“Santi?” Walang tinig na nanulas sa bibig ni Aurora ngunit nabasa ni Santino ang galaw ng mga labi nito. Bakas na bakas sa mukha nito ang gulat. Nilingon nito sina Diosdado at Aisa na magkahawak pa rin ang mga kamay. Ibinalik nito ang paningin sa kanya. Bahagya nang nanlalaki ang mga mata nito. Waring hindi nito mapaniwalaan ang lahat. Waring panaginip lamang.
Maging si Santino ay nahihirapan pa ring pakitunguhan ang sitwasyon. Kanina lang ay kumbinsido siyang napakawalan na niya ang lahat ng nakaraan, lahat ng bagay na may kinalaman kay Aurora. She would be happy. Nakalimutan na siya nito. Hindi siya mauungkat dahil hindi niya planong magpakita.
“Wow,” usal ni Aurora habang patuloy ang palipat-lipat nito ng tingin sa kanya at kina Diosdado. “Wow,” pag-uulit nito sa mas malakas na tinig.
Hindi alam ni Santino ang gagawin o sasabihin. Aurora looked like she was ready to break down, shatter in pieces. Bahagya niyang pinagsisihan ang desisyong pagpapakita. Was he making this harder for her?
Nagkakagulo pa rin ang pamilya. Wala pa ring pumapansin o tumitingin kay Aurora. Bahagyang nagulat si Santino nang gumalaw si Aurora. She was walking... away. Gumilid ang bride sa mga nagkakagulong mga kamag-anak at kaibigan. Halos nakalabas na si Aurora nang mabatid ni Santino kung ano ang dapat na gawin. Tinakbo niya si Aurora.
Hinawakan niya ang braso nito bago pa man tuluyang makalabas. “Auring...” Hindi pa rin malaman ni Santino kung ano ang dapat sabihin. I’m sorry? Would that ever suffice?
Ilang sandali na pinagmasdan ni Aurora ang kanyang mukha. Kumurap-kurap. Pinisil nito ang pisngi. Waring masyadong napadiin dahil napangiwi ang dating nobya. Sinalubong nito ang kanyang mga mata. Tumaas ang isang kamay nito, ang kamay na may hawak ng bridal bouquet. Bago pa man niya malaman ang plano nitong gawin ay naipukpok na nito sa kanyang mukha ang pumpon ng bulaklak. Nalagas ang ilang petals niyon. Waring hindi pa nakontento si Aurora kaya inulit nito ang p*******t.
Hinawakan ni Santino ang galanggalangan ni Aurora nang akma nitong uulitin ang pamumukpok. Plano yata ng dating nobya na lagasin ang lahat ng petals ng bulaklak sa bridal bouquet nito. Naisip niya na baka naipagkamali siya nito kay Diosdado.
“Auring...” Marahas na nagpakawala ng buntong-hininga si Santino. “I d-don’t... A-are you o-okay?” Nais niyang suntukin ang sarili pagkatapos manulas ng huling pangungusap sa kanyang bibig. Of course she was not okay. Hindi natuloy ang kasal nito. Her groom turned out to be an ass who fell in love with her sister. Kahit na sino ay hindi magiging okay. Pinakawalan niya ang galanggalangan nito, hinayaang ipukpok uli sa mukha niya ang bridal bouquet nito.
“Ang kapal din naman ng mukha mong magpakita,” wika nito sa munti ngunit galit na tinig. Marahas nitong itinapon ang bouquet sa kanyang dibdib, tumalikod at naglakad palayo at natapilok. Mabilis na lumapit si Santino upang alalayan ang dating nobya na kamuntikan na mapasubsob. Sinampal siya ng dalaga.
Naipikit ni Santino ang mga mata. Hindi niya sigurado kung ano ang una niyang mararamdaman. Inis, awa, o pag-intindi. Kailan pa naging bayolente si Aurora? Nang muli niyang buksan ang mga mata ay nakita niyang nakatingin din sa kanya ang dating nobya. Naglalagablab ang mga mata sa galit.
Nais niyang isipin na galit si Aurora sa kanyang ginawa sampung tao na ang nakararaan. Galit ang dalaga noong sabihin niya ang pagpapakasal niya, noong magkahiwalay silang dalawa. Ngunit alam niya na nagulat ito sa kanyang presensiya at nagagalit talaga kina Diosdado at Aisa. Sa kanya nito ibinabaling ang galit dahil ipinaalala niya na minsan na itong nalagay sa ganoong sitwasyon.
With that in mind, Santino decided to be kinder and more patient. Hindi niya ikamamatay ang mga p*******t nito.
Mas lumakas ang sigawan sa loob ng simbahan. Nangingibabaw ang tinig ni Soleng. “Malandi! Harot! Kapatid ka niya, malandi ka! Paano mo ito nagawa sa ate mo? At ikaw namang pesteng lalaki ka, taksil. Animal ka!”
Bahagyang napangiwi si Santino nang mas maging makulay ang mga lumabas sa bibig ni Soleng. Noon pa man ay makulay na ang bokabularyo ni Soleng.
Mukhang naririnig din ni Aurora ang lahat ng nangyayari sa loob ng simbahan. Mataman na nakatingin sa mukha niya ang dating nobya. “Bakit kailangan mong masali sa bangungunot na ito?” tanong nito, nagtutubig ang mga mata.
“Do you want me to get you out of here?” seryosong tanong ni Santino imbes na sagutin ang tanong na ipinagpalagay niyang rhetorical. Hindi niya sigurado kung ang pagtakbo at paglayo ang pinakatamang gawin nang mga sandaling iyon. Naisip lamang niya na baka iyon ang kailangan ni Aurora. Masyadong nakakagulat ang mga nangyari. Kailangan nito ng distansiya. Kailangan siya nito.
O sadya lang gumawa ng rason si Santino para makasama si Aurora. Upang masiguro niya na hindi talaga matutuloy ang kasal.
“Auring? Auring, nasaan ka?”
Lahat ng kalituhan sa mukha ni Aurora ay naglaho. “May sasakyan ka ba?” tanong nito sa kanya. Tumango si Santino. “Nasaan? Tara na.” Hinubad nito ang suot na sapatos at basta na lang itinapon sa kung saan.
“Will you be okay?” tanong ni Santino nang magsimula silang maglakad. Alam niyang mainit ang semento na nilalakaran nito. “Gusto mo bang buhatin na lang kita?”
Tiningnan siya ni Aurora nang masama. “Nasaan ang sasakyan mo?”
Iginiya na lamang ni Santino ang dating nobya sa kinapaparadahan ng sasakyan. Binuksan ni Aurora ang pintuan ng backseat at lumulan. Hindi niya sigurado kung sinadya nitong gawin iyon upang maging komportable dahil mukhang hindi magiging komportable ang dating nobya sa passenger’s seat suot ang wedding gown nito, o sadya talagang ayaw nitong mapalapit sa kanya.
Pinaandar ni Santino ang makina ngunit hindi pinausad ang sasakyan. Nilingon muna niya si Aurora. “Saan mo gustong pumunta?” Maaari niya marahil ihatid ang dating nobya sa bahay ng mga magulang nito. May pakiramdam siya na doon pa rin nakatira sa Aurora.
“Sa malayo,” ang tugon nito sa malamig na tinig.
Paglampas ng arko ng San Pioquinto ay naitanong ni Santino kung sigurado ba siya sa kanyang ginagawa. Sinabi ni Aurora na nais nitong lumayo ngunit kailangan ba talagang siya ang maglayo sa dating nobya? Umiiral ang pagiging makasarili niya. He was aware that this was not smart. It had been ages since he did something impulsive. He had not thought this through.
Ang tanging mahalaga kay Santino nang mga sandaling iyon ay hindi matulungan si Aurora kundi makasama si Aurora.
Tahimik lang si Aurora sa back seat. Nakatuon ang mga mata nito sa may bintana ng sasakyan. Hindi niya sigurado kung may nakikita ang dating nobya, kung alam nitong palayo na sila nang palayo sa San Pioquinto. Nakikiramdam nang husto si Santino. Nangako siya sa sarili na kapag sinabi nitong nais na nitong umuwi, mabilis niyang ibabalik ang sasakyan. Hindi siya aalis sa tabi nito, gayunpaman. Hindi niya hahayaan na harapin nito ang lahat na mag-isa.
Dahil isa ang nabatid ni Santino ngayon. Nais niyang makasama si Aurora. Kahit na galit ang Aurora na kasama. Kahit na brokenhearted. Kahit na wala sa sarili. Ayaw na niyang magkalayo silang muli.
Bakit mo kasi pinatagal ang lahat?
Naririnig pa rin ni Santino ang tinig ni Teresa sa kanyang isipan. Wala siyang panahon para isipin ang namayapang asawa. She knew what was best for him, he realized.
Lumipas ang isa’t kalahating oras na biyahe na hindi kumikibo si Aurora. Bahagya nang kinakabahan at nag-aalala si Santino. Hindi pa rin nito sinasabing bumalik sila. Hindi rin nito sinasabi kung saan nito nais magtungo. Pabalik na sila ng Maynila. Iyon lang ang lugar na naiisip puntahan ni Santino. Hindi alintana ni Santino ang mahabang biyahe, ang mahabang oras ng pagmamaneho.
Tumikhim si Santino. “Auring?”
Hindi umimik si Aurora. “G-gusto m-mo b-bang... kumain?” May nadadaanan silang restaurant.
Hindi pa rin umimik si Aurora.
“Patungo tayo ng Maynila.” Napagpasyahan ni Santino na maging tapat. Ayaw niyang isipin nito mamaya na sinamantala niya ang pagkakataon kahit na ganoon nga ang nangyayari. Kahit na paano ay nais niyang malaman nito kung saan sila patungo. Kung ayaw nitong magtungo ng Maynila, dadalhin niya ang dating nobya sa kahit na saan nito gustong puntahan. “Okay lang ba sa `yo `yon? Gusto mo ba sa ibang lugar? O gusto mong b-bumalik?” He had to let her know she had a choice.
Hindi pa rin nagsalita si Aurora. Pagsilip ni Santino sa rearview mirror ay nakita niyang nakasandal sa upuan si Aurora, nakatingin pa rin sa bintana.
“Gusto mo bang tawagan ang mga magulang mo o si Soleng?” Naisip ni Santino na baka nag-aalala na ang pamilya at mga malalapit nitong kaibigan. Baka nababaliw na ang mga iniwan nila sa simbahan sa kahahanap kay Aurora. Sana pala ay kaagad niyang naalala ang bagay na iyon.
Hindi kaagad nagsalita si Aurora at inakala ni Santino na hindi na naman siya nito kikibuin. Napabuntong-hininga si Aurora bago nagsalita. “Puwede bang humiram ng cell phone?”
“Of course.” Mabilis niyang inabot ang cell phone niya sa dalaga. Bahagya siyang nakahinga nang marinig ang tinig nito. Munti at bahagyang nanginginig ngunit may tinig.
“Soleng,” ang sabi ni Aurora sa telepono. Nanahimik ang dalaga at waring pinakikinggan ang sinasabi ng nasa kabilang linya. Malamang na tinatanong ng matalik na kaibigan i Aurora kung nasaan na ito.
“Soleng...” Humugot nang malalim na hininga si Aurora bago nagpatuloy. “T-talaga n-nga b-bang... T-totoo b-ba? H-hindi lang ba t-talaga ako n-nananaginip?”
Waring may malaking kamay na mariing pumisil sa puso ni Santino sa garalgal sa tinig ni Aurora. Nabatid niyang mas nais niyang marinig ang galit na tinig nito kaysa ganoon. She sounded so broken, so wounded. Tila pinipigilan lang nito na mapabulalas ng iyak. Nais niyang abutin si Aurora, ikulong sa kanyang mga bisig at ipangako na magiging maayos ang lahat.
Mas nahirapang huminga si Santino nang humikbi si Aurora. Waring pilit nitong pinipigilan ang pag-iyak. Nanikip din ang lalamunan ni Santino at hindi niya maisip kung paano nahihirapan ang dating nobya. Maging siya ay nais tanungin ang sinuman kung talaga nga bang nangyari ang lahat. Baka hindi lang nagkaintindihan ang lahat? Baka kapag hindi niya kaagad inilayo si Aurora ay naayos ang lahat?
Muli, hindi pa rin niya magawang ibalik ang sasakyan sa San Pioquinto.
“O-okay lang ako,” ani Aurora pagkatapos nitong makinig sa sinasabi ng nasa kabilang linya.
Alam ni Santino na alam ng kausap ni Aurora ang totoo. Hindi okay si Aurora. Matagal bago magiging okay ang dating nobya ngunit sisiguruhin niya na isang araw ay hindi na ito masasaktan, hindi na mahihirapan.
“May kasama ako, Soleng. H’wag kang masyadong mag-alala.” Nahulaan ni Santino na tinanong ni Soleng kung sino ang kasama nito dahil naramdaman niya ang mga mata ni Aurora sa kanyang likuran. May pag-aalangan sa tinig na inamin nito sa matalik na kaibigan ang presensiya siya. “Si Santi. Si Santi ang kasama ko.” Aurora paused.
Parang naririnig ni Santino ang matinis na tinig ni Soleng. Santino Mercado? Ang ex mong si Santino Mercado?
“Oo, Soleng. Wala nang iba pa. Wala ka ng ibang kilalang Santino Mercado.” Aurora paused again. “Oo nga. Si Santi nga. Oo, ang isa pang walanghiya. Oo, ang unang lalaking ipinagpalit ako sa iba. Wala nang iba.”
Hindi napigilang mapangiwi si Santino.
“Hindi ko alam, Soleng. Gusto ko lang ng kaunting space. Hindi ko... hindi ko alam...” Marahas na nagpakawala ng buntong-hininga si Aurora bago muling nagsalita. “Pakitulungan na lang muna sila sa pag-aayos ng lahat. Kung makikita mo ang mga estudyante ko sa... sa reception, pakibalutan sila ng pagkain para may maiuwi naman sila. Bahala ka na. Si Nanay at Tatay... Tatawagan ko na lang si Anabelle. Mag-iingat ako, Soleng. Magiging okay lang ako. Eventually.”
Tinapos na ni Aurora ang pakikipag-usap kay Soleng. “Puwede bang isa pang tawag?” tanong nito sa kanya.
“Go right ahead.”
Sunod na tinawagan ni Aurora ang bunso nitong kapatid. Noon pa man ay mas malapit na si Aurora kay Anabelle. Madalas nitong sabihin noon na pinakapaborito nito si Anabelle. Tumikhim si Aurora bago nagsalita. “Belle, ang ate ito... Okay lang ako. Ang Nanay at Tatay?” Sandaling nakinig si Aurora sa sinasabi ng kapatid. “Huwag mo muna silang iiwan, ha? Siguruhin mong uminom sila ng gamot. I-check mo ang BP nila. Hindi makabubuti ang stress sa kanilang dalawa. Kung maaari ay iiwas mo muna sila sa mga kaguluhan. Baka puwedeng sa bahay na muna kayo ni Buddy habang wala ako? Babalik din ako... Hindi ko alam... Hindi ko masabi sa ngayon. Belle, please, tigilan mo muna ang mga tanong sa ngayon. Pagbigyan na muna n’yo ako sa gusto kong space. Babalik ako. Hindi ako magpapakamatay. Okay. `Bye.”
Ibinalik na ni Aurora ang cell phone ni Santino. Ibinalik ng dalaga ang sarili mula sa pagkakasandal at tumingin sa may bintana. Hindi nagtagal ay narinig uli ni Santino ang hikbi na kumawala na sa lalamunan ni Aurora. Sinilip niya ang dating nobya sa rearview mirror. Pilit pa rin nitong pinipigilan ang sarili na mapabulalas ng iyak.
“Go ahead,” panghihikayat ni Santino sa napakabanayad na tinig. “Pretend I’m not here. Mas makabubuti siguro kung hindi mo kikimkimin ang lahat. Umiyak ka. Magalit. Magwala. Sumigaw. You can do anything, babe.”
Alam ni Santino na mahihirapan siya ngunit hindi siya mahalaga nang mga sandaling iyon. Hindi mahalaga ang nararamdaman niya, ang convenience niya. Ang tanging mahalaga ay si Aurora.
Noong una ay waring hindi siya nito narinig. Nakita niya ang pagpupumilit nitong magpakatatag. Mariin nitong nakagat ang ibabang labi. Ngunit bumigay rin si Aurora. Nalukot ang mukha nito at hinayaan nang kumawala ang pagpipigil. Hindi maingay umiyak si Aurora. Sinisikap pa rin nitong pigilan ang pagkawala ng tangis at hikbi sa lalamunan nito. Habang lumilipas ang bawat sandali ay mas nahihirapan si Santino. He wanted to do something—anything but he couldn’t think of anything. Hindi niya malaman ang gagawin o sasabihin. Noon lang niya uli naramdaman ang pagiging helpless at mahirap pa ring pakibagayan iyon. Hinayaan na lang muna niya ang dalaga.
Nakakita si Santino ng drugstore sa isang bayan na dinaanan nila. “May bibilhin lang ako sandali, Auring. Babalik din ako kaagad.”
Hindi sumagot si Aurora. Nag-alangan man, bumaba pa rin ng sasakyan si Santino at tinakbo ang drugstore/convenience store. Alam niyang may mga kailangan siyang bilhin para sa paglalakbay nila. Kumuha siya ng dalawang kahon ng Kleenex at bottled water. Nang makita niya ang Gatorade ay napagpasyahan niyang dumampot na rin niyon. Lahat ng makita niyang pagkain ay kinuha niya. Nagdagdag din siya ng tsokolate. Kung kaya lang sana niyang bumili ng gamot na papawi sa sakit na nararamdaman ni Aurora.
Umiiyak pa rin si Aurora pagbalik ni Santino sa sasakyan. Tahimik niyang inilapit ang mga binili niya. Binuksan niya ang kahon ng tissue, humugot ng ilang piraso at inilagay sa kamay ni Aurora. Hindi nagprotesta ang dalaga kahit na hindi rin tumingin sa kanya.
Maybe looking at him brought more painful memories. He betrayed her, too. He left her.
Sa loob ng mahabang sandali ay umiyak nang umiyak si Aurora. May mga pagkakataon na kailangan pa niyang pakiusapan ang dating nobya na uminom ng tubig o ng Gatorade dahil nag-aalala siyang ma-dehydrate ito. At hindi madaling pakiusapan ang isang babaeng waring hindi siya nakikinig. May pagkakataon na kinailangan niyang itigil ang sasakyan.
“Honey, please. Just a sip.” Iniumang ni Santino ang binuksang bote ng Gatorade sa bibig nito. Pulang-pula at magang-maga na ang mga mata ni Aurora. Patuloy sa paglalandas ang mga luha sa pisngi nito. Waring nais na rin niyang maiyak sa nakikitang kalagayan ng dalaga. He felt more helpless and useless. He hated feeling those especially to Aurora, the first girl his heart ever loved.
“Dadalhin kita sa pinakamalapit na ospital kung hindi ka iinom,” ang pagbabanta ni Santino. Pagbabanta na tototohanin niya kung hindi nito papalitan ang lahat ng liquid na umaalpas sa mga mata nito.
Mukhang bahagyang natakot naman si Aurora sa banta na iyon dahil inabot nito ang bote sa kanya at uminom. Nakontento pansamantala si Santino.
Isang oras bago makauwi ay napagod sa wakas si Aurora sa pag-iyak at nakatulog. She looked pained and tortured even in sleep. Maputla man at namamaga ang mga mata, napakaganda pa rin nito. He just wished she was not suffering.