jerson at ang mga ngiti nito sa labi ay nakakalimutan ko panandalian ang sakit at pait na nararamdaman ko. Alam kong malaki ang pagkukulang ko rito bilang isang ina, dahil hindi lahat ng pangangailangan nito ay naibibigay ko. Hindi sapat ang aking kinikita pantustos sa kanya.
Naalala ko pa ang first birthday nito, wala akong maihanda para sa kanya dahil wala akong pera. Ang tiyahin ko pa ang bumili ng party hat, lobo at nagpaluto ng pansit. Binilhan naman ni mama ng brownies si Jerson para magsilbing cake nito. Naawa ako sa sitwasyon ng anak ko kaya umiyak ako nang umiyak sa kwarto upang itago ang nararamdamang awa para rito. Isinumpa ko sa aking sarili na hindi na mauulit ang pangyayaring ‘yon sa buhay ng anak ko.
Pagkatapos namin kumain ay naligo na ako upang maghanda sa pagpasok. Hinalikan ko sa pisngi ang aking anak at nagpaalam na kay Mama. Pagdaan sa bayan ay napansin ko ang isang building na may nakasabit na karatula at may nakasulat na “Hiring.”
Nilapitan ko ang guard at nagtanong tungkol dito. Binigyan ako nito ng application form at nag-fill up ako. Ibinalik ko sa guard ang application form at sinabihan ako nito na tatawagan na lamang ako kung makakapasa sa screening ng HR. Nagpasalamat ako sa kanya at mabilis na umalis doon upang pumasok na sa grocery.
“Sana matanggap ako,” piping hiling ko sa sarili.