ISANG umaga, habang nagpapaka-abala sa pag-eensayo si Donovan ay nilapitan siya ni Vector. Umupo ito sa gawing harapan niya at pinanood siya sa kaniyang ginagawa. Paminsan-minsan ay itinatama siya nito sa tuwing siya ay nagkakamali.
“Ano na nga pala ang magiging sunod nating hakbang?” tanong ni Donovan kay Vector nang pansamantala niyang itigil ang ginagawa.
“Kinakailangan nating kumalap ng mas marami pang kawal habang hindi pa gumagawa ng anumang hakbang ang Puting Reyna laban sa atin,” sagot ni Vector.
“Pero hindi ba’t marami namang matatapat na kawal ang Babylon? Base sa aking naging obserbasyon noong naririto pa sina Urbed ay aabot na sa limang-daan ang mga kawal na kasama niya.” Saad pa ni Donovan.
Napailing naman si Vector dahil sa sinabi ng binata. “Ang hukbo na dala ni Urbed dito ay ang kabuuhan na ng hukbong mayroon ang Babylon.”
Napamaang naman si Donovan sa narinig. “Ano? Eh ilan ang bilang ng mga kawal ng Puting Reyna?”
Tahimik na napaisip si Vector.
Magkakrus pa ang mga kamay nito at napatingala pa sa kalangitan. “Kung pagsasamahin ang pwersa niya mula sa apat na Kaharian ay aabot ito ng…mahigit apatnapung libo,”
“Apatnapung libo? Sigurado ka bang hindi pagpapakamatay ang gagawin natin?” Halos lumuwa ang mga matang tanong ni Donovan.
Pinigilan naman ni Vector ang matawa.
Nauunawaan niya ang pagkabahala ng binata at ‘tulad nito ay natatakot din naman siya dahil baka hindi nila kayanin ang lakas ng pwersa ng Reyna.
Subalit kung paiiralin nila ang takot ay paano nila mapapalaya ang Babylon.
Kaya naman sa lalong madaling panahon ay kailangan na niyang utusan na maglakbay ang grupo ni Donovan upang subukang mangalap ng mga bagong kawal.
Batid niya na hindi ito magiging madali lalo pa’t dayo lamang sa Babylon sina Donovan ngunit kung mayroon mang makakukumbinsi sa mga mamamayan ng Babylon upang tulungan sila na mabawi ito mula sa mga kamay ng Reyna ay0 sina Donovan iyon.
Dahil nakasisiguro siyang sa sandaling malaman ng mga ito na isang Gabay si Donovan ay muling manunumbalik ang pag-asa at tiwala ng mga mamamayan sa kanilang mga Bathala.
Hindi lang naman ang grupo nina Donovan ang kikilos upang mangalap ng mga bagong kasapi sapagkat kasalukuyan nang naglalakbay sa kabuuhan ng Babylon si Eon.
Ang Diablong kapanalig nina Haring Jibreel magmula pa noong digmaan laban kay Azeroth.
Napasalampak si Donovan sa lupa kahit pa nababalot ito nang malamig na nyebe. “Ano ba ‘tong pinasok ko?”
Sumalampak na rin sa lupa si Vector at tinabihan ang binatang kinakausap ang sarili. “Hindi ito magiging madaling misyon para sa inyo, Donovan. Pero kinakailangan ninyong mag lakbay upang humanap ng mga bagong kapanalig. Lalakbayin ninyo ang apat na pangunahing Kaharian.”
“Sa tingin mo kaya ay makakakita pa kami ng mga Babylonian na handang i-alay ang kanilang mga buhay para sa kalayaan ng Babylon?” napapaisip na tanong ng binata.
“Katulad nga nang sinabi ko kanina, hindi magiging madali ngunit naniniwala ako na mayroon pa ring mga Babylonian na hinihintay lamang ang tamang pagkakataon upang lumaban.”
Tinapik ni Vector sa balikat ang binata at dahan-dahan nang tumayo. Lumanghap muna ito ng sariwang hangin bago tuluyang lumakad palayo.
Kinakailangan na niyang sabihin sa mga kasama ang nalalapit nilang paglalakbay.
KINAHAPUNAN ay tinipon ni Donovan ang kaniyang grupo sa harap ng kaniyang kubol. Sasabihin na niya sa mga ito ang kanilang magiging unang misyon sa Babylon.
“So, you mean to say that we’re outnumbered by the White Queen’s army?” ulit ni Irene sa narinig. Tumango lang sa kaniya si Donovan bilang tugon.
“Crap! Forty-thousand to five-hundred? Those dudes will surely m******e our troops!” hirit pa ni Gantrick.
“That’s why we need to find new allies. If we don’t, we’re all going to die for sure,” tugon ni Donovan.
Maya-maya ay napansin ni Donovan na nagtataas ng kamay si Ahura. “Ano ‘yon, Ahura?”
“Maaari ba na ibahagi rin ninyo sa amin ni Kirin ang mga napag-uusapan ninyo?” nakangiwing pakiusap ng dalaga.
Doon lamang pumasok sa mga utak nina Donovan na hindi nga pala nauunawaan ng mga ito ang kanilang lengguwahe kaya naman ay inulit na lang niya na ibahagi sa mga ito ang mga mahahalagang bagay sa tungkol sa kanilang paglalakbay.
Nakita ni Gantrick ang pag-aalala sa mga mukha nina Ahura at Kirin. Kaya naman sinubukan niyang panatagin ang kalooban ng mga ito.
“Hindi ito sapilitan. Maaari kayong hindi sumama sa amin, hintayin na lamang ninyo ang aming pagbabalik dito sa Morag—”
“Sasama ako sa inyo. Marami na tayong napagdaanan para ngayon ko pa kayo iwanan,” saad ni Kirin.
“Sasama rin ako! Nangako ako kay Donovan na tutulungan ko kayong mahanap ang inyong ina kaya naman hangga’t hindi pa ninyo siya nakakasama ay mananatili lamang ako sa inyong tabi,” dagdag pa ni Ahura.
Napangiti naman sina Donovan, Gantrick at Irene sa narinig. Sa ngayon ay wala nang dapat na alalahanin pa si Donovan kung hindi ang paghahanda para sa kanilang nalalapit na paglalakbay.
“Limang araw mula ngayon ay sisimulan na natin ang paghahanap ng mga bagong kapanalig.” Anunsyo ni Donovan.
DUMATING na ang takdang araw nang pag-alis ng grupo ni Donovan sa pamayanan ng Morag. Suot ang mga panlamig na siyang magpapainit sa kanilang katawan habang naglalakbay ay maaga silang lumisan.
Bukod sa mga sandata ay mayroon din silang dala na mga pagkain. Hindi marami ang pagkain na ipinabaon sa kanila ni Vector. Tatagal lamang ito ng ilang araw.
Ipinaalala rin sa kanila nito na hindi sila dapat na makilala ng lahat bilang mga dayo sapagkat manganganib ang kanilang mga buhay sa sandaling mangyari ito dahil nakakalat lamang sa paligid ang mga taga-sunod ng Reyna na siyang nagsisilbi nitong mga mata sa Babylon.
Patungo sila ngayon sa Sentro ng Sanyar upang humanap ng pansamantalang matutuluyan.
Magbabakasakali na rin sila na makahanap ng mga bagong kakampi rito.
Nang makapasok sa Sentro pinakiramdaman nila ang paligid.
Kakaiba ito sa imaheng naiisip ni Donovan mula sa pagkakakuwento ni Ahura tungkol sa lugar.
Ayon kay Ahura, ang lugar ay puno ng maliligayang mga Babylonian na malayang nagkakalakalan. Ayon pa sa dalaga ay magaan sa pakiramdam ang lugar sapagkat ang lahat ay nagkakasundo at walang kahit na anumang alitan.
Subalit ng mga sandaling iyon ay ang kabaliktaran ng mga isinaad ni Ahura ang kanilang natutunghayan. Sa unang hakbang pa lang papasok dito ay madarama mo na ang bigat ng kapaligiran.
Ang kalsada na sinasabing puno ng mga masasayang Babylonian, ngayon ay napuno na lamang ng mga mamamayan na mababakas sa mukha ang nararanasang paghihirap.
Nakasimangot na napatingin si Donovan kay Ahura. “Mukha ngang masaya rito.”
Nagkibit-balikat naman ang dalaga.
“Hindi ko ba nasabi na dalawang-daang taon na ang nakalilipas mula nang magpasalin-salin ang kwentong iyon?”
“Hindi!” nakasimangot pa rin na sagot ni Donovan.
“There! Mukhang bahay-panuluyan ‘yon!” turo ni Irene sa isang kubol.
Muling pinakiramdaman nila ang paligid kung mayroon bang panganib na naghihintay sa kanila. Nang makasigurong ligtas ay mabilis ang ginawa nilang paglakad patungo sa kubol.
Apat na beses kumatok si Gantrick sa pinto. “Mawalang-galang na po!
Mayroon po bang tao riyan sa loob?”
Maya-maya lang ay nag bukas ang pinto. Iniluwa niyon ang isang babae na sa palagay nina Donovan ay nasa apatnapung taong gulang na.
“Ano’ng maipaglilingkod ko sa inyo?”
“Nais ‘ho kasi sana naming malaman kung mayroon bang malapit na bahay-panuluyan sa lugar na ito? Mga manlalakbay po kami,” sagot ni Donovan.
“Nako, iho! Wala na kayong mahahanap na bahay-panuluyan ngayon. Ang lahat kasi rito ay ipinasara na ng Kamahalan maliban sa aking panuluyan, ngunit wala na akong maibibigay na mga kubol sa inyo sapagkat marami rin ang mga manlalakbay na dumating kanina rito.”
Makikita ang pagkadismaya sa mga mukha nina Donovan. “Ganoon po ba? Sige, maraming salamat na lamang po. Aalis na po kami.”
Nang may mapagtanto ang babae ay agad niyang pinigil ang mga ito. “Teka sandali!”
Napahinto naman ang grupo ni Donovan sa tangkang pag-alis at muling nilingon ang babae. Nagpalinga-linga muna ito sa paligid na para bang inaalam kung mayroong nagmamasid sa paligid.
“Hindi ba ninyo nabalitaan ang mga nagaganap ngayon sa Sentro bago kayo nagtungo rito?” tanong sa kanila ng babae.
Nagtataka namang napailing sina Donovan. “Ano po ang ibig ninyong sabihin?”
“Mapanganib na ang magpalakad-lakad sa Sentro sa tuwing sasapit ang gabi.
Mayroong mga halimaw na nagkukubli lamang sa kadiliman ng gabi at naghihintay ng mga mabibiktima,”
Nang sabihin ito ng babae ay doon lamang nila napagtanto na takipsilim na pala. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim. Kung totoo man na mayroon ngang halimaw sa paligid ay kinakailangan na nilang makakita kaagad ng matutuluyan.
“Maraming salamat po sa impormasyon. Mauuna na po kami upang makahanap ng pansamantalang matutuluyan,” paalam ni Donovan sa babae.
Ngunit muli ay pinigil sila nito. “Dumito na lamang kayo. Mayroon pa akong isang kubol sa loob na walang gumagamit. Hindi ko naman maaatim na ipagkait iyon sa inyo kung malalagay naman sa alanganin ang mga buhay ninyo.”
Labis ang pasasalamat nina Donovan sa babae. Hindi na nila kinakailangan pang makipagsapalaran sa dilim upang makahanap ng matutuluyan.
Pinapasok sila ng babae na nagpakilala sa pangalang Quintosh. Nang makapasok si Kirin na siyang nahuhuli sa grupo ay muling sinipat ni Quintosh ang paligid. Nang makasiguro siyang ligtas na ay isinara na niya ang pinto.
Namangha sina Donovan nang malaman na isa lamang palang lagusan ang kubol na kanilang pinasukan patungo sa mga kubol na nagsisilbing bahay-panuluyan ng mga manlalakbay.
Mayroong mga makukulay na lampara ang magkabilang gilid ng daan na kanilang nilalakaran. Ngunit ang mas nakapagpamangha kina Irene ay hindi apoy ang nagbibigay ng liwanag sa mga lampara kung hindi ay ang mga alitaptap na iba’t-iba ang kulay.
“Wow! This looks magical!” bulalas ni Irene.
Napakunot-noo naman si Quintosh sa narinig. Hindi kasi siya pamilyar sa wikang sinambit ng dalaga.
“Ah…ipagpaumanhin na po ninyo. Isip bata po kasi talaga ‘yang kasama namin eh,” pagtatakip ni Gantrick kay Irene.
Napahinga nang malalim ang binata ng ibalik na muli ni Quintosh ang kaniyang atensyon sa paglalakad. Mahinang siniko naman ni Ahura si Irene na alanganing napangiti lamang nang mapagtanto ang pagkakamaling nagawa.
Sa dulo ng daan ay bumungad sa kanila ang mga kubol na mayroong higit sa apat na metro ang layo sa bawat isa.
Nilapitan ni Quintosh ang pinakadulong kubol sa gawing kanan.
“Paumanhin ngunit ito na lamang ang bakanteng kubol sa aking panuluyan” sabi ni Quintosh.
“Huwag po ninyo itong alalahanin. Sapat na po sa amin ito, ang mahalaga lang naman ay hindi kami abutan ng dilim sa daan.” Magalang na tugon ni Irene.
“Magkano po pala ang aming babayaran para sa kubol na ito?” tanong ni Ahura na siyang may bitbit ng mga ginto at pilak na ipinagkaloob sa kanila ni Vector nang sila ay umalis sa Morag.
“Dahil kayo naman ay sama-sama sa iisang kubol ay apat na pirasong pilak lamang ang magiging kabayaran ninyo sa bawat gabing ilalagi ninyo rito,” imporma ni Quintosh.
Tinanguan naman ni Donovan si Ahura.
Agad na kumuha si Ahura ng labing-dalawang piraso ng pilak at ibinigay kay Quintosh na maligayang tinanggap naman iyon.
“Tatlong gabi po kaming mananatili rito. Kung sakaling kailanganin ay magdaragdag na lamang kami ng kabayaran sa inyo,”
“Nauunawaan ko. Mauuna na muna ako upang ipaghanda kayo ng inyong makakain. Kayo na lamang ang bahalang magsa-ayos ng inyong mga gamit sa loob ng kubol.”
At pagkatapos nga niyon ay mabilis na umalis ang babae at nagtungo sa kung saan.
“Sa palagay ba ninyo ay mapagkakatiwalaan natin ang babaeng iyon? Narinig niya na nag salita si Irene ng lengguwahe ninyo,” wika ni Kirin.
“Hindi ko rin alam, subalit wala na tayong iba pang pagpipilian. Narinig niyo naman siya mayroong mga halimaw sa labas sa paglubog ng araw. Mas makabubuti na rin na naririto sa loob at ligtas kaysa ang makipagsapalaran sa labas,” pahayag naman ni Donovan.
Makalipas ang isang oras ay muling nagbalik si Quintosh sa kubol nina Donovan bitbit ang mga pagkaing inihanda niya.
“Heto, maghapunan muna kayo! Libre ang mga ito para sa inyo.”
“Nako! Maraming salamat po. Nag-abala pa po kayo. Halina’t sabayan na ninyo kami,” anyaya ni Donovan kay Quintosh.
“Hindi na! mayroon din akong nilutong pagkain para sa akin. Nawa’y magustuhan ninyo ang mga inihanda ko para sa inyo,” mariing tanggi naman ng Ginang.
Ipinagtaka naman ni Ahura ang mariing pagtanggi ni Quintosh sa alok ni Donovan. Kaya naman noong lalantakan na sana nina Irene ang pagkain ay mabilis niyang pinigil ang dalaga.
“Huwag!”
“Bakit, Ahura?” nagtatakang tanong ni Irene.
“Wala akong tiwala sa babaeng iyon. Baka kaya siya tumatanggi kanina sa paanyaya ni Donovan ay dahil nilagyan niya ng lason ang pagkain natin,” tugon ni Ahura.
“Tumigil ka na nga. May sariling pagkain nga raw kasi iyong ale kaya hindi sasabay sa atin. Napaka nega nito!” naiinis na saad ni Irene.
Dahil nga nahihirapang kumbinsihin ni Ahura si Irene ay kay Donovan na siya humingi ng tulong.
“Oh, siya sige, para masiguro nating ligtas ang pagkain ay humanap kayo ng hayop riyan sa labas na pwede nating patikimin ng mga pagkaing ito.”
Sakto naman na napadaan ang isang wangis unggoy ngunit may apat na buntot na hayop sa harapan ng kanilang kubol. Nagawa nila itong mapalapit at maipatikim rito ang mga pagkaing inihanda ni Quintosh.
Naghintay sila ng ilan pang mga minuto bago ito muling pakawalan nang masiguro na wala ngang lason ang mga pagkain
“Oh, hindi ba? Sabi ko sa inyo ligtas ang mga pagkain na ito eh,” ani Irene kasabay nang paglantak sa mga nakahaing pagkain.
Sinundan na rin siya ng iba pa at magiliw nilang pinagpyestahan ang masarap na hapunan. May agam-agam man si Ahura ay hindi na rin niya napigilan ang kaniyang gutom.
Samantala, sa isang dako ng panuluyan ang wangis unggoy naman na hayop na siyang naunang nakatikim ng mga pagkain ay unti-unting nanghina at kinalaunan ay walang malay na bumagsak sa lupa.