KINABUKASAN...
Nagising siya sa matinding sakit ng kanyang ulo na sinabayan pa ng nararamdaman niyang kirot mula sa ibabang bahagi ng kanyang katawan. Nanunuyo na rin ang kanyang lalamunan dahil sa matinding lamig na nanggagaling sa aircon lalo pa't nakahubad siya.
Nais na niyang bumangon para kumuha ng tubig sa water dispenser para makainom. Subalit, napakabigat ng talukap ng kanyang mga mata na hirap na hirap siyang idilat ito. Dumagdag pa ang malambot na kama na tila hinihigop ang kanyang katawan kaya hindi niya magawang bumangon.
"Blake..." paos niyang tawag habang kinakapa ang unan kung saan nakahiga ang binata, bago siya nakatulog.
Napabalikwas siya ng bangon nang mabatid na wala na ang binata sa kanyang tabi. Siya na lang mag-isa sa loob ng silid na iyon, kapiling ang bakas ng pulang marka na nasa puting kobre kama. Isang pulang marka na nagpaalala ng lahat kung paano siya inangkin ni Blake at kung paano din siya tumugon kagabi.
"Bumalik na siguro ang loko sa bungalow house niya."
Binalot niya ang kumot sa kanyang katawan at tumayo. Paika-ika niyang tinungo ang kinaroroonan ng water dispenser para kumuha ng tubig at sinaid niya ang laman ng baso.
Habang pabalik sa kama, sinilip niya sa bintana ang bungalow house number 8 ngunit wala siyang Blake na nakita. Inihanda na lang niya ang kanyang damit pambihis at sunod niyang tinungo ang banyo para makapagshower.
Plano na niyang lumabas para makapagbreakfast dahil alas siete na nang umaga. Isa pa, nakadama siya ng pagkasabik na makita si Blake at makasabay itong kumain.
PALABAS na siya nang makarinig ng mga katok at tawag mula sa labas ng pintuan.
"Ma'am, magandang umaga. Maglilinis sana ako sa loob at magpapalit ng beddings. Nandito ka pa pala, kaya babalikan ko na lang." wika ng isang babae nasa edad kuwarenta na.
"No, it's okay. Palabas na din naman ako. T-tamang-tama kailangan nang palitan ang sapin sa kama, natapunan kasi ng liptint ko kagabi." pagsisinungaling niya at sa tingin niya naniwala naman ang babae.
Magalang siyang nagpaalam sa babae at iniwan niya ito habang tinatanggal nito ang mga punda ng unan para mapalitan.
"Ate Trix!" tawag sa kanya ni Maurice habang nagdadrive ng resort car.
"Good morning, Maurice. Himala hindi mo kasama si Jean." aniya.
"Good morning, Ate! Nasa villa kasi si Jean, nagbe-breakfast kasama sina Ate at Kuya. Papunta ka ba sa hotel, Ate Trix?"
"Yeah! Magbreakfast din ako." sagot niya.
"Dapat nagpadala ka na lang dito ng breakfast mo, Ate. Para hindi ka na mahirapan pumunta doon sa hotel kasi malayo." suhestiyon ni Maurice.
"Hindi ko kasi alam eh. Saka nahihiya rin ako." aniya.
"Bahala ka, Ate Trix. Sumabay ka na sa akin, papunta naman ako kina Mom and Dad. Sakay na."
Nahihiya man ay sumabay siya kay Maurice papunta sa hotel. Matagal na niyang kilala si Maurice dahil palagi itong sinasama dati ni Samantha sa tuwing bumibisita sa kompanya ni Dylan. Noong mga panahon na iyon ay hindi pa siya sekretarya.
Ang pagkakakilala niya rito ay napakasuplada at napakamaldita, hindi ito dati mahilig makisama at makipag-usap sa ibang tao. Hindi rin ito sumasagot kapag binati at maging siya nakaranas ng pang-iisnab nito.
Pero simula ng maging kaibigan nito si Jean, napansin niyang malaki na ang ipinagbago nito. Nabawasan ang pagiging maarte nito at marunong na ring makipaghalubilo.
HINDI nagtagal narating nilang dalawa ang hotel. Nauna siyang bumaba at hinintay niya si Maurice na makapark ng maayos. Mataray pa itong nagbilin sa lalaking staff ng hotel na huwag ipagamit ang resort car niya.
"Ate Trix, maiwan na kita dito. Akyat na ako sa presidential suite." paalam sa kanya ni Maurice.
Tinanguan niya ito.
Isang daliri ang tumusok sa kanyang tagiliran buhat sa kanyang likuran. Nilingon niya ito ngunit wala siyang nakita.
"Potang*na ka! Kung sino ka man, ang aga ng trip mo!" mag-isang sambit niya.
"Ang aga-aga ang highblood mo. Ano ka, may buwanang dalaw?"
"Ikaw pala, Vince."
"Tara, doon tayo magbreakfast kasama sina Lea." Tinuro nito ang outdoor breakfast nook sa tapat ng pool.
"Aray!" napadaing siya nang biglang hilain ni Vince.
Napahinto naman ito at bakas ang pag-aalala sa mukha nito habang tinititigan siya. "What happened to you, Trix?"
"May monthly period kasi ako kaya masakit kapag ihakbang ko ang mga paa ko." sa pangalawang pagkakatataon nakabigkas na naman siya ng kasinungalingan.
Hindi na siya nahiya magsabi ng mga ganitong bagay kay Vince. Nasanay na siya dahil noong nagkasakit siya, si Vince ang matiyagang nag-alaga sa kanya. Maraming beses niya na rin itong nakatabi, ngunit ni minsan ay hindi ito nagtangkang galawin siya.
"Oh sorry, Trix! Kapit ka na lang sa bewang ko, alalayan kita." Inakbayan siya ni Vince at napayakap naman siya rito.
Dahan-dahan silang naglakad ni Vince papalapit kay Lea. Nakaupo si Lea katabi ang kanyang asawa habang kumakain ng agahan at masayang nag-uusap ang dalawa.
"Hey, Trix! What happened to you?" mausisang tanong ni Lea.
"Masakit lang ang puson ko, may monthly period kasi ako." sagot niya.
Nakita niyang kumunot ang noo ni Lea at kinabahan siya sa paraan ng pagtitig nito. Kailangan niyang galingan ang pag-arte dahil maliban sa OB-Gynecologist ito magaling rin ito magbasa ng kilos ng taong kaharap.
"Sure ka, Trix? Walang nangyaring tusukan sa kepyas kagabi?" prangkang tanong ni Lea. Siniko naman agad ito ng asawa at pinagalitan.
"Wala!" direktang sagot niya.
Inalalayan siyang umupo ni Vince. Ilang sandali pa ay inilapag ni Vince sa harapan niya ang platong may tapsilog at kape.
"Alam na alam mo talaga favorite ko, Vince ah." nakangiting niyang sabi.
"Ako pa, Trix!" turan ni Vince sabay upo sa kanyang tabi.
NATAPOS siyang kumain at nakainom na rin siya ng tubig.
Nauna nang nagpaalam ang asawa ni Lea dahil may virtual meeting raw ito. Nagpaalam rin si Vince na maghuhugas lang ng kamay.
Palinga-linga siya sa kanyang paligid, nagbabakasakaling makita niya sa Blake.
"Are you looking for someone?" puna ni Lea.
"Wala naman, Lee! Nagandahan lang ako sa paligid."
"Trix, nakakapahamak minsan ang magsinungaling, especially kapag nahahalata."
"Bakit sino ba ang nagsisinungaling?" tanong niya kay Lea.
"Sana lang hindi totoo ang hinala ko." narinig niyang sambit ni Lea.
"Hinala? Na?" ulit niya.
"Alam mo na ang ibig sabihin ko, Trix." madiin na sambit ni Lea.
"Don't worry! Wala namang nangyari, Lee."
"Mabuti naman kung ganoon, Trix. Bumalik na pala kanina si Blake sa Maynila at ngayong araw din ang flight niya pabalik ng Amerika. Hindi ko lang alam kung kailan siya babalik rito sa Pilipinas."
Para siyang pinagsakluban ng langit sa narinig. Mabilis siyang tumayo at nagpaalam na maghuhugas lang ng kamay dahil anumang oras babagsak na ang kanyang luha.
Hindi na niya hinintay na makapagsalita si Lea. Tumalikod siya at malalaki ang hakbang papalayo. Hindi na niya kayang pigilan ang mga luha at nag-uunahan na itong dumaloy sa kanyang pisngi.
"P-pahatid p-po ako sa, b-bungalow house number 7." Mabilis naman na tumalima ang lalaki at inihatid siya.
PATAKBO siyang pumasok sa loob at dumapa siya sa kama. Doon niya binuhos lahat ng kanyang sama ng loob. Hindi niya matanggap na nasa Amerika na si Blake. Iniwan siya nito nang walang paalam pagkatapos niyang ipagkaloob ang sarili.
"Napakawalang bayag mo, Blake! Wala kang kwenta! Walang kang kwenta! Napakag*go mo!"
Sumisigaw siya habang hinahampas ang mga unan. Nanginginig ngayon ang buong katawan niya sa galit sa ginawang pagtakas ni Blake.
Narinig niyang may tumatawag sa kanyang cellphone ngunit hindi niya ito pinansin.
Tumayo siya at kinuha niya ang kanyang bag. Nilabas niya ang maliit na librong iniingatan niya simula pa noong highschool siya. Binuksan niya iyon at hinanap ang pahinang nilagyan niya ng bookmark.
"Preserve your virginity till the moment you'll get married. That's the most precious gift you will give to your husband after wedding." basa niya rito.
"Ikaw ang nagpapaalala lagi sa akin na ingatan ko ang sarili ko. Salamat sa lahat!" Umiiyak niyang pinunit ang maliit na libro at itinapon iyon sa basurahan.
Patuloy parin ang mga luha na umaagos sa kanyang pisngi. Wala ring tigil ang pagtunog ng kanyang cellphone kaya napilitan na siyang sagutin iyon.
Pinunasan niya muna ang mga luha at tinanggal ang bara sa kanyang lalamunan bago sagutin ang tawag.
"Hello, Ma! Bakit ho kayo napatawag?" tanong niya.
"Kausapin mo ang kapatid mo, Trixie." boses ng ina sa kabilang linya.
"Ate, I'm sorry! I'm sorry! Hindi ko sinasadya. Ate, nabuntis ako ng boyfriend ko." umiiyak na wika ng kanyang kapatid.
"Trisha, naman! Isang taon na lang gagraduate ka na, sinayang mo pa! Ang tanga-tanga mo! Inuna mo pa ang paglalandi! Hindi mo ba iniisip ang sakripisyo ko rito? Mahigit limang taon akong hindi umuwi diyan para lang makatipid. Nahihimatay na nga ako dito dahil nalilipasan na ako ng gutom sa kakaovertime ko, matustusan ko lang ang pag-aaral mo!"
Humagulgol na siya ng iyak. Nagkapatong-patong na ang sakit na nararamdaman niya ngayong araw. Lahat ng pangarap niya para sa kapatid biglang naglaho. Ang pangarap niyang ipasok ito sa kompanya ni Dylan para may makasama siya rito sa Maynila ay wala nang pag-asang matupad.
"Trixie, nandiyan ka pa ba?"
"Ma..."
"Magpadala ka ng pera, dapat nang maikasal itong kapatid mo dahil nakakahiya. Sagutin mo na lang ang catering, Trixie. Nakakahiya kapag simple lang ang handa, unang beses pa naman na may ikakasal na anak ko." rinig niyang hiling ng kanyang ina na ikinainit ng ulo niya.
"Ma, may awa ho ba kayo sa akin? Puwede naman silang maikasal kahit sa kasalang bayan na lang." aniya.
"G*ga ka ba, Trixie? Minsan lang maikasal ang kapatid mo, hindi mo pa mabigyan ng bongga?"
"Ma, pagod na pagod na ako. Patong-patong na problema ko ngayong araw. Patawad, Ma! Huwag niyo na muna akong tawagan pero makakaasa kayong magpapadala parin ako ng pera. Gusto ko lang ngayon mapag-isa at ayaw ko ng kausap." sabay patay putol niya ng tawag.
Gulong-gulo na ang kanyang isipan sa ngayon. Isa lang ang alam niyang gawin, iyon ay aliwin muna ang sarili at tumakas sa problema. Hinanap niya ang phone number ni Dylan at tinawagan ito.
"Trix?"
"Sir, puwede ko ba kayong makausap?"
"Sure. Punta ka dito sa villa, Trix."
"Salamat, Sir."
Naghilamos siya at nagpalit ng damit. Inayos niya nang maigi ang sarili para hindi mahalata na umiiyak.
NAGLAKAD lang siya papuntang villa. Malayo pa lang ay nakikita na niya si Dylan na kapamulsa habang nakatayo sa main door ng villa at halatang siya ang hinihintay nito.
"Sir." aniya nang makalapit.
"Pasok, Trix." alok nito at pinagbuksan siya ng pintuan.
Agad naman siyang pumasok sa loob. Inilibot niya ang paningin sa kabuuan at hindi niya maiwasan ang mamangha sa ganda ng villa.
"Ninang Trix!" tawag sa kanya ni Alexandra. Lumapit ito at humalik sa kanyang pisngi.
"Hala ka, lagot ka kay Blake! Namikon iyon sayo kagabi." pananakot ni Kathy sa kanya.
"Kaya nga eh." tipid niyang tugon at ngumiti ng pilit.
"Sumunod ka sa akin, Trix." utos sa kanya ni Dylan.
Nagpaalam siya kay Kathy at sumunod kay Dylan. Nilingon niya pa ang kaibigan na ngayo'y nilalaro ang anak.
"Kung alam mo lang, bes. Ikaw sana ang tamang kaibigan na puwede kong makausap at makakaintindi sa akin sa ngayon."
Tahimik siyang pumasok sa isang bakanteng silid na may desk kung saan nakabukas ang laptop ng boss. Umupo siya sa upuang naroon habang kaharap ito.
"Ano ang sasabihin mo, Trix?" tanong sa kanya ni Dylan.
"Sir, puwede ba akong magleave ng 2 weeks? Balak ko lang sanang mag unwind."
"Sure, why not? Kailan ba, Trix?"
"Puwede bang mamaya na, sir?"
"Mamaya ka na aalis? May problema ka no?" tanong sa kanya ng boss.
"Wala po, sir." Napayuko siya.
"Okay Trix, mamaya alis ka. Pero saan ka ba pupunta?"
"Sa Batangas, Sir. Hahanap ako ng resort na puwede kong pahingaan. Iyon bang walang makakakilala sa akin." seryoso niyang sabi.
"Iyan ba talaga ang balak mo? Then, doon ka na lang sa mountain resort ni Kuya Daniel. Tinagong dagat 'yon at paniguradong walang makakakilala sa iyo." nakangiting saad ni Dylan.
"Naku, wag na po. Nakakahiya na." pagtatanggi niya.
"Take it, Trix. Pa-thank you ko na rin sayo dahil sa pag-aasikaso mo sa kompanya ko habang malaya kaming nagbakasyon ni Kathy sa Iceland. Don't worry, hindi ka mapapahamak doon." Napilitan siyang tanggapin ang alok ni Dylan, dahil kahit anong pagtatanggi pa niya, mag-iinsist parin ito.
Magkasunod rin silang lumabas mula sa silid na iyon at sinabi nila kay Kathy ang balak niyang pag-alis sa isla. Kinausap pa siya ni Kathy at tinanong kung ano ang problema niya ngunit hindi na niya sinabi kahit anong pilit nito. Hiniling niya na lang na huwag ng sabihin kay Lea at Vince ang nakatakda niyang pag-alis.
Natatakot siya na baka magkagulo at masira pa ang pagkakaibigan nila kung sakaling malaman ni Vince. Lalong-lalo na si Lea na paniguradong rarat-ratin nito ng mura si Blake kapag nalaman nito ang nangyari.
BUMALIK siya sa bungalow house. Nagsimula na siyang magligpit ng kanyang mga gamit. Ini-off na niya ang kanyang cellphone at ipinangako sa sarili na after two weeks niya iyon bubuksan.
Habang naghihintay sa pagdating ng private chopper, napabuntong hininga siyang napaupo sa kama. Nag-uunahang tumulo ang mga luha niya. Ang pag-alis ni Blake sa isla nang walang paalam, ang nangyaring sa kanyang kapatid na hindi man lang pinahalagahan ang sakripisyo niya ay isang kabiguan. Ngayon, pakiramdam niya para siyang isang basang sisiw na naghahanap ng masisilungan at karamay. 'Yung karamay na hindi niya kakilala, 'yung malaya niyang maikwento ang lahat at mailabas ang kanyang sama ng loob.