PUMASOK SA trabaho si Santino kahit na labag sa kanyang kalooban. Sa loob ng dalawang taon ay hindi siya nagbakasyon. Hindi siya lumiban sa trabaho. Minsan pati araw ng Linggo ay nagtatrabaho siya. Maaari niyang ipagpaliban ang trabaho. Ngunit pakiramdam niya ay kailangan muna ni Aurora ng space mula sa kanya. He reminded her of so many painful things.
Santino Mercado was a president of one of the biggest telecommunication companies in the country. Kompanya iyon ng ama ni Teresa at masasabing mas mabilis ang naging pag-akyat niya sa tugatog dahil sa pagiging son-in-law niya, ngunit masasabi rin niyang nagtrabaho siya nang husto sa mga nakalipas na taon. Pinatunayan din niya sa lahat na karapat-dapat siya sa bawat promotion na ibinibigay sa kanya. Ang ama ni Teresa pa rin ang chief executive officer, ngunit nadadalas na ang pagsasabi nito sa kanya na nais na sana nitong magretiro. Nag-iisang anak si Teresa at mula nang mapatunayan niya ang kakayahan sa mga in-laws ay madalas na niyang marinig na inaasahan siya ng mga ito.
Siniguro ni Santino na palaging nangunguna ang kompanya sa mga kakompetensiya nila. Hindi mapapabulaanan na malaki ang naitulong niya sa paglago at tagumpay ng kompanya. Hindi marahil magiging posible ang tagumpay niya kung wala si Teresa at kung hindi siya pinagkatiwalaan ng ama nito, ngunit nagtrabaho si Santino. He had given his all. Mula nang mamayapa si Teresa, sa trabaho at sa kompanya na umikot ang kanyang buong mundo. Sinikap niyang huwag nang mag-isip ng iba pa.
Hindi mapuknat sa isipan ni Santino si Aurora. Ito ang unang pagkakataon na wala ang buong isipan niya sa trabaho. Nakailang beses na siyang tumawag sa bahay upang kumustahin ang dalaga. Ang sabi ni Manang Fe ay napilit nito si Aurora na sumubo ng almusal. Nagbalik sa silid ang dalaga at hindi pa rin lumalabas.
Pansin ng mga ka-meeting at empleyado ang pagiging absent-minded ni Santino. Dahil wala na siyang trabaho pagkatapos ng tanghalian, napagpasyahan niyang umalis sa trabaho nang mas maaga. Hindi muna siya umuwi. Dumaan siya sa pinakamalapit na mall. Nais niyang bilhin ang mga kailangan ni Aurora. Alam naman niya na hindi materyal na bagay ang pinakakailangan nito ngunit may ilang bagay na kaya niyang bilhin. Ilang bagay na makapagbibigay kahit na paano ng comfort.
Inihanda ng sekretarya ni Santino ang isang cell phone para kay Aurora. She would need to call her parents on regular basis. Kahit na matagal na silang hindi nagkita, alam niyang may mga bagay pa rin na hindi nagbabago sa dating nobya. Ang matinding pagmamahal nito sa mga magulang ang isa sa mga bagay na iyon. Nais din niyang natatawagan niya si Aurora sa tuwing wala siya sa tabi nito.
He bought her clothes and shoes. Kasya ang damit ni Teresa kay Aurora. Noong hindi pa nagkakasakit ang namayapang asawa, kabisado niya ang sukat nito. Bahagya siyang nailang nang magtungo siya sa lingerie section para sa undergarments ni Aurora.
Bumili rin ng maraming tsokolate si Santino. Hilig ni Aurora ang tsokolate noon at sa palagay niya ay isa iyon sa mga bagay na hindi pa rin nagbabago.
Tahimik ang bahay pag-uwi ni Santino. Tinulungan siya ng driver na maibaba ang lahat ng mga pinamili niya. Sinalubong siya ni Manang Fe. Mababakas ang pag-aalala sa mukha ng matanda.
“May nangyari po ba?” kaagad na tanong ni Santino.
“Wala naman, hijo. Pero hindi na siya lumabas sa silid mula kaninang umalis ka. Kinatok ko siya kaninang tanghalian, nakahiga siya sa kama at umiiyak, anak. Halos hindi ko mapatahan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya lumabas.”
Bitbit ang cell phone at isang kahon ng tsokolate, inakyat ni Santino si Aurora. Kumatok siya at hinintay na pagbuksan siya nito. Pagkalipas ng ilang minutong katahimikan ay lakas-loob niyang pinihit ang doorknob at sumilip sa silid. Nakahiga pa rin sa kama si Aurora. Hindi na umiiyak ngunit nakatingin sa kawalan.
“Auring...”
Tumingin sa kanya ang dalaga. Namumula pa rin ang palibot ng mga mata nito at ilong. Kagagaling lamang nito sa mahabang pag-iyak. “Puwede bang tumuloy?”
“Bahay mo ito,” tugon ni Aurora sa paos na tinig.
“I can leave you alone. I don’t want to but I can leave you alone. Kahit na bahay ko pa ito.” Ayaw niyang dagdagan pang lalo ang paghihirap ni Aurora.
Bumangon si Aurora at isinandal ang sarili sa headboard. “Pasok.” Pinagmasdan nito ang digital clock sa may sidetable. “Talaga bang ganitong oras ang uwi mo sa trabaho?”
“No. Wala nang gaanong trabaho kaya umuwi na ako.” Hindi malalaman ni Aurora na mas madalas siyang ginagabi sa opisina. Itinuro ni Santino ang espasyo sa paanan ng kama. “May I?”
“Kagaya ng sinabi ko, bahay mo ito. Puwede mong gawin ang kahit na ano.”
Naupo si Santino sa paanan ng kama. Iniabot niya kay Aurora ang mga paperbag na dala-dala. “These are for you.”
Umiling si Aurora. “Santi, hindi mo kailangang—“
“You need these. You need a cell phone to call your family and your best friend.”
“Pahiram lang. Hindi ako maaaring tumanggap ng kahit na ano. Masyado na kitang naaabala.”
Binuksan ni Santino ang kahon at inilabas ang cell phone na laman niyon. Binuksan niya ang aparato at iniabot kay Aurora. Nag-alangan noong una ngunit tinanggap pa rin nito ang cell phone. “Hindi ka abala. Hindi kailanman magiging abala,” sabi uli niya. “Iaakyat ni Manang ang mga pinamili kong damit at sapin sa paa para sa `yo. Pahiram,” ang maagap niyang sabi nang akmang magpoprotesta si Aurora. “Puwede mong iwan kapag napagpasyahan mong umuwi na.”
Tumango si Aurora. “Maraming salamat, Santi. Nahihiya ako sa `yo.”
“Huwag kang mahiya. Wala kang dapat na ikahiya.” Ginawaran pa niya ng masuyo at banayad na ngiti ang dating nobya. Inilabas na rin niya ang chocolates na iniuwi niya.
Sinikap ngumiti ni Aurora kahit na puno pa rin ng lungkot ang mga mata nito. It would take time, ang sabi ng tinig sa kanyang isipan. “Tinawag kitang walanghiya kahapon,” wika ni Aurora sa munting tinig. “Pinukpok kita ng bulaklak. Sinaktan.” Tinanggap nito ang tsokolate.
“Nagulat ka nang makita ako. I reminded you of another... betrayal and rejection. Totally understandable.”
Tumango si Aurora.
“Kung makakagaan kahit na paano sa nararamdaman mo, pwede mo `kong saktan, sampalin, singhalan, murahin... Puwede mong gawin ang kahit na ano.” Sinalubong ni Santino ang mga mata ni Aurora upang ipaalam na hindi siya nagbibiro. “Puwede rin akong maging kaibigan. We used to be friends.” Marami man ang nagbago sa kanilang dalawa, nasaktan man niya ang dalaga, nagsimula ang lahat sa pagkakaibigan.
Muling tumango si Aurora. “Salamat talaga, Santi. Hindi ko inakala na ikaw ang tatakbuhan ko. Hindi ko rin kasi inakala na magagawa sa akin ni Dado ang bagay na ito.” Sinimulan nitong kutingtingin ang cell phone. “Noong makausap ko kahapon si Soleng, sinabi niya na hindi mapaghiwalay sina Dado at Aisa. Nagwala ang nanay at parang aatakehin sa puso ang tatay. Pero pinanindigan nilang mahal nila ang isa’t isa.” Isang mapait na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Aurora. “Love. Hindi dapat ganito ang epekto ng pag-ibig, hindi ba? Hindi dapat nananakit ang pag-ibig. Hindi naman nambe-betray.”
“Tama ka siguro. Pero hindi mo rin ba naisip na mas maigi na ang ganito? Mas maigi na siguro na masaktan ka ngayon kaysa sa darating na panahon, kung kailan committed na kayo o may mga anak na? Was that insensitive to say? You can punch me.” Inilapit pa nang kaunti ni Santino ang pisngi.
Kahit na paano ay napangiti si Aurora. Napakamunting ngiti ngunit totoo. Kahit na paano ay nagkaroon ng kaunting kinang ang mga mata nito.
“Sinabi rin iyan ni Soleng kahapon.”
“Pero masakit pa rin. Hindi mo pa rin kayang tanggapin.”
“Kapatid ko si Aisa.”
Tumango si Santino, nauunawaan ang pinanggagalingan ni Aurora. Mas masakit dahil pareho nitong mahal sina Diosdado at Aisa.
“At least hindi ko kilala ang napangasawa mo. Nakita ko lang siya minsan mula sa malayo. Mas madali para sa akin na mamuhi at magalit sa isang taong hindi ko kilala, kaibigan o kapatid. I’m sorry,” sabi ni Aurora nang mapansin na natigilan si Santino. “Hindi ko na dapat inuungkat iyon. Lalo na at wala naman na ang taong tinutukoy ko.”
“It’s okay.” Tumikhim si Santino. “Nagkaroon ka ba ng hinala? May instances ba na naisip mong may nangyayaring kakaiba sa kanilang dalawa?”
Umiling si Aurora. “Hindi gaanong nag-uusap sina Aisa at Diosdado kapag nasa paligid ako, o kapag magkakasama kami. ‘I can do better,’ ang minsang sinabi ni Aisa noong bago-bago pa ang relasyon naming dalawa ni Dado. Masyadong maarte at maluho naman ang tingin ni Dado kay Aisa. Hindi ko alam kung ano ang nangyari, kung paano nila minahal ang isa’t isa.”
“Maarte at maluho rin ang unang naging impresyon ko noong unang beses kong nakilala ang kapatid mong iyon. Naaalala kong hindi rin niya ako nagustuhan.”
“Ang sabi niya ay naging matalino ka noong iniwan mo `ko.”
“Auring, hindi—“
“Hindi mo na kailangang magpaliwanag,” pamumutol ni Aurora sa sinasabi niya, umiiling-iling. “Nagpaliwanag ka na noon at hindi ko man kaagad lubos na naunawaan, dumating din ako sa puntong iyon. Kailangan kong aminin na medyo matagal-tagal bago ko natanggap na wala na akong magagawa, na siya ang pinili mo at hindi ako. Medyo matagal-tagal din mula nang tigilan ko ang pagtatanong kung bakit siya at hindi ako.”
“Auring...” Hindi malaman ni Santino kung ano ang sasabihin.
Napabuntong-hininga si Aurora. “Marami akong naipong sagot, Santi. At sa totoo lang, matagal-tagal bago ko uli minahal ang sarili ko. At nakakatawa, heto na naman ako sa sitwasyon na ito. Ikinukumpara ang sarili sa perpekto kong kapatid. Siguro mas pinili ni Dado si Aisa kasi mas matalino siya, mas matangkad at mas maganda, mas kaibig-ibig kaysa sa akin.”
“Auring, don’t do this,” pakiusap ni Santino. Ayaw niyang gawin nito ang bagay na iyon sa sarili nito. She had always been lovely, inside and out. Walang maaaring pumantay. Walang maaaring pumaris.
Ayon sa kuwento noon ni Aurora, isang taon lang ang tanda nito kay Aisa. May katalinuhang taglay si Aisa kaya naman kaagad na nag-umpisa sa pag-aaral. Sabay na tumuntong ng elementarya ang magkapatid. Palaging first honor si Aisa. Pagsapit ng high school, nakakuha ng scholarship si Aisa sa isang maganda ang medyo prestihiyosong high school sa kabilang bayan. Kahit na may scholarship, malaki-laki pa rin ang gastos kay Aisa. Dahil mahirap mag-commute, may service na tricycle si Aisa. Samantalang si Aurora ay nag-enrol sa national high school sa kanilang bayan, kung saan sila nagkakilalang dalawa. Malayo-layo rin ang baryo sa bayan ngunit imbes na magkaroon ng service, nagba-bike ang dating nobya papasok at pauwi. Malaking tipid din daw iyon sa pamasahe at magandang ehersisyo na sa katawan.
Noon, hindi lingid kay Santino na palaging napapaburan si Aisa ng mga magulang. Hindi alintana ni Aurora dahil kailangan naman talaga ng kapatid. Mas masarap o mas malaki ang baon ni Aisa dahil nakakahiya sa mga kaklase nitong maykaya. Ayaw din naman ni Aurora na ma-bully ang kapatid nito. Nagkakasya na si Aurora sa nilagang itlog sa tanghalian. Madalas noon na hatiran ni Santino ng sabaw ang dalaga.
Hindi sana makakapagkolehiyo kaagad si Aurora dahil na rin kay Aisa. Nakapasa ang kapatid nito sa isang scholarship sa Maynila. Malaki pa rin ang gagastusin kaya nais sanang patigilin muna sa pag-aaral si Aurora. Hindi pa kakayanin ng mga magulang nito ang dalawang gastos sa kolehiyo. Imbes na magmaktol o malungkot, gumawa ng paraan si Aurora. Dahil hindi makakuha ng academic scholarship, sinubukan nito ang ibang scholarship. May drum and lyre corps program ang isang state university sa kanilang probinsiya. Noong elementary at high school ay kasama sa drum and lyre corps si Aurora. Nakapasok ang dalaga sa grupo. Libre ang kalahati ng tuition fee nito. Dahil state university, mura ang tuition. May suweldo ring natatanggap sa tuwing may tinutugtugan ang banda. Medyo naawa ang mga magulang nito kaya pinagsumikapan na ng mga ito na pag-aralin na rin ng kolehiyo si Aurora.
Alam ni Santino na hindi Education ang talagang nais nitong kurso. Nais nitong mag-aral ng Musika. Ngunit dahil hindi raw “praktikal,” mas pinili nito ang pagiging guro. Isang propesyon na alam niyang natutunan na nitong mahalin.
Isa ang kasimplehan at pagiging hindi makasarili ni Aurora sa mga bagay na minahal ni Santino nang husto. Kaya nitong maging masaya sa anumang mayroon, sa anumang kaya nitong makuha o abutin. Hindi madalas na magreklamo si Aurora. Walang masyadong hiningi o inasam.
“Pagdating ng araw, ibibigay ko sa `yo lahat ng klase ng luho, Auring. Susubukan kong ibigay sa `yo ang mundo.”
Isa iyon sa mga naging pangako ni Santino. Isa sa mga nabaling pangako.
Nakarinig sila ng katok sa may pintuan. Sumungaw ang ulo ni Manang Fe. Dala-dala na nito ang mga damit at sapin sa paa na pinamili niya. Nagpaalam si Santino na lalabas muna upang makapagpalit si Aurora.
“We’ll eat dinner together,” ani Santino sa hindi mababaling tinig bago siya tuluyang lumabas ng silid. Nais niyang ipaalam na hindi niya hahayaang patuloy nitong gutumin ang sarili.